Kasaysayan ng Simbahan
Karapatang Bumoto ng Kababaihan


“Karapatang Bumoto ng Kababaihan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Karapatang Bumoto ng Kababaihan”

Karapatang Bumoto ng Kababaihan

Noong ika-19 na siglo, ang mga oportunidad na panlipunan at pulitikal para sa mga kababaihan sa karamihan ng mga bansa ay lubhang naiiba sa mga kalalakihan. Karaniwang hindi makamit ng mga kababaihan ang parehong karapatan tulad ng sa mga lalaki sa pamahalaan, pagmamay-ari ng ari-arian, edukasyon, trabaho, at pangangalaga ng mga anak. Yaong mga tumatakbo sa puwesto at bumoboto sa mga halalan ay halos pawang mga lalaki lamang.1 Gayunpaman, tumataas ang bilang ng kababaihan na nagsimulang makilahok sa buhay publiko sa Estados Unidos. Bumuo at sumapi sila sa mga mapagkawanggawang samahan at naging malaking puwersa sa mga kilusan upang hikayatin ang hindi pag-inom ng alak at wakasan ang pang-aalipin.

Noong Hulyo 1848 mahigit 300 panlipunang aktibista ang nagtipon sa Seneca Falls, New York, para sa dalawang araw na mga talumpati at debate sa mga tanong na may kaugnayan sa mga karapatang panlipunan at panrelihiyon ng kababaihan. Sa pagtatapos ng kombensyon, isinulong ni Elizabeth Cady Stanton ang isang Declaration of Sentiments, isang dokumento na tumutukoy sa panggigipit sa aspetong legal, pananalapi, edukasyon, at panlipunan sa kababaihan at hinihingi na pagkalooban ang kababaihan ng karapatang bumoto.2 Ang mga pulong tulad ng Seneca Falls Convention ay nagpausbong sa isang organisadong kampanya para sa karapatang bumoto, isang adhikain na kilala noon bilang “woman suffrage.”

Nagkamit din ng karanasan ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw sa sibikong pamumuhay kapwa sa Missouri at sa Illinois. Ang mga kababaihang ito ay nagpetisyon sa pamahalaan para sa bayad-pinsala matapos dumanas ng pag-uusig sa Missouri at nagpasimula ng pagtatatag ng Relief Society sa Nauvoo. Sa Utah, hinikayat ng mga lider ng stake at ward Relief Society ang kababaihan na ipahayag ang kanilang mga opinyon.3

Ang pagsalungat ng pamahalaan sa maramihang pag-aasawa ay nagbunsod ng pagkilos ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw sa pulitika noong dekada ng 1870.4 Halimbawa, sa Relief Society ng Ikalabinlimang Ward ng Salt Lake, tinawag ni Pangulong Sarah Kimball ang kababaihan nang sama-sama upang magpasiya kung paano tutugon sa nakabinbing pederal na batas laban sa poligamya. Idinagdag ni Bathsheba Smith, “Hinihingi natin sa gobernador ang karapatang bumoto.”5 Naniwala ang mga lider na ito na ang karapatang bumoto ng babae ang magiging daan sa mga Banal na pangalagaan ang kanilang mga kasal at kalayaan sa relihiyon. Hindi batid kung gaano kalalim ang mga gayong paniniwala, ilang pederal na aktibista na laban sa poligamya ang ikinatwiran na kung ipagkakaloob ang karapatang bumoto, boboto ang kababaihan ng Utah na gawing labag sa batas ang maramihang pag-aasawa.6

Noong 1870, sa pagkagulat ng buong bansa, bumuo ang lehislatura ng teritoryo ng Utah ng batas na nagkakaloob ng karapatang bumoto sa kababaihan, at ang kababaihan ng Utah ang naging una sa Estados Unidos na makibahagi sa halalan ng munisipyo.7 Sumapi rin ang kababaihan ng Utah sa pambansang kampanya sa karapatan ng kababaihan kasama ng mga lider sa karapatang bumoto na sina Elizabeth Cady Stanton at Susan B. Anthony, bagama’t ang ilan sa mga pambansang organisasyon ay tumutol sa pagsama ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw na nakikibahagi sa poligamya.8

Noong 1887 ay inalis ng pamahalaang pederal ang karapatang bumoto ng kababaihan sa Utah bilang bahagi ng laban sa poligamya na Batas nina Edmunds-Tucker (Edmunds-Tucker Act). Tumugon ang kababaihan ng Utah sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng Territorial Woman Suffrage Association, na determinadong mabawi ang kanilang ganap na karapatan. Sa sumunod na walong taon, nagplano sila ng mga aktibidad sa mga bayan at lunsod sa Utah, nagpadala ng mga miyembro sa mga pambansang kombensyon sa karapatan ng kababaihan, at hinikayat ang mga mambabatas ng teritoryo para sa kanilang muling pagkakaroon ng karapatang bumoto.9

Sa kombensyon ng konstitusyon ng 1895 sa Utah, pinagtalunan ng mga mambabatas kung isasama ang karapatang bumoto ng kababaihan sa kanilang panukala na maging estado sa Kongreso ng Estados Unidos. Si Orson F. Whitney, na kalaunan ay naging isang Apostol, ay sapilitang inendorso ang karapatang bumoto ng kababaihan. “Tadhana ng babae na magkaroon ng tinig sa mga gawain ng pamahalaan,” sinabi niya. “Siya ay nilikha para rito. Siya ay may karapatan dito.”10 Bumoto ang mga delegado ng kombensyon na pabor sa karapatang bumoto ng kababaihan, at nang ipinagkaloob ang pagiging estado makalipas ang ilang buwan, ang Utah ang naging ikatlong estado ng Union na nagbahagi ng pulitikal na pagkakapantay-pantay sa kababaihan. Noong 1920 ay natamo ng kababaihan ng Estados Unidos ang karapatang bumoto sa pamamagitan ng ika-19 na pagsususog sa Konstitusyon ng Estados Unidos.

Nagsimula rin ang paglawak ng karapatan sa pagboto ng kababaihan sa labas ng Estados Unidos noong ika-19 na siglo. Ilang mga bansa, teritoryo, estado, at kolonya ay nagsimulang ipakilala ang karapatan sa pagboto para sa ilang babae, karaniwan ang mga balo, diborsyado, may-ari ng ari-arian, o nagbabayad ng buwis. Noong 1893, ang New Zealand ay naging unang bansang umiiral na nagkaloob ng unibersal na karapatang bumoto para sa mga kababaihan. Ipinagkaloob ng ibang pamahalaan ang karapatang bumoto ng kababaihan sa kabuuan ng ika-20 at ika-21 siglo. Kamakailan lamang noong 2015, bumoto sa unang pagkakataon ang kababaihan ng Saudi Arabia.

Ang mga Banal sa mga Huling Araw, kapwa lalaki at babae, ay patuloy na nakikibahagi sa mga aktibidad sa komunidad at pulitika at aktibong nakikibahagi sa karapat-dapat na mga gawain upang mapalago ang kanilang mga komunidad alinsunod sa mga batas ng kani-kanilang pamahalaan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika.

  2. Carol Cornwall Madsen, “Introduction,” sa Carol Cornwall Madsen, pat., Battle for the Ballot: Essays on Woman Suffrage in Utah, 1870–1896 (Logan: Utah State University Press, 1997), 2–3.

  3. Tingan sa “Introduction,” sa Jill Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, at Matthew J. Grow, mga pat., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), xvii–xxxiv. Tingnan din sa Paksa: Pangkalahatang Pagsang-ayon.

  4. Tingnan sa mga Paksa: Maramihang Pag-aasawa sa Utah, Batas Laban sa Poligamya.

  5. Salt Lake Stake Fifteenth Ward Relief Society, Minutes 1868–1873, Jan. 6, 1870, Church History Library, Salt Lake City.

  6. Tingnan sa Madsen, “Introduction,” 6–7.

  7. Ang lehislatura ng Wyoming ang unang nagkaloob sa kababaihan ng karapatang bumoto, ngunit nagdaos ang Utah ng mga lokal na halalan bago ang Wyoming, kung kaya ang mga kababaihan sa Utah ang mga unang bumoto. Tingnan sa “Minutes of ‘Ladies Mass Meeting,’ January 6, 1870,” sa Derr at iba pa, The First Fifty Years of Relief Society, 305–10.

  8. Madsen, “Introduction,” 7–9.

  9. Emmeline B. Wells, “Utah,” sa Susan B. Anthony at Ida Husted Harper, mga pat., The History of Woman Suffrage, tomo 4 (Rochester: Susan B. Anthony, 1902), 936–56.

  10. Tingnan sa Maureen Ursenbach Beecher, Carol Cornwall Madsen, at Jill Mulvay Derr, “The Latter-day Saints and Women’s Rights, 1870–1920: A Brief Survey,” sa Madsen, Battle for the Ballot, 102. Para sa karagdagan ukol sa debate sa kapulungan ng karapatan ng kababaihan sa pagboto, tingnan sa Jean Bickmore White, “Woman’s Place Is in the Constitution: The Struggle for Equal Rights in Utah in 1895,” sa Madsen, Battle for the Ballot, 221–44.