“Panunumbalik ng Aaronic Priesthood,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Panunumbalik ng Aaronic Priesthood”
Panunumbalik ng Aaronic Priesthood
Sa isang serye ng mga liham na inilathala noong 1834, itinala ni Oliver Cowdery ang pinakaunang detalyadong salaysay ng pagpapakita ni Juan Bautista kina Cowdery at Joseph Smith noong 1829 sa Harmony, Pennsylvania. Ayon kay Cowdery, ang pagbisita ni Juan Bautista ay dahil sa pagsasalin ng isang talata sa 3 Nephi na naglarawan kay Jesucristo na nagkakaloob ng awtoridad na magbinyag sa kanyang mga disipulo. Napaisip ang dalawang lalaki kung ang mga pagbibinyag ba sa paglipas ng mga siglo ay naisagawa sa pamamagitan ng wastong awtoridad. Naghahanap ng mga sagot sa mga tanong na ito, pumunta sila sa isang tagong lugar malapit sa bahay ni Joseph para magtanong sa Diyos. “Ang tinig ng Manunubos ay nangusap ng kapayapaan sa amin,” paggunita ni Cowdery, at isang anghel ang “bumaba na nadaramitan ng kaluwalhatian, at inihatid ang pinakahihintay na mensahe.”1
Nagpatotoo ang dalawang lalaki na lumuhod sila sa harap ng anghel, na pagkatapos ay “inilagay ang kaniyang mga kamay sa amin” at sinabi, “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron.” Bagama’t sila ngayon ay may awtoridad na na binyagan ang isa’t isa sa pamamagitan ng tubig, ipinahayag ng anghel na ang priesthood na ito ay hindi nagbibigay sa kanila ng awtoridad na magbigay ng kaloob na Espiritu Santo. Tiniyak sa kanila ng anghel na ang “kapangyarihan ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo” ay darating “sa takdang panahon.” Ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang si Juan, na “siya ring tinatawag na Juan Bautista sa Bagong Tipan,” at sinabi niya na siya ay kumilos “sa ilalim ng tagubilin nina Pedro, Santiago, at Juan, na may hawak ng mga susi ng Pagkasaserdoteng Melquisedec.” Sinabi nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na ang karanasang ito ay naganap noong Mayo 15, 1829.2 Nang matapos ang pangitain, pumunta sila sa kalapit na Susquehanna River at bininyagan ang isa’t isa.
Ang mga detalyadong salaysay mismo nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay isinulat pagkaraan ng ilang taon mula nang magpakita si Juan Bautista, ngunit kapwa ang inilathala at di-inilathalang mga dokumento na isinulat malapit sa petsa ng pangyayaring iyon ay nagpapatunay sa kanilang alaala. Halimbawa, isang hindi Mormon na pahayagan ang nag-ulat tungkol sa kuwento ni Cowdery na nakatanggap siya ng mga utos mula sa mga anghel ilang buwan makaraang ilathala ang Aklat ni Mormon.3 Kalaunan ay ipinaliwanag ni Joseph Smith na noong una, nag-atubili sila ni Cowdery na ibahagi ang mga detalye ng kanilang karanasan “dahil sa diwa ng pag-uusig” sa lugar.4
Ang salaysay ni Cowdery noong 1834 ay bahagi ng mga naunang pagsisikap ni Joseph na itala at ilathala ang kumpletong kasaysayan ng Simbahan. Sa kanyang unang nakasulat na kasaysayan, na inilathala sa Ohio noong 1832, nangako si Joseph na iuulat ang mahahalagang unang pangyayari pati na ang pagtanggap ng “banal na Pagkasaserdote” sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel.5 Ang mga pagsisikap sa paglalathala ay naantala sa simula nang wasakin ng mga mandurumog ang palimbagan ng Simbahan sa Independence, Missouri, noong 1833, at ang kasaysayan mismo ay sumailalim sa ilang pagbabago at pagtitipon sa buong buhay ni Joseph Smith. Sa ilalim ng pamamahala ni Joseph, pinagsama kalaunan ng mga klerk ang salaysay ni Cowdery kasama ang mga karagdagang impormasyon na ibinigay ni Joseph na ngayon ay makikita sa bahagi 13 ng Doktrina at mga Tipan at sa Mahalagang Perlas (Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–72).6
Kahit na ang mga katagang Pagkasaserdoteng Aaron ay hindi lalabas sa mga paghahayag ni Joseph Smith hanggang 1834, ang konsepto ng isang nakabababang pagkasaserdote na kaugnay ng isang nakatataas, o mataas, na pagkasaserdote ay binanggit sa Biblia at sa Aklat ni Mormon.7 Binanggit sa rebisyon ni Joseph Smith ng Exodo (na bahagi ng kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia) noong tag-araw ng 1832 ang pagkakahati sa pagitan ng mas mataas at mas mababang priesthood.8 Isang paghahayag na natanggap ni Joseph nang sumunod na Setyembre ang naglinaw na ang mababang priesthood, na ibinigay kay “Aaron at sa kanyang binhi,” ay tungkol sa “ panimulang ebanghelyo, kung aling ebanghelyo ay ebanghelyo ng pagsisisi at ng pagbibinyag, at ang kapatawaran ng mga kasalanan, at ang batas ng makalupang mga kautusan.”9
Nang unang inorganisa nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Simbahan noong unang bahagi ng 1830, hinati nila ang mga responsibilidad sa ilang mga katungkulan, na isinunod sa mga nakatala sa Biblia at sa Aklat ni Mormon. Ang mga katungkulang ito ay katulad ng sa ibang mga simbahan noong panahong iyon, na karaniwan ding isinasaayos ang kanilang kongregasyon alinsunod sa huwaran ng Bagong Tipan at may mga katungkulang tulad ng mga deacon, teacher, priest, elder, at bishop.10 Noong una, ang mga katungkulang ito sa bagong tatag na Simbahan ay hindi nauugnay sa Aaronic o Melchizedek Priesthood. Sa paglipas ng panahon, inutusan si Joseph Smith ng karagdagang mga paghahayag kung paano iaayon ang organisasyon ng Simbahan sa awtoridad ng priesthood, at pagsapit ng 1835, ang katungkulan at mga tungkulin ay mas naorganisa sa ilalim ng Aaronic at Melchizedek Priesthood.11
Mga Kaugnay na Paksa: Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood, Pagsasalin ng Aklat ni Mormon