Ang Paglalakbay ni Isabelle
Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.
Mahaba at mapanganib ang paglalakbay, ngunit ang pagpunta sa templo ay sulit naman.
Brazil, 1992
Napatingala si Isabelle sa bughaw na kalangitan. Walang mga ulap na makikita. Binasa niya ang tuyo niyang mga labi.
Tahimik na kinakausap ng kanyang mga magulang si President Santiago, ang stake president. Maingay ang motor ng bangka kaya hindi niya sila madinig. Ngunit alam niya ang pinag-uusapan nila. Wala nang maiinom na tubig.
Sinikap ni Isabelle na magpokus sa pakay ng kanilang paglalakbay. Pupunta sila sa templo para mabuklod bilang isang pamilya! Naaalala niya ang mga magulang niya na nagkukuwento noong bata pa siya tungkol sa napakagandang templo sa São Paulo. Ang pagpunta doon ay tila isang fairy tale. Kunsabagay, ang pamilya ni Isabelle ay nakatira sa Manaus, sa gitna ng kagubatan ng Amazon, at ang templo ay mahigit 2,000 milya (3,219 km) ang layo.
Kaya inihanda ni President Santiago ang anim-na-araw nilang pagpunta doon. Mahigit 100 miyembro ang nagpasiyang tumuloy. “Ito ay isang sakripisyo,” sabi ni Mamãe sa kanya. “Ngunit ang pagsasakripisyo ay naghahatid ng mga pagpapala.”
Noong una ay nakakasabik ang paglalakbay. Natulog sila sa mga duyan sa kubyerta ng bangka, kumanta ng mga himno, at nagbasa ng mga banal na kasulatan.
Ngunit naubos na ang inumin nila, at ang tubig sa ilog ay napakarumi para inumin.
Naramdaman ni Isabelle na hinawakan ni Mamãe ang kanyang braso. “Pinagtitipon tayong lahat ni President Santiago,” sabi niya. “Ipagdarasal natin na umulan.”
Sumali si Isabelle sa grupo, at nanalangin sila. Pagkatapos ng pagdarasal, nakaramdam siya ng malamig na dampi ng hangin sa kanyang leeg. Nagmadali siya papunta sa gilid ng bangka at nagulat. Mabibigat na ulap ang paparating sa kanila. Maya-maya ay nagsimulang umulan! Ngumanga siya para saluhin ang mga patak ng ulan sa kanyang dila.
“Dali!” sigaw ni Mamãe. “Kumuha kayo ng mga timba, kawali—kahit ano!”
Kumuha si Isabelle ng kawali at inilabas ito. Gusto niyang makasahod ng maraming tubig. Lahat ay nagtulungan, nagtatawanan at nagdidiwang. Maya-maya pa ay basang-basa na sila! Nagtagal ang ulan ng mga 15 minuto. Sapat ito upang makaipon ng kakailanganin nilang tubig. Isang himala iyon.
Kalaunan ay nakadaong ang bangka sa lupa. Ngunit may 1,500 milya (2,414 km) pa silang lalakbayin. Bawat isa ay sumakay sa bus para sa nalalabi nilang paglalakbay. Matagtag ang kanilang biyahe nang ilang araw. Minsan ay matindi ang talbog nito kaya nabasag ang windshield! Minsan inabot sila sa mainit at mataong mga siyudad. Pero kahit paano hindi malubak ang kalsada!
Lahat ay nagpapasalamat sa tuwing hihinto sila sa isang nayon o bayan para kumain. Kumain sila sa mga kapilya o kasama ng mga miyembro ng Simbahan habang daan. Sa unang gabi, ginabi sila masyado kaya inakala ni Isabelle na walang mag-aabang sa kanila. “Huwag kang mag-alala,” sabi ni Mamãe nang nakangiti kahit pagod. “Tingnan ninyo!”
Ang branch president at mga miyembro ng Simbahan ay nakapila sa tabi ng kalsada. May hawak silang karatula na nagsasabing “Ang sakripisyo ay naghahatid ng mga pagpapala.” Napangiti si Isabelle. Tama si Mamãe!
Matapos ang tatlong matagtag na mga araw, nakarating din sila ng São Paulo. Tumayo si Isabelle sa kanyang kinauupuan para mas makakita ng tanawin habang paliko ang bus. Biglang nagsihiyawan ang lahat ng nasa bus. “O templo! O templo!” Nakikita nila ang mataas at manipis na tore na umaangat sa ibabaw ng niyugan.
Lahat ay pagod, pero walang gustong magpahinga. Gusto na nilang mabuklod agad. Noong oras na nang pamilya ni Isabelle para mabuklod, maingat na nagbihis ng puti si Isabelle. Habang naglalakad siya papunta sa silid ng pagbubuklod, nakita niya ang kanyang tatay na nakangiti. Pumapatak ang mga luha ng kaligayahan sa mukha ni Mamãe. Naging mahaba at mapanganib ang paglalakbay. “Ngunit sulit naman ang pagsasakripisyo,” naisip ni Isabelle. Ngumiti siya nang pumwesto na siya para mabuklod sa kanyang pamilya nang walang-hanggan.