“Pagkakaloob ng Kapangyarihan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pagkakaloob ng Kapangyarihan”
Pagkakaloob ng Kapangyarihan
Ang isang paghahayag kay Joseph Smith noong 1831 ay nag-atas sa mga naunang mga miyembro ng Simbahan na “h[um]ayo sa lahat ng Bansa” at tipunin ang Israel. Bago sila “ipadala,” nangako ang Panginoon na “magkakaloob” sa kanila “ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.”1 Ang ipinangakong pagkakaloob ay saklaw ang ilang pangyayari noong unang bahagi ng 1836, kabilang na ang isang panahon na tulad ng pagdiriwang ng mga Banal sa Pentecostes noong mga panahon ng paglalaan ng Bahay ng Panginoon sa Kirtland, Ohio. Bagamat kalaunan ay ipinakilala ni Joseph Smith ang isang ordenansa sa templo na tinawag din niyang kaloob o endowment, ang katagang “kaloob na kapangyarihan” ay madalas na nauugnay sa pagbuhos ng mga espirituwal na kaloob at panunumbalik ng mga susi ng priesthood sa Kirtland.2
Ang katagang “masangkapan ng kapangyarihan” ay nasa Lucas 24, nang nagbigay si Jesucristo ng isang huling utos sa Kanyang mga disipulo na mangaral sa lahat ng bansa. Ang mga alagad ay dapat magsimula sa Jerusalem, kung saan sila ay “ma[sa]sangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.”3 Naunawaan ng maraming Kristiyano ang pangakong ito na may kaugnayan sa mga kaloob ng Espiritu at unang natupad sa araw ng Pentecostes, na nakatala sa Mga Gawa 2.4
Isang dagdag na paghahayag kay Joseph Smith sa Kirtland ay nagpahiwatig na ang pagkakaloob ng kapangyarihan ay nangangailangan ng isang sagradong pagtitipon sa Bahay ng Panginoon.5 Si Joseph Smith at ang mga Banal sa Kirtland ay nagsakripisyo upang tapusin ang templo at ihanda ang kanilang sarili sa espirituwal para sa endowment o kaloob. Bahagi ng paghahandang ito ay ang seremonya ng paghuhugas at pagpapahid ng langis, simbolo ng paglilinis ng kanilang mga puso na tutulutan silang makipag-ugnayan sa Langit. Ilang buwan bago ang paglalaan ng templo, lumiham si William W. Phelps, “Inihahanda namin na maging malinis ang aming sarili, una sa paglilinis ng aming mga puso, pagtalikod sa aming mga kasalanan, pagpapatawad sa lahat ng tao; … nagsusuot ng malinis at disenteng mga damit, sa pagpahid ng langis sa aming ulunan at pagsunod sa lahat ng kautusan. ”6
Sa mga pagtitipon ng paglalaan sa templo noong Marso 27 at 31, 1836, at sa kapita-pitagang kapulungan noong Marso 30, si Joseph Smith at ang iba ay nag-ulat ng mga dakilang espirituwal na pagpapakita, kabilang na ang mga pangitain mula sa Langit at pagsasalita ng mga wika.7 Noong Abril, 3, nakaranas sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ng isang pangitain ni Jesucristo at pagdalaw ng ilang propeta mula sa Biblia.8 Tinutukoy ang mga karanasang ito na “isang Pentecostes at pagkakaloob sa katunayan,” di-nagtagal ay ipinadala ni Joseph sina Heber C. Kimball at ang iba pa sa unang mga misyon sa ibang bansa sa kasaysayan ng Simbahan.9