“Isang Panahon ng Pagsubok,” kabanata 35 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)
Kabanata 35: “Isang Panahon ng Pagsubok”
Kabanata 35
Isang Panahon ng Pagsubok
Isang malaking pulutong ang naghihintay sa istasyon ng tren nang dumating sina George Q. Cannon at ang mga dumakip sa kanya sa Lunsod ng Salt Lake noong Pebrero 17, 1886. Sinamahan ni Marshal Ireland si George pababa ng tren at papunta sa isang tanggapan sa lunsod, kung saan nagtipon ang isa pang pangkat ng tao upang magpakita ng pakikiramay sa ginulpi at nasaktang bilanggo. Sa loob, nagbigay ang marshal kay George ng kutson at hinayaan siyang magpahinga habang hinihintay nilang dumating ang kanyang abugado at iba pang mga bisita.1
Ang paglilitis ni George ay nakatakda sa ika-17 ng Marso, at pinalaya siya ng isang hukom sa piyansang $45,000. Samantala, sinimulan ng isang malaking lupon ng tagahatol na tanungin ang mga asawa at anak ni George upang maglikom ng mga katibayan na lumabag siya sa Batas ni Edmunds.
“Ang mga taong ito ay walang awa,” ipinahayag ni George nang malaman niya ang tungkol sa kanilang marahas na pagtatanong. “Sila ay kasing walang awa tulad ng mga lubos na pinabayaan at masasamang pirata.”2
Matapos siyang palayain, palihim na nakipag-usap si George kay Pangulong Taylor. Halos lubos na ang pasya ni George na pumunta sa bilangguan, subalit nanalangin siya na malaman ng propeta ang kalooban ng Panginoon sa bagay na ito. Sa kanilang pulong, ipinaliwanag ni George ang kanyang gipit na kalagayan, at sumang-ayon si Pangulong Taylor na dapat niyang sundin ang proseso ng batas. Kung hindi pupunta si George sa kanyang paglilitis, isusuko niya ang piyansang $45,000, na bukas-palad na binayaran ng kanyang mga kaibigan para sa kanya.
Nang gabing iyon, gayunman, inihayag ng Panginoon kay Pangulong Taylor na ang kanyang unang tagapayo ay dapat bumalik sa pagtatago. Ang paghahayag ay napakabilis na parang isang kidlat, at matapos itong dumating, agad lumuhod ang propeta sa tabi ng kanyang kama upang manalangin nang buong pasasalamat. Ilang taon na ang nakararaan, hinimok siya ng Panginoon na gamiting puhunan sa isang kumpanya ng pagmimina ang salapi ng Simbahan na hindi mula sa ikapu upang lumikha ng isang espesyal na reserbang pondo para sa Simbahan. Naniwala si Pangulong Taylor na dapat gamitin ang reserba upang bayaran ang mga taong nagbayad ng piyansa ni George.3
Nadama ni George na ang paghahayag ay sagot sa kanyang mga panalangin. Isinumite nila ito ni Pangulong Taylor sa apat na apostol sa lunsod, at sinasang-ayunan ng mga ito ang plano na isagawa ito.
Gayunman, nag-alala si George tungkol sa kaangkupan ng muling pagtatago, lalo na at ang ibang lalaki ay ibinilanggo dahil sa kanilang mga paniniwala. Ayaw niyang kahit sino sa loob o labas ng Simbahan na mag-isip na siya ay isang duwag. Subalit ngayon ay alam na niya ang kalooban ng Panginoon para sa kanya, at pinili niyang magtiwala rito.
“Kung ang Diyos ay magsasabi sa akin ng isang daan na tatahakin,” isinulat niya sa kanyang journal, “nais kong tahakin ito at ipaubaya sa Panginoon ang kalalabasan nito.”4
Sa panahong bumalik si George Q. Cannon sa pagtatago, muling naglalakbay si Emmeline Wells patungong Washington, DC para sa gawain ng Simbahan. Pitong taon na ang lumipas mula nang makipagpulong siya kay Pangulong Rutherford Hayes at sa asawa nitong si Lucy. Ang oposisyon sa Simbahan ay lalo pang tumindi simula noon, lalo na ngayon na sinusubukang amyendahan ng Kongreso ang Batas ni Edmunds ng isang mas mahigpit na panukalang batas, na kalaunang makikilala bilang Batas nina Edmunds-Tucker (Edmunds-Tucker Act).5
Hinihiling ng panukalang batas, higit sa lahat, na bawiin ang karapatan ng kababaihan ng Utah na bumoto, at nadama ni Emmeline na tungkulin niyang magsalita laban dito.6 Siya ay puno ng pag-asa na makukumbinsi niya ang mga makatwirang tao—lalo na ang kanyang mga kakampi sa pakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga kababaihan—upang makita ang kawalan ng katarungan ng batas.
Sa Washington, nakipag-usap si Emmeline sa mga mambabatas at aktibista na nakikiisa sa kanyang mga layunin. Ang ilan ay galit na maaaring mawala sa mga kababaihan ng Utah ang kanilang karapatang bumoto. Ang iba naman ay hindi sang-ayon sa bahagi ng batas na nagtutulot sa pamahalaan na kumpiskahin ang mga pribadong pag-aari ng mga Banal. Subalit ang oposisyon sa maramihang pag-aasawa ay nagbunsod sa marami na huwag tumulong, maging ang mga yaong tinatawag ni Emmeline na mga kaibigan.7
Pagkaraan ng ilang linggo sa Washington, sumakay siya ng tren papuntang kanluran, naniniwalang nagawa na niya ang lahat ng kanyang makakaya para sa mga Banal. Sa kanyang paglalakbay, nalaman niya na dalawang libong kababaihan ang nagsiksikan sa Teatro ng Salt Lake upang tutulan ang pagtrato ng pamahalaan sa mga maramihang pamilya. Sa pulong, hiniling ni Mary Isabella Horne sa mga babae na magsalita laban sa kawalan ng katarungan. “Tayo ba, ang kababaihan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay dapat na magpasakop sa mga pang-iinsulto at pagdurusa nang hindi tumututol laban sa mga ito?” tanong niya.8
Natuwa si Emmeline sa lakas ng kanyang mga kapatid na babae sa ebanghelyo, at inasam niya na muli silang makasama. Ngunit sa kanyang paglalakbay pauwi, nakatanggap siya ng telegrama mula kay Pangulong Taylor na hinihiling sa kanyang bumalik sa Washington. Isang komite ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ang sumulat ng mga resolusyon na nananawagan sa mga lider ng bansa na tapusin ang kanilang mga panliligalig sa mga Banal. Nagsumamo rin ang mga resolusyon sa mga asawa at ina sa buong Estados Unidos na tulungan ang mga kababaihan ng Utah. Nais ng propeta na ilahad ni Emmeline ang mga resolusyon kay Grover Cleveland, ang pangulo ng Estados Unidos. Si Ellen Ferguson, isang Banal sa mga Huling Araw na doktor at siruhano sa Lunsod ng Salt Lake, ay sasama sa kanya.9
Sa loob ng ilang araw, muling nasa Washington si Emmeline. Siya at si Ellen ay dumalaw kay Pangulong Cleveland sa silid-aklatan ng White House. Hindi siya nakakatakot tulad ng inaasahan nila, subalit batid nilang magiging mahirap himukin ito na suportahan ang kanilang layunin. Noong nakaraang taon, nakipagpulong ito sa isang delegasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa Utah at sinabi sa kanila, “hinihiling ko na sana kayong naroroon ay maging katulad naming lahat.”10
Mataimtim na nakinig ang pangulo kina Emmeline at Ellen at nangako na isasaalang-alang ang kanilang resolusyon. Subalit kahit na tila nakikiisa siya sa kanilang layon, hindi ganoon kalakas ang kanyang pakikisa upang hindi magkaroon ng posibilidad na magalit ang mga mambabatas na laban sa poligamya.
“Lahat ng magagawa rito sa paglalahad ng katotohanan at paghahangad na alisin ang mga maling palagay ay tila isang patak lamang sa karagatan ng opinyon ng publiko,” isinulat ni Emmeline sa Woman’s Exponent pagkaraan ng maikling panahon. “Ngunit hindi dapat mapagod ang tao sa paggawa ng mabuti, kahit na maaaring kaunti lamang ang mga oportunidad at napakalupit ng diskriminasyon.”11
Samantala, sa Lambak ng Sanpete sa Utah, nagsimula ang mga marshal na dakpin ang mga Banal na nagsasagawa ng poligamya sa Ephraim, Manti, at sa mga kalapit na bayan.12 Bilang pangulo ng Primary ng South Ephraim Ward, tinuturuan ni Augusta Dorius Stevens ang mga bata kung ano ang gagawin kapag sinubukang tanungin ang mga ito ng mga marshal.13 Kadalasang ang mga walang muwang na bata ang madaling mapagkukunan ng impormasyon, kaya kailangan nilang matutuhan kung paano makikilala ang mga marshal at lumikha ng kalituhan upang pahirapan ang imbestigasyon.14
Mahigit tatlumpung taon na ang lumipas mula nang nilisan ni Augusta ang kanyang pamilya sa Copenhagen, Denmark upang tumungo sa Utah. Siya ay labing-apat na taong gulang lamang noong panahong iyon. Kinamuhian ng kanyang ina ang Simbahan at katatapos lamang makipagdiborsyo noon sa kanyang ama. Kung may magsasabi kay Augusta na balang-araw ang kanyang pamilya ay magkakasama-samang muli sa Sion, at ang kanyang mga magulang ay maibubuklod sa pamamagitan ng proxy sa templo, marahil ay hindi siya maniniwala sa kanila.15
Subalit iyon mismo ang nangyayari ngayon, at ngayon ang pamilya Dorius ay naging mahalagang bahagi ng Lambak ng Sanpete. Ang ama ni Augusta at karamihan sa kanyang mga kapatid ay matagal nang pumanaw, ngunit ang kanyang ina, si Ane Sophie, ngayon ay nasa ikawalong dekada nito at malaki ang pagmamalaki sa mga anak na ang pagiging mga miyembro nila sa Simbahan ay dating nagpapahiya sa kaniya. Ang mga kapatid ni Augusta na sina Carl at Johan ay may malalaking pangmaramihang pamilya na lumalaki sa bawat taon, dumarami ang mga anak at apo. Ang kanyang kapatid sa ama, si Lewis, na anak sa pangalawang asawa nito, si Hannah, ay mayroon ding malaking pangmaramihang pamilya. Ang kapatid ni Augusta sa ina, si Julia, na inampon ng kanyang ina sa Denmark, ay ikinasal din at nagtataguyod ng isang pamilya sa lambak.16
Bagama’t ang maramihang pag-aasawa ng magkapatid na Dorius ay inilalagay sila sa panganib na madakip, ang asawa ni Augusta, si Henry, ay ligtas. Ang unang asawa nito ay pumanaw noong 1864, kung kaya siya at si Augusta ay hindi na nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa. Silang dalawa ay may walong anak, at lima sa mga ito ay buhay pa.17 Wala ni isa sa kanilang mga anak na may-asawa ang nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa.18
Gayunman, dahil nagtatrabaho siya bilang nars at komadrona, si Augusta ay isang taong maaaring hanapin ng mga marshal upang tanungin. Nang makitang kailangan ng mas mainam na pangangalagang medikal ang mga Banal, sinimulan nina Brigham Young at Eliza Snow noong dekada ng 1870 na himukin ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw na makakuha ng kaalaman sa medisina. Naging komadrona si Augusta noong 1876 matapos matanggap ang kanyang pagsasanay sa Utah. Sa paghihikayat ng mga lider ng Relief Society at ng Simbahan, nag-aral ang iba pang kababaihan sa mga paaralan ng medisina sa silangang Estados Unidos. Tumulong din ang ilan sa kanila sa Relief Society na itatag ang Deseret Hospital sa Lunsod ng Salt Lake noong 1882.19
Sa pananaw ng mga marshal, ang mga bata ay katibayan ng pagsasama ng labag sa batas, kung hindi man maramihang pag-aasawa, at ang mga komadronang tulad ni Augusta ay maaaring magsilbing saksi sa hukuman. Gayunman, patuloy si Augusta sa pagtulong sa mga babae na magsilang ng mga sanggol at pagbisita sa mga pasyente, pumupunta sa bawat bahay na may dalang itim na bag at masayahing mukha.20
Sa Primary, madalas niyang sinasabi sa mga bata kung gaano sila kapalad na lumaki sa Sion, sa kabila ng panganib na hinaharap nito ngayon. Ang mga pulong ng Primary ay nagbibigay ng ligtas na lugar para sa mga bata na matutuhan ang ebanghelyo. Itinuturo sa kanila ni Augusta na maging mabait sa mga matatanda at mga may kapansanan. Hinikayat niya sila na maging magalang at gawin ang lahat upang makibahagi sa mga pagpapala ng templo.21
Tulad ng iba pang mga lider ng Simbahan, binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng karapat-dapat na pagtanggap ng sakramento bawat linggo, na ginagawa ng mga bata sa Sunday School. “Hindi natin dapat tinatanggap ang sakramento kung mayroon tayong sama ng loob sa ating sa ating mga kalaro o sa sinuman,” itinuro niya sa kanila. “Dapat tayong maging madasalin at magkaroon ng Espiritu ng Diyos upang mahalin natin ang isa’t isa. Kung napopoot tayo sa ating kalaro o ating kapatid na lalaki o kapatid na babae, hindi natin magagawang mahalin ang Diyos.”22
At ipinaalala niya sa mga bata sa Primary na huwag kalimutan ang mga yaong ginugulo ng mga marshal. “Ito ay isang panahon ng pagsubok,” sabi niya, “at dapat nating tandaan na ihandog ang ating mga mapagkumbabang dalangin para sa ating mga kapatid sa bilangguan—at sa lahat ng mga Banal.”23
Noong taglamig na iyon, habang nagtatago mula sa mga marshal sa Utah, tumanggap si Ida Udall ng telegrama mula sa kanyang asawa, si David. Pinatawad siya ni Pangulong Cleveland sa salang pagsisinungaling sa korte, at pauwi na siya.
Labis na nagagalak si Ida para kay David ngunit malungkot siya na hindi niya ito muling makakasama sa St. Johns, Arizona. “Nakalulumbay at nakapangungulila kong naiisip na ni isa ay wala akong masasalihan sa mga kasiyahan sa pagbabalik ng sarili kong asawa,” malungkot niyang isinalaysay sa kanyang journal.24
Patuloy na nanirahan si Ida sa Nephi, madalas pinaglalabanan ang mga damdamin ng kalungkutan at pagkabigo sa kanyang destiyero.25 Noong Setyembre 1886, matapos kailangang ipagpaliban ni David ang matagal na hinihintay na pagbisita upang makita siya, nagpadala siya rito ng liham na namumuhi at ipinadala ito sa koreo bago pa magbago ang kanyang isip.
“Sinabi ko sa kanyang hindi na niya kailangang mag-alala tungkol sa pagtungo rito para sa aking kapakanan,” nagagalit siyang nagsabi kalaunan sa kanyang journal. “Naisip ko na sapat na ang tagal ng pagkabaliw ko para sa isang taong hindi nagbibigay ng kahit anong pagpapahalaga para sa akin.”
Hindi nagtagal, umiiyak na humiga si Ida, nagsisisi na kanyang ipinadala ang liham. Pagkatapos, sa isang mensahe mula sa kanyang hipag, nalaman niya na nanalangin si David para sa kanya at sa kapakanan ni Pauline. Ang kaisipan na nagdarasal si David para sa kanya at sa kanilang anak ay umantig sa puso ni Ida, at sumulat siya ritong muli, ngayon ay humihingi ng paumanhin sa kanyang galit na liham.26
Hindi nagtagal ay tumanggap siya ng liham mula kay David na tinitiyak sa kanya na ito ay ang kanyang “mapagmahal at tapat asawa,” na sinundan ng isa pang mas mahabang liham na puno ng pag-asa at mapagmahal at mga nagsisising salita. “Patawarin mo rin ako para sa bawat masamang kilos, salita, iniisip, at maliwanag na kapabayaan,” pagsusumamo si David. “Ako ay may patotoo na ang araw ng kaligtasan ay nalalapit na at magkakaroon tayo ng kagalakan sa mundo.”27
Noong Disyembre, ang nakabinbing pagsasakdal sa poligamya laban kay David ay pinawalang-bisa, sa gayon ay posible na kay Ida na bumalik sa Arizona.28 Dumating si David sa Nephi noong Marso 1887 upang sunduin siya at si Pauline, natataon sa ikalawang kaarawan ng batang babae. Hindi kilala ni Pauline ang kanyang ama, at masidhi ang kanyang reaksyon tuwing sinusubukan nitong hawakan si Ida. “Hindi ka niya dapat hawakan!” binalaan niya ang kanyang ina.
Ang paglalakbay ng pamilya patungo sa Arizona ay tumagal nang tatlong linggo. Ito ang pinakamatagal na panahong kasama ni Ida nang mag-isa ang kanyang asawa sa limang taon ng kanilang kasal.29
Isang taon matapos samahan ang kanyang asawa sa mission field, nasanay na sa kanyang tahanan sa Hawaii si Susa Gates. Nagtatrabaho si Jacob bilang tagaluto ng asukal, nililinang ang pananim na tubo ng pamayanan sa isang produkto na maaaring ipagbili.30 Ginawa ni Susa ang lahat upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang tahanan at pamilya. Nagdadalantao siyang muli, at maliban sa paglalaba at pagluluto ng pagkain, abala siya sa pananahi ng mga polo para kay Jacob, mga guhitang bestida para sa kanilang anim na taong gulang na anak, si Lucy, mga polo at pantalon para sa apat na taong gulang na si Jay at tatlong-taong gulang na si Karl, at mga bagong lampin para sa sanggol na si Joseph. Madalas siyang makadama ng pagod sa pagtatapos ng araw, ngunit nakakatagpo pa rin siya ng panahon upang isulat at isumite ang mga artikulo sa mga pahayagan sa Utah at California.31
Isang umaga noong Pebrero 1887, nagkasakit si Jay ng lagnat at ubo. Noong una, inakala nina Susa at Jacob na sipon lamang ito, ngunit lumala pa ang mga sintomas noong sumunod na linggo. Inalagaan nila si Jay sa abot ng kanilang makakaya at hiniling kina Joseph F. Smith at sa iba pa na basbasan ito. Namangha si Susa sa pananampalataya na ipinamalas para sa kapakanan ng kanyang mga anak. Subalit hindi bumuti ang kalagayan ni Jay.
Noong gabi ng ika-22 ng Pebrero, sinamahan ni Susa si Jay, pinupunasan ang kanyang tiyan ng langis upang subukang maibsan ang sakit nito. Hirap na hirap itong huminga. “Huwag ninyo akong iwan ngayong gabi, Mama,” sinabi nito sa kanya. “Dito ka lang ngayong gabi.”
Nangako si Susa na mananatili siya, ngunit makalipas ang hatinggabi, hinimok siya ni Jacob na magpahinga habang binabantayan niya ang kanilang anak. Tila mahimbing na natutulog si Jay, kung kaya ay natulog siya, hindi naniniwalang papanaw ang kanyang maliit pang anak. Ito ay nasa isang misyon kasama ang kanyang pamilya, sabi niya sa sarili, at ang mga tao ay hindi namamatay sa gitna ng mga misyon.
Kalaunan ay nagising si Jay at bumulong ng “Mama” nang paulit-ulit sa buong magdamag. Noong umaga, tila lumalala ang lagay nito, at tinawag ng pamilya sina Joseph F. at Julina Smith. Nanatili ang mga Smith kasama ng pamilya Gates sa buong araw. Hindi bumuti ang lagay ni Jay, at nang hapong iyon, nakatulog siya nang payapa at pagkatapos ay pumanaw bago ang alas-dos.32
Hindi mapalis ang sidhi ng kalungkutan ni Susa, subalit halos hindi pa niya sinisimulan ang magpighati nang nagkaroon si Karl ng katulad na karamdaman. Habang lumalala ang karamdaman niya, ang mga Banal mula sa paligid ng Laie ay nag-ayuno at nanalangin, ngunit walang nakatulong. Isinailalim ang pamilya sa kuwarentenas upang maiwasan ang pagkalat ng sakit, at hindi nagtagal ay pumanaw si Karl.33
Bagama’t maraming pamilya ang tumulong kina Susa at Jacob, palagiang nasa kanilang tabi sina Joseph F. at Julina Smith. Pumanaw ang kanilang panganay na anak na babae, si Josephine, noong ito ay kaedad ng mga bata, at nauunawaan nila ang pagdadalamhati ng kanilang mga kaibigan. Noong namatay ang mga bata, naroroon si Joseph sa kanilang higaan. Pinaliguan ni Julina ang kanilang mga labi, ginawa ang kanilang damit na pamburol, at binihisan sila sa huling pagkakataon.34
Sa mga sumunod na araw, tumangis si Jacob para sa kanilang mga anak, ngunit si Susa ay nanatiling tulala upang umiyak. Nag-aalala siya na baka mahawa ang iba niyang mga anak. Matapos pumanaw si Karl, wala rin siyang nadamang paggalaw mula sa sanggol sa kanyang sinapupunan. Bagama’t nakita ni Jay ang bata sa isang panaginip bago siya pumanaw, inisip ni Susa kung may buhay pa ang sanggol.
Isang araw ay nakadama siya ng bahagyang paggalaw—isang maliit na tanda ng buhay. “Pinapanatag ako ng kaunting paggalaw sa pag-asang may buhay pa rin sa ilalim ng aking malungkot na puso,” isinulat niya sa kanyang ina. Hindi niya maunawaan kung bakit namatay ang kanyang mga anak, ngunit nakatagpo siya ng lakas sa kaalaman na binabantayan siya ng Diyos.
“Sa lahat ng ito, alam natin na ang Diyos ay naghahari sa kalangitan,” isinulat niya sa kanyang ina. “Ang Diyos ay nagpala sa akin at nakatulong sa akin upang dalhin ang aking pasanin. Purihin ang Kanyang banal na pangalan magpakailanman.”35
Noong unang bahagi ng 1887, ipinasa ng Kongreso ang Batas nina Edmunds-Tucker. Ang bagong batas ay nagbigay ng higit na kapangyarihan sa mga hukuman sa Utah para usigin at parusahan ang mga maramihang pamilya. Nawala sa mga kababaihan sa teritoryo ang kanilang karapatang bumoto, at ang mga anak na isinilang sa maramihang pag-aasawa ay inalisan ng karapatan sa mana. Ang mga magiging botante, mga magiging kasapi ng lupon ng tagahatol, at mga magiging opisyal ng lokal na pamahalaan ay kailangang sumailalim sa panunumpa laban sa poligamya. Tumigil na sa pag-iral bilang isang legal na entidad ang Simbahan at ang Perpetual Emigrating Fund, at binigyan ang pamahalaan ng awtoridad na kumpiskahin ang ilang ari-arian ng Simbahan na nagkakahalaga ng mahigit $50,000.36
Nagsisikap sina John Taylor, George Q. Cannon, at iba pang mga lider ng Simbahan na manatiling nauuna ng isang hakbang kaysa sa mga marshal. Parami nang paraming Banal ang nakakatagpo ng kanlungan sa mga maliliit na pamayanan ng Simbahan sa Chihuahua, Mexico, kabilang ang Colonia Díaz at Colonia Juárez.37 Nagtatag ang iba pang mga Banal ng isang pamayanan sa Canada na tinatawag na Cardston.38 Ang mga kababaihan at kalalakihang ito ay handang lumipat ng daan-daang kilometro ang layo sa malalayong lugar sa labas ng Estados Unidos upang protektahan ang kanilang pamilya, at upang sundin ang mga utos ng Diyos, at sundin ang kanilang mga banal na tipan sa templo.
Noong tagsibol na iyon, lubhang lumala ang kalusugan ni John Taylor, at nag-alala si George para sa kalusugan ng propeta. Bagama’t nagtatago pa rin, ang dalawang lalaki ay nakatira kasama ang isang pamilya noong nakaraang anim na buwan sa isang liblib na bahay sa Kaysville, mga tatlumpung kilometro sa hilaga ng Lunsod ng Salt Lake. Nitong mga huling araw ay pinahihirapan si John ng pagkirot ng puso, kakapusan ng hininga, at kawalan ng tulog. Nagsisimulang mawala ang kanyang alaala, at nahihirapan siyang magtuon sa ginagawa. Hinikayat siya ni George na magpatingin sa isang doktor, ngunit maliban sa ilang tsaa, walang lunas na iniinom si John.39
Noong ika-24 ng Mayo, hindi pa rin sapat na mainam ang kalagayan ni John upang asikasuhin ang gawain ng Simbahan, at hiniling niya kay George na ito mismo ang gumawa. Nagkaroon ng mas maraming gawain na kailangang asikasuhin, at hiniling ni John kay George na lutasin din niya ang mga ito. Nang dumating ang isang mensahe na humihingi ng payo ukol sa isang mahalagang tanong sa pulitika, hiniling ni John kay George na maglakbay patungo sa Lunsod ng Salt Lake upang asikasuhin ito.40
Madalas maisip ni George si Joseph F. Smith, na hanggang ngayon ay nasa Hawaii pa rin bilang destiyero. Noong nakaraang taglagas, sumulat siya kay Joseph tungkol sa mga hamong kinakaharap niya at ni John. “Hindi ko magawang sabihin sa iyo kung ilang beses kong hiniling na sana ay naririto ka,” ipinahayag niya. “Nadarama ko na ang Unang Panguluhan ay tulad ng isang ibon na kulang ng isang pakpak.”
Kamakailan lamang, ipinaalam ni George kay Joseph ang tungkol sa mahinang kalusugan ni John. “Ang kanyang kalooban, tulad ng iyong alam, ay matibay,” binanggit niya sa isang liham. Subalit ang propeta ay hindi na ganoon kabata, at ang kanyang katawan ay nanghihina na. Kung lalala ang kalagayan ni John, nangako si George na agad niyang ipapatawag si Joseph.
Ngayon ay dumating na ang panahon. Bagama’t batid ni George na ang pagpapatawag kay Joseph ay maglalagay dito sa panganib, nagpadala siya ng mensahe na hinihiling dito na bumalik sa Utah.
“Isasagawa ko ang hakbang na ito nang walang sinasabi sa kaninuman, sa pag-aalala na ito ay maaaring lumikha ng pagkabahala, o maaari nitong ilagay sa panganib ang iyong kaligtasan,” isinulat niya. “Wala akong maaaring sabihin maliban sa kailangan mong maging lubos na maingat.”41
Sinimulan ni George ang umaga ng ika-18 ng Hulyo sa paglalagda ng mga temple recommend, isang gawain na karaniwang nakalaan sa pangulo ng Simbahan. Sa ngayon, madalang nang lumabas si John Taylor mula sa kanyang silid at halos wala nang lakas na magsalita. Ang buong bigat ng responsibilidad ng Unang Panguluhan ay pasan ngayon ng mga balikat ni George.42
Kalaunan sa hapong iyon, isang bagon na may takip ang lumapit sa bahay sa Kaysville. Nang huminto ito, isang pamilyar na tao ang umibis, at rumaragasang kapanatagan at kagalakan ang bumuhos kay George nang nakilala niya si Joseph F. Smith. Dinala niya si Joseph sa loob upang makita ang propeta, at natagpuan nila si John na nakaupo sa isang silya sa kanyang kuwarto, halos walang malay. Hinawakan ni Joseph ang kamay ni John at nakipag-usap dito. Mukhang nakilala ni John ang kanyang tagapayo.
“Ito ang unang pagkakataon na magkakasama ang Unang Panguluhan sa loob ng dalawang taon at walong buwan,” sabi ni George kay John. “Ano ang nadarama ninyo?”
“Nadarama ko na dapat akong magpasalamat sa Panginoon,” bulong ni John.43
Noong sumunod na linggo, lumala ang kalagayan ni John. Isang gabi, inaasikaso nina George at Joseph ang mga gawain ng Simbahan nang bigla silang tinawag na pumunta sa kuwarto ni John. Nakahiga si John nang hindi gumagalaw sa kama, ang kanyang hininga ay maikli at mahina. Pagkaraan ng ilang minuto, lubos na tumigil ang kanyang paghinga. Nangyari ito nang lubhang payapa kung kaya ay naisip ni George ang isang sanggol na nakakatulog.
Para kay George, ang pagkawala ni John ay tila pagkawala ng kanyang matalik na kaibigan. Si John ay katulad ng isang ama para sa kanya. Hindi man sila laging nagkakasundo, ngunit itinuturing siya ni George bilang isa sa mga pinakamarangal na lalaki na alam niya. Naisip niya ang muling pagtitipon ng Unang Panguluhan isang linggo bago iyon. Ngayon ay muli silang pinaghiwalay.
Mabilis na nagsimulang gumawa ng mga plano sina George at Joseph upang ipaalam ito sa mga Apostol. Sumulat na si George ukol sa paghina ng katawan ng propeta kay Wilford Woodruff, ang pangulo ng Korum ng Labindalawa, at si Wilford ay dahan-dahan nang naglalakbay patungong Lunsod ng Salt Lake mula sa St. George, nag-iingat upang maiwasan ang mga marshal. Karamihan sa iba pang mga apostol ay nagtatago pa rin.
Sa kanilang pagkawala, alam ni George na siya ay nasa isang mahirap na katayuan. Dahil pumanaw ang Pangulo ng Simbahan, siya at si Joseph ay hindi na maaaring kumilos bilang mga miyembro ng Unang Panguluhan. Subalit humaharap pa rin ang Simbahan sa malulubhang panganib at kailangan ang pamumuno. Kung ipagpapatuloy niyang pamahalaan ang mga gawain ng Simbahan, na hiwalay sa Labindalawa, maaari niyang mapagalit ang iba pang mga apostol. Ngunit ano pa ang maaari niyang pagpipilian? Kalat-kalat ang korum, at ang ilang mga bagay ay hindi na maaaring ipagpaliban o balewalain.
Alam din ni George na siya at si Joseph ay kailangang kumilos nang mabilis. Kung ang pagkamatay ni John ay agad na mababatid ng publiko, maaaring malaman ng mga marshal ang kanilang kinalalagyan at tugisin sila. Siya at si Joseph ay hindi na ligtas.
“Kailangan nating buwagin ang kampo,” sabi ni George, “at tumalilis mula rito sa lalong madaling panahon.”44