2018
Huwag Tayong Mabigo na Makaramdam
Hulyo 2018


Huwag Tayong Mabigo na Makaramdam

Mayroong puwersa na higit na mas malakas kaysa sa mga lindol, malalakas na hangin, o nagngangalit na apoy. Ito ay marahan at banayad, at dapat tayong magbigay ng atensiyon kung nais natin na gabayan tayo nito.

stormy day vs sunny day

Mga paglalarawan ni Irena Freitas

Noong Pebrero 27, 2010, sa ganap na alas-3:34 n.u., isang lindol na may magnitude 8.8 sa moment magnitude scale ang malakas na yumanig sa malaking bahagi ng Chile, at nagdulot ng pagkataranta, takot, at pag-aalala sa milyun-milyong mga tao.

Makalipas ang ilang araw, naatasan akong pamunuan ang isang kumperensya ng stake sa isang lokasyon malapit sa epicenter ng matinding lindol na ito. Nag-isip ako kung maaapektuhan ng lindol at ng mga aftershock nito ang pagdalo ng mga tao sa kumperensya. Nagulat ako nang ang dami ng mga tao sa bawat sesyon ng kumperensya ay higit pa sa mga nakaraang kumperensya.

Tila pinaalalahanan ng lindol ang mga miyembro, kahit pansamantala lamang, tungkol sa kahalagahan ng paglapit sa Diyos, paggawang banal sa araw ng Sabbath, at pagdalo sa mga miting. Makalipas ang ilang linggo, tinawagan ko ang stake president. Tinanong ko kung marami pa ring nagsisimba. Sinabi niya na sa pagbaba ng bilang at lakas ng mga aftershock, gayundin ang bilang ng mga taong nagsisimba.

Kaparehas na pag-uugali ang naulit sa malungkot na pangyayari na nagwasak sa World Trade Center sa New York, USA, noong Setyembre 2001. Libu-libong mga tao ang nagsimba upang mahanap ang kapayapaan ng isip at kapanatagan na kinailangan nila. Ngunit sa paglipas ng panahon, nabawasan ang pangangailangan na ito at bumalik sa normal ang mga bagay. Hindi mga lindol, bagyo, o kalamidad at mga trahedya, maging likas o gawang-tao man ito, ang bumubuo ng pananampalataya, patotoo, at tumatagal na pagbabago ng loob.

Si Elias at ang Marahan at Banayad na Tinig

Sa panahon ni propetang Elias, si Achab ang hari ng Israel. Pinakasalan ni Achab si Jezabel, isang prinsesang galing sa Phoenicia. Ipinakilala niya sa mga Israelita ang paraan ng mga taga-Phoenicia, kabilang ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Matapos hamunin at manalo si Elias laban sa mga alagad ni Baal na naglipana sa korte ni Haring Achab, binantaan ni Jezabel ang buhay ng propeta at tumakas siya papunta sa ilang. (Tingnan sa I Mga Hari 18:4, 13, 19, 21–40; 19:1–4.)

Matapos pakainin ng isang anghel sa ilang, naglakad si Elias nang 40 araw at 40 gabi patungong Bundok ng Horeb (tingnan I Mga Hari 19:5–8). Sa ilang, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias. Sinabihan siya na lumabas sa kuweba kung saan siya nagpalipas ng gabi. Habang siya ay nakatayo sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon, isang “malaki at malakas na hangin” ang umihip, na sa sobrang lakas nito ay nabiyak ang mga bato at bundok, “nguni’t ang Panginoon ay wala sa hangin.” Pagkatapos ay lumindol, “nguni’t wala ang Panginoon sa lindol.” Pagkatapos ay nagkaroon ng apoy, “nguni’t ang Panginoon ay wala sa apoy” (I Mga Hari 19:11–12). Sa kabila ng lakas ng hangin, lindol, at apoy, hindi ang mga ito ang paghahayag ng tinig ng Panginoon sa propeta.

Matapos ang malakas na pagpapakitang ito ng mga puwersa ng kalikasan, “isang marahang bulong ng tinig” ang dumating kay Elias at narinig niya ito (tingnan sa I Mga Hari 19:12–13). Ang banayad na tinig ng Panginoon ay nagsabi sa kanya kung sino ang dapat niyang hirangin na susunod na hari ng Syria, sino ang dapat hirangin na susunod na hari ng Israel, at na dapat niyang hirangin si Eliseo bilang kahalili niya.

Paghahanap sa Tinig

Ang kaparehas na tinig na dumating kay Elias—ang tinig na nagsabi sa kanya sa dapat niyang gawin sa mahirap na panahon ng kanyang buhay at pagsisilbi—ay maririnig pa rin ng bawat anak ng Diyos na lubos na nagnanais na gawin ang kalooban ng Panginoon. Ngunit sa gitna ng maraming maiingay at makamundong mga tinig na nag-aanyaya sa atin na magtungo sa madilim at nakalilitong mga daan, saan natin makikita ang marahan at banayad na tinig na magsasabi sa atin kung ano ang dapat gawin, sabihin, at kung ano ang nais ng Diyos na kahinatnan natin?

Hinihikayat tayo ni Nephi na “magpakabusog sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).

At saan natin makikita ang mga salita ni Cristo upang magpakabusog tayo dito? Maaari nating tingnan ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon, na isinulat at inalagaan sa kadalisayan para sa atin, na mga namumuhay sa panahon na ito. Nakikinig din tayo sa mga salita ng modernong mga propeta, na nagsasabi ng kagustuhan ng ating Walang-hanggang Ama at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ngayon.

Ang mga salita ng mga buhay na propeta ay gumagabay sa atin kapag nahaharap tayo sa mga bago at mahihirap na hamon. Sa mga nakalipas na taon, halimbawa, habang ang nananaig na panglilito ng mundo at ng mga pilosopiya nito ay ninanais na permanenteng baguhin ang konsepto ng kasal at pamilya, ang mga salita ng mga propeta ay buong tibay, buong tapang, at mapagmahal na nagbibigay-diin sa kasagraduhan ng pamilya, nagpapahayag na “ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang-hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”1

Ang mga propeta at apostol ngayon ay nagbigay-diin rin sa kahalagahan ng pagsunod sa Sabbath sa bahay at sa simbahan, at pagkamit ng kaligtasan ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng gawain sa family history at sa templo. Sa bawat pangkalahatang kumperensya, nagbibigay sila ng dagdag na espirituwal na gabay para sa Simbahan.

Papatnubayan Kayo ng Espiritu Santo

man sitting in a boat with telescope

Nagturo pa si Nephi, “Kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5). Kaya, matapos bigyang-diin ang kahalagahan ng paghahanap sa mga salita ni Cristo, ngayon ay nagpapayo si Nephi sa atin tungkol sa direkta at personal na komunikasyon na dapat ay mayroon tayo sa Espiritu Santo, ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos.

Alam ni Nephi kung ano mismo ang sinasabi niya. Mga 30 o 40 na taon na ang nakalipas, habang ang kanyang pamilya ay nasa disyerto at gumagawa siya ng barko na magdadala sa kanila sa lupang pangako, pinagsabihan ni Nephi ang mga nakatatanda niyang kapatid sa kanilang paggawa ng kasamaan, kahit narinig na nila ang tinig ng isang anghel.

Sinabi ni Nephi sa kanila, “Kayo ay mabilis sa paggawa ng kasamaan subalit mabagal sa pag-aalaala sa Panginoon ninyong Diyos. Nakakita kayo ng isang anghel, at nangusap siya sa inyo; oo, manaka-naka ay narinig ninyo ang kanyang tinig; at siya ay nangusap sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig, datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita; kaya nga, siya ay nangusap sa inyo tulad ng tinig ng kulog, na nagpayanig sa lupa na parang ito ay mabibiyak” (1 Nephi 17:45).

Huwag Tayong Tumigil na Makiramdam

Ang komunikasyon ng Diyos sa Kanyang mga anak ay kadalasang dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na madalas na nakikipag-usap sa atin sa isang tinig na pumapasok sa ating puso at isipan, “ang marahan at banayad na tinig, na bumubulong at tumatagos sa lahat ng bagay” (D at T 85:6). Makinig tayo sa marahan na tinig na ito at huwag maghintay na kakailanganin pa na kausapin tayo ng isang tao na may boses na tila kulog! Tandaan, nalaman ni Elias na ang tinig ng Panginoon ay wala sa hangin, lindol, o apoy. Nagsalita ang Panginoon sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo, isang marahan at banayad na tinig.

“Ang tinig ng Panginoon ay dumarating bilang isang pakiramdam sa halip na tunog,” sabi ni Pangulong Boyd K. Packer (1924-2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Matututuhan ninyo, tulad ng natutuhan ko, na ‘makinig’ sa tinig na iyan na nadarama sa halip na naririnig. …

“… Ito ay isang espirituwal na tinig na dumarating sa isipan bilang kaisipan o damdamin na inilagay sa inyong puso.”2

Nararamdaman natin ang mga salita mula sa Espiritu Santo, sa halip na naririnig ng ating mga tainga, ng ating mga isip at puso. Huwag tayong mabigo na maramdaman ang mga pahiwatig na iyon! Nawa’y buksan natin ang ating mga isip at puso na tanggapin ang mga salita ng mga propeta. Nawa’y hayaan natin ang Espiritu Santo na patuloy na turuan tayo sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig. Sa pagtuturo sa Kanyang mga disipulo tungkol sa Espiritu Santo, na ipadadala sa kanila matapos ang Kanyang paglisan, sinabi ng Tagapagligtas sa kanila, “Ngunit ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat [ng bagay] sa inyo” (Juan 14:26).

Bawat nananampalatayang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may karapatan at biyaya ng pagtanggap ng personal na gabay, inspirasyon, at personal na paghahayag mula sa langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Magpaimpluwensya sa marahan at banayad na tinig na iyon. Alalahanin na may isang awtoridad na nagpatong ng kanyang mga kamay sa inyong ulo noong kumpirmasyon ninyo at sinabing, “Tanggapin ang Espiritu Santo.” Buksan ang inyong puso, maging ang inyong kaluluwa mismo, sa espesyal na tinig na nagpapatotoo sa katotohanan. Gaya ng pangako ng propetang Isaias, ‘Ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita … na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo’ [Isaias 30:21].”3

Mga Tala

  1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  2. Boyd K. Packer, “Payo sa Kabataan,” Liahona, Nob. 2011, 17–18.

  3. Thomas S. Monson, “Maniwala, Sumunod, at Magtiis,” Liahona, Mayo 2012, 129.