“Pagsalungat sa Simbahan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pagsalungat sa Simbahan”
Pagsalungat sa Simbahan
Ang unang mga Banal sa mga Huling Araw ay gumawa ng malalaking sakripisyo upang magkasama-sama at bumuo ng isang lipunan na binigyang-inspirasyon ng Sion ni Enoc, kung saan ang mga tao ay “may isang puso at isang isipan.”1 Sa naunang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, sinabi ng Panginoon sa mga Banal, “Kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”2 Kadalasan, ang mga naunang miyembro ng Simbahan ay nakahahanap ng angkop na paraan para magpahayag ng magkakaibang opinyon, kung kaya’t napanatili ang pagkakaisa kahit na hindi sila nagkakasundo sa mga isyung panlipunan o ukol sa doktrina. Gayunman, may ilang mga pagkakataon kung saan ang mga indibiduwal o grupo sa loob ng Simbahan ay hindi sumasang-ayon, na nagdudulot ng matinding pakikipagtalo kay Joseph Smith o sa iba pang mga lider. Sa marami sa mga kasong ito, pinili ng mga hindi sumasang-ayon na humiwalay sa mga Banal. Para sa iba, sinunod nila ang matagal nang huwaran ng mga Protestante na pagtatayo ng kakumpitensyang simbahan o kongregasyon na mas sumasalamin sa kanilang mga paniniwala. Sa ilang pagkakataon, bagamat hindi lahat, itiniwalag ng mga konseho ng Simbahan ang mga sumasalungat dahil sa kanilang oposisyon sa Simbahan.3
Marahil ang pinakaseryosong insidente ng pagsalungat sa Simbahan ay nangyari noong bumagsak ang ekonomiya sa Kirtland noong 1837. Nang bumagsak ang Kirtland Safety Society (isang bangkong may kaugnayan kay Joseph Smith), isang grupo ng maimpluwensyang mga miyembro ng Simbahan ang nanawagan na palitan si Joseph Smith bilang lider ng Simbahan, at sa huli ay bumuo ng sarili nilang hiwalay at binagong simbahan. Sa matinding pagkakahati na sumunod, mga 10 hanggang 15 porsiyento ng mga miyembro sa Kirtland ang umalis sa Simbahan. Kabilang dito ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa at ang ilan sa mga saksi ng Aklat ni Mormon.4 Ginunita ni Caroline Barnes Crosby ang sakit ng panonood sa mga kaibigan na iwan ang pananampalataya: “Ang marami sa mga pinakamalapit naming kasamahan, ay kabilang sa mga nag-apostasiya,” isinulat niya. “Magkakasama kaming nagsanggunian, at naglakad papasok sa bahay ng Diyos bilang magkakaibigan. … Ako ay nakadama ng labis na kalungkutan, at kapanglawan, ngunit hindi nagkaroon ng ni isang ideya na umalis sa Simbahan, o talikuran ang propeta.”5
Ang mga kaso ng pagsalungat ng mga indibiduwal at mga grupo ay paminsan-minsang nangyari sa buong kasaysayan ng Simbahan. Kabilang sa kilalang mga halimbawa nito ang kawalan ng kasiyahan ng kalooban at pagkatiwalag sa ilang pangunahing mga pinuno sa Missouri noong 1838 at sa isang miyembro ng Unang Panguluhan sa Nauvoo, Illinois, noong 1844.6 Sa paglipas ng panahon, ang gawain ng Panginoon ay sumulong sa kabila ng pagpili ng mga taong hindi sang-ayon at kumalaban sa Simbahan. Kahit pagkatapos ng mga pagsalungat sa Ohio, Missouri, at Illinois, naghanda ang Panginoon ng iba pang mga miyembro ng Simbahan na maglingkod bilang kapalit ng mga taong tumalikod sa pananampalataya. Nakalulungkot man, maraming mga sumalungat ang hindi na bumalik kailanman sa Simbahan. Sa paglipas ng panahon, gayunman, marami rin ang nagbalik sa pakikipagkapatiran.7
Hindi lahat ng pagtatalo ay humahantong sa hindi-pagsang-ayon. Sa katunayan, ang malinaw na pagpapahayag ng magkakasalungat na pananaw, lalo na sa mga konseho, ay madalas na nagsisilbing paghahanda para sa paghahayag. Halimbawa, ang mga miyembro ng mga Konseho ng Limampu, isang grupo na may layuning pag-usapan ang iba’t ibang bagay na inorganisa ni Joseph Smith sa Nauvoo, ay may obligasyon na ibunyag ang mga problema sa isang plano na isinusulong at magtrabaho hanggang sa magkaroon ng pagkakaisa sa proseso ng pagdedesisyon. Ang isang dahilan kung bakit hindi nagtatagumpay ang mga grupo, itinuro ni Joseph Smith sa mga miyembro, ay “dahil sa kanilang organisasyon, hindi nila kayang magkaisa sa hindi pagkakasundo hanggang sa mahiwalay ang ginto mula sa bagay na hindi mahalaga sa pamamagitan ng proseso ng pag-iimbestiga.”8
Sa ilang pagkakataon, lalo na sa Digmaang Mormon-Missouri noong 1838, ang mga lider at miyembro ng Simbahan ay mariing binalaan o tinakot ang mga sumalungat. Pagkaraan niyon, gayunman, isang inspiradong liham mula kay Joseph Smith ang nagpayo sa matatapat na Banal na subukang impluwensyahan sa hinaharap ang kanilang mga kaibigan na lumihis “tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.”9 Kamakailan, hinikayat ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang mga miyembro ng Simbahan na igalang ang desisyon ng mga taong umalis sa Simbahan kahit na nagdadalamhati sa kanilang paglisan: “Maaaring malungkot tayo kapag lumalayo sila sa Simbahang minamahal natin at sa katotohanang natagpuan natin, ngunit kinikilala natin ang karapatan nilang sumamba sa Pinakamakapangyarihang Diyos ayon sa atas ng kanilang budhi, na karapatan din natin.”10
Kaugnay na mga Paksa: Sion/Bagong Jerusalem, Pagdisiplina sa Simbahan, Other Latter Day Saint Movements, Mga Saksi ng Aklat ni Mormon, Kirtland Safety Society