Kasaysayan ng Simbahan
Restriksyon sa Priesthood at sa Templo


“Restriksyon sa Priesthood at sa Templo,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Restriksyon sa Priesthood at sa Templo”

Restriksyon sa Priesthood at sa Templo

Sa teolohiya at sa pagsasabuhay, niyayakap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pamilya ng sangkatauhan. Pinagtitibay ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga Banal sa mga Huling Araw na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak at ginagawang abot ng lahat ang kaligtasan. Lumikha ang Diyos ng maraming magkakaibang lahi at etniko at itinuturing silang lahat nang pantay-pantay. Tulad ng isinasaad sa Aklat ni Mormon, “pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”1 Ang istruktura at organisasyon ng Simbahan ay humihikayat sa pagsasama ng mga lahi. Ang mga miyembro ng Simbahan ng iba’t ibang lahi at etniko ay regular na naglilingkod sa tahanan ng isa’t isa at naglilingkod bilang mga guro, bilang lider ng mga kabataan, at sa napakaraming iba pang mga tungkulin sa kanilang mga lokal na kongregasyon. Ang gayong mga gawain ay ginagawa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang isang pananampalataya na kalahok ang lahat.

Sa kabila ng katotohanang ito ngayon, sa malaking bahagi ng kasaysayan nito—mula kalagitnaan ng ika-19 na siglo hanggang 1978—hindi nag-orden ang Simbahan ng mga lalaking may lahing itim na Aprikano sa priesthood nito o pinahintulutan ang mga lalaki o babaeng itim na makibahagi sa endowment sa templo o sa ordenansa ng pagbubuklod.

Noong unang dalawang dekada ng Simbahan, ilang itim na lalaki ang inordenan sa priesthood. Isa sa mga lalaking ito, si Elijah Able, ay lumahok din sa mga seremonya sa templo sa Kirtland, Ohio, at kalaunan ay nabinyagan bilang proxy para sa mga pumanaw na kamag-anak sa Nauvoo, Illinois. Walang maaasahang katibayan na pinagkaitan ang mga itim na lalaki ng priesthood noong panahon ni Joseph Smith.

Noong 1852 ay hayagang ipinahayag ni Pangulong Brigham Young na ang lalaking itim na may lahing Aprikano ay hindi na maaaring maordenan sa priesthood, bagama’t pagkatapos niyon ang mga itim na tao ay patuloy na sumapi sa Simbahan sa pamamagitan ng binyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Kasunod ng pagpanaw ni Brigham Young, ipinagbawal ng mga sumunod na Pangulo ng Simbahan sa mga itim na miyembro na matanggap ang endowment sa templo o maikasal sa templo. Sa paglipas ng panahon, isinulong ng mga lider ng Simbahan at mga miyembro ang maraming teorya upang ipaliwanag ang mga restriksyon sa priesthood at sa templo. Wala ni isa sa mga paliwanag na ito ang tinatanggap ngayon bilang opisyal na doktrina ng Simbahan.

Sa paglago ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo, ang pangkalahatan at pangunahing misyon nito na “magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa”2 ay tila lalong salungat sa mga restriksyon sa priesthood at sa templo. Pinagnilayan ng mga lider ng Simbahan ang pangakong ginawa ng mga propeta na tulad nina Brigham Young na balang araw ay matatanggap ng mga itim na miyembro ang mga pagpapala ng priesthood at ng templo. Noong Hunyo 1978, ang Pangulo ng Simbahan na si Spencer W. Kimball, ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay tumanggap ng paghahayag na nagpawalang-bisa sa restriksyon sa ordenasyon sa priesthood at ipagkaloob ang mga pagpapala ng templo sa lahat ng karapat-dapat na mga Banal sa mga Huling Araw, kapwa lalaki at babae. Itinanghal ang pahayag ng Unang Panguluhan tungkol sa mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan bilang Opisyal na Pahayag 2.

Ngayon, hindi tinatanggap ng Simbahan ang mga teoryang dating ipinalaganap na ang itim na balat ay tanda ng banal na galit o sumpa ng langit o na nagpapakita ito ng masamang pag-uugali sa premortal na buhay; na ang pagpapakasal ng magkakaiba ang lahi ay kasalanan; o na ang mga itim na tao ng kahit anong lahi o etniko ay mas mababa kaysa sa sino pa man. Ang mga lider ng Simbahan ngayon ay maliwanag na tumutuligsa sa rasismo, noon at sa kasalukuyan, sa anumang uri nito. Ang mga turo ng Simbahan kaugnay sa mga anak ng Diyos ay pinakamagandang naisambit ng isang talata sa ikalawang Aklat ni Nephi: “[Walang] … tinatanggihan [ang Panginoon] sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … pantay-pantay ang lahat sa Diyos, kapwa Judio at Gentil.”3

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan sa “Lahi at ang Priesthood.”

Mga Kaugnay na Paksa: Jane Elizabeth Manning James, Elijah Able