Outmigration
Noong ikalawang bahagi ng ika-19 na siglo, ang karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw ay nakatira sa mahabang hilera sa Hilagang Kanlurang Amerika na umaabot mula Alberta, Canada, hanggang Utah, at patungo sa Colonia Juárez, Mexico. Ang mga naunang pagsisikap na tipunin ang mga Banal sa mga Huling Araw sa rehiyong ito ay nagsimulang bumaliktad bandang taong 1900 habang hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga bagong binyag na manatili sa kanilang sinilangang bayan sa halip na lumipat sa Kanlurang Amerika. Noong panahon ding iyon, ang mga oportunidad na pang-ekonomiya, pang-edukasyon, at pampamahalaan ay nagsimulang makaakit sa maraming indibiduwal at pamilyang Banal sa mga Huling Araw palayo sa Utah patungo sa maraming ibang lokasyon sa Estados Unidos. Binago ng “outmigration” na ito ang Simbahan sa mahahalagang paraan. Bagama’t may malaking populasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw na nanatili sa Utah at mga kalapit na estado, nagsimulang kumalat nang mas malawak ang mga kongregasyon ng Simbahan sa kabuuan ng bansa. Sa paglipas ng panahon, nagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw sa malalaking lunsod sa Amerika na humawak ng mga impluwensiyal na posisyon sa negosyo, pamahalaan, edukasyon, at iba pang mga sektor sa lipunang Amerika.
Maraming bagay ang naghikayat sa mga Banal sa mga Huling Araw na lumipat sa labas ng Utah noong simula ng ika-20 siglo. Mula nang dumating sila sa Intermountain West, tinangkang magtayo ng mga Banal sa mga Huling Araw ng isang temporal na kaharian ng Diyos sa rehiyong iyon. Sa loob ng maraming taon, hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang pagbili mula lamang sa mga kapwa miyembro ng Simbahan at na ilaan o ipahiram ang kanilang kapital at lakas sa kanilang mga ward, stake, at pamayanan. Sa kabilang banda, ang karamihan sa mga tao sa Estados Unidos ay bumuo ng ekonomiyang batay sa indibiduwal na oportunidad. Sa unti-unting pakikilahok ng mga Banal sa mga Huling Araw sa industriya at kalakalan sa Amerika, mas hinangad nilang magkaroon ng mga pagkakataong makapag-aral at makapagtrabaho nang propesyonal sa labas ng rehiyon ng kanilang kultural na tahanan.
Ang iba pang mga pangunahing puwersang pulitikal at ekonomikal ay nag-ambag din sa dagdag na outmigration. Ang mga batas laban sa poligamya noong dekada ng 1880 na sinundan ng pambansang pagbagsak ng ekonomiya noong dekada ng 1890 ay nagpahina sa kakayahan ng mga pamilya at komunidad na Banal sa mga Huling Araw na tustusan ang kanilang mga sarili, na nag-udyok sa marami na humanap ng trabaho sa ibang lugar. Simula noong 1900, binuksan ng mga pederal na proyekto para sa water reclamation ang mga bagong lupain sa kabuuan ng Kanlurang Amerika sa agrikultural na pag-unlad, na nagbigay ng pagkakataon sa mga magsasaka sa Utah na ilipat at palawakin ang kanilang mga pagsasaka, na nagsimulang lisanin ang maliliit na bayan. Nang inihalal si Reed Smoot sa Senado ng Estados Unidos noong 1903, inanyayahan niya ang marami sa kanyang mga kawani na humawak ng mga posisyon sa mga pederal na tanggapan sa Washington, D.C. Hinikayat ng kanilang mga karanasan ang ibang Banal sa mga Huling Araw na maghangad ng mga trabaho sa pamahalaan noong mga sumunod na dekada. Ang higit na oportunidad sa mas mataas na edukasyon at propesyonal na trabaho ay nakaakit din sa maraming young adult na lisanin ang Utah para sa Lunsod ng New York, Chicago, Los Angeles, San Francisco, at Washington, D.C.
Naging mas karaniwan ang outmigration noong ang mga Banal sa mga Huling Araw ay umanib sa mga puwersa ng militar at nagtrabaho sa mga industriya ng depensa noong dalawang digmaang pandaigdig. Makalipas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tumanggap ang mga beterano ng mga benepisyo sa ilalim ng G. I. Bill na kinabibilangan ng mga tulong sa matrikula. Biglang yumabong ang mga bayan ng kolehiyo sa pagsali ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga bata pang Amerikano sa pagkuha ng mga digri, at nabuo ang mga student ward sa paligid ng mga kampus ng mga unibersidad. Tinustusan din ng mga naglilingkod na miyembro ng militar ang mga branch ng Simbahan sa ibang bansa, kung saan ang mga expatriate foreign service worker ay karaniwang kumakatawan sa mga unang Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang bansa.
Pagsapit ng gitna ng ika-20 siglo, palaki nang palaking bilang ng mga bagong miyembro ang sumapi sa Simbahan sa mga lugar sa labas ng Utah at ng Estados Unidos. Sa pagitan ng 1923 at 1953, ang mga stake sa California, New York, Texas, at Washington, D.C., ay inorganisa—ang kauna-unahan sa kanilang mga estado at sa kabisera ng bansa—habang ang dumaraming internasyonal na transportasyon, pandaigdigang kalakalan, at mga paglawak ng mga misyon sa mga sumunod na dekada ay nag-ambag sa biglaang pagdami ng mga miyembro ng Simbahan at sa paglikha ng mga lumalaking stake sa buong mundo. Noong 1979, ang ika-1,000 na stake ay inorganisa sa Nauvoo, Illinois; makalipas ang labinlimang taon, ang ika-2,000 na stake ay inorganisa sa Lunsod ng Mexico; at noong 2012, ang ika-3,000 na stake ay inorganisa sa Sierra Leone.
Mga Kaugnay na Paksa: Pandarayuhan, Mga Pamayanan ng mga Pioneer, Mga Ward at Stake, Mga Servicemember Branch