Kasaysayan ng Simbahan
Masonry


“Masonry,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Masonry”

Masonry

Ang Freemasonry ay isang kapatiran ng mga kalalakihan na nagmula sa mga samahang pangkalakaran na nabuo sa Europa ilang siglo na ang nakararaan. Ang mga Freemason (o mga Mason) ay nagtitipon sa mga lodge, kung saan kanilang isinasadula sa isang ritwal ang isang kuwento batay sa maikling salaysay sa Biblia tungkol sa isang lalaking nagngangalang Hiram, na inatasan ni Solomon na gumawa sa templo sa Jerusalem.1 Sa pagsasadula, nagkakamit ng bagong antas ang mga Mason, gamit ang mga espesyal na pamamaraan ng pakikipagkamay, mga mahahalagang salita, at espesyal na kasuotan. Sa mga rituwal na Mason, namamanata sila na maging karapat-dapat sa pagtitiwala at maging tapat sa kanilang mga kapatid na Mason. Bukod pa sa pakikibahagi sa mga ritwal na ito, ang mga Mason ay nagtitipon, nakikibahagi sa mga aktibidad na nagpapatatag sa lipunan, at gumagawa ng mapagkawanggawang kontribusyon na may iba’t ibang layunin.

Ilan sa mga naunang Banal sa mga Huling Araw ay mga Mason. Sina Heber C. Kimball, Hyrum Smith, at iba pa ay kabilang sa mga Masonic lodge noong dekada ng 1820, at sumapi si Joseph Smith sa kapatiran noong Marso 1842 sa Nauvoo, Illinois.2 Hindi nagtagal matapos na siya ay naging isang Mason, ipinakilala ni Joseph ang endowment sa templo. Mayroong ilang pagkakatulad ang mga seremonyang Mason at endowment, ngunit mayroon ding malaking pagkakaiba sa kanilang nilalaman at layunin.

Kasaysayan ng Masonry

Walang batid na mga dokumentong Mason bago ang taong 1400. Ang mga pinakaunang talaan ay nagsasalaysay ng kuwento ng Masonry na nagsimula sa panahon ng Lumang Tipan. Ang pinakamatandang nananatiling mga tala ng pulong ng mga lodge ng Mason ay umaabot sa siglo ng 1600 at ipinapakita na ang organisasyon ay pangunahing nakatutok sa pagsasaayos ng larangan ng pagkakantero. Ang mga sumunod na tala ay nagpapakita na ang mga lodge ay unti-unting pinangunahan ng mga lalaki na hindi kantero. Binago ng mga miyembrong ito ang organisasyon mula sa pagiging isang samahan ng mga mula sa iisang larangan tungo sa pagiging isang kapatiran ng mga kalalakihan.

Nagsasalaysay ang mga Mason ng isang kuwento tungkol sa kung paano ang kanilang mga ninuno ay natuto ng pagkakantero, ginamit ang mga ito sa pagtatayo ng templo ni Solomon, pinrotektahan ang kinatatayuan ng templo, at pinag-ingatan ang kanilang kaalaman tungkol sa kanilang larangan bilang isang mahigpit na binabantayang lihim.3 Sa panahon ni Joseph Smith, ang hangganan sa pagitan ng naunang kasaysayang Europeo ng Masonry at ang mga mito ng pagkakatatag at mga tradisyon nito ay matagal nang naging malabo. Ang mga ritwal ng Freemasonry ay tila nagmula sa naunang makabagong Europa.4 Ang mga aspeto ng mga seremonyang ito ay may hawig sa mga seremonya ng relihiyon sa maraming kultura, noon at ngayon.5

Ang katanyagan ng Freemasonry ay umabot sa rurok sa Estados Unidos sa pagitan ng 1790 at 1826. Ang mga kilalang Amerikanong sina George Washington at Benjamin Franklin ay mga Mason, at ang mga kilalang pulitiko tulad nina Andrew Jackson at Henry Clay ay kalaunang nakibahagi sa kapatiran.6 Gayunpaman, ilang Amerikano sa panahon ni Joseph Smith ang nag-alala sa pagiging malihim at eksklusibo ng Masonry.7 Ang “kontra sa mga Mason” ay bumuo ng mga samahan, naglathala ng mga pahayagan, at, sa ilang panahon, ay nagtipon bilang isang pambansang partidong pulitikal.8 Sa kabila ng kilusang ito, lubhang naging kilala at lumaganap ang mga lihim na samahan gaya ng mga Mason sa Estados Unidos, at ang mga lodge ng Mason ay karaniwang itinatag sa mga malalaking komunidad.9

Masonry sa Nauvoo

Noong Disyembre 1841, mga 18 Mormon na Mason ang bumuo ng lodge sa Nauvoo. Sina Joseph Smith at 40 iba pa ay humiling na maging miyembro noong sumunod na araw. Noong Marso 15, 1842, ipinagkaloob ng Illinois Grand Master Mason na si Abraham Jonas ang opisyal na pahintulot upang maitatag ang Nauvoo Lodge, itinakda ang mga pinuno nito, at tinanggap sina Joseph at Sidney Rigdon sa antas na “Entered Apprentice” sa isang bahagi ng itaas na palapag ng Red Brick Store ni Joseph. Kinabukasan, iniangat ni Jonas sina Joseph at Sidney sa “Fellow Craft” at pagkatapos ay hinirang sila bilang mga “Master Mason.”10 Hindi ipinaliwanag ng mga pinagkukunan ng kasaysayan ang mga motibo ni Joseph Smith sa pagsapi sa mga Mason. Sa maraming lugar sa naunang Amerika, ang pinakamahalagang inihalal na mga opisyal ay mga Mason din. Sa pagsapi, maaaring inakala ni Joseph na magkakaroon siya ng isang pangkat ng mga kaanib na makapagbibigay sa kanya ng paraan upang magkaroon ng impluwensya sa pulitika at proteksyon laban sa pang-uusig. Matapos ipagkanulo ng ilan sa kanyang malalapit na kasamahan sa Missouri, maaaring nakita ni Joseph na kaakit-akit ang pagbibigay-diin ng mga Mason sa pagiging kumpidensyal at katapatan. Maaaring hinikayat din ng mga Mormon na Mason si Joseph na sumapi. Sa anumang pangyayari, si Joseph, tulad ng lahat ng mga Mason, ay maaaring naghayag na ang layunin niya sa pagsali ay para lamang magtamo ng kaalaman at makapaglingkod sa iba.11

Nauvoo Masonic Hall

Ang Nauvoo Masonic Hall.

Maraming Banal sa mga Huling Araw ang sumapi sa Lodge sa Nauvoo, na hindi nagtagal ay siyang naging pinakamalaki sa estado. Ang mabilis na paglaki na ito ay nagbunsod sa maraming mga Mason na maghinala na ang mga Mormon ay mangingibabaw sa organisasyon sa Illinois. Noong una, ang Grand Lodge ng estado ay patuloy na nagpahintulot na umiral ang Nauvoo Lodge, nagbibigay dito ng oras upang iwasto ang mga iregularidad sa pagtanggap nito sa mga bagong miyembro, ngunit noong Oktubre 1843, binawi nito ang pahintulot.12 Pagkatapos, nang pinaslang sina Joseph at Hyrum Smith sa Carthage noong Hunyo 1844, nadama ng mga Mormon na Mason na sila ay ininsulto at ipinagkanulo nang napansin ng mga saksi na may mga Mason sa mga mandurumog. Matapos marinig ang kuwento tungkol sa kanyang kamatayan, ilang miyembro ng Simbahan ay naniwala na marahil si Joseph ay nagpapahiwatig ng Mason na tawag ng pangamba sa kanyang huling sandali, na siyang nagdagdag sa pakiramdam ng pagkanulo sa mga Banal.13 Ang mga tensyon sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at mga Mason sa Illinois at sa mga karatig na lugar ay patuloy na lumala, at noong Oktubre 1844, pinutol ng Grand Lodge ang lahat ng ugnayan nito sa Lodge sa Nauvoo at mga miyembro nito. Gayunman, nagpatuloy ang mga Mason ng Nauvoo sa malayang pagpapatakbo ng kanilang lodge hanggang 1846, nang agarang nilisan ng mga Banal ang Illinois.14 Matapos dumating sa Utah, hindi na nagtatag ng mga bagong Masonic lodge ang mga Banal sa mga Huling Araw.

Masonry at ang Endowment

Noong Mayo 3, 1842, isinama ni Joseph Smith ang ilang lalaki upang ihanda ang lugar sa kanyang Red Brick Store kung saan nagtitipon ang mga Mason ng Nauvoo, “bilang paghahanda sa pagbibigay ng endowment sa ilang Elder.”15 Kinabukasan, ipinakilala ni Joseph ang endowment sa templo sa unang pagkakataon sa siyam na lalaki, na pawang mga Mason din.16 Isa sa mga lalaking ito, si Heber C. Kimball, ay sumulat tungkol sa karanasang ito sa kapwa Apostol na si Parley P. Pratt, na nasa misyon sa England. “Natanggap namin ang ilang mahahalagang bagay sa pamamagitan ng Propeta tungkol sa priesthood,” isinulat ni Kimball tungkol sa endowment, pinapansin na “mayroong pagkakatulad ang priesthood sa Masonry.” Sinabi niya kay Pratt na naniniwala si Joseph na ang Masonry ay “nagmula sa priesthood subalit ito ay napasama.”17 Si Joseph Fielding, isa pa sa mga Banal sa mga Huling Araw na tumanggap ng endowment at isa ring Mason, ay itinala rin sa kanyang journal na ang Masonry “ay tila isang paraan o paghahanda para sa ibang bagay,” na tumutukoy sa endowment.18

Kinilala ng mga Mormon sa Nauvoo na nakaranas kapwa ng mga ritwal na Mason at endowment ang pagkakatulad ng ilang bahagi ng dalawang seremonya, ngunit sila rin ay nagpatotoo na ang endowment ay bunga ng paghahayag. Si Willard Richards, na nagsusulat ng kasaysayan ni Joseph Smith, ay nagturo na ang pagpapakilala ng endowment sa Nauvoo ay “pinamamahalaan ng mga alituntunin ng Paghahayag.”19 Sina Joseph at kanyang mga kasamahan ay nauunawaan ang Masonry bilang isang institusyon na nagpanatili ng mga bakas ng sinaunang katotohanan.20 Kinilala nila ang mga pagkakahalintulad ng mga ritwal ng Mason at endowment ngunit napagtibay, batay sa karanasan nila sa dalawa, na ang ordenansa ay banal na ipinanumbalik.21

Ang pagbibigay-diin sa mga pagkakatulad sa pagitan ng mga estilo ng pagtuturo at panlabas na anyo ng Masonry at endowment sa templo ay nagpapalabo ng mahahalagang pagkakaiba sa kanilang layunin. Itinataguyod ng mga seremonyang Mason ang pagpapaunlad ng sarili, kapatiran, pag-ibig sa kapwa, at katapatan sa katotohanan para sa layunin ng paglikha ng mas mabubuting tao, na siya namang lilikha sa mas magandang lipunan.22 Sa mga ordenansa sa templo, ang mga lalaki at babae ay nakikipagtipan sa Diyos na susundin ang Kanyang mga batas para sa layunin ng pagtatamo ng kadakilaan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.23 Ang mga ritwal ng Mason ay nagbibigay ng mga hakbang-sa-hakbang na tagubilin gamit ang pagsasadula at mga simbolikong kilos at pananamit, na ang nilalaman ay batay sa mga alamat ng Mason. Gumagamit din ng kahalintulad na pamamaraan sa pagtuturo ang endowment, ngunit ang mga nilalaman nito ay nakabatay sa mga paghahayag at inspiradong pagsasalin na ibinigay kay Joseph Smith.

Isa pang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga ritwal ng Mason at ng endowment ay kung sino ang maaaring makilahok dito. Habang ang mga Mason ay may mga mahihigpit na patakaran tungkol sa kung sino ang maaaring makasama sa kapatiran, umasa si Joseph Smith na maibigay ang endowment “maging sa mga pinakamahina sa mga Banal” sa “lalong madaling panahon kapag handa na silang tumanggap nito, at isang angkop na lugar ang inihanda upang maipaalam ang mga [ito].”24 Alinsunod dito, sina Brigham Young at iba pang mga lalaki at babae na binigyan ng endowment ni Joseph bago ang kanyang kamatayan ang nangasiwa sa ordenansa para sa libu-libong Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo. Bukod pa rito, karamihan sa mga grupong Mason ay hindi isinasama ang mga babae.25 Si Joseph, sa kabilang banda, ay nagturo na mahalagang tumanggap ng endowment ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw. Maraming kababaihan sa Nauvoo ang naihanda para sa ordenansang ito sa pamamagitan ng kanilang paglahok sa Relief Society.26

May mga iba’t ibang paraan ng pag-unawa sa kaugnayan ng Masonry at ng templo. Ilang mga Banal sa mga Huling Araw ang nagbanggit ng mga pagkakahalintulad ng anyo at mga simbolo ng endowment at mga ritwal ng Mason at sa maraming mga sinaunang seremonyang panrelihiyon bilang katibayan na ang endowment ay panunumbalik ng isang sinaunang ordenansa.27 Napansin ng iba na ang mga ideya at institusyon sa kultura na nakapalibot kay Joseph Smith ay madalas mag-ambag sa proseso kung saan nagtamo siya ng paghahayag.28 Sa anumang pangyayari, ang endowment ay hindi lamang ginaya sa ritwal ng Freemasonry. Sa halip, ang pagkakakilala ni Joseph sa Masonry ay masasabing nagsilbing panimula para sa paghahayag. Ipinanumbalik ng Panginoon ang mga ordenansa sa templo sa pamamagitan ni Joseph Smith upang magturo ng malalalim na katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan at ipakilala ang mga tipan na nagtutulot sa mga anak ng Diyos na pumasok sa Kanyang kinaroroonan.

Mga Kaugnay na Paksa: Temple Endowment, Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith

  1. Ayon sa 1 Mga Hari 7:13–45, “At nagsugo ang haring Solomon, at ipinasundo si Hiram sa Tiro. Siya ay anak ng isang babaing balo sa lipi ni Nephtali” at siya ay bihasa sa paggawa gamit ang tanso. Sa alamat ng Masonry, kilala siya bilang si Hiram Abiff at hindi dapat mapagkamalang si Hiram na hari ng Tiro, na malinaw ding tumulong sa pagsuporta sa pagtatayo ng templo ni Solomon (tingnan sa 2 Samuel 5:11).

  2. Joseph Smith journal, Mar. 15, 1842, sa Journal, December 1841–December 1842, 91, josephsmithpapers.org.

  3. The Constitutions of the Free-Masons, Containing the History, Charges, Regulations, &c. of That Most Ancient and Right Worshipful Fraternity (Philadelphia: n.p., 1734).

  4. Margaret C. Jacob, The Origins of Freemasonry: Facts and Fictions (Philadelphia: University of Pennsylvania Press, 2006); David Stevenson, The Origins of Freemasonry: Scotland’s Century, 1590–1710 (Cambridge: Cambridge University Press, 1988); Arturo de Hoyos, pat., Albert Pike’s Esoterika: The Symbolism of the Blue Degrees of Freemasonry (Washington, DC: Scottish Rite Research Society, 2005).

  5. Tingnan sa Hugh Nibley, Temple and Cosmos: Beyond This Ignorant Present, pinamatnugutan ni Don E. Norton (Provo, UT: Foundation for Ancient Research and Mormon Studies, 1992), 419–23; William H. Stemper Jr. at Guy L. Beck, “Freemasons,” sa Lindsay Jones, pat., Encyclopedia of Religion, ika-2 ed. (New York: Thomson Gale, 2005), 3193–99.

  6. Steven C. Bullock, Revolutionary Brotherhood: Freemasonry and the Transformation of the American Social Order, 1730–1840 (Chapel Hill: University of North Carolina Press, 1996).

  7. Ang mga matatalik na kabigan ni Joseph na sina Martin Harris at William W. Phelps ay hindi pabor sa mga Mason. Diumano ay inakala ni Harris ang Aklat ni Mormon bilang kontra sa kalikasan ng mga Mason, tulad ng ginawa ng ilang unang kritiko ng aklat. Tingnan sa “Antimasonic Religion,” Geauga Gazette (Painesville, OH), Mar. 15, 1831; Alexander Campbell, Delusions: An Analysis of the Book of Mormon with an Examination of Its Internal and External Evidences, and a Refutation of Its Pretenses to Divine Authority (Boston: Benjamin H. Greene, 1832), 9–10. Ang maling pagkakaunawang ito ay maaaring batay sa binanggit sa Aklat ni Mormon tungkol sa karaniwang ginagamit na katagang “lihim na pagsasabwatan.” Tingnan sa Paul Mouritsen, “Secret Combinations and Flaxen Cords: Anti-Masonic Rhetoric and the Book of Mormon,” Journal of Book of Mormon Studies, tomo 12, blg. 1 (2003), 64–77, 116–18.

  8. David G. Hackett, That Religion in Which All Men Agree: Freemasonry in American Culture (Berkley: University of California Press, 2014), 111–24.

  9. Mark C. Carnes, Secret Ritual and Manhood in Victorian America (New Haven, CT: Yale University Press, 1989); Mary Ann Clawson, Constructing Brotherhood: Class, Gender, and Fraternalism (Princeton, NJ: Princeton University Press, 1989).

  10. Tingnan sa Glen M. Leonard, Nauvoo: A Place of Peace, a People of Promise (Salt Lake City: Deseret Book, 2002), 313–21.

  11. David Bernard, Light on Masonry: A Collection of All the Most Important Documents on the Subject of Speculative Free Masonry … (Utica, NY: William Williams, 1829), 16.

  12. Tingnan sa Brady G. Winslow, “Irregularities in the Work of Nauvoo Lodge: Mormonism, Freemasonry, and Conflicting Interests on the Illinois Frontier,” John Whitmer Historical Association Journal, tomo 34, blg. 2 (Taglagas/Taglamig 2014), 58–79.

  13. “The Murder,” Times and Seasons, tomo 5, blg. 13 (Hulyo 15, 1844), 585. Tingnan din sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball, an Apostle: The Father and Founder of the British Mission (Salt Lake City: Juvenile Instructor Office, 1888), 26–27.

  14. Kenneth W. Godfrey, “Freemasonry in Nauvoo,” sa Daniel H. Ludlow, pat., Encyclopedia of Mormonism, 4 tomo. (New York: MacMillan, 1992), 2:527–28.

  15. Lucius N. Scovil, “The Higher Ordinances,” Deseret Evening News, Peb. 11, 1884, 2.

  16. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume C-1 [2 November 1838–31 July 1842],” 1328, josephsmithpapers.org. Ang mga lalaki ay sina Hyrum Smith, Brigham Young, Willard Richards, Heber C. Kimball, William Law, William Marks, James Adams, George Miller, at Newell K. Whitney (Joseph Smith journal, May 4, 1842, sa Journal, December 1841–December 1842, 94, josephsmithpapers.org). Siyam ang siya ring pinakamababang bilang ng mga miyembro na kinakailangan upang magtatag ng isang chapter ng Royal Arch Masons. Ang Royal Arch Masonry ay binubuo ng isang serye ng mga nakatataas na antas ng mga Mason na isinasabuhay ng ilan sa mga Mason. Ang mga tumanggap ng antas na Royal Arch ay dumaraan sa isang tabing sa isang Holy of Holies at pumapasok sa “Holy Order of High Priesthood.” Hindi batid kung ano ang nalalaman ni Joseph Smith tungkol sa Royal Arch Masonry. May isang sangay ng Royal Arch sa Springfield noong 1841 at ang malapit na kakilala ni Joseph na si Newel K. Whitney ay isang Royal Arch Mason. Tingan sa Michael W. Homer, Joseph’s Temples: The Dynamic Relationship between Freemasonry and Mormonism (Salt Lake City: University of Utah Press, 2014), 245–49.

  17. Heber C. Kimball letter to Parley P. and Mary Ann Frost Pratt, June 17, 1842, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan. Si Kimball ay isang Mason sa loob ng halos dalawang dekada. Tingnan sa Steven C. Harper, “Freemasonry and the Latter-day Saint Temple Endowment Ceremony,” sa Laura Harris Hales, pat., A Reason for Faith: Navigating LDS Doctrine and Church History (Provo, UT: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2016), 143–57.

  18. Andrew F. Ehat, pat., “‘They Might Have Known That He Was Not a Fallen Prophet’—The Nauvoo Journal of Joseph Fielding,” BYU Studies, tomo 19, blg. 2 (Taglamig 1979), 145.

  19. Joseph Smith “History, 1838–1856, volume C-1 [2 November 1838–31 July 1842],” 1328–29; tingnan din sa Andrew F. Ehat, “‘Who Shall Ascend into the Hill of the Lord?’ Sesquicentennial Reflections of a Sacred Day: 4 Mayo 1842,” sa Donald W. Parry, pat., Temples of the Ancient World: Ritual and Symbolism (Salt Lake City: Deseret Book, 1994), 51. Isang paghahayag kay Joseph Smith noong Enero 19, 1841, ang naghikayat sa mga Banal na magtayo ng isang templo, upang “Aking maihayag ang aking mga ordenansa sa aking mga tao” (“Revelation, 19 January 1841 [D&C 124],” sa Book of the Law of the Lord, 6, josephsmithpapers.org; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan).

  20. Tingnan sa Benjamin F. Johnson, My Life’s Review (Independence, MO: Zion’s Printing and Publishing Co., 1947), 93.

  21. Heber C. Kimball letter to Parley P. and Mary Ann Frost Pratt, June 17, 1842. Ang pang-unawa ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw tungkol sa ugnayan ng Masonry at pagsamba sa templo ay makikita sa paglitaw ng mga simbolo na karaniwang may kaugnayan sa Masonry sa mga disenyo ng arkitekto na si William Weeks para sa Nauvoo Temple at ilang mga gusali ng mga Banal sa mga Huling Araw sa naunang Utah.

  22. Tingnan sa William Hutchinson, The Spirit of Masonry: In Moral and Elucidatory Lectures (New York: Isaac Collins, 1800), 125–34; tingnan din sa Steven C. Bullock, Revolutionary Brotherhood: Freemasonry and the Transformation of the American Social Order, 1730–1840 (Chapel Hill: University of North Carolina Press, 1996).

  23. Tingnan sa James E. Talmage, The House of the Lord: A Study of Holy Sanctuaries Ancient and Modern (Salt Lake City: Deseret News, 1912), 99–100; Russell M. Nelson, “Personal Preparation for Temple Blessings,” Ensign, May 2001, 32.

  24. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume C-1 [2 November 1838–31 July 1842],” 1328; tingnan din sa Joseph Smith journal, May 4–5, 1842, sa Journal, December 1841–December 1842, 94; tingnan din sa 94, tala 198. Habang halos lahat ng mga pangkat na Mason ay panlalaki lamang, may mga ilang pambabaeng lodge sa Europa noong ika-18 siglo. Tingnan sa Jan A. M. Snoek, Initiating Women in Freemasonry: The Adoptive Rite (Leiden, Netherlands: Brill, 2012).

  25. Margaret C. Jacob, The Origins of Freemasonry: Facts and Fictions, 92–129.

  26. Dalawang araw matapos naging Mason si Joseph Smith, inorganisa niya ang Female Relief Society ng Nauvoo sa kaparehong silid sa kanyang tindahan kung saan nagtitipon ang Nauvoo Lodge. Kung minsan ay gumagamit si Joseph ng mga salitang gamit ng mga Mason habang nagsasalita sa Relief Society. Halimbawa, hinikayat niya ang mga ito na “sumailalim sa isang masusing pagsusuri ng bawat kandidato,” ipinaliwanag na “ang Society ay dapat lumago nang paunti-unti,” at pinayuhan silang panatilihing kumpidensyal ang mga nilalaman ng isa sa kanyang mga liham tulad ng mga “mabuting mason.” Siya at ang iba ay madalas na tumutukoy sa ipinangakong endowment sa templo. Nauvoo Relief Society Minute Book, Mar. 17, 1842; Mar. 31, 1842; at “Copied Documents, March 31 and April 2, 1842,” churchhistorianspress.org; tingnan din ang pambungad sa “1.2 Nauvoo Relief Society Minute Book,” sa Jill Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, Matthew J. Grow, mga pat., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 24–25.

  27. Halimbawa, napansin ng mga tagasaliksik na mga Banal sa mga Huling Araw ang pagkakatulad sa pagitan ng mga damit sa ritwal na ginamit sa ilang bahagi ng sinaunang Egipto at sagradong kasuotan na ginagamit ng mga Banal sa mga Huling Araw kaugnay ng endowment. Tingnan sa C. Wilfred Griggs and others, “Evidences of a Christian Population in the Egyptian Fayum and Genetic and Textile Studies of the Akhmim Noble Mummies,” BYU Studies, tomo 33, blg. 2 (1993), 214–43. Para sa pag-aaral ng iba pang mga sinaunang ritwal ng mga relihiyon sa pagtanggap ng mga bagong kasapi, tingnan sa Hugh Nibley, The Message of the Joseph Smith Papyri: An Egyptian Endowment, ika-2 ed. (Salt Lake City: Deseret Book, 2005).

  28. Tingnan sa Samuel Morris Brown, In Heaven as It Is on Earth: Joseph Smith and the Early Mormon Conquest of Death (New York: Oxford University Press, 2012), 185; Harper, “Freemasonry and the Latter-day Saint Temple Endowment Ceremony,” 149–53.