2018
Nakakapagpabago ng mga Buhay ang Aklat ni Mormon
Hulyo 2018


Ang Aklat ni Mormon ay Nakakapagpabago ng mga Buhay

Nagkaroon ng pananampalataya ang mga convert na ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon.

couple reading the Book of Mormon

Paglalarawan ni Cody Bell

Ang Aklat ni Mormon ay tunay na isang kaloob na nilalayong ipaalam sa atin, na mga anak ng Diyos, ang tunay na ebanghelyo ni Jesucristo. Si Enrique Serpa Bustamante, isang miyembro mula sa Lima, Peru, ay itinuturing ang Aklat ni Mormon na mga liham mula sa isang mapagmahal na magulang: “Ang ating Ama sa Langit ay sumulat ng ‘mga liham’ sa pamamagitan ng mga propeta, nagpapayo, umaaliw, at pumapatnubay para sa ating ikabubuti at pinagpapala tayo sa lahat ng oras. Napakatalino ng Kanyang plano kaya alam Niya kung paano ibigay sa atin ang mga liham na iyon ng pagmamahal sa mismong oras na handa ang ating puso na maunawaan ang Kanyang mga pagpapala at Kanyang ebanghelyo.”

Narito ang ilang patotoo mula sa ilang convert sa buong mundo tungkol sa mga turo ng Aklat ni Mormon na partikular na mahalaga sa kanila nang una silang mag-aral tungkol sa Simbahan.

Isa Pang Tipan ni Jesucristo

Ezekiel Akeh

Nakakita ako ng kopya ng Aklat ni Mormon sa bahay ng aking pamangkin sa Ibadan, Nigeria. Dahil isa akong masugid na mambabasa, naging interesado akong maunawaan kung bakit sinasabi sa aklat na ito ay “isa pang tipan ni Jesucristo,” kaya kinuha ko ang aklat at binasa ito.

Ang subtitle na “isa pang tipan ni Jesucristo” ay nagbukas sa aking isipan sa posibilidad na may isang Tagapagligtas para sa lahat sa halip na Tagapagligtas lamang ng mga Israelita, na noon ay isang malaking problema sa akin. Dahil sa pagbisita Niya sa mga Nephita at pagtatakda ng Kanyang mga batas at ordenansa sa mga taong iyon, ninais kong alamin pa ang iba tungkol sa Kanyang ministeryo.

Naghikayat sa akin ang subtitile na iyon na pag-aralan pa ang tungkol sa Simbahan. Nadama ko ang Espiritu nang sundin ko ang mga paalalang nakasulat sa Aklat ni Mormon, tulad ng pagdarasal para malaman ko mismo ang katotohanan (tingnan sa Moroni 10:4). Alam ko na ngayon na buhay ang Tagapagligtas at mahal Niya tayong lahat.

Ezekiel Akeh, Idaho, USA

1 Nephi 8—Bungang “Higit pa sa Lahat ng Natikman Ko na”

Sa 1 Nephi 8:11–12, inilarawan ni Lehi ang bunga ng punungkahoy ng buhay na “napakatamis … , higit pa sa lahat ng natikman ko na. … Pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan.” Nang mabasa ko ang mga talatang ito, damang-dama ko na napaka-espesyal ng bungang ito at ginusto kong magkaroon din nito.

Labis kong nadama ang nadama ni Lehi. Naisip ko na kung ako si Lehi at may ganito ngang bunga, madarama ko rin ang nadama niya at gugustuhin ko talagang makakain din nito ang aking pamilya. Nadama ko na totoo ito lalo na para sa akin dahil ang mga magulang ko ay hindi pa miyembro ng Simbahan; kaya habang binabasa ko ang mga talatang ito ngayon, parang sinasabi nito ang nasa puso ko.

Alam ko na ang bungang ito ay espesyal, bago ko pa man nalaman na isinasagisag nito ang pag-ibig ng Diyos at ang Kanyang ebanghelyo. Kalaunan, nang maunawaan ko na ang kahulugan ng bunga, naisip ko na tumpak na tumpak ang pagkakalarawan dito sa mga banal na kasulatan.

Ang mga banal na kasulatan ay tunay na nagtatala ng mga katotohanan mula sa mga propeta at naglalaman ng salita ng Diyos.

Eun Jin Yeom, Gyeonggi, South Korea

Jacob 5:74—Isang Hangaring Maglingkod sa Diyos

Josef Gutierrez

Noong nag-aaral ako tungkol sa Simbahan, nabasa ko ang Jacob 5:74. Hindi ko na ito nalimutan mula nang mabasa ko ito. Buong buhay akong naging napaka-aktibong miyembro sa dati kong simbahan at noon pa ma’y hangad ko nang maglingkod sa Diyos. Inasam ko pang mag-aral ng pilosopiya at teolohiya para mapaglingkuran ko Siya. Nakapasa na ako sa aking mga entrance exam para mag-aral ng pilosopiya.

Ngunit hinding-hindi ko malilimutan nang una kong mabasa ang talatang iyon. Naaalala ko na iyon ang gabi pagkatapos ng unang pagdalo ko sa isang LDS Church service. Sa isa sa mga break sa pagitan ng mga klase, nakita ko sa bulletin board ang paghahayag na natanggap ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa pagbababa ng edad para makapagmisyon.

Nang mabasa ko ang Jacob 5:74 noong gabing iyon, nalaman ko na kailangan kong maglingkod sa Diyos. At kahit paano, nang tingnan ko ang mga missionary—ang dalawang binatang iyon na kaedad ko—na nagbibigay ng kanilang buhay para sa Kanya, nalaman ko na magagawa ko iyon sa gayong paraan. Noong gabi bago nagsimula ang sambang iyon sa Simbahan, nagpasiya na akong magpabinyag. Noong gabi pagkatapos ng samba, nagpasiya akong magmisyon. Umuwi ako nang marangal matapos maglingkod sa magagandang tao sa Philippines Cebu East Mission.

Josef Gutierrez, Batangas, Philippines

Ang Aklat ni Enos—Kapatawaran para sa mga Kasalanan

Jennifer Andreski

Nang una kong mabasa ang Aklat ni Mormon, hindi ko alam kung saan magsisimula. Nahihirapan akong magpatawad, lalo na sa aking sarili at malaman kung karapat-dapat akong mapatawad. Sinabi sa akin ng isa sa mga sister missionary na malalaman ko ang sagot sa mga banal na kasulatan at na kung hindi ko alam kung saan magsisimula, dapat ko iyong ipagdasal at naroroon ang mga talatang kailangan ko. Nagpasiya akong magbuklat at magbasa kung saan ako tumigil—sa Aklat ni Enos, mga talata 4–6. Nalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo sa sandaling iyon mismo matapos ko itong basahin.

Jennifer Andreski, California, USA

Mosias 27—Ang Pagkakataong Magbago

Maria Gracia Henrique Gonzalez

Nang una kong mabasa ang Aklat ni Mormon, ang bahagi ng Aklat ni Mormon na pinakagusto ko ay nasa Mosias nang talikuran ng anak ni Alma ang Simbahan at sinikap na wasakin ito. Ngunit nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanya—nadama niya ang Espiritu Santo at nanalig siya. Talagang gustung-gusto ko iyon dahil dapat bigyan ng pagkakataong magbago ang lahat ng tao.

Maria Garcia Henrique Gonzalez, Maule, Chile

Mosias 27:28–29—Kaligayahan at Pagtubos

Bilang isang bagong miyembro, napahanga ako sa Mosias 27:28–29. Nagpasalamat ako noon—at nagpapasalamat pa rin ako ngayon—na kinahabagan ako ng Panginoon at tinubos ako mula sa makasalanang buhay. Bago ako nabinyagan, akala ko ay masaya ako, pero walang katulad ang kaligayahang nadama ko nang tanggapin ko ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Noon ko lang nadama ang lubos na tiwala at katiyakan na may magandang kinabukasang nakalaan.

Matapos tanggapin ang paanyaya ni Alma na “lumapit at magpabinyag tungo sa pagsisisi, upang kayo rin ay maging kabahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay” (Alma 5:62), naranasan ko rin ang nakakaaliw at payapang paglayang naranasan ni Nakababatang Alma nang isulat niyang: “Ako ay nasa pinakamadilim na kailaliman noon; subalit ngayon namamasdan ko ang kagila-gilalas na liwanag ng Diyos. Ang aking kaluluwa ay pinahirapan ng walang hanggang parusa; subalit ako ay inagaw, at ang aking kaluluwa ay hindi na muling nagdusa” (Mosias 27:29). Ang talatang ito ay nagpaunawa sa akin na ang bagong panimula ko sa buhay at ang bagong tuklas kong kaligayahan ay nakasalalay sa pagkilala na si Jesucristo ang aking Tagapagligtas at aking Manunubos. Ngayo’y lubos akong nagpapasalamat na binayaran ng aking Tagapagligtas ang halaga ng katarungan at pinahihintulutan ako, nang paulit-ulit, na madama ang mapagtubos na pag-ibig na iyon tuwing nagsisisi ako.

Marie-Chantal Hogue, Ontario, Canada

Yaong Maliit na Aklat na Asul

Venu Bhaskar Nakka

Lumaki ako sa India, kung saan ko nakilala ang mga missionary at unang dumalo sa simbahan. Nagkataon na ang Linggong iyon ay Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay. Dahil sa iskedyul ng aking trabaho, nahuli ako sa pagdating sa simbahan at dumalo sa isang youth Sunday School class, kung saan isa sa mga missionary ang nagturo ng lesson. Binanggit niya ang ilan sa mga talata mula sa aklat na asul na hindi ko pa nakita kailanman ngunit kahalintulad ng Biblia. Habang siya ay nagtuturo, may kakaiba akong naramdaman sa aking puso at alam kong kailangan akong magkaroon ng aklat na ito.

Kaagad akong lumapit sa kanya pagkatapos ng klase at sinabi ko sa kanya, “Kailangan ko ang aklat na iyan.” Dahil sa pag-aari niya ang aklat, hindi niya ito maibigay sa akin, ngunit hinayaan niyang tingnan at hawakan ko ito. Nakita ko ang mga ginintuang salita sa harap: “Ang Aklat ni Mormon.” Nadama kong muli na kailangan ko ang aklat na ito para sa aking sarili. Kinuha ng missionary ang aking address at nangakong dadalhan niya ako ng isang kopya. Hindi nagtagal ay pumunta nga ang mga missionary sa bahay at binigyan ako ng sarili kong kopya ng Aklat ni Mormon. Nagsimula silang magturo sa akin ng mga lesson.

Sa taong iyon, nagdala ang Pasko ng Pagkabuhay ng isang kamangha-manghang biyaya sa buhay ko: ang Aklat ni Mormon. Nagbigay-buhay sa aking buhay yaong maliit na aklat na asul, at lubos akong nagpapasalamat na nagkaroon ako ng pagkakataong matuto mula rito.

Venu Bhaskar Nakka, California, USA