Butihing Lolo at Lola
Ang awtor ay nakatira sa Utah, USA
Hindi nasasabik si Andrew sa paparating na Bring-a-Parent-to-School Day.
“Dito ako’y may mag-anak. Kami’y nagmamahalan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98).
“Andrew! Nandito na ang bus!” pagtawag ni Nana.
Nagmadali si Andrew palabas ng pinto. Nagpaalam na siya sa kanyang Nana, Papa, at nakababatang kapatid na si Amy. Si Amy ay maliit pa para pumasok sa paaralan, kaya naiwan siya sa bahay kasama nina Nana at Papa.
Gusto ni Andrew sa paaralan. Gusto niyang makipaglaro sa mga kaibigan niya tuwing recess. Gusto niya ang kanyang guro na si Bb. Kimball.
Pagkatapos ng recess sa umaga, sinabi ni Bb. Kimball, “Sa susunod na linggo ay magkakaroon ng Bring-a-Parent-to-School Day. Pagdating ng mga magulang ninyo, dapat ay may maipakita silang anumang bagay na galing sa kanilang trabaho. Sabik kaming marinig sila!”
Nag-init ang mukha ni Andrew. Wala siyang masabi tungkol sa kanyang mga magulang. Wala siya masyadong alam tungkol sa nanay niya. Umalis siya noong maliit pa lamang siya. At hindi man lang kilala ni Andrew ang kanyang ama.
Naririnig ni Andrew ang ibang mga bata na nagkukuwentuhan tungkol sa kanilang mga magulang. Bumbero ang nanay ni Tony, at nagtatrabaho sa zoo ang tatay ni Jessica. Umasa sila na magdadala ng unggoy o sloth sa klase ang tatay niya!
“Ano naman ang mga magulang mo?” tanong ni Tony kay Andrew.
Tumingin sa kanyang mga paa si Andrew. Nagkibit-balikat siya. “Nakatira ako sa lolo at lola ko.”
Mahal ni Andrew ang kanyang Nana at Papa, pero wala silang mga tanyag na trabaho. Nagtitinda si Nana ng mga kumot at mga damit pambata. Nagmamaneho si Papa ng trak ng mga pagkain. Hindi nasasabik si Andrew sa paparating na Bring-a-Parent-to-School Day.
Noong gabing iyon, nabasa ni Andrew ang unang kabanata sa Aklat ni Mormon: “Ako, si Nephi, na isinilang sa butihing mga magulang …” (1 Nephi 1:1).
“Hindi ako nakatira sa mga magulang ko,” naisip ni Andrew. “Kasama ko lang sina Nana at Papa.”
Nang biglang pumasok si Amy sa loob ng kuwarto ni Andrew, yakap-yakap ang isang mabalahibong kumot. Inangat niya ito para makita ni Andrew. “Gawa ni Nana!”
“Oo, gawa ni Nana ’yan para sa iyo.” Medyo napangiti si Andrew.
Naalala niya ang magagandang ginawa ni Nana para sa kanya—paghahanda ng almusal bago pumasok sa paaralan, pagtulong sa kanyang mga takdang-aralin, pakikipaglaro sa kanya at kay Amy. Parang nanay na rin si Nana.
Tapos ay naalala niya si Papa. Binasahan ni Papa si Andrew ng mga kuwento gabi-gabi. Tumulong din siya sa mga takdang-aralin. Tinuruan din niya si Andrew kung paano magbisikleta. Parang tatay na rin niya si Papa.
Lalong napangiti si Andrew. Pinasasalamatan talaga niya sina Nana at Papa. Kinakabahan pa rin siya sa pagdadala ng lolo o lola sa paaralan. Ngunit magiging maayos din iyon. “Maaaring wala akong butihing mga magulang,” naisip niya, “ngunit may mga butihing lolo at lola ako, at napaka-espesyal niyon.”
Sa Bring-a-Parent-to-School Day, umupo si Andrew sa tabi ni Papa sa likuran ng klase at nakinig sa mga magulang ng ibang mga bata. Nagdala ang nanay ni Tony ng kasuotan ng bumbero. Pinasubok niya ang lahat na isuot ang kanyang helmet. Nagdala ang tatay ni Jessica ng pagong mula sa zoo.
“Ikaw naman, Andrew,” sabi ni Bb. Kimball.
Naglakad papunta sa harapan si Andrew kasama si Papa. Huminga siya nang malalim at nagsabing, “Nagmamaneho ang Papa ko ng malaking trak at naghahatid ng mga pagkain. Marami siyang nakikilalang mga tao, at napakasipag niya.”
Tumingala si Andrew at nakita niya si Papa na nakangiti. Tapos ay nagkuwento si Papa tungkol sa pagmamaneho ng trak. May dala din siyang mga pagkain mula sa kanyang trabaho para sa lahat! Maraming tanong ang mga kaklase ni Andrew kay Papa tungkol sa kanyang trabaho.
Masaya si Andrew na kasama niya si Papa. Siya at si Papa at si Nana at si Amy ay isang pamilya—at masasabi na butihin sila.