Pananatili ng Pananampalataya Kahit Nag-iisa
Kapag ang digmaan, sakit, at iba pang mga pangyayari ay iniwan ang mga miyembro na nag-iisa sa bansa nila, ito ang ginawa nila upang manatiling nananampalataya.
Karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw ngayon ay sumasamba sa mga ward at mga branch, kung saan sila ay “madalas na nagtitipun-tipon upang mag-ayuno at manalangin, at makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng kanilang mga kaluluwa” (Moroni 6:5). Ngunit si Moroni, ang propeta na nagsulat ng mga salitang ito, ay ginawa ang kanyang pinakadakilang gawain nang siya ang mag-isang natirang disipulo matapos ang pagkalipol ng kanyang mga tao.
Sa kasaysayan ng Simbahan, maraming mga Banal sa mga Huling Araw ang nananatiling mag-isang nananampalataya kapag may mga pangyayaring nag-iwan sa kanila na nag-iisa. Ang ilan, tulad ni Moroni, ay namuhay bilang mga saksi at halimbawa para sa mga henerasyon sa hinaharap. Ang iba naman ay nabuhay upang makita ang araw na sila ay muling makapagbabahagi ng kanilang pananampalataya.
Nagdarasal sa Loob ng Maraming Taon Para sa Araw na Ito
Ni minsan ay hindi sumagi sa isip ni Františka Brodilová ang papel na gagampanan niya sa kasaysayan ng Simbahan nang ang isang missionary ay kumatok sa kanyang pintuan sa Vienna noong 1913. Isang taon makalipas ang kanyang binyag, napasailalim ng World War I ang Austro-Hungarian Empire, umuwi ang mga missionary, at maraming mga lalaking miyembro ang tinawag sa serbisyong militar, at naiwan si Františka at ang ilan pang mga babaeng miyembro para magmiting nang sila lamang.
Iyon ang tanging pakikipag-ugnayan ni Františka sa mga miyembro sa loob ng maraming taon. Matapos ang digmaan, ang asawa ni Františka, si František, ay pinangakuan ng isang pwesto sa bagong gobyerno ng Czechoslovakia. Matapos silang lumipat sa Prague, si Františka ang naging kaisa-isang miyembro ng Simbahan sa bansa. Makalipas ang ilang buwan, namatay si František, at si Františka ay naiwan na may dalawang batang anak na babae—sina Frances at Jane—na susustentuhan.
Mag-isa, itinuro ni Františka sa kanyang mga anak ang ebanghelyo. “Lumaki ako sa Simbahan,” paggunita ni Frances. “Ang simbahan ay ang tahanan namin!”1 Nagsulat din si Františka sa mga lider ng Simbahan sa Austria at nakiusap na magpadala ng mga missionary sa Czechoslovakia. Nag-atubili ang mga lider dahil ang huling missionary na ipinadala sa Prague, 40 taon ang nakalipas, ay ikinulong dahil sa kanyang pangangaral at pinaalis sa siyudad. Sa kabila ng bagong gobyerno, nangamba ang mga lider ng Simbahan na kaunti lang ang ipinagbago.
Hindi natitinag, patuloy na nagpadala ng mga sulat si Františka at nagdasal na maitatag ang isang mission. Noong 1928, matapos mapag-isa si Františka nang halos isang dekada, ang 83 taong gulang na si Thomas Biesinger—ang missionary na nangaral sa Prague 40 taon na ang nakalipas—ay bumalik. Tila natapos na ang pag-iisa ng pamilya. Gayunman, makalipas ang ilang buwan, ang paghina ng kalusugan ni Elder Biesinger ang nagtulak sa kanya na umalis sa bansa.
Pinanghinaan ng loob si Františka ngunit nagpasiya na patuloy na magpadala ng sulat sa mga miyembro at lider ng Simbahan sa ibang bansa. Ang pagtitiyaga niya ay nagantimpalaan: noong Hulyo 24, 1929, si Elder John A. Widstoe (1872-1952) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay dumating sa Prague kasama ang isang grupo ng mga missionary. Nang gabing iyon, si Františka at ang grupo ay umakyat sa isang burol malapit sa Karlštejn Castle, kung saan inilaan ni Elder Widstoe ang Czechoslovakia para sa pangangaral ng ebanghelyo at pormal na inorganisa ang isang mission. “Ilang tao lamang ang nakakaramdam ng kaligayahan na naramdaman namin,” sinulat ni Františka pagkatapos. Maraming taon [na] naming ipinagdarasal ang araw na ito.”2
Sa halos anim na buwan, nagmiting ang branch sa tahanan ni Františka. Sa huli, tinulungan ni Františka ang mga anak niyang babae na isalin ang Aklat ni Mormon sa Czech at naglatag ng pundasyon para sa Simbahan sa bayan na ngayon ay Czech Republic.
Tulad ni Františka, maraming mga Banal sa mga Huling Araw ang nagtiis ng pag-iisa. Ang sumusunod na mga lalaki at babae ay ilan sa mga naunang nagbahagi ng ebanghelyo at naglatag ng pundasyon ng Simbahan sa kanilang inang-bayan, na nagpahintulot sa iba na makibahagi sa pakikipagkapatiran ng mga Banal.
Ang Patuloy na Kaloob ng Tunay na Pananampalataya
Nang ang Japan Mission ay isinara noong 1924, naramdaman ng maraming miyembro na nawalan sila at pinabayaan. Ang pamumuno sa humigit-kumulang 160 mga miyembro sa Japan ay naiwan kay Fujiya Nara, ang namumunong elder sa bansa, na dahil sa kanyang trabaho sa railroad o riles ng tren ay maaari niyang bisitahin ang kalat-kalat na mga miyembro. Kapag hindi siya nakakabisita, nakikipag-ugnayan si Fujiya sa pamamagitan ng paglathala ng isang magasin na pinamagatang Shuro (Palm Leaf) kung saan nagbabahagi siya ng mga mensahe tungkol sa ebanghelyo at pinalalakas ang loob ng natitirang mga Banal sa sumunod na mahihirap na taon.
Matapos malipat si Fujiya sa Manchuria dahil sa kanyang trabaho at ang kanyang kapalit na namumunong elder ay biglaang namatay noong 1937, nawalan ng ugnayan ang mga miyembro sa Japan. “Kahit na wala kaming ugnayan sa Salt Lake City,” sabi ni Fujiya, “… may malakas kaming paniniwala na muling magbubukas ang Simbahan [dito].”3
Noong World War II, bumalik si Fujiya sa Tokyo, kung saan nangaral siya sa kanyang mga kapitbahay at nag-organisa ng lingguhan na mga miting sa Sunday School. Matapos ang digmaan, nakita ni Fujiya ang isang paunawa ni Edward L. Clissold—isang Banal sa mga Huling Araw na naglilingkod sa militar ng Amerika—na nag-iimbita sa mga miyembro sa bansa na makipag-ugnayan sa kanya. Mabilis na binisita ni Fujiya si Edward sa kanyang silid sa hotel. Nang dumalo si Edward sa mga miting ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Tokyo, nagulat siya nang makitang halos 100 tao ang dumalo.
“Sa lahat ng iyon,” sabi ni Fujiya pagkatapos, “ang pinakadakilang kaloob, at ang patuloy na kaloob, ay ang malaman at mayakap ang totoong pananampalataya—ang ibig sabihin nito ay ang makilala ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo.”4
Ang Pagtatatag ng Simbahan sa Hawaii
Si Jonathan H. Napela ay isang kagalang-galang na hukom sa isla ng Maui bago siya at ang kanyang asawang si Kiti ay nabinyagan noong 1851. Matapos mapilitan si Jonathan na magbitiw sa kanyang pagiging hukom dahil sa pagsapi niya sa Simbahan, inilaan niya ang kanyang lakas sa pagtatatag ng Simbahan sa mga nagsasalita ng Hawaiian. Tinuruan ni Jonathan ang missionary na si George Q. Cannon ng wika, tumulong na magsalin ng Aklat ni Mormon, at binuo ang unang programa para sa pagsasanay ng mga missionary sa kahit anong banyagang salita.
Dahil dito, mahigit sa 3,000 mga katutubong Hawaiian ang sumapi sa Simbahan sa loob ng tatlong taon. “Madali naming naunawaan na ito ang simbahan ng Diyos,” isinulat ni Jonathan. “Marami sa mga nasa isla na ito ang nagkaroon ng malakas na pananampalataya sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo, upang matanggap namin ang Espiritu Santo.”5
Noong 1872, nagkaroon ng ketong si Kiti Napela at kinailangang lumipat sa kolonya ng may mga ketong sa Moloka’i. Sa halip na manatiling kasama ng mga Banal, nakiusap si Jonathan sa kolonya na tanggapin din siya. “Sa kaunting nalalabing panahon,” sumulat siya sa kagawaran ng kalusugan, “Gusto kong makasama ang asawa ko.”6 Napagbigyan ang kanyang kahilingan, at si Jonathan ang naging branch president sa Moloka’i. Nakipagtulungang mabuti si Jonathan sa lokal na Katolikong pari, si Father Damien, upang magpaglingkuran ang lahat ng maysakit. Sa huli ay namatay si Jonathan dahil sa ketong na nakuha niya sa kolonya.
“Nagagalak akong maging kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos”
Tanging ang mga pamilya Friedrichs at Hoppe ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Argentina nang lumipat sila doon mula sa Germany noong mga unang taon ng 1920s. Sinubukan nina Wilhelm Friedrichs at Emil Hoppe na ibahagi ang ebanghelyo sa kanilang bagong bansa, namahagi ng mga polyeto at nag-anyaya sa iba na sumama sa kanilang mga miting. “Mayroon akong buong pagtitiwala sa aking Ama sa Langit na magpapadala Siya ng mga tapat na kaibigan na tatanggap ng Ebanghelyo,” sinulat ni William, “dahil nagagalak akong maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.”7
Gayunman, may mga makabuluhang hamon. Ang mga pamilya ay malayo sa isa’t isa at kinailangang bumiyahe nang dalawang oras upang magkita-kita. Dahil si Emil ay isang deacon at si Wilhelm ay teacher sa Aaronic Priesthood, hindi sila makapangasiwa sa mga ordenansa tulad ng sakramento o pagbibigay ng basbas ng priesthood.
Noong 1924, si Hildegarde Hoppe ay nagluwal ng isang batang babae, na namatay makalipas ang dalawang buwan. Sa kanyang pagluluksa, nagtanong si Hildegarde kung paano mapapabilang ang pangalan ng kanyang anak sa mga rekord ng Simbahan. Dahil dito, nagsimulang makipag-ugnayan si Wilhelm sa mga lider ng Simbahan sa Salt Lake City.
Makalipas ang isa’t kalahating taon, si Elder Melvin J. Ballard (1873–1939) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay ipinadala kasama ang ilang mga missionary upang matugunan ang lumalaking grupo ng mga nagbalik-loob sa Buenos Aires. Nang dumating sila noong Disyembre 1925, bininyagan ni Elder Ballard ang ilan sa mga naniniwala at nag-organisa ng isang branch. Sa araw ng Pasko, inilaan ni Elder Ballard ang South America para sa gawaing misyonero at inorganisa ang unang mission sa kontinente.
Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo sa Kanyang mga Tao
Sina Phillipe at Annelies Assard ay maginhawang namumuhay nang kumatok ang mga missionary sa kanilang pinto sa Köln, Germany, noong 1980. Agad nilang tinanggap ang ebanghelyo at naramdamang “napuspos sila ng biyaya.” Hindi nagtagal ay nakaramdam si Phillipe ng malakas na pagnanais na bumalik sa inang-bayan niya sa Côte d’Ivoire upang ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo. “Kaya noong 1986, matapos ang maraming mga dasal at pag-aayuno kasama ang asawa ko,” paggunita ni Phillipe, “nagpasiya akong bumalik sa Ivory Coast upang maibigay ang natanggap ko, upang mapabuti ang kalagayan ng aking pamilya at aking mga tao.”8
Bago umalis sa Germany, kumonsulta sa Phillipe sa mga lider ng Simbahan. Kahit na walang mga unit ng Simbahan sa Côte d’Ivoire, may ilang mga miyembro doon na sumapi sa Simbahan habang nasa ibang mga bansa. Ang mga Assard ay binigyan ng isang listahan ng kanilang mga pangalan at nang sumunod na taon ay masigasig na sinulatan ang bawat isa. Unti-unti, pinag-alab muli ng mga Assard ang kislap ng pananampalataya ng iba at nabigyan ng pahintulot na magsimulang magdaos ng mga miting tuwing Linggo sa kanilang tahanan. Sumunod ay nagkaroon ng mga ward at branch, at noong 1997 ang unang stake sa Côte d’Ivoire ay inorganisa.