2018
Tatlong Paglalakbay ng mga Modernong Pioneer
Hulyo 2018


Tatlong Paglalakbay ng mga Modernong Pioneer

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ibinahagi ng tatlong young adult ang mga kuwento ng kanilang pagsapi sa Simbahan at paggawa ng pamana ng pananampalataya para sa kanilang mga sarili at kanilang mga pamilya.

Noong nasa mission ako sa Melbourne, Australia, na-assign ako sa isang ward na kinabibilangan ng mga international student. Habang pinag-aaralan nila ang tungkol sa mga pioneer sa Sunday School, inisip ko kung gaano sila ka-interesado—halos lahat sila ay mga bagong binyag, at wala sa kanila ang may ninuno na naglakbay sa mga kapatagan ng Hilagang Amerika.

Nakagugulat na marami sa mga international student ang nabighani sa mga kuwentong ibinahagi. Inihalintulad ng ilan sa kanila ang kanilang buhay sa mga naunang Banal: katulad ng mga pioneer, ang mga international student na ito ay mga bagong binyag at nagsakripisyo upang maitatag ang Simbahan sa kanilang mga lugar. Para sa ilang mga miyembrong ito, maliit o wala pang Simbahan sa kanilang bayan. Sila ay mga modernong pioneer na gumagawa ng panibagong pamanang panrelihiyon para sa mga susunod na henerasyon.

Narito ang tatlong karanasan mula sa mga convert na kabilang sa mga modernong pioneer.

Paggalang sa Aking Pamilya sa mga Bagong Paraan

Nami Chan, Taoyuan, Taiwan

woman getting baptized

Ang aking pamilya at marami sa aking mga kamag-anak sa Taiwan ay Buddhist. Noong bata pa ako, naaalala ko ang pagtulong sa paghahanda ng mga hain para sa mga ninuno at maraming mga diyos sa Chinese New Year at iba pang mga pista-opisyal. Isa itong tradisyong pangpamilya sa amin, at paraan na rin upang alalahanin ang aming mga ninuno at magdala ng kapayapaan at kasaganaan sa aking pamilya.

Nang ang ilan sa aking mga kamag-anak ay sumapi sa isang nondenominational Christian Church, wala itong epekto sa aking pamilya noong una. Ngunit noong Ching Ming Festival, kung kailan sinasamba ang mga ninuno at nagsusunog ng insenso sa kanilang mga libingan, tumangging makilahok ang mga kamag-anak kong Kristiyano. Sinabi nila na nakatuon sila sa pagsunod sa Sampung Utos, lalo na sa “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko” (Exodo 20:3). Hindi kailanman pinag-usapan ng aking pamilya ang ibang mga paniniwala, ngunit simula nang araw na iyon, naging simbolo ng pagkasira ng mga tradisyon ang Kristiyanismo sa paningin ng aking pamilya at naging negatibo ang pananaw nila tungkol dito.

Habang ako ay nasa unibersidad, nakilala ko ang mga LDS missionary sa daan. Kalimitan ay hindi ako interesado sa kung ano man ang sasabihin nila, ngunit inihanda ang aking puso ng ilang mga karanasan upang tanggapin ko ang kanilang mensahe. Sa pakikipagkita sa kanila, sumang-ayon ako na magdasal at basahin ang Aklat ni Mormon, at nagsimula akong magkaroon ng patotoo sa itinuturo nila. Ngunit, dahil sa pagtutol ng aking mga magulang sa Kristiyanismo, hindi ko gustong sabihin sa kanila na gusto kong magpabinyag. Pagkaraan ng maraming buwan pagkatapos ng unang pakikipag-usap ko sa mga missionary, sinabi ko sa aking mga magulang na gusto kong mabinyagan at gusto kong magmisyon. Nagalit sila, ngunit alam kong tama ang aking pasiya.

Wala akong pioneer na ninuno, ngunit nararamdaman ko na tila nauunawaan ko ang kanilang sakripisyo. Mahirap talikuran ang ilang mga tradisyon at harapin ang pagtutol mula sa mga miyembro ng pamilya. Kahit ngayon, limang taon na ang nakararaan nang sumapi ako sa Simbahan, kung kailan nakapagmisyon na ako, hindi pa rin buo ang suporta ng aking pamilya sa aking desisyon, ngunit tanggap na nila ito. Ang pagsapi ko sa Simbahan ay nagtutulot sa akin na igalang ang aking pamilya sa mga bagong paraan, sa pamamagitan ng paggawa ng family history at pagsasaliksik sa aking mga ninuno. Ang patotoo ko kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay tumutulong sa akin sa paglutas sa alin mang pagkakaiba namin ng aking pamilya.

Paghahanap ng Kagalakan sa Ebanghelyo

Harry Guan, Utah, USA

young man holding phone

Lumaki ako sa China at itinuring na Kristiyano ang sarili ko, kahit na sa katunayan ay hindi talaga ako nagsisimba. Interesado ako sa Diyos at kay Jesucristo, at naisip ko na ang doktrina ng Kristiyano ay nakapapanatag.

Nang lumipat ako sa Estados Unidos para sa kolehiyo, nagsimula akong dumalo sa isang nondenominational Chirstian Church. Pagkaraan ng ilang buwan, narinig ko ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa mga kaibigan kong nag-iisip na mag-aral sa Brigham Young University. Nagtanong ako sa ilang mga estudyante sa Christian church tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw at nagulat ako nang nagbabala sila na lumayo ako sa mga “Mormon.” Noong una ay nakinig ako sa payo nila, ngunit habang nagbabasa ako sa social media nang sumunod na linggo, nakita ko ang isang talumpati ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa kanyang talumpati, binanggit niya na ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat maging magalang sa ibang mga relihiyon (tingnan sa “Faith, Family, and Religious Freedom,” lds.org/prophets-and-apostles). Habang pinakikinggan ko si Elder Holland, naramdaman ko ang kinikilala ko na ngayon na Espiritu at nagpasiya ako na matuto pa tungkol sa Simbahan.

Sa huli ay nagpunta ako sa simbahan at pagkatapos ay nakipagkita sa mga missionary. Naantig ako ng kanilang mga turo, lalo na ng plano ng kaligtasan. Hindi nasiyahan ang aking mga magulang nang magpasiya akong magpabinyag, ngunit tinanggap nila na nasa tamang edad na ako para gumawa ng mga sarili kong pasiya. Nang bumisita ang lolo’t lola ko sa Amerika pagkaraan ng ilang buwan, nakapagturo ako sa kanila tungkol sa ebanghelyo. Nagpasiya silang magpabinyag.

Nagdulot sa akin ang ebanghelyo ng lubos na kagalakan at nagbigay-daan ito para makilala ko ang aking nobya. Sulit ang bawat sakripisyo na kinailangan o kakailanganin na gawin.

Paghahanda ng Daan Para sa mga Susunod na Henerasyon

Brooke Kinikini, Hawaii, USA

hawaiian woman holding oil lamp

Sumapi ako sa Simbahan noong ako ay 15 taong gulang, ngunit nagsisimba na ako noon at lumalago ang aking pananampalataya at patotoo simula pa noong bata ako. Kahit na nag-iisa akong miyembro sa aking pamilya, minahal ako ng mga tapat kong kaibigan at nagpakita sila ng mabuting halimbawa.

Hindi katulad ng mga pioneer noon, hindi ko kailangang maglakad nang may kariton sa pagtawid sa mga nagyeyelong kapatagan. Sa katunayan, hindi ako nakaranas ng maraming paghihirap sa pagsapi ko sa Simbahan. Oo, nawalan ako ng ilang kaibigan at kinailangan kong magsimba nang mag-isa at pumunta sa seminary nang mag-isa. Ngunit kapag iniisip ko ang epekto nito na nagpapatuloy hanggang ngayon sa aking pamilya, alam ko na isa ito sa pinakamabuting desisyon na ginawa ko. Ang desisyon ko na magpabinyag, magpabuklod sa templo, at manatiling tapat sa aking mga tipan ay nagdulot ng sunud-sunod na mabubuting kaganapan na positibong makaaapekto sa buhay ng aking tatlong magagandang anak, gayundin sa mga susunod na henerasyon, magpakailanman.

Ang pagiging isang pioneer ay tungkol sa paghahanda ng daan para sa iba. Madalas kong isipin na isa sa maraming pagpapala na natanggap sa pagiging isang tapat na miyembro ng Simbahan ay ang pagkakataong tumulong sa iba na makilala si Cristo. Ang isang tila maliit na kaganapan—tulad ng binyag ng isang 15 taong gulang na batang babae sa Maui, Hawaii, o ang simpleng panalangin ng isang 14 na taong gulang na batang lalaki sa isang kakahuyan—ay maaaring makapagpabago ng mga buhay ng mga pamilya sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap.

Ang modernong titulo ng mga pioneer ay hindi lamang nakalaan para sa mga nagbabalik-loob. Kapag hinangad natin na magtatag ng walang-hanggang pamana ng katapatan para sa mga susunod na henerasyon, lahat tayo ay maaaring maging pioneer.