Pananampalataya na Sumulong
Mensahe mula sa Pioneer Day sunrise service na ibinahagi sa Tabernacle sa Salt Lake City noong Hulyo 24, 2007.
Taglay ang patotoo sa Panginoong Jesucristo, ang mga miyembro ng Willie handcart company ay sumulong sa kabila ng kahirapan at gutom.
Ang kuwento na nais kong ibahagi ay nagsimula sa isang luntiang kanayunan ng England, kung saan ipinanganak si John Bennett Hawkins sa Gloucester noong 1825. Bininyagan siyang miyembro ng Simbahan noong 1849 at sa taon ding iyon ay umalis patungong Amerika kasama ang isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw sakay ng barkong Henry Ware. Dumating siya sa Utah noong Agosto 1852 at naging isa sa mga pioneer na panday sa mga unang araw ng pagtira sa Utah.
Ang kanyang magiging asawa, si Sarah Elizabeth Moulton, ay nanggaling din sa isang kanayunan sa England. Ang Irchester ay isang maliit na nayong malapit sa Ilog Nene, mga 65 milya (105 km) sa hilaga ng London at halos ganoong distansya rin sa silangan ng Birmingham. Si Sarah Elizabeth ay ipinanganak doon noong 1837 kina Thomas Moulton at Esther Marsh. Ang nanay ni Sarah Elizabeth ay namatay nang siya ay dalawang taong gulang pa lamang, at noong 1840 ay pinakasalan ng kanyang ama si Sarah Denton.
Noong Hunyo 1837, si Elder Heber C. Kimball (1801–68) ng Korum ng Labindalawang Apostol at iba pang mga lider ng Simbahan ay nasa England at gumagawa ng gawaing misyonero. Kabilang sa mga bagong miyembro na naturuan ng mga missionary na ito ay isang pamilya na nagbigay sa mga Moulton ng kopya ng polyetong A Voice of Warning ni Elder Parley P. Pratt (1807–57) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa pagbasa nito, si Thomas at si Sarah ay naniwala at nabinyagan noong Disyembre 29, 1841. Noong panahon na iyon, dalawa pa lamang ang anak nila—si Sarah Elizabeth, apat na taong gulang; at si Mary Anne, pitong buwang gulang.
Ang diwa ng pagtitipon ay malakas sa puso ng mga bagong binyag sa Europa. Ang kanilang matinding hangarin ay ang makalipat sa Amerika, kung saan maaari silang makiisa sa karamihan ng mga Banal. Tulad ng maraming iba pa, hindi sapat ang pera ng mga Moulton upang tuparin ang hangaring ito. Ngunit matatag ang kanilang pananalig, at nagsimula silang mag-ipon ng pera sa isang garapon ng prutas.
Perpetual Emigration Fund
Noong 1849, pinasimulan ni Pangulong Brigham Young (1801-77) ang Perpetual Emigration Fund upang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na makapunta sa Amerika. Ang unang naglakbay gamit ang tulong ng pondo na ito ay gumamit ng wagon train, ngunit ang paraan ng transportasyong ito ay mabagal at may kamahalan. Kahit sa kabila ng tulong ng Perpetual Emigration Fund, kakaunti lamang ang nakapaglalakbay. Siniyasat ng mga lider ng Simbahan ang paggamit ng mga handcart at napag-alaman na ang mga ito ay magagawang mas mabilis at mura ang paglalakbay.
Sa panahon na iyon, pito na ang mga anak sa pamilya Moulton, ngunit gamit ang naipon nila mula sa garapon ng prutas, tulong ng Perpetual Emigration Fund, at mas murang paraan ng paglalakbay, ang kanilang pangarap na makalipat ay naging posibilidad. Para sa isang pamilya ng siyam na tao, maingat na pagpaplano ang kinailangan upang maghanda sa paglalakbay. Upang makaipon ng mas malaki para sa mga bilihin na kakailanganin nila, sila ay namuhay sa sebada (barley) na harina sa loob ng halos isang taon.
Habang papalapit ang araw ng kanilang pag-alis, nag-atubiling umalis si Thomas dahil buntis ang kanyang asawa. Ngunit si Sarah Denton Moulton ay isang babaeng may pananampalataya at hindi nagpapigil. Bago sila umalis sa England, ang isa sa mga missionary ay binigyan si Sarah ng basbas kung saan ipinangako niya na kung pupunta siya sa Utah, ligtas siyang makapaglalakbay at wala ni isa sa miyembro ng kanyang pamilya ang mawawala sa kanya—isang napakagandang pangako para sa isang pamilya na sa madaling panahon ay magiging sampu!
Ang pamilya, na naglayag mula sa Liverpool, England, noong 1856 sakay ng barkong Thornton, ay nagkaroon ng bagong anak na lalaki sa loob lamang ng tatlong araw ng kanilang paglalakbay. Ang Thornton ay inupahan upang magdala ng 764 na taga-Denmark, taga-Sweden, at taga-England na mga Banal. Sila ay napasailalim ng pamumuno ng isang missionary na nagngangalang James Grey Willie.
Makalipas ang anim na linggo, ang Thornton ay dumaong sa New York Harbor. Pagdating doon ang pamilya Moulton ay sumakay sa isang tren upang simulan ang mahabang paglalakbay pakanluran. Dumating sila sa Iowa City, Iowa, noong Hunyo 1856, kung saan nagmumula ang mga handcart company. Tatlong araw lamang bago sila nakarating, ang handcart company ni Kapitan Edward Bunker ay nagsimula ng kanilang paglalakbay mula sa Iowa City, at isinama ang karamihan ng mga handcart.
Mga Dulot na Sakit sa Ulo ng mga Handcart
Mga dalawang linggo ang nakalipas, sumama sa Willie company ang isa pang grupo ng mga Banal, sa ilalim ng pamumuno ni Edward Martin. Ang mga kinatawan ng Simbahan sa Iowa City, na nagpakahirap upang mabigyan ng kagamitan at mapaalis ang unang tatlong grupo ng handcart, ay nagkumahog ngayon sa paglalaan ng mga pangangailangan ng hindi inaasahang dami ng mga taong huling dumating. Kinailangan nilang gumawa ng 250 mga handcart bago makapagpatuloy sa paglalakbay ang mga Banal na ito.
Bawat taong may kakayahan ay pinagawa ng mga handcart, samantalang ang kababaihan ay gumawa ng dose-dosenang mga tolda para sa paglalakbay. Marami sa mga baguhan sa paggawa ng mga kariton ang hindi sumunod sa tamang detalye ngunit gumawa ng mga kariton na may iba’t ibang sukat at tibay, na mapatutunayang magiging sagabal sa kanila. Dahil sa pangangailangan, ang ilan sa mga handcart ay binuo mula sa luntian at batang mga kahoy, at sa ibang pagkakataon, gawa sa sariwang balat ng hayop at lata ang mga gulong nito. Ang bawat kariton ay nilagyan din ng pagkain at lahat ng mga materyal na gamit ng karamihan ng mga Banal.
Kadalasan, 400 hanggang 500 libra (180 hanggang 230 kg) ng harina, higaan, gamit sa pagluluto, at mga damit ang inilalagay sa bawat handcart. Tanging 17 libra (8 kg) ng personal na bagahe sa isang kariton ang pinayagan sa bawat tao.
Si Thomas Moulton at ang kanyang pamilya na 10 katao ay itinalaga sa pang-apat na handcart company, muli sa ilalim ng pamumuno ni Kapitan Willie. Ito ay binuo ng mahigit 400 mga Banal, na may higit sa karaniwang bilang ng matatanda. Isang ulat na ginawa noong Setyembre ng taong iyon ang naglista ng “404 na katao, 6 na bagon, 87 kariton, 6 na pamatok ng baka, 32 baka, at 5 buriko.”1
Ang pamilya Moulton ay pinayagang gumamit ng isang may takip at isang bukas na kariton. Si Thomas at ang kanyang asawa ang naghila ng may takip na kariton. Ang bagong silang na si Charles at kapatid na si Lizzie (Sophia Elizabeth) ang nakasakay sa kariton. Si Lottie (Charlotte) ay maaaring sumakay sa kariton kapag ito ay umuusad pababa. Ang walong taong gulang na si James Heber ay naglalakad sa likod na may nakataling lubid sa baywang upang hindi siya mapalayo. Ang isa pang mabigat na kariton ay hinila ng dalawang pinakamatandang babae—sina Sarah Elizabeth (19) at Mary Ann (15)—at ng magkapatid na sina William (12) at Joseph (10).
Noong Hulyo 1856, nagpaalam ang mga Moulton sa Iowa City at sinimulan ang 1,300-milyang (2,090 km) paglalakbay pakanluran. Matapos maglakbay ng 26 na araw, narating nila ang Winter Quarters (Florence), Nebraska. Tulad ng nakagawian, nagpalipas sila ng ilang araw doon, nag-ayos ng mga kariton at kumuha ng mga kagamitan dahil walang malalaking siyudad sa pagitan ng Winter Quarters at Salt Lake City.
Masyado nang huli sa panahon bago nakapaghandang umalis ang Willie company kung kaya’t nagkaroon ng isang konseho upang magpasiya kung aalis ba sila o mananatili hanggang sa tagsibol. Ang ilan na nasubukan nang bagtasin ang ruta ay mahigpit na nagbabala sa panganib na dala ng paglalakbay na huli sa panahon. Ngunit si Kapitan Willie at ang maraming miyembro ng grupo ay naramdaman na kinakailangan silang magpatuloy dahil wala silang titirhan sa panahon ng taglamig sa Florence.
Umuunting mga Probisyon
Kulang man sa probisyon o pagkain, sinimulan muli ng Willie company ang kanilang paglalakbay noong Agosto 18, iniisip na maaari silang magdagdag ng kagamitan sa Fort Laramie (hilaga ng kasalukuyang Laramie, Wyoming). Sa harap ng bantang natanggap nila, nagdagdag sila ng 100-libra (45 kg) na sako ng harina sa bawat kariton at nagtiwala na makakasalubong nila ang mga supply wagon na ipinadala mula sa Salt Lake City. Subalit, ang mga drayber ng mga supply wagon, na nag-akalang wala nang mga imigrante sa daan, ay bumalik sa Salt Lake City sa huling mga araw ng Setyembre, bago pa man sila naabutan ng Willie company.
Sa Florence, minarapat ng mga Moulton na mag-iwan ng isang kahon ng kagamitan dahil masyado nang mabigat ang kargadang kailangan nilang hilahin para sa isang pamilya ng sampung tao. Noong panahong iyon, nakapag-iwan na sila ng bagahe sa daungan sa Liverpool, isang kahon ng mga damit sa barko, isang baul ng damit sa New York City, at isang baul ng kagamitan na naglalaman ng karamihan sa kanilang mga personal na gamit sa Iowa City. Kahit sa daan ay nag-isip sila ng mga paraan para pagaanin ang kanilang mga dalahin.
Mahirap para sa mga nakakaranas ng kaginhawahan ng modernong pamumuhay na isipin ang araw-araw na paghihirap ng pamilya Moulton at ng iba pang kamangha-manghang mga lalaki at babae ng mga handcart company na iyon. Kaya ba nating isipin ang mga paltos sa kamay at paa, namamagang kalamnan, alikabok at pinong buhangin, sunburn, langaw at lamok, mga kawan ng mga kalabaw na nagtatakbuhan, at mga engkwentro sa mga Indian? Kaya ba nating isipin ang pagtawid sa mga ilog at ang pahirap na dulot ng buhangin at madudulas na mga bato habang sinisikap nilang padaanin ang mga kariton sa mabilis na agos o malalim na tubig? Kaya ba nating isipin ang kahinaan na nagmumula sa kakulangan ng sapat na pagkain?
Sa kanilang paglalakbay, ang mga batang Moulton ay pumunta sa mga sakahan kasama ang kanilang ina upang mamulot ng mga tira-tirang ligaw na trigo upang magdagdag ng pagkain sa kanilang mabilis na nauubos na mga suplay o probisyon. May panahon na ang pamilya ay mayroon lamang tinapay na sebada at isang mansanas kada tatlong tao sa isang araw.
Bago magtakip-silim noong Setyembre 12, isang grupo ng mga missionary mula sa British Mission ang dumating sa kampo. Sila ay pinamunuan ni Elder Franklin D. Richards (1821–99) ng Korum ng Labindalawang Apostol, na kalolo-lolohan ng aking asawa. Nang makita ni Elder Richards at ng mga kasama niya ang paghihirap ng handcart company, nangako silang mabilis na babalik sa Salt Lake at magpapadala ng tulong sa lalong madaling panahon.
Noong Setyembre 30, narating ng Willie company ang Fort Laramie, Wyoming, 400 milya (645 km) sa silangan ng Salt Lake City.
Sa umpisa ng Oktubre, nagsimula ang taglamig, at mabilis na nadagdagan ang paghihirap sa pagsisikap ng grupo na magpatuloy. Napakakaunti na ng mga probisyon kung kaya’t napilitan si Kapitan Willie na ibaba ang mga rasyon sa 15 onsa (425 g) ng harina para sa mga lalaki, 13 onsa para sa mga babae, 9 na onsa para sa mga bata, at 5 onsa para sa mga bagong silang. Di magtatagal haharapin nila ang malalakas na hangin at sunud-sunod na pagbagsak ng niyebe. Sa umaga ng Oktubre 20, ang niyebe ay 4 na pulgada (10 cm) ang lalim, at ang mga tolda at takip ng bagon ay nangasira dahil sa bigat nito. Limang miyembro ng grupo at ilang mga hayop ang namatay sa lamig at gutom isang gabi bago dumating ang bagyo, at lima pang mga miyembro ang namatay nang sumunod na tatlong araw. Sa pagpapakain muna sa mga babae, bata, at maysakit, karamihan sa malalakas na kalalakihan ay napilitang hindi na kumain.
Humayo ang mga Relief Party
Dalawang milya (3 km) sa ilalim ng Rocky Ledge sa Sweetwater River, ang grupo ay nagkampo at naghintay na matapos ang bagyo habang nagugutom, nanlalamig, at naghihirap.
Nang dumating ang grupo ni Franklin D. Richards sa Salt Lake City, kaagad nilang iniulat kay Pangulong Young ang mapanganib na sitwasyon ng mga imigrante. Ang mga Banal sa lambak ay hindi inaasahan ang pagdating ng karagdagang mga imigrante hanggang sa susunod na taon, at ang balita ng kanilang kalagayan ay kumalat na tila napakalaking apoy.
Dalawang araw ang nakalipas, Oktubre 6, 1856, ang pangkalahatang kumperensya ay ginanap sa Lumang Tabernakulo. Mula sa pulpito, nanawagan si Pangulong Young para sa mga kalalakihan, pagkain, at kagamitan sa mga bagon na hila ng mga buriko o kabayo na aalis kinabukasan upang magbigay ng tulong.2
Si John Bennett Hawkins ay nasa Lumang Tabernakulo noong araw na iyon at sumagot sa panawagang tumulong. Isa siya sa daan-daang mga indibiduwal sa mga relief party na humayo mula sa Salt Lake City. Sa gabi ng Oktubre 21, narating ng tagasagip na mga bagon ang Willie camp. Sila ay binati nang may galak at pasasalamat ng mga nanlalamig at nagugutom na mga nakaligtas. Ito ang unang pagtatagpo nina John Bennett Hawkins at Sarah Elizabeth Moulton, na magiging aking lolo at lola-sa-tuhod.
Noong Oktubre 22, ang ilan sa mga tagasagip ay tumulak upang tulungan ang iba pang mga handcart company, samantalang si William H. Kimball, kasama ang mga natirang mga bagon, na inatasan sa Willie company ay tumulak pabalik sa Salt Lake.
Ang masyadong mahihina upang hilahin ang kanilang mga handcart o kariton ay inilagay ang kanilang mga ari-arian sa mga bagon, at naglakad katabi ng mga ito. Ang hindi na makapaglakad ay sumakay sa mga bagon. Nang dumating sila sa Rocky Ridge, isa pang malakas na bagyo ng niyebe ang nanalanta. Habang sila ay naghihirap sa pag-akyat sa gilid ng gulod, kinailangan nilang balutin ang kanilang sarili sa mga kumot at makapal na kubrekama upang hindi sila manigas at mamatay. Nasa mga 40 miyembro na ng grupo ang namatay.3
Napakalamig ng panahon kung kaya’t maraming mga Banal ang nagka-frostbite sa kanilang mga kamay, paa, at mukha habang tinatawid ang gulod. Isang babae ang nabulag sa frost.
Maaari nating maisip ang mga Moulton, kasama ang kanilang walong anak, na naghihila at nagtutulak ng dalawa nilang kariton habang tumatawid sa makapal na niyebe. Ang isang kariton ay hinihila ni Thomas at ng kanyang asawa na nagdadala ng napakahalagang kargamento—sina Lottie, Lizzie, at baby Charles—kasama ang maliit na si Heber na natitisod at nahihila ng lubid na nakatali sa baywang niya. Ang isa pang kariton ay hinila at itinulak ni Sarah Elizabeth at ng tatlo pang bata. Hinawakan ng isang butihin at matandang babae na nakakita sa paghihirap ng maliit na si Heber James ang kanyang kamay habang siya ay sumusunod sa kariton. Ang mabuting gawaing ito ang nagligtas sa kanyang kanang kamay, ngunit ang kanyang kaliwang kamay na nakalantad sa napakaginaw na klima ay nanigas sa lamig. Nang sa wakas sila ay dumating sa Salt Lake City, ang ilan sa mga daliri sa kamay na iyon ay pinutol.
Makalipas lang ang tanghali noong Nobyembre 9, ang mga bagon ng mga taong hirap na hirap ay tumigil sa harap ng tithing office building, kung saan nakatayo na ngayon ang Joseph Smith Memorial Building sa Salt Lake City. Marami ang dumating na nagyeyelo ang mga binti at hita. Animnapu’t siyam ang namatay sa paglalakbay. Ngunit ang pangako sa pamilya Moulton sa basbas sa England ay natupad. Sina Thomas at Sarah Denton Moulton ay hindi namatayan ng anak.
Mula sa Pagsagip Hanggang sa Pag-iibigan
Ang grupo ay sinalubong ng daan-daang taong sabik na naghihintay sa Salt Lake sa kanilang pagdating at handang magbigay ng tulong. Ang pasasalamat at pagpapahalaga para sa isa sa mga batang bayani na tumulong na mailigtas ang mga Moulton mula sa kamatayan ay nauwi sa pag-iibigan para kay Sarah Elizabeth.
Noong Disyembre 5, 1986, sa gitna ng masasayang bati ng kanyang mga mahal sa buhay, ikinasal si Sarah Ellizabeth kay John Bennett Hawkins, ang tagasagip niya. Sila ay ibinuklod sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan nang sumunod na Hulyo sa Endowment House. Nanirahan sila sa Salt Lake City at nabiyayaan ng tatlong anak na lalaki at pitong anak na babae. Isa sa mga anak nilang babae, si Esther Emily, ay ikinasal sa aking lolo na si Charles Rasband noong 1981.
Sa Hulyo 24, ipagdiriwang natin ang Pioneer Day, at nagpapasalamat tayo sa maraming mga pioneer na ibinigay ang kanilang lahat upang itatag ang Salt Lake Valley at ang marami pang mga komunidad sa kanlurang Estados Unidos. Nagpapasalamat din tayo sa mga Banal sa mga Huling Araw na pioneer sa lahat ng dako ng mundo na tumahak—at tumatahak—sa landas ng ebanghelyo para sundan ng iba.
Ano ang nagtulak sa kanila? Ano ang nagpasulong sa kanila? Ang sagot ay ang patotoo sa Panginoong Jesucristo. Bilang apo-sa-tuhod ng mga pioneer, idinaragdag ko ang aking pagsaksi at patotoo na ang kanilang mga paghihirap ay hindi nabalewala. Ang naramdaman nila ay nararamdaman ko. Ang alam nila ay alam ko at pinatototohanan ko.