Kasaysayan ng Simbahan
Spencer W. Kimball


Spencer W. Kimball

Naglingkod si Spencer W. Kimball bilang ika-12 Pangulo ng Simbahan mula Disyembre 1973 hanggang sa kanyang pagpanaw noong Nobyembre 1985. Isinilang siya noong 1895 sa mga magulang na sina Olive at Andrew Kimball at noong bata pa siya ay lumipat kasama ang kanyang pamilya sa Arizona kung saan hinirang ang kanyang ama na maglingkod bilang pangulo ng stake. Nagtapos sa mataas na paaralan si Spencer noong 1914 at, matapos maglingkod sa misyon sa gitnang Estados Unidos, pinakasalan niya si Camilla Eyring at nagsimulang magtrabaho bilang teller ng bangko at kalaunan ay bilang kasosyo sa negosyo ng insurance at real estate. Walong taon matapos isilang nina Camilla at Spencer ang kanilang ikaapat na anak, hinirang si Spencer bilang pangulo ng stake sa malaking lugar ng timog kanlurang Estados Unidos. Nang bumaha ang Ilog Gila noong 1941 at winasak ang mga tahanan at sakahan, pinangasiwaan ni Spencer ang pagtulong at nakipagtulungan kay Elder Harold B. Lee, isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at magiging Pangulo ng Simbahan, na namamahala ng programang pangkapakanan ng Simbahan noong panahong iyon.

Noong 1943, sa edad na 48,ay hinirang si Spencer sa Korum ng Labindalawang Apostol. Sa loob ng sumunod na 30 taon, naglingkod siya sa isang Simbahan na nagkakaroon ng mas malawak na abot sa ibayong dagat at nagkaroon ng espesyal na interes sa mga lugar na mabilis ang paglago at mainit na pagtanggap sa mensahe ng ebanghelyo. Noong 1946, inatas ng Pangulo ng Simbahan na si George Albert Smith kay Elder Kimball ang espesyal na tungkuling “alagaan ang lahat ng mga [American] Indian sa buong mundo,” na kinikilala noon ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang mga inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon. Sa maraming mensahe, ipinagdiwang ni Elder Kimball “ang araw ng Lamanita,” pinagtitibay kung paano ang mga pangako ng sinaunang tipan sa propeta ng Aklat ni Mormon na si Lehi ay tinutupad sa mga katutubong tao ng Americas at Pacific Islands. Habang nagsasagawa ng madalas na mission tour sa Hilaga, Gitna, at Timog America, naghanap siya ng mga kolaborasyon na makapagdadala ng suportang panrelihiyon, pang-edukasyon, at materyal para sa mga Banal sa mga Huling Araw na tinanggap ang pagkakakilanlang Lamanita. Kabilang din sa kanyang paglilingkod ang pagpayo sa mga miyembro ng Simbahan na nagtapat ng mabigat na kasalanan, at noong 1969, inilathala niya ang The Miracle of Forgiveness [Ang Himala ng Pagpapatawad], isang aklat tungkol sa paksa ng pagsisisi na binasa ng marami.

Sina Pangulong Spencer W. Kimball at Camilla Kimball

Sina Elder Spencer W. Kimball at Camilla Kimball habang sumasakay ng eroplano para sa isa sa maraming paglalakbay nila sa Timog Amerika noong dekada ng 1960.

Sa karamihan ng panahong naglingkod siya bilang General Authority, dumanas si Elder Kimball ng mga hamon sa kanyang kalusugan sa harap ng publiko. Isang operasyon noong 1957 para sa kanser sa lalamunan ang nagtanggal ng isa sa kanyang vocal cord, na nag-iwan sa kanya ng naiba, mas malalim, at mas mahinang boses. Ilang ulit din siyang inatake sa puso at, habang naglilingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1972, sumailalim siya sa open-heart surgery na isinagawa ng kalaunang naging Apostol at Pangulo ng Simbahan na si Dr. Russell M. Nelson. Ang determinadong pagkilos at nakikitang pag-uugali ni Kimball sa trabaho sa kabila ng halatang pisikal na paghihirap ay nagpamangha at nagbigay-inspirasyon sa kanyang mga kapwa lider ng Simbahan at mga Banal sa mga Huling Araw sa pangkalahatan.

Ang biglang pagpanaw ni Pangulong Harold B. Lee noong 1973 ay gumulat kay Pangulong Kimball, na mapagkumbabang nagpasalamat sa pagkakataong humalili sa isang “higanteng tao” gaya ng Pangulo ng Simbahan. “Isa lamang akong munting tao,” sinabi niya kay Elder Boyd K. Packer hindi nagtagal matapos siyang maorden bilang Pangulo ng Simbahan, “para sa isang napakalaking responsibilidad!” Ngunit gayunpaman ay nagpanatili si Pangulong Kimball ng napaka-aktibong bilis kung kaya ay nakilala siya bilang lider na masigasig na nagbibigay-diin sa pagkilos at pagsisikap. Sa isang seminar ng pagsasanay para sa mga kinatawan ng rehiyon, nagbigay siya ng isang masidhing mensahe na agad pumukaw ng atensyon ng mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako. “Nasisiyahan na ba tayo sa ginagawa nating pagtuturo sa buong mundo?” tanong niya. “Handa ba tayong dagdagan ang ating pagsisikap? Lawakan ang ating pananaw?” Nanawagan siya “sa lahat ng lalaking nasa tamang pangangatawan” na maglingkod bilang missionary, sa mga lider na palawakin ang lugar ng pag-iral ng Simbahan, at sa mga miyembro ng Simbahan na kusang simulan ang pagsasabuhay ng ebanghelyo. Mabilis na lumago ang gawaing misyonero at sumunod ang pagdami ng mga kongregasyon at templo.

Sina Pangulong Spencer W. Kimball at Camilla Kimball

Sina Pangulong Spencer W. Kimball at Camilla Eyring Kimball bago ang sesquicentennial broadcast ng pangkalahatang kumperensya mula sa Peter Whitmer log cabin, Fayette, New York, Abril 1980.

Sa isang press conference noong 1973, tinanong si Pangulong Kimball tungkol sa restriksyon na ipinapatupad noon na nagbabawal sa mga miyembro ng Simbahan na may lahing Itim na Aprikano na maorden sa priesthood o sa pakikilahok sa endowment sa templo o sa mga pagbubuklod sa templo. Sinabi niya na binigyan niya ang paksa ng “maraming pagninilay, maraming panalangin” at pinagtibay na anumang pagbabago ay dapat manggaling sa paghahayag mula sa Panginoon. Noong sumunod na limang taon, patuloy niyang hinangad ang tulong ng Panginoon, madalas na bumibisita nang mag-isa sa templo at nakikipagsanggunian sa ibang mga lider ng Simbahan. Noong ika-1 ng Hunyo 1978, sa isang pulong sa Salt Lake Temple kasama ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa, nanalangin si Pangulong Kimball para sa kalooban ng Panginoon ukol sa restriksyon, at umagos ang paghahayag sa propeta. Kalaunang sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, na naroroon, “tila ba isang daluyan ang nabuksan sa pagitan ng trono sa langit at ng nakaluhod at nagsusumamong propeta.” Nagkakaisa, hindi nagtagal ay inanunsyo ng Unang Panguluhan na bawat karapat-dapat na lalaki ay maaaring maorden sa priesthood at ang mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ay maaring makilahok sa lahat ng mga ordenansa sa templo. Ang paghahayag noong 1978 ay may agarang epekto sa Simbahan at sinimulang iorden sa priesthood ang mga lalaking miyembro ng Simbahan na may lahing Itim na Aprikano, pumasok sa mga templo ang mga Itim na kababaihan at kalalakihan, at pinalawak ang mga mission sa mga bagong lugar.

Makalipas ang kanyang ika-90 taong kaarawan, nagsimulang sumama ang kalusugan ni Pangulong Kimball. Noong kanyang mga huling araw, ikinuwento niya ang kanyang ina na pumanaw noong siya ay edad 11 taon. “Ang buhay ko ay patapos na,” sinabi niya sa isang nars. “Napakasaya niya, lubhang napakasaya.” Pumanaw siya noong Nobyembre 1985. Sa pagbuhos ng pakikiramay, maraming tao ang nagbahagi kung paano nila itinangi ang paglalambing, kababaang-loob, kasipagan, at pagkahabag ni Pangulong Kimball.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni Spencer W. Kimball, tingnan ang mga video ng Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.

Mga Kaugnay na Paksa: Restriksyon sa Priesthood at sa Templo, Paglago ng Gawaing Misyonero, Pagtatayo ng Templo, Pagkatao ng mga Lamanita, Indian Student Placement Program, Mga Sacrament Meeting, Broadcast Media

  1. Edward L. Kimball at Andrew E. Kimball Jr., Spencer W. Kimball: Twelfth President of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Salt Lake City: Bookcraft, 1977), 237.

  2. Tingnan sa Spencer W. Kimball, “Church Growth and Lamanite Involvement” (Brigham Young University devotional, Nob. 7, 1972), speeches.byu.edu.

  3. Tingnan sa Paksa: Pagkatao ng mga Lamanita.

  4. Edward L. Kimball, Lengthen Your Stride: The Presidency of Spencer W. Kimball (Salt Lake City: Deseret Book, 2005), 5–8.

  5. Spencer W. Kimball, “When the World Will Be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 5, 8.

  6. Tingnan sa Paksa: Pag-unlad ng Gawaing Misyonero.

  7. Tingnan sa Paksa: Restriksyon sa Priesthood at Templo.

  8. Kimball, Lengthen Your Stride, 209.

  9. Kimball, Lengthen Your Stride, 220–23.

  10. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan, Opisyal na Pahayag 2.

  11. Tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Lahi at ang Priesthood,” Gospel Library.

  12. Kimball, Lengthen Your Stride, 413.