Kasaysayan ng Simbahan
Pang-aalipin at Pagwawakas Nito


“Pang-aalipin at Pagwawakas Nito,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pang-aalipin at Pagwawakas Nito”

Pang-aalipin at Pagwawakas Nito

Nang inorganisa ang Simbahan noong 1830, mayroong dalawang milyong alipin sa Estados Unidos—humigit-kumulang na ika-anim na bahagi ng buong populasyon ng bansa. Sa loob ng tatlong siglo, ang mga babae at lalaki ay dinukot o dinakip bilang mga bihag ng digmaan sa Africa at itinawid ng Dagat Atlantiko, at ang mga Europeong Amerikano ay nagbigay ng iba’t ibang mga pagbibigay-katwiran upang sila at ang kanilang mga inapo ay gawing mga alipin. Noong 1808, ipinagbawal ng Estados Unidos ang transatlantic slave trade o ang pagdadala ng mga alipin sa Amerika mula sa Africa, subalit patuloy pa rin ang debate tungkol sa katayuan ng mga alipin sa bansa at ng kanilang mga inapo.

Unti-unting binuwag ang pang-aalipin sa mga Estado sa Hilaga noong huling bahagi ng ika-18 siglo at unang bahagi ng ika-19 na siglo, pati na rin sa mga unang sentro ng mga Banal sa mga Huling Araw sa New York at Ohio. Sa mga Estado sa Timog, kabilang ang Missouri, patuloy pa rin ang pang-aalipin at pagbebenta ng mga alipin. Maraming Amerikano ang sang-ayon sa pang-aalipin. Sa mga taong hindi sang-ayon dito, ang ilan ay nagtuon sa paglilimita sa paglaganap ng pang-aalipin, ang ilan naman ay umaasa na makikita nila ang unti-unting pagwawakas nito, at ang ilan—ilang hayagang magsalita na kilala bilang abolitionists—ay nanawagan para sa isang mas agaran at walang kundisyong pagwawakas sa pang-aalipin. Dahil ang pagpapalabis tungkol sa pagkakaiba ng lahi ay karaniwan noon sa pananaw ng mga Amerikano na may kaugnayan sa lipunan, siyensiya, at relihiyon, maraming mga abolitionists ang nagmungkahi na ibalik sa Africa ang mga itim na Amerikano sa halip na isama sila sa lipunan ng Amerika.

Kahit na karamihan sa mga unang nabinyagang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagmula sa mga Estado sa Hilaga at tumututol sa pang-aalipin, nakaapekto sa kasaysayan ng Simbahan ang pang-aalipin sa maraming paraan. Noong 1832, ang mga Banal sa mga Huling Araw na nanirahan sa Missouri ay sinalakay ng kanilang mga kapitbahay, na nag-akusa sa kanila ng “pakikialam sa aming mga alipin, at nagsisikap na magkalat ng pagtatalo at magpalaganap ng sedisyon sa kanila.”1 Noong taglamig na iyon, tumanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag na magsisimula ang isang digmaan dahil sa usapin ng pang-aalipin at ang mga alipin ay “babangon laban sa kanilang mga panginoon.”2 Nang sumunod na taon, ang mga pag-aalala na ang mga malayang itim na mga Banal ay magtitipon sa Missouri ay naging mitsa na nagdulot ng dagdag na karahasan laban sa mga Banal at nagdulot sa kanilang pagpapaalis mula sa Jackson County.3

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1830, sinikap ng mga Banal na ilayo ang kanilang mga sarili mula sa mga alitan ukol sa pang-aalipin. Inatasan ang mga missionary na huwag magturo sa mga inaliping kalalakihan at kababaihan nang walang pahintulot ng mga panginoon nito.4 Ang pahayagan ng Simbahan ay naglathala ng ilang artikulo na kritikal sa lumalaking abolitionist movement.5 Matapos palayasin ang mga Banal mula sa Missouri at manirahan sa Illinois, gayunman, unti-unting naging hayagan ang pagsasalita ni Joseph Smith laban sa pang-aalipin. Itinanong niya kung paano maaangkin ng Estados Unidos na ang “lahat ng tao ay nilikhang pantay-pantay” samantalang “dalawa o tatlong milyong mga tao ay bihag bilang mga alipin para sa buhay na ito, sapagkat ang espiritu sa mga ito ay tinatakpan ng balat na mas maitim ang kulay kaysa sa balat natin.”6 Bilang kandidato para sa pagkapangulo ng Estados Unidos noong 1844, nanawagan si Joseph sa pamahalaang pederal na wakasan ang pang-aalipin sa loob ng anim na taon sa pamamagitan ng paglikom ng salapi na gagawing pambayad sa mga dating may-ari ng mga alipin.

Nang lumipat ang mga Banal sa Utah, kapwa may mga malaya at inaliping itim na mga kasapi ng Simbahan. Sina Green Flake, Hark Lay, at Oscar Crosby, na mga miyembro ng unang 1847 pioneer company, ay naging alipin ng mga pamilyang Mormon sa panahon ng kanilang paglalakbay. Noong 1852, ang mga lider ng Simbahan na naglilingkod sa lehislatura ng Utah ay pinagtatalunan kung ano ang gagawin tungkol sa pagkaalipin ng mga itim na tao sa Teritoryo ng Utah. Sinabi nina Brigham Young at Orson Spencer na sinusuportahan nila na gawing legal at pangasiwaan ang pang-aalipin, na nagpapahintulot sa mga inaliping kalalakihan at kababaihan na madala sa teritoryo, subalit ipagbabawal ang pang-aalipin sa kanilang mga inapo at kakailanganin ang kanilang pagsang-ayon sa kahit na anong pagkilos. Ang pamamaraang ito ang magbibigay garantiya sa pagwawakas ng pang-aalipin sa teritoryo. Nagbigay si Apostol Orson Pratt ng isang madamdaming talumpati laban sa anumang kompromiso sa pang-aalipin: “[Ang] igapos ang African dahil iba ang kanyang kulay sa atin,” sabi niya, “[ay] sapat na para ang mga anghel sa langit ay mamula.”7 Nanaig ang posisyon nina Young at Spencer, at nagpahintulot ang lehislatura ng isang uri ng pang-aalipin sa mga itim na nangangailangan ng makataong pagtrato at kakayahan na tumanggap ng edukasyon.8

Sa loob ng dekada ng 1850, mayroong mga 100 itim na alipin sa Utah.9 Noong 1861, nagsimula ang Digmaang Sibil sa Estados Unidos dahil sa usapin ng pang-aalipin, tulad ng iprinopesiya ni Joseph Smith. Noong Hunyo 19, 1862, winakasan ng Kongreso ng Estados Unidos ang pang-aalipin sa mga teritoryo ng Estados Unidos, kabilang na ang Utah. Nang sumunod na taon, ang pangulo ng Estados Unidos na si Abraham Lincoln ay nilagdaan ang Emancipation Proclamation, nagpapahayag na ang pamahalaan ng Estados Unidos ay hindi na kinikilala ang pang-aalipin sa mga naghihimagsik na Estado sa Timog. Matapos ang digmaan, isang pagbabago sa konstitusyon ang nagbawal sa pang-aalipin sa buong Estados Unidos.

Mga Kaugnay na Paksa: Lahi at ang Priesthood

Mga Tala

  1. Ang liham ng mga mandurumog noong tag-init ng 1832 ay kalaunang inilimbag sa “To His Excellency, Daniel Dunklin, Governor of the State of Missouri,” The Evening and the Morning Star, tomo 2, blg. 15 (Dis. 1833), 114–16.

  2. Revelation, 25 December 1832 [DC 87],” josephsmithpapers.org.

  3. Tingnan sa Paksa: Karahasan sa Jackson County.

  4. Declaration on Government and Law, circa August 1835 [DC 134],” sa Doctrine and Covenants, 1835, 254, josephsmithpapers.org; “Letter to the Elders of the Church, 2 October 1835,” sa Latter Day Saints’ Messenger and Advocate, Set. 1835, 180, josephsmithpapers.org.

  5. Marami sa mga artikulong ito ay inilathala matapos lamang bisitahin ng isang abolitionist ang Kirtland, at ang mga alalahanin tungkol sa mga saloobin ng mga Mormon na kontra sa pang-aalipin at pabor sa mga American Indian ay humantong sa mga tensiyon sa mga kapitbahay ng mga bakwit na Banal sa Clay County, Missouri. Para sa mga halimbawa ng pagsisikap ng mga Banal sa Kirtland na ilayo ang Simbahan mula sa pagkilos ng mga abolitionist , tingnan sa Messenger and Advocate, tomo 2, blg. 7 (Abr. 1836), 289–91, 295–96, 299–301 at Messenger and Advocate, tomo 2, blg. 8 (Mayo 1836), 313–14. Para sa mga halimbawa ng mga panggigipit sa mga Banal sa Missouri at ang kanilang tugon, tingnan sa Messenger and Advocate, tomo 2, blg. 11 (Ago. 1836), 353–55, 359–61.

  6. Times and Seasons, tomo 5, blg. 10 (Mayo 15, 1844), 528.

  7. Orson Pratt, Speech, February 24, 1852, Church History Department Pitman Shorthand transcriptions, 2013–2017, Church History Library.

  8. Tingnan sa “An Act in Relation to Service” at “A Preamble and an Act for the Further Relief of Indian Slaves and Prisoners,” sa Legislative Assembly, Acts, Resolutions, and Memorials, Passed by the First Annual, and Special Sessions, of the Legislative Assembly, of the Territory of Utah (Salt Lake City: Brigham H. Young, 1852), 80–82. Para sa talakayan kung paano ang “An Act in Relation to Service” ay naging daan para sa unti-unting pagbuwag ng pang-aalipin sa mga estado sa hilaga, tingnan sa Christopher B. Rich Jr., “The True Policy for Utah: Servitude, Slavery, and ‘An Act in Relation to Service,’” Utah Historical Quarterly, tomo 80, blg. 1 (Taglamig 2012), 54–74.

  9. Nathaniel R. Ricks, “A Peculiar Place for the Peculiar Institution: Slavery and Sovereignty in Early Territorial Utah” (master’s thesis, Brigham Young University, 2007), 48.