2018
Nang Maging Mahirap ang Paglilingkod
Hulyo 2018


Nang Maging Mahirap ang Paglilingkod

Ang awtor ay naninirahan sa Santiago, Philippines.

Paano ko aalagaan ang isang may kakaibang ugali?

serving hands

Mga paglalarawan ni Chris Thornock

Isa sa pinakamahirap na bagay na napagtagumpayan ko ay ang ugali ko na “walang pakialam.” Kung hindi ko talaga gusto ang ginagawa ko, ako ay malamig at walang pasensya sa mga tao.

Nagbago ang lahat sa isang bakasyon noong pinaalagaan sa akin ang aking 76-na-taong-gulang na lolo. Si “Dadi,” tawag namin sa kanya, ay nagka-stroke, na nagparalisa sa kalahati ng katawan niya. Noong pinaalagaan siya sa akin ng aking pamilya nang dalawang buwan, hindi ko lubos maisip kung papaano ko gagawin ito!

Kinakailangan kong gumising nang maaga para ihanda ang kanyang almusal, panligo, at kanyang gamot. Tinulungan ko siyang maglakad-lakad para sa kanyang araw-araw na ehersisyo. Dahil hirap siyang kumilos, ako ay nasa tabi niya palagi, pati sa pagligo at paggamit ng banyo. Bilang isang 18-na-taon na babae, ito ang pinakamahirap na bahagi.

Bukod dito, mahirap din siya pakisamahan. Hindi siya miyembro ng Simbahan at kakaiba ang mga prinsipyo niya sa akin. Siya ay isang taong puno ng mga panghihinayang—laging sumisigaw, hindi ngumingiti, at laging sinasabi, “Mamamatay na ako!” Dahil sa kanyang ugali, naging mahirap sa amin na magkaroon ng magandang ugnayan.

Sa una, sinikap kong umiwas sa aking mga gawain, pero hindi iyon umubra. Kaya nagpasiya akong baguhin ang aking ugali at ibigay ang buong makakaya ko.

Pagkaraan ng isang linggo ng pagbabago ng ugali, ang paglilingkod kay Dadi ay naging kasiyahan sa akin. Nadagdagan ang aking pasensiya, at mas naintindihan ko ang kanyang mga paghihirap. Habang pinaglilingkuran ko siya, hindi ko na iniisip na ang pagiging kasama niya ay isang pahirap, kundi isang pagkakataon na makagawa ng magandang alaala kasama siya.

Nagbago din si Dadi. Ang simanguterong matandang ito ay naging palangiti at magiliw na lolo. Nakahiligan din niyang makinig sa mga tugtugin ng Especially for Youth!

Isang gabi narinig ko siyang nag-iingay, kaya sumilip ako sa kuwarto niya para malaman kung ano ang ginagawa niya. Nagdarasal siya sa unang pagkakataon. Naging inspirado ako sa bawat araw dahil sa pagbabagong ito.

Ngayon bumalik na ako sa kolehiyo, pero dumadalaw pa rin ako kay Dadi nang dalawang beses sa isang buwan kasama ng aking pamilya. Kumakain kaming kasama niya at kinakantahan namin siya. Lumala ang lagay ng kanyang kalusugan, kaya ang pinakamabisang tulong na maibibigay ko ay mga panalangin para sa kanya.

Nagpapasalamat ako sa pagkakataon na mabantayan si Dadi dahil nakatulong ito sa akin na makita kung ano ang kaya kong maibigay. Ang pag-ibig ay isang napaka-makapangyarihang bagay—napalambot nito ang puso ko at ni Dadi. Natutunan ko ang kahulugan ng sakripisyo at habag. Totoong nakakaliwanag ng puso ang kawanggawa!