Nawala na ang Lahat
Ito ang kabanata 5 ng bagong apat-na-tomong salaysay ng kasaysayan ng Simbahan na pinamagatang Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw. Ang aklat na ito ay ililimbag sa 14 na wika, sa bahaging Church History ng Gospel Library app, at makukuha online sa saints.lds.org. Ang susunod na ilang kabanata ay ilalathala sa mga susunod na isyu hanggang ang tomo 1 ay mai-release bago magtapos ang taong ito. Ang mga kabanatang iyon ay mababasa sa 47 wika sa Gospel Library app at sa saints.lds.org.
Matapos maiuwi ni Joseph ang mga gintong lamina, ilang linggong pinagtangkaang nakawin ng mga naghahanap ng kayamanan ang mga ito. Upang manatiling ligtas ang talaan, kailangan niyang ilipat-lipat ito ng lugar, itinatago ang mga lamina sa ilalim ng dapugan, sa ilalim ng sahig ng gawaan ng kanyang ama, at sa mga ilalim ng bungkos ng butil. Hindi siya dapat maging kampante.
Dumadaan sa bahay ang mga mausisang kapitbahay at nakikiusap sa kanya na ipakita sa kanila ang talaan. Palaging tumatanggi si Joseph, kahit na may nag-alok na magbayad sa kanya. Determinado siyang pangalagaan ang mga lamina, nagtitiwala sa mga pangako ng Panginoon na kung gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya, ang mga ito ay pangangalagaan.1
Ang mga paggambalang ito ay madalas humadlang sa kanya na masuri ang mga lamina at matutuhan pang lalo ang tungkol sa Urim at Tummim. Batid niya na ang mga pansalin ay makatutulong sa kanya na isalin ang mga lamina, ngunit hindi pa niya nagagamit ang mga bato ng tagakita para magbasa ng sinaunang wika. Sabik siyang simulan ang gawain, ngunit hindi malinaw sa kanya kung paano gawin ito.2
Habang sinusuri ni Joseph ang mga lamina, isang respetadong nagmamay-ari ng mga lupain sa Palmyra na nagngangalang Martin Harris ang naging interesado sa kanyang gawain. Halos kasing-edad na ni Martin ang ama ni Joseph at minsan nang nagtrabaho sa kanyang sakahan si Joseph. Nabalitaan ni Martin ang tungkol sa mga gintong lamina ngunit hindi gaanong pinansin ang tungkol dito hanggang sa imbitahan siya ng ina ni Joseph na kausapin ang kanyang anak.3
Nasa trabaho si Joseph nang dumaan si Martin, kaya ang tinanong niya ay si Emma at iba pang mga kapamilya tungkol sa mga lamina. Nang dumating sa bahay si Joseph, hinawakan siya ni Martin sa braso at nagtanong pa ng mga karagdagang detalye. Sinabi sa kanya ni Joseph ang tungkol sa mga laminang ginto at ang mga tagubilin ni Moroni na isalin at ilathala ang nakasulat sa mga ito.
“Kung ito ay gawain ng diyablo,” sabi ni Martin, “ayokong magkaroon ng kinalaman dito.” Ngunit kung ito ay gawain ng Panginoon, nais niyang tulungan si Joseph na ipahayag ito sa buong mundo.
Hinayaan ni Joseph na buhatin ni Martin ang mga lamina na nasa lockbox. Masasabi ni Martin na may mabigat na bagay sa loob nito, ngunit hindi siya kumbinsido na isang set ito ng mga gintong lamina. “Hindi mo ako masisisi kung hindi kita lubos na pinaniniwalaan,” sabi niya kay Joseph.
Nang makauwi si Martin nang lampas hatinggabi, tahimik siyang nagtungo sa kanyang kuwarto at nagdasal, nangangako sa Diyos na ibibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya kung malalaman lamang niya na ang ginagawa ni Joseph ay banal na gawain.
Habang nagdarasal si Martin, naramdaman niya na may marahan at banayad na tinig na kumausap sa kanyang kaluluwa. Nalaman niya noon na ang mga lamina ay mula sa Diyos—at alam niyang kailangan niyang tulungan si Joseph na ibahagi ang mensahe ng mga ito.4
Sa huling bahagi ng 1827, nalaman ni Emma na siya ay nagdadalang-tao at sumulat sa kanyang mga magulang. Halos isang taon na mula nang magpakasal sila ni Joseph ngunit masama pa rin ang loob ng kanyang ama at ina. Subalit pumayag ang mga Hale na bumalik ang mag-asawa sa Harmony upang makapanganak si Emma malapit sa kanyang pamilya.
Bagama’t mapapalayo siya sa kanyang sariling mga magulang at mga kapatid, handang umalis si Joseph. Tinatangka pa rin ng mga tao sa New York na nakawin ang mga lamina, at ang paglipat sa bagong lugar ay magbibigay ng kapayapaan at katahimikan na kailangan niya upang magawa ang gawain ng Panginoon. Sa kasamaang-palad, mayroon siyang utang at walang perang magagamit sa paglalakbay.5
Umaasang maisasaayos ang kanyang pananalapi, nagpunta si Joseph sa bayan upang bayaran ang ilan sa kanyang mga utang. Habang siya ay nasa isang tindahan upang magbayad, lumapit sa kanya si Martin Harris. “Heto, Ginoong Smith, ang limampung dolyar,” sabi niya. “Ibinibigay ko ito sa iyo upang magawa mo ang gawain ng Panginoon.”
Nangamba si Joseph na tanggapin ang pera at nangakong babayaran ito, subalit sinabi ni Martin na huwag itong alalahanin. Ang pera ay regalo, at hiniling niya sa lahat ng naroon na maging saksi na ibinigay niya ito nang walang kapalit.6
Hindi naglaon, nabayaran ni Joseph ang kanyang mga utang at kinargahan ang bagon. Siya at si Emma ay umalis patungong Harmony dala ang mga gintong lamina na itinago sa isang bariles ng patani.7
Dumating ang mag-asawa sa maluwang na bahay ng mga Hale makalipas ang isang linggo.8 Hindi nagtagal, nagpumilit ang ama ni Emma na makita ang mga laminang ginto, ngunit sinabi ni Joseph na maipakikita niya lamang ang kahon kung saan niya itinago ang mga ito. Nayamot, dinampot ni Isaac ang lockbox at naramdaman ang bigat nito, subalit nanatili siyang nag-aalinlangan. Sinabi niyang hindi maaaring itago ito ni Joseph sa bahay hangga’t hindi ipinapakita sa kanya kung ano ang nasa loob.9
Habang ang ama ni Emma ay nasa paligid, hindi magiging madali ang pagsasalin, ngunit sinubukan ni Joseph ang lahat ng kanyang makakaya. Sa tulong ni Emma, kinopya niya ang marami sa mga kakaibang karakter mula sa mga lamina sa papel.10 Pagkatapos, sa loob ng ilang linggo, pilit niyang isinalin ang mga ito gamit ang Urim at Tummim. Ang proseso ay nangangailangan ng higit pa sa pagtingin sa mga pansalin. Kailangan niyang magpakumbaba at sumampalataya habang pinag-aaralan niya ang mga titik.11
Makalipas ang ilang buwan, dumating sa Harmony si Martin Harris. Sinabi niya na naramdaman niyang tinawag siya ng Panginoon na maglakbay pasilangan hanggang sa Lunsod ng New York upang sumangguni sa mga eksperto sa mga sinaunang wika. Umasa siyang magagawa nilang isalin ang mga titik.12
Kumopya si Joseph ng marami pang mga titik mula sa mga lamina, isinulat ang kanyang salin, at iniabot ang papel kay Martin. Pagkatapos ay minasdan nila ni Emma ang kanilang kaibigan nang umalis ito patungo ng silangan upang sumangguni sa mga bantog na iskolar.13
Pagdating ni Martin sa Lunsod ng New York, pinuntahan niya si Charles Anthon, isang propesor ng Latin at Griyego sa Columbia College. Mas bata si Propesor Anthon—mga labinlimang taon ang tanda ni Martin sa kanya—at pinakabantog sa paglalathala ng popular na encyclopedia tungkol sa kulturang Griyego at Romano. Nagsimula na rin siyang magtipon ng mga kuwento tungkol sa mga American Indian.14
Si Anthon ay isang mahigpit na iskolar na ayaw na ayaw na naiistorbo, ngunit malugod niyang tinanggap si Martin at pinag-aralan ang mga titik at salin na ibinigay ni Joseph.15 Bagama’t hindi alam ng propesor ang wikang Egipcio, nakabasa na siya ng ilang mga pag-aaral tungkol sa wika at alam ang hitsura ng titik nito. Habang tinitingnan niya ang mga titik, nakakita siya ng mga pagkakatulad sa wikang Egipcio at sinabi kay Martin na tama ang pagsasalin.
Ipinakita sa kanya ni Martin ang mga karagdagang titik, at sinuri iyon ni Anthon. Sinabi niya na naglalaman ang mga ito ng mga titik mula sa maraming sinaunang wika at binigyan niya si Martin ng katibayan na nagpapatunay na totoo ang mga ito. Inirekomenda rin niya na ipakita ang mga titik sa isa pang iskolar na nagngangalang Samuel Mitchill, na dating nagtuturo sa Columbia.16
“Napakarami niyang alam sa mga sinaunang wikang ito,” sabi ni Anthon, “at wala akong duda na makatutulong siya sa iyo kahit paano.”17
Inilagay ni Martin ang katibayan sa kanyang bulsa, ngunit nang paalis na siya, tinawag siyang muli ni Anthon. Nais nitong malaman kung paano natagpuan ni Joseph ang mga gintong lamina.
“Isang anghel ng Diyos,” sabi ni Martin, “ang nagpakita nito sa kanya.” Pinatotohanan niya na ang pagsasalin ng mga lamina ay magpapabago sa mundo at maililigtas ito mula sa pagkagunaw. At ngayong mayroon na siyang katibayan na totoo ang mga ito, balak niyang ibenta ang kanyang sakahan at iambag ang pera upang maipalimbag ang salin.
“Patingin ng katibayan,” sabi ni Anthon.
Kinuha ito ni Martin sa kanyang bulsa at iniabot ito. Pinunit ni Anthon ang papel at sinabing wala nang gayong bagay na tulad ng mga paglilingkod ng mga anghel. Kung nais ni Joseph na maisalin ang mga lamina, maaari niyang dalhin ang mga ito sa Columbia at hayaang maisalin ang mga ito ng isang iskolar.
Ipinaliwanag ni Martin na may bahagi ng mga lamina na selyado at hindi pinahihintulutan si Joseph na ipakita ang mga ito kahit kanino.
“Hindi ako makababasa ng isang aklat na mahigpit na nakasara,” sabi ni Anthon. Binalaan niya si Martin na marahil ay niloloko siya ni Joseph. “Mag-ingat sa mga taong manloloko,” sabi niya.18
Nilisan ni Martin si Propesor Anthon at pinuntahan si Samuel Mitchill. Magalang na tinanggap niya si Martin, nakinig sa kanyang kuwento, at tiningnan ang mga titik at pagsasalin. Hindi niya maintindihan ang mga ito, ngunit sinabi niya na naalala niya rito ang mga heroglipiko ng mga taga Egipto at ang mga ito ay mga sulatin ng isang bansang nalipol na.19
Kalaunan ay nilisan ni Martin ang lunsod at nagbalik sa Harmony, mas kumbinsido kaysa noon na nasa pag-iingat ni Joseph ang mga sinaunang gintong lamina at may kapangyarihang isalin ang mga ito. Ikinuwento niya kay Joseph ang tungkol sa pakikipag-usap niya sa mga propesor at ikinatwiran na kung ang ilan sa mga pinakaedukadong tao sa Amerika ay hindi kayang isalin ang aklat, kailangang gawin ito ni Joseph.
“Hindi ko kaya,” sabi ni Joseph na nalulula sa gawain, “dahil wala akong pinag-aralan.” Ngunit alam niya na inihanda ng Panginoon ang mga pansalin upang kanyang maisalin ang mga lamina.20
Sumang-ayon si Martin. Balak niyang bumalik sa Palmyra, asikasuhin ang mga dapat ayusin, at bumalik sa lalong madaling panahon upang magsilbi bilang tagasulat ni Joseph.21
Noong Abril 1828, sina Emma at Joseph ay nakatira sa isang tahanan sa kahabaan ng Ilog Susquehanna, di kalayuan sa bahay ng mga magulang ni Emma.22 Ngayo’y mabigat na sa kanyang ipinagbubuntis, madalas gumanap si Emma bilang tagasulat ni Joseph nang sinimulan niyang isalin ang talaan. Isang araw, habang siya ay nagsasalin, biglang namutla si Joseph. “Emma, may pader ba sa paligid ng Jerusalem?” tanong niya.
“Oo,” sabi niya, ginugunita ang paglalarawan nito sa Biblia.
“Ah,” sinabi ni Joseph na nakahinga nang maluwag, “natakot ako na nagkamali ako.”23
Namangha si Emma sa kanyang asawa na ang kakulangan nito ng kaalaman sa kasaysayan at banal na kasulatan ay hindi naging hadlang sa pagsasalin. Hindi halos makasulat nang may saysay na liham si Joseph. Subalit oras-oras ay tinatabihan niya ito habang idinidikta niya ang tala nang walang tulong ng anumang aklat o manuskrito. Alam niya na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay-inspirasyon sa kanya na magsalin tulad ng ginawa niya.24
Sa paglipas ng panahon, bumalik si Martin mula sa Palmyra at pumalit bilang tagasulat, na nagbibigay kay Emma ng pagkakataong makapagpahinga bago siya manganak.25 Ngunit hindi naging madali ang kanyang pagpapahinga. Ang asawa ni Martin, si Lucy, ay nagpumilit na sumama sa kanya sa Harmony, at ang mag-asawang Harris ay kapwa may malakas na personalidad.26 Nagduda si Lucy sa pagnanais ni Martin na suportahan si Joseph sa mga gastusin at nagalit siya na nagtungo ang asawa sa Lunsod ng New York nang hindi siya kasama. Nang sabihin ni Martin sa kanya na pupunta ito ng Harmony upang tumulong sa pagsasalin, nagpilit siyang sumama, determinadong makita ang mga lamina.
Humihina na ang pandinig ni Lucy, at kapag hindi niya maintindihan ang sinasabi ng mga tao, iniisip niya kung minsan na pinipintasan siya ng mga ito. Halos wala rin siyang paggalang sa pribadong buhay ng ibang tao. Matapos tumanggi si Joseph na ipakita sa kanya ang mga lamina, nagsimula siyang halughugin ang bahay, hinahalungkat ang mga kahon, aparador, at baul ng pamilya. Walang magawa si Joseph kundi ang itago sa kakahuyan ang mga lamina.27
Kalaunan, nilisan ni Lucy ang bahay at nakitira sa isang kapitbahay. Na kay Emma na muli ang kanyang mga kahon at aparador, ngunit ngayon naman ay sinasabi ni Lucy sa mga kapitbahay na si Joseph ay isang impostor na ang habol lamang ay ang pera ni Martin. Matapos ang ilang linggong panggugulo, umuwi si Lucy sa Palmyra.
Ngayong nanumbalik na ang kapayapaan, mabilis na nakapagsalin sina Martin at Joseph. Nasasanay na si Joseph sa kanyang banal na tungkulin bilang tagakita at tagapaghayag. Gamit ang mga pansalin o isa pang bato ng tagakita, nagagawa niyang magsalin kaharap man niya ang mga lamina o nakabalot ang mga ito sa isa sa mga linen na tela ni Emma sa ibabaw ng mesa.28
Sa buong Abril, Mayo, at mga unang araw ng Hunyo, pinakinggan ni Emma ang ritmo ng tinig ni Joseph habang nagdidikta ng tala.29 Mabagal, ngunit malinaw siyang nagsasalita, humihinto lamang paminsan-minsan upang hintayin si Martin na sabihing “naisulat na” matapos siyang makahabol sa mga sinasabi ni Joseph.30 Humahalili rin si Emma bilang tagasulat at namamangha kung paanong sa kabila ng mga paghinto at pahinga, nagagawa pa rin ni Joseph na magpatuloy mula sa kung saan siya nahinto nang hindi kinakailangang paalalahanan.31
Di nagtagal at dumating na ang oras ng panganganak ni Emma. Ang salansan ng mga pahina ng manuskrito ay kumapal na, at kumbinsido si Martin na kung magagawa niyang ipabasa sa kanyang asawa ang salin, makikita niya ang kahalagahan nito at hihinto na sa panggugulo nito sa kanilang gawain.32 Umasa rin siya na ikagagalak ni Lucy kung paano niya ginugol ang kanyang oras at salapi upang makatulong sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos.
Isang araw, humingi si Martin ng permiso kay Joseph na dalhin ang mga manuskrito sa Palmyra nang ilang linggo.33 Naaalala kung paano kumilos si Lucy Harris nang bumisita siya sa bahay, nag-alinlangan si Joseph sa ideyang iyon. Ngunit nais niyang masiyahan si Martin, na naniwala sa kanya samantalang nagduda ang napakarami sa kanyang salita.34
Hindi tiyak ang gagawin, nagdasal si Joseph upang humingi ng gabay, at sinabi sa kanya ng Panginoon na huwag hayaang dalhin ni Martin ang mga pahina.35 Subalit nakatitiyak si Martin na kapag naipakita niya ito sa kanyang asawa ay magbabago ang lahat, at nagmakaawa siya kay Joseph na magtanong muli. Nagtanong muli si Joseph, ngunit gayon pa rin ang sagot. Iginiit pa rin ni Martin na magtanong ulit si Joseph sa ikatlong pagkakataon, at sa pagkakataong ito pinahintulutan sila ng Panginoon na gawin kung ano ang gusto nila.
Sinabi ni Joseph kay Martin na maaari nitong dalhin ang mga pahina sa loob ng dalawang linggo kung ipapangako niya na pananatilihin niyang nakatago ang mga ito at ipakikita lamang ito sa ilang kapamilya. Nangako si Martin at bumalik sa Palmyra, dala ang manuskrito.36
Pagkaalis ni Martin, nagpakita si Moroni kay Joseph at kinuha ang mga pansalin mula sa kanya.37
Isang araw matapos ang paglisan ni Martin, dumanas si Emma ng matinding hirap sa panganganak at nagsilang ng isang batang lalaki. Ang sanggol ay mahina at sakitin at hindi nagtagal ay pumanaw. Dahil sa matinding pagsubok na naranasan, humina ang katawan ni Emma at napuno ng pagdadalamhati, at may pagkakataon na inakala ring siya ay mamamatay na. Walang kapaguran siyang inalagaan ni Joseph, na palaging nasa kanyang tabi.38
Makaraan ang dalawang linggo, nagsimulang bumuti ang kalusugan ni Emma, at naisip niya si Martin at ang manuskrito. “Nababagabag ako,” sabi niya kay Joseph, “kaya hindi ako mapapanatag at hindi mapapakali hangga’t hindi ko nalalaman kung ano na ang ginawa ni Ginoong Harris (sa manuskrito).”
Hinimok niya si Joseph na hanapin si Martin, ngunit ayaw ni Joseph na iwanan siya. “Ipasundo mo ang aking ina,” sabi niya, “at sasamahan niya ako habang wala ka.”39
Sumakay si Joseph sa isang karwahe patungo sa hilaga. Kaunti lamang ang kanyang kinain at itinulog sa biyahe, natatakot na ginalit niya ang Panginoon sa hindi pakikinig nang sinabihan siyang huwag hayaan si Martin na dalhin ang manuskrito.40
Bukang-liwayway na nang dumating siya sa tahanan ng kanyang mga magulang. Ang mga Smith ay naghahanda ng almusal at pinadalhan ng imbitasyon si Martin na mag-almusal kasama nila. Pagsapit ng alas-otso, nakahain na ang pagkain sa mesa, ngunit wala pa si Martin. Nagsimula nang mabagabag si Joseph at ang kanyang pamilya habang hinihintay nila ito.
Sa wakas, matapos ang mahigit apat na oras, nakita si Martin sa may kalayuan, mabagal na naglalakad patungo sa bahay, nakatitig sa lupang nilalakaran niya.41 Sa tarangkahan ay huminto siya, naupo sa bakod, at tinakpan ng sumbrero ang kanyang mga mata. Pagkatapos ay pumasok siya at naupo upang tahimik na kumain.
Nagmasid ang pamilya habang kinukuha ni Martin ang kanyang mga kubyertos, na tila handang kumain, at bigla itong binitawan. “Ipinahamak ko ang aking kaluluwa!” sigaw niya, idinidiin ang mga kamay sa kanyang mga sintido. “Ipinahamak ko ang aking kaluluwa.”
Biglang napatayo si Joseph. “Martin, nawala mo ba ang manuskrito?”
“Oo,” sagot ni Martin. “Wala na ito, at hindi ko alam kung nasaan.”
“O, Diyos ko, Diyos ko,” himutok ni Joseph, kuyom ang kanyang mga kamao. “Nawala na ang lahat!”
Nagsimula siyang magpalakad-lakad. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. “Bumalik ka,” ang utos niya kay Martin. “Hanapin mong muli.”
“Wala nang saysay.” sagot ni Martin. “Hinanap ko na sa buong kabahayan. Nilaslas ko na nga ang mga kama at mga unan, at alam kong wala ito roon.”
“Ganito bang balita ang sasabihin ko sa aking asawa sa pag-uwi ko?” Natakot si Joseph na ikamatay ni Emma ang balita. “At paano ako haharap sa Panginoon?”
Sinubukan ng kanyang ina na panatagin siya. Sinabi niya na marahil ay patatawarin siya ng Panginoon kung magsisisi siya nang may pagpapakumbaba. Subalit humahagulgol na si Joseph, galit sa kanyang sarili sa pagsuway sa Panginoon noong una pa lang. Hindi siya halos makakain sa buong araw. Pinalipas niya ang magdamag at umalis kinaumagahan pabalik sa Harmony.42
Habang minamasdan ni Lucy ang pag-alis ni Joseph, puno ng kalungkutan ang kanyang puso. Tila ang lahat ng kanilang inasam bilang isang pamilya—lahat ng nagdulot sa kanila ng kaligayahan noong mga nakaraang taon—ay naglaho sa isang iglap.43