“Ina sa Langit,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Ina sa Langit”
Ina sa Langit
Ang doktrina ng Ina sa Langit ay isang natatangi at kakaibang paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw.1 Tulad ng sinabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang ating teolohiya ay nagsisimula sa mga magulang sa langit. Ang ating pinakamatayog na adhikain ay maging katulad nila.”2 Bagama’t walang tala ng pormal na paghahayag kay Joseph Smith ukol sa doktrinang ito, ilang sinaunang kababaihang Banal sa Mga Huling Araw ay nakakaalala na siya mismo ang nagturo sa kanila tungkol sa isang Ina sa Langit.3 Ang mga pinakaunang nailathalang sanggunian sa doktrina ay lumitaw matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith noong 1844, sa mga dokumento na isinulat ng kanyang malalapit na kasamahan.4 Ang pinakatanyag na ekspresyon ng ideya ay matatagpuan sa tula ni Eliza R. Snow na pinamagatang “Ang Aking Ama sa Langit” at ngayon ay kilala bilang ang himnong “Aking Ama.” Ipinahahayag ng tekstong ito: “Sa langit ba, ang mga magulang, nag-iisa’t walang kasama? / Ngunit ayon sa katotohanan; /[Katotohanan ay katwiran—walang hanggan ang katotohanan] / Doo’y mayro’n akong Ina.“5
Ang mga sumunod na lider ng Simbahan ay tiniyak ang pagkakaroon ng isang Ina sa Langit. Noong 1909, itinuro ng Unang Panguluhan na “lahat ng lalaki at babae ay kawangis ng Ama at Ina ng lahat, at literal na mga anak ng Diyos.”6 Isinulat noong 1920 ni Susa Young Gates, isang kilalang lider sa Simbahan, na ang mga pangitain at turo ni Joseph Smith ay nagpapahayag ng katotohanan na “ang banal na Ina, [ay] kasama ng Ama sa Langit.”7 At sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na inilathala noong 1995, ipinahayag ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, “Bawat [tao] ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”8