“B. H. Roberts,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)
“B. H. Roberts,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
B. H. Roberts
Si Brigham Henry Roberts (1857–1933) ay isang misyonero, iskolar, teologo, mananalaysay, at Pitumpu na nagsulat at nagtipon ng maraming aklat, kabilang ang unang kasaysayan ng Simbahan na binubuo ng maraming tomo at isang serye ng teolohiya para sa mga Korum ng Pitumpu. Nakipagtalo si Roberts sa mga kritiko ng Aklat ni Mormon, ipinagtitibay na ang katotohanang nilalaman ng aklat ay maaaring pumasa sa mahigpit na pagsusuring akademiko. Ang kanyang pag-aaral ay nagbigay sa kanya ng reputasyon bilang “tagapagtanggol ng pananampalataya.”1
Isinilang sa isang dukhang pamilya sa Lancashire, England, dumanas si Roberts noong bata pa siya ng buhay na inilarawan niya kalaunan bilang isang bangungot at kalunos-lunos, kung saan bahagi nito ay dahil sa bisyo ng kanyang ama na pagsusugal at paglalasing.2 Bahagyang bumuti ang kanilang buhay matapos sumapi ang kanyang mga magulang sa Simbahan, ngunit ipinasiya ng kanyang inang si Ann na makipaghiwalay sa kanyang ama at naglakbay patungong Teritoryo ng Utah upang sumama sa mga Banal sa mga Huling Araw na naroon. Dahil sa kakapusan ng pananalapi, hindi nagawang isama ni Ann ang lahat ng kanyang anak, kung saan naiwan si Roberts sa pangangalaga ng isang lokal na pamilya noong 1862. Noong 1866, nilisan ni Roberts ang Inglatera upang muling sumama sa kanyang ina at nabinyagan noong sumunod na taon.
Naglingkod si Roberts sa maraming misyon, kabilang na ang mga paglilingkod sa Southern at Eastern States Mission. Bumalik siya sa Southern States Mission bilang mission president nito noong 1883. Ang mga misyonero noong panahong iyon ay dumanas ng marahas na pagtuligsa sa katimugang Estados Unidos. Noong 1884, binaril at pinaslang sina William S. Berry at John H. Gibbs ng mga mandurumog na nakamaskara sa Tennessee na nakilala bilang Pamumuksa sa Cane Creek. Bilang gumaganap na pangulo ng mission, inatasan si Roberts na kunin ang mga bangkay ng mga pinatay na misyonero at tiyakin ang paghatid sa mga ito pabalik ng Utah para sa tamang paglilibing. Upang maprotektahan ang kanyang pagkakakilanlan, nagbalatkayo siya sa pamamagitan ng pag-ahit ng balbas at pagsusuot ng punit-punit na damit.
Tulad ng maraming kalalakihang Banal sa mga Huling araw noong huling bahagi ng siglo ng 1800, ikinulong si Roberts dahil sa pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa sa Utah. Makalipas ang limang buwan sa piitan at sa paglaya niya noong 1889, naging aktibo siya sa pulitika at naglingkod sa kumbensyon sa saligang-batas ng Utah ng 1895, kung saan pinagtalunan ng mga mambabatas ang isang panukala sa Kongreso ng Estados Unidos na maging ganap na estado ang Utah. Tinutulan ni Roberts ang karapatan ng kababaihan sa pagboto sa kabila ng pabor na pagboto dito ng kumbensyon dahil sa takot na ang pangulo ng Estados Unidos sa panahong iyon ay tututulan ang pag-apruba sa panukalang saligang-batas kung saan kasama ang karapatan sa pagboto ng kababaihan.3 Matapos maging estado ang Utah, tumakbo bilang kandidato sa Partido Democratic si Roberts at kalaunang nahalal sa Mababang Kapulungan noong 1898. Dahil sa patuloy na paghihinala ng bansa na nagsasabuhay pa rin ang mga Banal sa mga Huling Araw ng pag-aasawa nang marami, ipinagkait ng Mababang Kapulungan ng Estados Unidos kay Roberts ang kanyang puwesto sa Kongreso.4
Kilalang naglingkod si Roberts bilang pangulo ng Unang Konseho ng Pitumpu mula 1887 hanggang sa kanyang pagpanaw noong 1933, kung saan marami siyang naisulat na mga maimpluwensiyang akda. Itinuring niya ang kanyang mapag-adhikaing pagsisikap na pagtugmain ang lahat ng kanyang relihiyosong kaisipan at siyentipikong pang-unawa, ang The Truth, the Way, and the Life: An Elementary Treatise on Theology, bilang kanyang pinakamahalagang akda. Subalit nang pinagtalunan ng mga mambabasa sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang mga sinasabi ukol sa edad ng mundo, organikong ebolusyon, at walang hanggang pag-unlad, ipinasya ni Roberts huwag nang ilathala o repasuhin ang kanyang burador. Gayunpaman, inilathala ng Simbahan ang kanyang mga gawang pangkasaysayan. Ang kanyang edisyon ng pitong tomong History of the Church at ang kanyang anim na tomong Comprehensive History of the Church ay naging mahahalagang bahagi ng pangkasaysayang sulatin ng mga Banal sa mga Huling Araw sa natitirang bahagi ng ika-20 siglo.
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Kritiko ng Aklat ni Mormon, Mga Korum ng Pitumpu, Paglilitis kay Reed Smoot, Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika