“Ang Totoo Niyan, Isa Ako sa Kanila”
Abby Thorne
Utah, USA
Kakaupo ko lang sa bus nang may isang lalaki sa kabilang pasilyo na nagsabi sa akin, “Maganda ang kaluluwa mo.”
Hindi na kailangang sabihin pa na ako ay nagulat. Kahit kailan ay hindi pa napuri ang kaluluwa ko. Dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin, sumagot na lang ako ng “Salamat.”
Ayon sa kanya, masasabi niya iyon dahil sa kanyang gawain sa kinabibilangan niyang relihiyon. Nakinig ako sa kanya habang nagbibigay siya sa akin ng payo kung paano ko mapananatiling maganda ang aking kaluluwa.
Nang huminto ang bus, pareho kaming tumayo para bumaba at nagbigay siya ng huling paalala: “Siguraduhin mong hindi ka makikinig sa mga Mormon.”
Tila sumandaling tumigil ang oras. May nakitang espesyal ang lalaking ito sa aking mukha, ngunit wala siyang ideya na ito ay dahil sa aking relihiyon.
Paano ako sasagot? Sa totoo lang, ang una kong naisip ay huwag nang magsalita at magkunwaring hindi ko siya narinig. Nag-alala ako na baka pagsalitaan niya ako ng negatibo o ng masama kung sasabihin ko sa kanya na miyembro ako ng Simbahan.
Ngunit naisip ko ang isang talata sa banal na kasulatan: “Hindi ko ikinahihiya ang magandang balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya” (Mga Taga-Roma 1:16). Napagtanto ko na hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, at alam ko na hindi magniningning ang aking katauhan para sa iba kung hindi ako magiging saksi. Tumingin ako sa kanya nang may panibagong paninindigan at sinabi, “Ang totoo niyan, isa ako sa kanila.”
Tumitig sa akin ang lalaki at tinitigan ko rin siya. Ikinagulat ko na siya ay tumawa at sinabing hindi siya maaaring mapabilang sa Simbahan dahil masyado siyang mahilig sa kape. Tumawa rin ako at naghiwalay na kami ng landas.
Hanggang ngayon ay natutuwa ako sa aking pasiya. Alam ko na maaaring mahirap ang manindigan bilang miyembro ng Simbahan. Nakakatakot ito kung minsan! Ngunit kapag nanindigan tayo para sa Diyos, magniningning ang ating kaluluwa bilang mga ilaw sa mundo.