Mga Larawan ng Pananampalataya
Victor Barbinyagra
Kharkiv, Ukraine
Napaaga ang pagsilang kay Victor nang tatlong buwan. Dahil dito, mayroon siyang ilang mga kapansanan at hindi nakapaglakad hanggang sa siya ay pitong taong gulang. Sa kabila ng mga hamon na kanyang kinakaharap, pinili ni Victor na maging masaya. Nakadarama siya ng kaligayahan sa pagtulong at pagpapakita ng pagmamahal sa ibang tao.
Leslie Nilsson, retratista
Ipinanganak ako nang maaga ng tatlong buwan. Sinabi ng mga doktor na maaaring wala akong magawang kahit ano, ngunit ang aking ina ay laging naghahanap ng iba’t ibang paraan para matulungan ako. Sa loob ng maraming taon, tumanggap ako ng iba’t ibang panggagamot, ngunit hindi pa rin ako makalakad.
Sa wakas, nakahanap ang aking ina ng isang panggagamot na maaaring makatulong sa akin na maglakad. Bago gawin iyon, napagpasiyahan niyang hilingin sa sa mga missionary na basbasan ako. Matapos kong matanggap ng basbas, pumunta kami sa doktor. Ang panggagamot ay iba’t ibang pisikal na ehersisyo lamang. Sa huli, matapos kong gawin ang mga ehersisyo na iyon, nagsimula akong makalakad.
Minsan sumasama ang loob ko dahil sa aking mga kapansanan ngunit sinusubukan ko na hindi ito ipakita. Ako ay karaniwang masayahin na tao, at hindi ko ipinapakita ang kabiguan ko sa ibang tao.
Gayunman, noong tinedyer ako, nagkaroon ng panahon na lubos akong nalungkot.
Hindi ko ginusto na magsimba. Tinanong ko ang Diyos, “Bakit ako ganito? Bakit hindi Ninyo ako mapagaling? Bakit hindi maganda ang relasyon ko sa ibang tao?” Ang mga tanong na ito ay nakapagpahina ng aking loob at ikinalungkot ko nang labis, at hindi ko alam kung paano ko babaguhin ang aking sitwasyon, kaya naisip ko na ang pagpapakamatay marahil ang kasagutan sa mga problema ko.
Ngunit naisip ko ang aking ina at kung ano ang kanyang mararamdaman. Naisip ko na malamang ay malulungkot siya at maiisip niya na may ginawa siyang mali o hindi sapat ang naitulong niya sa akin. Noon ako nagpasiya na mabuhay at magpatuloy.
Sa huli, dama ko na ako ay isang masayahing tao.
Mayroon akong mga problema, tulad ng ibang tao. Hindi mas malaki o maliit ang mga ito, at kahit hindi natin malutas ang mga ito nang 100 porsyento, alam ko na makakayanan natin ang ating mga problema at makakikilos nang pasulong.
Alam ko na ang Diyos ay may plano para sa bawat tao sa buhay na ito kahit sino pa sila.
Madalas sabihin ng aking ina noon na ang pinaka-gwapong tao ay maaaring maging pinakamalungkot, at ang isang pangit ay maaaring maging napakasaya.
Dahil sa Simbahan, alam ko na maaari tayong maging masaya kahit ano pa ang mangyari, dahil ang plano ng Diyos ay isang plano ng kaligayahan. Naniniwala ako na ang kaligayahan ay nasa loob natin, hindi sa labas.
Ang kaligayahan ay nagmumula sa pagkakaroon ng pananampalataya, pagtitiwala sa Diyos, at pamumuhay ng ebanghelyo. Tinutulungan tayo nito na magkaroon ng tamang saloobin at gamitin kung ano ang mayroon tayo upang mapabuti ang ating mga sarili.
Para sa bawat tao, laging mayroong mas maganda sa hinaharap, at kung mayroon mang negatibo, makakayanan ninyo ito.
Sinisikap kong mahalin ang mga tao dahil ang pinakamahalagang bagay sa ating buhay ay ang ating koneksyon sa ibang tao. Sinisikap kong mahalin ang aking pamilya dahil pamilya ang ating hinaharap, ito ang lahat para sa atin. Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa lahat ng mayroon ako.
Sa kahit sinong nahihirapan, sasabihin ko: Subukan mong tanggapin ang iyong sarili sa ngayon, kabilang ang lahat ng iyong kahinaan, at maniwala ka na mas mapabubuti mo ang iyong sarili.