Pakiramdam Mo Ba ay Nawawalan Ka ng Koneksyon? Subukan Mong Magdahan-dahan
Walang nagsabi kailanman na, “Gustung-gusto kong naghihintay.” Pero dapat siguro nilang sabihin iyan.
Kung ipapantay mo sa mga gagamba at ahas ang paghihintay sa mahabang pila sa listahan mo ng mga bangungot, hindi ka nag-iisa.
Tayo man ay nasa pila, nakaupo habang matindi ang trapiko, o naghihintay ng bus, ayaw na ayaw natin ang naghihintay.
Mapalad tayo na ang paghihintay ay nagiging kahalintulad ng isang bangungot: nakakatakot na posibilidad ngunit hindi natin nararanasan araw-araw. Nabubuhay tayo sa panahon na hindi tayo kailangang maghintay sa anupaman. Pinapabilis ng teknolohiya ang lahat ng bagay kaya mas maikli na ang attention span natin kaysa sa goldfish (oo, talaga).1 Kapag kailangan nating maghintay, sinusubukan nating sulitin ang oras—kadalasan sa paggamit ng isang mobile device.
Wala naman talagang likas na mali sa teknolohiya o kahusayan, ngunit ang mabilis na takbo ng buhay at patuloy na pagkagambala ay inilalayo tayo sa bagay na mas mahalaga.
Higit sa Isang Banal na Kasulatan Lamang
Kamakailan lang, pakiramdam ko ay espirituwal akong natatangay palayo. Hindi ko ito maunawaan. Nagsisimba ako, minamadali ang mga panalangin, at sumusulyap sa aking mga scripture. Paminsan-minsan ay nakadarama ako ng mga espirituwal na pahiwatig, ngunit sa pangkalahatan, parang nawalan ako ng koneksyon.
Noong sinabi ko ito sa Ama sa Langit sa isang taimtim na panalangin, naisip ko ang mga sailitang ito: “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios” (Mga Awit 46:10).
Para bang ang salitang magsitigil ay naka-highlight, may salungguhit, at naka-bold type.
Maaaring ginagawa ko naman ang lahat ng tama, ngunit ginagawa ko ang mga ito nang mabilis at walang masyadong pokus. Nasanay akong nagagambala sa pamumuhay ng ebanghelyo.
Walang gawaing pangrelihiyon ang makakapagdala sa akin ng malalim na koneksyong espirituwal kung ang aking partisipasyon ay madalian at nagagambala. Higit pa ito sa isang banal na kasulatan lamang. Upang makilala ang Diyos at magkaroon ng koneksyon sa banal at tumatagos na kaalaman na hinahanap ko, kinailangan kong magdahan-dahan at tumigil.
Hindi madali ang pagsunod sa pahiwatig na iyon. Ngunit binago nito ang lahat.
Ngayon, Magdahan-dahan Ka …
Itinuro ni Nephi na sila na “naghahanap nang masigasig ay makasusumpong; at ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa kanila, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (1 Nephi 10:19; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Himayin natin ito: Ang pag-aaral ng mga hiwaga ng Diyos ay nangangailangan ng paghahanap nang masigasig. Ito ay hindi pabagu-bago at intensyonal na gawain, hindi minsanang pag-google. Susunod, ang mga hiwaga ay hindi lumilitaw; unti-unti itong nalalahad. Ang prosesong ito ay gumugugol ng oras. At ang oras na iyon ay lubhang mahalaga! Ang oras na ginugugol natin para mag-isip at magsaliksik ay nagbibigay sa atin ng oras para magkaroon ng koneksyon sa Espiritu, kung kaninong kapangyarihan ay dumarating ang mga kasagutan.
Ipinahayag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) na ang meditasyon—“malalim at patuloy na pagmumuni sa isang paksa ukol sa relihiyon”—ay “isa sa … pinakasagradong pintuan na dinaraanan natin papunta sa kinaroroonan ng Panginoon.”2 Sa pamamagitan ng pagdadahan-dahan, maaari nating buksan ang isang pinto sa paghahayag. Maaari nating lampasan ang mga laganap na ideal sa mundo at magkaroon ng koneksyon sa langit. Kailangan natin ang pintong iyon. Kailangan nating magdahan-dahan.
Kailangan ng Pagsisikap
Para sa akin, ang pagdadahan-dahan ay nangangahulugan ng pagluhod at pagsasalita nang malakas kapag ako ay nananalangin. Nakatulong sa akin ang maayos na tindig at pagsasalita nang malakas para mas magpokus. Ang pagdadahan-dahan ay nangangahulugan ng pag-aaral mula sa mga pisikal na banal na kasulatan at sa pisikal na pagsulat ng mga tala. Nangangailangan ito ng mas maraming oras at pagsisikap, at ang mas maraming oras at pagsisikap na iyon ay mainam na paraan para “gisingin at pukawin ang [iyong] kaisipan,” at sa gayon ay pahihintulutan ang Espiritu at ang hangarin na “umiral sa [iyo]” at ang binhi ng patoto na “magkaugat, lumaki, at magbigay ng bunga” (Alma 32:27, 37).
Makikita natin ang halos lahat ng impormasyon sa ilang pindot lamang, ngunit ang espirituwal na pag-unawa at pagbabago ay nangangailangan ng oras at ng masigasig na pagsisikap. Kung paano ka magdahan-dahan at maglaan ng pagsisikap sa ebanghelyo ay hindi mahalaga, basta ginagawa mo ito! Kapag isinusubo sa atin ang impormasyon, nababawasan ang bahagi natin sa sarili nating pagkatuto. Inaalis natin ang mga pagkakataong magkaroon ng koneksyon sa Espiritu.
Tiyak na maaari nating tanggapin ang teknolohiya at mga pag-unlad nito na nagpapadali sa mga pang-araw-araw na gawain na tumutulong sa atin na magamit ang oras natin nang mahusay. Ngunit hindi tayo puwedeng masanay na lang sa abalang pamumuhay at mababaw na pag-iisip na kasama nito. Sa halip na katakutan ang pangangailangang maghintay, maaari nating tanggapin ito bilang pagkakataong magdahan-dahan, magmuni-muni, at palalimin ang koneksyon natin sa Espiritu.