Ang Huling Bilin
Maaari Kang Maging Karapat-dapat sa Templo
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2016.
Lubos naming hinahangad na mamuhay ang mga miyembro ng Simbahan upang maging marapat na magkaroon ng temple recommend. Huwag nating isipin na napakahirap o imposibleng makapasok sa templo. Katulong ang kanilang bishop, magagawa ng karamihan sa mga miyembro ang lahat ng kabutihang kailangang gawin sa loob ng maikling panahon kung determinado silang maging karapat-dapat at lubos silang magsisisi sa mga kasalanan. Kabilang dito ang kahandaang patawarin ang ating sarili at huwag ituring na mga hadlang ang ating mga kakulangan o kasalanan sa pagkamarapat nating makapasok sa isang sagradong templo.
Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay isinakatuparan para sa lahat ng anak ng Diyos. Ang Kanyang nakatutubos na sakripisyo ay tumutugon sa hinihingi ng katarungan para sa lahat ng tunay na nagsisisi. Inilarawan ito ng mga banal na kasulatan sa isang napakagandang paraan:
“Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe” (Isaias 1:18).
“At hindi ko na aalalahanin [ang mga ito]” (Jeremias 31:34).
Tinitiyak namin sa inyo na ang pamumuhay ng mabubuting alituntunin ay magdudulot ng kaligayahan ng pamilya, kapanatagan, at kapayapaan sa inyo at sa inyong pamilya. Ang mga miyembro, kapwa matatanda at mga kabataan, ay pinatutunayan ang kanilang pagiging karapat-dapat kapag sinasagot nila ang mga tanong para sa temple recommend. Ang lubos na kailangan ay palakasin ang ating patotoo sa Diyos Ama, sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo at maranasan ang patnubay ng Espiritu Santo.
Dapat ninyong malaman kung gaano namin ninanais na gawin ng lahat ang mga pagbabagong kinakailangan upang maging marapat sa templo. Mapanalanging pagnilayan ang espirituwal na sitwasyon ninyo sa buhay, hingin ang patnubay ng Espiritu, at kausapin ang inyong bishop tungkol sa paghahanda ninyo para sa templo. Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Wala nang ibang mas mahalagang mithiing dapat ninyong pagsikapan kundi ang maging karapat-dapat na makapunta sa templo.”1
Dalangin ko na parangalan natin ang Tagapagligtas at baguhin natin ang kinakailangang baguhin upang makita ang ating sarili sa loob ng Kanyang mga sagradong templo. Sa paggawa nito, maisasakatuparan natin ang Kanyang mga banal na layunin at maihahanda ang ating sarili at ating pamilya sa lahat ng pagpapalang maipagkakaloob ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.