Kasaysayan ng Simbahan
Ikalawang Digmaang Pandaigdig


“Ikalawang Digmaang Pandaigdig,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)

“Ikalawang Digmaang Pandaigdig,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Malawakang itinuring bilang pinaka-mapaminsala at may pinakamalawak na epekto na tunggalian sa kasaysayan ng daigdig, nilamon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang bawat mamamayan ng mga kontinente at ang mga rehiyon ng mga dagat, isinangkot ang mahigit 100 milyong kasundaluhan, at kumitil nang humigit-kumulang 60 milyong katao.1

Kumplikado ang mga pinagmulan ng digmaan. Noong dekada ng 1930, ang mga tunggalian sa rehiyon ng Europa at Asya ay umigting at nagsimulang isama ang mga kolonya at kapanalig ng mga bansang nasasangkot.2 Noong 1939, dalawang grupo ang umusbong: ang Axis powers, na pinangungunahan ng Alemanya, Japan, at Italya; at ang Allied powers, na pinangungunahan naman ng China, Pransya, Unyong Sobyet, Inglatera, at Estados Unidos.3 Ninais ng Axis powers na palitan ang umiiral na pandaigdigang kaayusan ng isang bagong imperyo; nilayon naman ng Allied powers na ipagtanggol ang umiiral na kaayusan ng mga bansa at palakasin ang kanilang alyansa laban sa Axis.4 Nagsimula ang digmaan sa Europa matapos lusubin ng mga puwersang Aleman ang Poland noong Setyembre 1939. Nagwakas ito matapos ang halos anim na taon, noong 1945, sa pagsuko ng mga opisyal na Aleman noong Mayo at pagkatapos ay mga opisyal na Hapon noong Setyembre.5

Naranasan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang digmaan sa magkakaibang paraan at sa loob ng magkakaibang pinapanigang mga bansa. Sa paglalim ng banta ng digmaan sa Europa noong 1938, pansamantalang inilikas ang mga misyonerong naglilingkod sa Alemanya patungong Denmark at Holland, at sinimulang ihanda ng mga lider ng mission ang mga lokal na miyembro ng Simbahan para sa isang state of emergency. Ilang araw bago ang paglusob ng Alemanya sa Poland noong 1939, iniutos ng Unang Panguluhan ang paglikas ng lahat ng misyonero mula sa Hilagang Amerika na nasa Europa—halos 800 misyonero at 23 mission president at kanilang mga pamilya.6 Nang nagdeklara ang Inglatera at Pransya ng digmaan laban sa Alemanya bilang tugon sa paglusob, mga 20 hanggang 30 libong miyembro ng Simbahan ang naninirahan sa kontinente ng Europa, kung saan karamihan sa kanila ay nakatira sa sakop ng East at West German Mission. Ang mga sundalong Banal sa mga Huling Araw mula sa Inglatera, Canada, Australia, New Zealand, at South Africa ay nakisali sa mga naunang operasyong militar ng mga puwersang Allied. Sa mga sumunod na buwan, ang mga bagong lugar ng labanan ay umusbong sa Africa, Asya, Gitnang Silangan, at sa Pasipiko. Noong Hunyo 1940, naipit ang mga sundalong Banal sa mga Huling Araw sa paglikas mula sa Dunkirk sa Hilagang Pransya, kung saan ang ilan ay nadakip at napaslang. Ang mga miyembro ng Simbahan mula sa lahat ng panig ng digmaan ay nakaranas na makulong bilang mga bilanggo ng digmaan.7

Noong ika-7 ng Disyembre 1941, nilusob ng Impreyo ng Japan ang baseng militar ng Estados Unidos sa Pearl Harbor, Hawaii—isang nakakagulat na paglusob na mabilis na sinundan ng deklarasyon ng pakikidigma mula sa Estados Unidos, kung saan nakatira ang humigit-kumulang sa 90 porsyento ng mga miyembro ng Simbahan noong panahong iyon.8 Noong 1942, pansamantalang itinigil ng mga lider ng Simbahan ang paghirang sa mga full-time mission ng mga lalaking maaaring magpalista sa militar ng Estados Unidos at nagsikap na paramihin ang bilang ng mga kapelyan na mga Banal sa mga Huling Araw. Libu-libong Banal sa mga Huling Araw ang nagboluntaryo sa militar at hindi nagtagal ay ipinadala sa ibayong dagat, marami ang napilitang magpalista, at ang ilan naman ay tinutulan ang digmaan bilang masusugid na tumutuligsa dito.9

Winasak ng palagiang pambobomba sa Europa ang mga lugar na kontrolado kapwa ng mga puwersang Axis at Allied. Lubos na nagdusa ang buhay ng bawat pamilya—ang mga Banal sa mga Huling Araw na hindi kasama sa labanan ay laging nangangambang mapahamak at dumanas ng kakulangan sa pagkain. Nahirapan ang mga lokal na kongregasyon na punan ang kahungkagang naiwan ng mga tinawag na makipaglaban. Sa kabila ng karahasan at tila kakulangan ng suporta mula sa ibang mga Banal sa mga Huling Araw, nagpatuloy ang mga miyembro sa Europa na magtipon, magdaos ng mga kumperensya, at magsagawa ng tulong. Sa mga misyon, naglingkod ang mga lokal na kababaihan at kalalakihang Banal sa mga Huling Araw sa mas lumalaking bilang at tumulong na mapanatili ang mga kongregasyon at ipalaganap ang mensahe ng ebanghelyo.10

Madalas kilalanin ang Ikalawang Digmaang sa malawakang karahasan nito laban sa mga hindi mandirigma at mga bilanggo sa gitna ng tunggalian.11 Ang National Socialist German Workers’ Party (o Nazi Party), na pinangunahan ng Tsanselor ng Alemanya na si Adolf Hitler, ay nagpatupad ng pagpapakulong at pagpapaslang na karaniwang tinatawag na Holocaust, o Shoah, na nagdulot ng pagpaslang sa humigit-kumulang anim na milyong Hudyo at iba pang tinukoy na grupo kabilang ang mga Jehovah’s Witnesses, Sinti, Roma, mga bakla, mga may kapansanan, at kalaban sa pulitika.12 Ang mga kalupitan noong panahon ng digmaan ay hindi lamang sa Holocaust, dahil pinahirapan, pinag-eksperimentuhan, ginutom, at pinatay ng ilang iba pang bansang nakipaglaban ang bihag na mga sundalo at sibilyan. Malalaking bilang ng mga kababaihan ang nilapastangan.13 Ang mga sibilyan sa magkabilang panig ng labanan kung minsan ay sinasaktan ng mga puwersang militar upang hindi magkalakas-loob na lumaban.14 Ang International Military Tribunal na itinatag noong 1945 ng Inglatera, Pransya, Unyong Sobyet, at ng Estados Unidos ay nilitis ang mga opisyal na Nazi sa Nuremberg, Alemanya dahil sa mga krimen sa digmaan. Makalipas naman ang isang taon, ang International Military Tribunal for the Far East ay sinimulan ang mga paglilitis sa mga krimen sa digmaan laban sa mga inakusahang opisyal na Hapones.15

Dahil sa mga pagsisikap na palayain ang malaking bahagi ng Europa mula sa kontrol ng mga Aleman noong 1944–45, milyung-milyong tao ang nawalan ng mga tahanan at ang mga hangganan ng mga bansa ay naiba. Ang mga bagong teknolohiya at mga armas ay nagbunga ng malawakang pagkawasak. Kasama sa mga trahedya ng digmaan ang makapaminsalang paggamit ng bomba atomika ng Estados Unidos sa dalawang siyudad sa Japan. Hindi rin nakaligtas ang mga bansang walang kinikilingan sa mga epekto ng digmaan, at maraming taon ang binilang ng mundo upang makabangon mula sa pagbagsak ng ekonomiya. Ang ilang milyong nabuhay sa mga lugar ng mismong labanan ay patuloy na nagdusa dahil sa kawalan ng tirahan, matitinding pinsala, at kung minsan ay pananakop, kahit na natapos na ang digmaan.

Pagkatapos ng digmaan, iniulat ng Serviceman’s Committee ng Simbahan na halos 6,000 na mga Banal sa mga Huling Araw na kawal ang napatay, nasugatan, o idineklarang nawawala sa labanan. Mahigit sa 1,300 Aleman at Austrian na mga Banal sa mga Huling Araw ang namatay dulot ng pagkilos ng mga militar.16 Sa ilalim ng pamumuno ng noon ay si Elder Ezra Taft Benson, nagbigay-tulong ang Simbahan sa mga naghihirap na miyembro sa Europa noong mga taon matapos ang mga labanan.

Mga Kaugnay na Paksa: Unang Digmaang Pandaigdig, Servicemember Branches, Si Helmuth Hübener

  1. Gerhard L. Weinberg, A World at Arms: A Global History of World War II (Cambridge: Cambridge University Press, 1994), 3, 894.

  2. Sa John Ferris at Evan Mawdsley, mga pat., The Cambridge History of the Second World War, 3 tomo (Cambridge: Cambridge University Press, 2015), 1:4; John A. Vasquez, “The Causes of the Second World War in Europe: A New Scientific Explanation,” International Political Science Review, tomo 17, blg. 2 (Abr. 1996), 164–71.

  3. Sa Ferris at Mawdsley, mga pat., The Cambridge History of the Second World War, 1:22.

  4. Sa Ferris at Mawdsley, mga pat., The Cambridge History of the Second World War, 1:25–26.

  5. Evan Mawdsley, World War II: A New History, ika-2 ed. (Cambridge: Cambridge University Press, 2021), 79; Weinberg, A World at Arms, 888–93.

  6. Gilbert W. Scharffs, Mormonism in Germany: A History of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in Germany between 1840 and 1970 (Salt Lake City: Deseret Book, 1970), 91–93.

  7. James Perry, “Arthur Willmott of the Dunkirk Rear Guard,” uk.ChurchofJesusChrist.org/arthur-willmott-and-the-dunkirk-rear-guard; Colleen Whitley, “Prisoners of War: Minutes of Meetings of Latter-day Saint Servicemen Held in Stalag Luft 1, Barth, Germany,” BYU Studies, tomo 37, blg. 1 (1997), 206–17; Elizabeth Maki, “‘Out of Captivity’: German Prisoner of War Finds Home in British Branch,” Pioneers in Every Land, history.churchofjesuschrist.org/content/pioneers-in-every-land/out-of-captivity; Hermann Mossner, “Mormon Pioneers in Southern Germany,” sa Bruce A. Van Orden, D. Brent Smith, at Everett Smith Jr., mga pat., Pioneers in Every Land (Salt Lake City: Bookcraft, 1997), 74–85.

  8. Noong 1941 ay iniulat ng Simbahan na humigit-kumulang 82 porsyento ng mga miyembro nito ay nakatira sa mga stake, na lahat ay inorganisa sa loob ng Estados Unidos noong panahong iyon; tingnan sa “Statistical Report,” sa Conference Report, Apr. 1941, 11. Mahigit sa 90 porsyento ng mga miyembro ang nakatira sa Estados Unidos noong 1950; tingnan sa Brandon S. Plewe, pat., Mapping Mormonism: An Atlas of Latter-day Saint History (Provo, Utah: Brigham Young University Press, 2012), s.v., “The Church in 1950.”

  9. Patrick Q. Mason, “‘When I Think of War I Am Sick at Heart’: Latter Day Saint Nonparticipation in World War I,” Journal of Mormon History, tomo 45, blg. 2 (Abr. 2019), 6–8.

  10. Thomas E. McKay, “Report of Conditions in the European Missions,” sa Conference Report, Apr. 1941, 12–13; Thomas E. McKay, Remarks, Okt. 3, 1941, sa Conference Report, Okt. 1941, 44–47.

  11. Timothy Snyder, Bloodlands: Europe between Hitler and Stalin (London: Vintage Books, 2011), x.

  12. Laurence Rees, The Holocaust: A New History (New York: PublicAffairs, 2017), 120–28; Aristotle Kallis, Genocide and Fascism: The Eliminationist Drive in Fascist Europe (New York: Routledge, 2009), 198–200; Heather Panter, “LGBT+ Genocide: Understanding Hetero-nationalism and the Politics of Psychological Silence,” sa Yarin Eski, pat., Genocide and Victimology (New York: Routledge, 2021), 72–74.

  13. Jeffrey Burds, “Sexual Violence in Europe in World War II, 1939–1945,” Politics and Society, tomo 37, blg. 1 (2009), 35–73; Sabine Frühstück, “Sexuality and Sexual Violence,” kabanata 15 sa Michael Geyer at Adam Tooze, mga pat., The Cambridge History of the Second World War, 3 tomo (Cambridge: Cambridge University Press, 2015), 3:422–46.

  14. Alexander B. Downes, Targeting Civilians in War (Ithaca: Cornell University Press, 2008), 115–55.

  15. Mark Philip Bradley, “Making Peace as a Project of Moral Reconstruction,” sa Geyer at Tooze, mga pat., The Cambridge History of the Second World War, 3:540–44; “Postwar Trials,” Holocaust Encyclopedia, United States Holocaust Memorial Museum, https://encyclopedia.ushmm.org/content/en/article/war-crimes-trials.

  16. Roger P. Minert, “German and Austrian Latter-day Saints in World War II: An Analysis of the Casualties and Losses,” Mormon Historical Studies, tomo 11, blg. 2 (2010), 9; tingnan din sa Sarah Jane Weaver, “World War II: Preserving History of LDS in Conflict,” Church News, Hunyo 2, 2000, https://thechurchnews.com/archives/2000-05-27/world-war-ii-preserving-history-of-lds-in-conflict-118922.