2018
Isang Kaso ng Nakakalungkot na Sabbath
Hulyo 2018


Isang Kaso ng Nakakalungkot na Sabbath

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Alam ko na dapat mahalin ang Sabbath, pero hindi ko alam kung paano.

hiding under covers

Paglalarawan ni David Stoker

Sinasabi sa mga banal na kasulatan na ang araw ng Sabbath ay banal na araw, araw na masaya at kalugud-lugod, araw ng pahinga, at araw ng pagdiriwang.1 Ngunit ilang taon ang nakalipas, bago ako magbente anyos, lubhang miserable para sa akin ang araw ng Linggo. Sa halip na kapayapaan, nakadama ako ng stress. Sa halip na kaligayahan, kalungkutan. Sa halip na pag-asa, bagabag. Nagkaroon ako ng isang buong kaso ng nakakalungkot na Sabbath.

Tuwing Linggo ng umaga, matapos ang nakakahiyang tagal sa pagkahiga, sinasabi ko sa sarili ko na Linggo na nga, at magbibihis para magsimba. Sa simbahan, inaalala ko ang lumipas na linggo ko. Sa sakramento, iniisa-isa ko ang aking mga kabiguan, at hindi ako natatapos hanggang sa makatayo ang unang tagapagsalita. Ang nalalabing oras sa pagsisimba ay nagiging paglaban sa pagpipigil ng mga luha habang tumitindi ang damdamin ng kalungkutan sa simbahan.

Ang hapon ay gayon din. Nakakaramdam ako ng pagkabagabag sa mga pagpili ko noon, stress tungkol sa mga pagpipilian, at kalungkutan sa kasalukuyang pinagdaraanan. Dahil walang pasok sa paaralan at iba pang mga gawain na makaka-istorbo sa akin, nailalaan ko ang aking oras sa pag-iisip ng mga hindi magagandang alaala.

Matapos marinig, mabasa, at muling mabasa ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2015 sa kung paanong ang Sabbath ay kasiya-siya, ipinagdasal ko ang kapayapaan at pagmamahal sa Sabbath kaysa sa mga pagdurusang nadarama ko.2 At dumating ang sagot.

Tumuon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Naramdaman kong ginabayan ako sa pagtutuon ko ng aking pansin mula sa mga kamalasan tungo sa aking relasyon sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Sa halip na pagnilayan ang aking mga kabiguan, naglaan ako ng oras na pagnilayan ang kinalaman Nila sa aking buhay.

Kapag dumarating ang hindi magagandang kaisipan, inuulit ko sa aking sarili ang mga nalalaman at pinaniniwalaan ko tungkol sa Diyos at kay Jesucristo: Ako ay anak ng Diyos. Mahal Niya ako. Si Jesucristo ang aking nakakatandang Kapatid, at nagbayad-sala Siya para sa akin. Gusto Nila akong maging masaya at makabalik sa Kanila. Ang Sabbath ay isang regalo mula sa Diyos.

Sinimulan kong paganahin ang aking pananampalataya sa patotoong ito.

Masiglang Tanggapin ang Sakramento

Ang pagbabago ng aking pokus ang naging dahilan para muli kong isipin kung paano ako kikilos sa sakramento. Sa mahabang panahon ang tingin ko sa sakramento ay oras para parusahan ang sarili ko. Ngunit hindi iyon ang layunin nito. Ang sakramento ay isang banal na ordenansa upang sariwain ang ating mga tipan. Ito ay pagkakataon na maging malinis muli sa pamamagitan ng nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo. Sa pagpokus sa ordenansa at tipan nang may pananampalataya at nagsisising puso, naunawaan ko na ang sakramento ay naghahandog ng kapayapaan sa aking pagtanggap ng kaloob ng kapatawaran, pagtupad sa aking mga tipan, at sa pagtanggap sa Espiritu ng Panginoon (tingnan sa D at T 20:77, 79).

Ang pag-alaala sa Pagbabayad-sala ni Cristo sa sakramento ay naghatid ng iba pang kaloob sa aking isip. Hindi lang ako mapapatawad, kundi makakatanggap din ako ng paghilom dahil sa pinasan ni Cristo sa sarili Niya ang aking mga pasakit at paghihirap (tingnan sa Alma 7:11–12). Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at ng sakramento, natatagpuan ko ang kapayapaan at kalakasan sa Sabbath—o sa anumang araw—sa halip na stress at kalungkutan.

At natagpuan ko ang kapayapaan na iyon. Ang aking Tagapagligtas ay naririyan para sa akin sa Linggo at sa tuwina!

Magkaroon ng Matiising Pananampalataya

Hindi ito naaayos sa loob ng isang linggo. Nahirapan ako, at gumugol ng panahon. “Datapuwa’t kung nagsisiasa tayo sa hindi natin nakikita, kung magkagayo’y [naghihintay tayo nang] may pagtitiis” (Mga Taga Roma 8:25). Patuloy kong sinikap na magpokus at ipinagdasal na maramdaman ang pag-ibig para sa Sabbath.

Kalaunan, nahanap ko din ang kapayapaan at kasiyahan sa banal na araw na iyon, ngunit hindi ako maaaring umatras dahil baka malungkot na naman ako sa araw ng Sabbath. Bawat linggo ay nangangailangan ng matiyagang pagtutuon sa Tagapagligtas at sa layunin ng Sabbath, ngunit alam ko na ang ipinangakong kapayapaan at kaligayahan ay totoo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Exodo 20:11; Exodo 31:15; Levitico 23:32; Isaias 58:13; Doktrina at mga Tipan 59:13.

  2. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 129–32.)