2018
At Naging Walang-Hanggang Pamilya
Hulyo 2018


At Naging Walang-Hanggang Pamilya

Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.

“Lahat ng mga bagay na inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit” (Helaman 10:7).

Finally a Forever Family

Ano ang kahulugan ng ‘Ang mga Pamilya ay Walang-Hanggan’? tanong ni Mia. Ginalaw niya ang kanyang piyesa sa chess board. Siya at ang kanyang matalik na kaibigan, si Zoey, ay naglalaro sa sala nina Zoey. Sa dingding ay may maliit na karatula na nagsasabing, “Ang mga pamilya ay walang-hanggan.” Gusto ni Mia ang narinig niya.

“Ibig sabihin kahit matapos mamatay, isang pamilya pa rin kayo,” paliwanag ni Zoey. Naglapag siya ng isang card at ginalaw ang kanyang piyesa.

Tumingin sa paligid ng kuwarto si Mia. Mukhang karaniwan ito. May mga sopa, mesa, unan, at TV. Ngunit iba sa pakiramdam ang bahay nina Zoey kaysa sa kanila. “Walang-hanggang pamilya din ba kayo?” tanong ni Mia.

Tumingala si Zoey mula sa laro nang nakangiti. “Oo! “Ikinasal ang mga magulang ko sa templo. Kaya magsasama-sama kami nang walang-hanggan.”

“Kaya ba kakaiba ang bahay ninyo?” tanong ni Mia.

Mukhang naguluhan si Zoey. “Kakaiba?”

Hindi maipaliwanag ni Mia ang pakiramdam sa bahay nina Zoey. Masaya doon at may magiliw na pakiramdam. Ngunit nakakaasiwang sabihin iyon. “Hayaan mo na,” sabi niya. “Maglaro na lang tayo.”

Noong gabing iyon hindi matigil si Mia sa kakaisip sa sinabi ni Zoey tungkol sa walang-hanggang pamilya. Gustung-gusto niya ang pakiramdam sa bahay nila Zoey. Lilipat sa Ontario, Canada ang pamilya ni Mia sa loob ng ilang araw. Inisip niya kung ano ang mararamdaman niya sa bago nilang bahay.

“Nay, ang saya sa pakiramdam doon sa bahay nina Zoey,” sabi ni Mia habang kinukumutan na siya. “Gusto kong ganun din ang ating bahay.” Inisip ni Mia kung gaano niya kamahal ang kanyang Nanay, Tatay, at mga nakababatang kapatid. “Gusto ko rin na walang-hanggang pamilya tayo.”

Nakinig nang husto si Nanay. Sumagot siya, “Gusto ko rin.”

Kinabukasan, tumawag si Nanay sa nanay ni Zoey. Nalaman niya na ang pamilya nina Zoey ay dumadalo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

“Gusto kong magsimba diyan,” sabi ni Mia sa mga magulang niya habang nag-iimpake sila. Mababakante na ang kanilang bahay.

“Sabi ng nanay ni Zoey matutulungan niya tayong makahanap ng pagsisimbahan,” sabi ni Tatay habang nilalagyan ng teyp ang kahon.

Ngumiti si Mia at nakaramdam ng matinding kasabikan. Maaaring ang bago nilang bahay ay kasing-sigla at kasing-saya ng kina Zoey!

Nang matapos silang maglipat-bahay, nagsimulang magsimba ang pamilya ni Mia. Napakabait ng mga tao doon. Lahat ay nagtatawagan doon ng “Brother” at “Sister.” Dumalo si Mia sa primary kasama ng kanyang mga nakababatang kapatid. Gustung-gusto niyang kumanta at magbasa ng mga banal na kasulatan.

Kalaunan ay may dalawang kabataang babae na pumunta sa bahay nina Mia. Ang pangalan nila ay Sister Justin at Sister Ramos, at sila ay mga missionary. Ibinahagi nila sa pamilya ni Mia ang tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesus, at sa Aklat ni Mormon. Gustung-gusto ni Mia na marinig ang tungkol sa ebanghelyo. Kahit ang mga nakababata niyang kapatid ay matahimik na nakinig.

Sinabi ni Mia kina Sister Ramos at Sister Justin ang tungkol sa bahay nina Zoey. “Gusto ko ng walang-hanggang pamilya kagaya ng kina Zoey.”

“Gusto ng Ama sa Langit na lahat tayo ay may walang-hanggang pamilya,” sabi ni Sister Ramos nang nakangiti. “Gusto Niya tayong maging masaya.”

Hindi nagtagal nagpasiyang magpabinyag ang pamilya ni Mia.

Naglakbay ang pamilya ni Zoey papuntang Ontario para sa binyag nila. Makalipas ang isang taon, bumalik sila ulit. Ngayon naman ay dahil ibubuklod na ang pamilya ni Mia sa templo!

Sa araw ng kanilang pagbubuklod, tumayo si Mia kasama ng pamilya niya sa labas ng templo, na nakasuot ng puting damit. Napakalaki ng kanilang mga ngiti. Nakaramdam si Mia ng sigla at kapayapaan. “Walang-hanggang pamilya na tayo ngayon!” sinabi niya nang masaya.

“Tama iyan,” sabi ni Itay. “Walang-hanggang pamilya na tayo.”