Kasaysayan ng Simbahan
Mga Paghahayag ni Joseph Smith


“Mga Paghahayag ni Joseph Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Paghahayag ni Joseph Smith”

Mga Paghahayag ni Joseph Smith

Sa ministeryo ni Joseph Smith bilang propeta, tumanggap siya ng mahigit 100 paghahayag na itinala at kalaunan ay isinama sa mga banal na kasulatan.1 Ang karamihan ay ibinigay sa unang personang tinig ni Jesucristo, at karamihan sa mga ito ay makikita na ngayon bilang bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Natanggap ni Joseph ang kanyang unang paghahayag (ngayon ay Doktrina at mga Tipan 3) noong Hulyo 1828 at ang kanyang huling nakatala na paghahayag mga tatlong buwan bago siya namatay noong 1844.2 Sa halos bawat pagkakataon, ang mga paghahayag na ito ay mga sagot sa panalangin, minsan ay mga pakiusap ng ibang tao kay Joseph na magtanong sa Panginoon para malaman ang Kanyang kalooban hinggil sa kanila, at kadalasan ay paghahangad ni Joseph ng mga sagot sa mga katanungan o patnubay sa patakaran at administrasyon ng Simbahan. Ang naunang mga Banal sa mga Huling Araw ay madalas na kinikilala ang mga pormal na paghahayag ni Joseph mula sa kanyang iba pang mga isinulat sa pamamagitan ng pagtawag sa mga ito bilang “mga paghahayag,” “mga kautusan,” o “mga tipan.”3 Ang ilan sa mga paghahayag na ito ay hindi isinama sa mga banal na kasulatan ng Simbahan o inilathala noong buhay pa si Joseph Smith. Ito ay available na ngayon sa pamamagitan ng The Joseph Smith Papers.4

Bukod sa mga pormal na paghahayag, nag-iwan din si Joseph Smith ng mga salaysay ng mga pangitain, gumawa ng mga panalangin sa ilalim ng inspirasyon at mga sermon, at isinalin ang Aklat ni Mormon at ang Aklat ni Abraham at natapos ang isang bagong “pagsasalin” ng Biblia sa pamamagitan ng paghahayag.5

Karamihan sa mga paghahayag kay Joseph Smith na banal na kasulatan na ngayon ay ibinigay sa pagitan ng 1828 at 1835, noong itinatatag ang Simbahan. Sinagot ng mga paghahayag na ito ang mga tanong na kinakailangang masagot kaagad at naglatag ng pundasyon para sa Simbahan. Pagkatapos niyon, kakaunti na lang ang mga pormal na paghahayag na natanggap ni Joseph dahil ang mga opisyal, council, at korum ng Simbahan ay inasahan na pamahalaan ang Simbahan alinsunod sa mga paghahayag na ibinigay sa kanila at upang humingi sila ng karagdagang paghahayag sa loob ng kanilang sariling saklaw, o hurisdiksyon.

Inilarawan ni William McLellin, isa sa mga eskriba ni Joseph Smith, ang paraan ng pagtatala ng mga paghahayag: “Ang eskriba ay uupo sa may mesa, na may isang pluma, tinta at papel. Kapag naunawaan na ang paksang itatanong, magtatanong ang Propeta at Tagapaghayag sa Diyos. Espirituwal siyang nakakakita, nakaririnig, at nakadarama, at nagsasalita siya ayon sa dikta ng Espiritu Santo.” Patuloy na nagdidikta si Joseph Smith, naghihintay para sa eskriba “na isulat at basahin nang malakas ang bawat pangungusap” hanggang sa maghudyat si Joseph na ang paghahayag na ito ay tapos na sa pamamagitan ng pagsabi ng “Amen.”6 Si Parley P. Pratt, na nakasaksi sa pagtatala ng ilang paghahayag, ay nagsabing “kailanman ay walang anumang pag-aalinlangan, pagrerepaso, o pagbabasang muli, para tuluy-tuloy ang daloy ng paksa.”7 Ayon sa kanyang opisyal na kasaysayan, ginamit ni Joseph ang Urim at Tummim nang tanggapin niya ang ilan sa mga naunang paghahayag sa kanya, pero malinaw na tumanggap siya ng paghahayag nang walang gayong tulong pagkatapos ng Hunyo 1829.8