2018
Ang Aklat ni Mormon ay Naghahatid ng Kasaganaan
Hulyo 2018


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Aklat ni Mormon ay Naghahatid ng Kasaganaan

Mula sa “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 4–7.

May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat.

marking scriptures

Paglalarawan ni Bjorn Thorkelson

Hindi ba’t may nadarama tayo sa kaibuturan ng ating mga puso na naghahangad na mapalapit sa Diyos, na maging higit na katulad Niya sa ating buhay sa araw-araw, na madama sa tuwina ang Kanyang presensya? Kung gayon, ang Aklat ni Mormon ang tutulong sa atin upang magawa ito nang higit pa sa alinmang aklat.

Hindi lamang dahil itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon ang katotohanan, bagama’t ito nga ang ginagawa nito. Hindi lamang dahil nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon tungkol kay Cristo, bagama’t ito nga rin ang ginagawa nito. Mayroon pang iba. May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. Magkakaroon kayo ng karagdagang lakas para labanan ang tukso. Magkakaroon kayo ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang. Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas. Ang mga banal na kasulatan ay tinatawag na “mga salita ng buhay” (D at T 84:85), at wala nang iba pang aklat na higit na totoo kaysa sa Aklat ni Mormon. Kapag nagsimula kayong magutom at mauhaw sa mga salitang iyon, makikita ninyo na lubos na sasagana ang buhay. …

Ang mga pangakong ito—ibayong pagmamahal at pagkakasundo sa tahanan, malaking paggalang sa pagitan ng magulang at anak, mas malakas na espirituwalidad at kabutihan—ay hindi mga pangako na walang-kabuluhan, kundi ito ang siyang talagang ibig sabihin ni Propetang Joseph Smith nang sabihin niyang tutulungan tayo ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit sa Diyos.

Mahigit sampung taon na ang nakaraan nang ipahayag ko ang sumusunod hinggil sa Aklat ni Mormon:

“Nakabatay ba ang walang-hanggang ibubunga sa ginagawa natin sa aklat na ito? Oo, maaaring sa ating ikapagpapala o sa ating kapahamakan.

“Dapat pag-aralan ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang aklat na ito nang habambuhay. Kung hindi ay ipinapahamak niya ang kanyang kaluluwa at kinaliligtaan yaong bagay na mapagkakasundo ang espirituwal at intelektuwal na aspeto sa kanyang buong buhay. May pagkakaiba sa pagitan ng miyembrong nakasalig sa bato ni Cristo sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon at nananatiling nakahawak sa gabay na bakal na iyan, at sa taong hindi.”

“Huwag tayong manatili sa ilalim ng kaparusahan … sa pamamagitan ng pagbabalewala sa napakaganda at kahanga-hangang kaloob na ito na ibinigay sa atin ng Panginoon. Sa halip, kamtin natin ang mga pangakong kaakibat ng pagpapahalaga nito sa ating mga puso.