“Tumayo at Harapin ang Paghihirap,” kabanata 32 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)
Kabanata 32: “Tumayo at Harapin ang Paghihirap”
Kabanata 32
Tumayo at Harapin ang Paghihirap
Sina George Q. Cannon at kanyang asawang si Elizabeth ay nasa Washington, DC, noong simula ng 1880. Magsisimula ang isang bagong sesyon ng Kongreso, at naglilingkod pa rin si George bilang kinatawan ng teritoryo ng Utah. Ngayong taon, dinala niya at ni Elizabeth ang kanilang dalawang maliliit na anak na babae kasama nila. Umasa sila na magbigay sa mga pulitiko ng bansa at mga patnugot ng pahayagan ng positibong pananaw sa mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw.1
Tiyak naman na maraming tao ang nakakaalam na sina George at Elizabeth ay nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa. Sa katunayan, si George ay may apat na asawa at dalawampung nabubuhay na mga anak. Gayunpaman, tulad ng napansin ng isang mamamahayag, hindi tugma ang mga Cannon sa kilalang maling paglalarawan sa mga Banal. “Kung ang mga katangian ng isang institusyon ay huhusgahan sa kanilang nakadadalisay at matalinong mga resulta,” isinulat ng isang mamahayag, “wala dapat masasamang palagay laban sa poligamya.”2
Subalit lumala lamang ang masasamang palagay laban sa mga Banal mula nang inilabas ng Korte Suprema ng Estados Unidos noong nakaraang taon ang hatol sa kaso ni George Reynolds. Sa kanyang taunang mensahe sa bansa, na inilabas noong Disyembre 1879, kinondena ni Pangulong Rutherford Hayes ang poligamya at hinimok ang mga tagapagpatupad ng batas na itaguyod ang batas ni Morrill laban sa poligamya.3
Ang mensahe ng pangulo ay nagbigay ng lakas ng loob sa ilang kongresista na mas agresibong tutulan ang maramihang pag-aasawa. Isang mambabatas ang nagsulong ng panukalang batas na nagmumungkahi ng pag-amyenda sa Konstitusyon upang ipagbawal ang poligamya. May isa pa na nagpahayag ng kanyang layunin na patalsikin si George Q. Cannon mula sa Kongreso. Samantala, nagsimula ang mga mamamayan mula sa iba’t ibang panig ng bansa na pilitin ang kanilang mga kinatawan na gumawa nang higit pa upang puksain ang maramihang pag-aasawa.
“Ang mga ulap ay tila nagtitipon nang makapal at nagbabadya sa ating paligid,” isinulat ni George kay John Taylor noong ika-13 ng Enero. “Kung hindi tutulong ang Panginoon upang pigilan ang maaaring masamang mangyari, na nasisiyahan kong nadarama na gagawin Niya, wala na akong ibang nakikitang nararapat na paraan para sa atin maliban sa tumayo at tanggapin ang paghihirap.”4
Isang gabi, sa panahong ito, nagkaroon ng panaginip si Desideria Quintanar de Yáñez kung saan nakita niya ang isang aklat na tinatawag na Voz de amonestación na inililimbag sa Lunsod ng Mexico. Nang magising siya, alam niyang kailangan niyang hanapin ang aklat.5
Si Desideria, isang inapo ng pinuno ng mga Aztec na si Cuauhtémoc, ay lubos na iginagalang sa Nopala, ang bayan kung saan siya at ang kanyang anak na si José ay naninirahan. Bagaman’t karamihan sa mga tao sa Mexico ay Katoliko, kabilang sa isang lokal na kongregasyong Protestante sina Desideria at José.6
Nadama ni Desideria na kailangan niyang tumungo sa Lunsod ng Mexico upang hanapin ang mahiwagang aklat, ngunit ang lunsod ay mga isandaan at dalawampung kilometro ang layo. Ang linya ng riles ng tren ay magdadala sa kaniya sa isang bahagi lamang ng paglalakbay, at ang malaking bahagi ng kanyang paglalakbay ay kailangang lakarin sa hindi patag na daan. Si Desideria ay nasa kanyang ikapitong dekada na at mahina ang kalusugan upang gawin ang napakahirap na paglalakbay.7
Determinadong hanapin ang aklat, sinabi niya sa kanyang anak ang tungkol sa panaginip. Naniwala sa kanya si José at kaagad na nagtungo sa Lunsod ng Mexico upang hanapin ang di-kilalang aklat.8
Nang bumalik si José, ibinahagi niya kay Desideria ang kanyang kagila-gilalas na karanasan. Natagpuan niya ang Lunsod ng Mexico na puno ng daan-daang libong tao, at tila wala nang pag-asa ang kanyang paghahanap ng aklat. Ngunit isang araw, habang naglalakad sa maingay na kalsada ng lunsod, nakilala niya si Plotino Rhodakanaty na nagsabi sa kanya tungkol sa isang aklat na tinatawag na Voz de amonestación.
Pinatungo ni Plotino si José sa hotel upang makipag-usap sa missionary na si James Stewart. Doon nalaman ni José na ang Voz de amonestación ay ang Espanyol na salin ng isang aklat na tinatawag na Voice of Warning (Tinig ng Babala), na ginagamit ng mga missionary na Banal sa mga Huling Araw sa loob ng ilang dekada upang ipakilala ang mga taong nagsasalita ng wikang Ingles sa kanilang pananampalataya. Ito ay nagpatotoo tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang paglabas ng Aklat ni Mormon, isang sagradong talaan ng mga sinaunang nanirahan sa lupain ng Amerika.9
Hindi pa nalilimbag ang Voz de amonestación, ngunit ibinigay ni James kay José ang mga panrelihiyong polyeto upang iuwi nito. Dinala ni José ang mga polyeto sa kanyang ina, at pinag-aralan niya ito nang mabuti. Pagkatapos ay hiniling ni Desideria sa mga missionary na pumunta sa Nopala at binyagan siya.
Dumating si Meliton Trejo sa bayan noong Abril, at sa kanilang kahilingan, bininyagan sina Desideria, José, at anak ni José na si Carmen. Ilang araw kalaunan, bumalik si José sa Lunsod ng Mexico at tinanggap ang Melchizedek Priesthood. Pagdating niya sa kanilang tahanan, ang kanyang mga bisig ay batbat ng mga polyeto at aklat, kabilang na ang sampung kopya ng bagong limbag na Voz de amonestación.10
Ang pinakaunang alaala ni Ida Hunt ay ang kanyang lolo Addison Pratt na kalong-kalong siya sa tuhod nito. Noong panahon na iyon, nakatira ang pamilya ni Ida sa isang sakahan malapit sa San Bernardino, California. Ang kanyang mga magulang, sina John at Lois Pratt Hunt, ay nanirahan doon noong si Ida ay isang taong gulang. Ngunit pagkaraan ng ilang taon, sa panghihikayat ng lola ni Ida na si Louisa Pratt, lumipat ang kanyang pamilya sa Beaver, isang munting bayan sa katimugang Utah, kung saan tumira si Louisa mula noong 1858.
Pumanaw si Addison sa California noong 1872. Bagama’t hindi nila maayos ni Louisa ang kanilang hindi pagkakaunawaan at nanirahan nang magkahiwalay sa karamihan ng huling labinlimang taon ng kanilang kasal, nanatili silang mapagmahal sa kanilang mga anak at apo. Kapwa lubos na mahal ni Ida ang mga ito.11
Nakatira si Ida isang kanto mula sa bahay ni Louisa, at gumugol siya ng napakaraming hapon sa panig ng kanyang lola, nag-aaral ng mga aralin. Noong 1875, noong labimpitong taong gulang si Ida, siya at ang kanyang pamilya ay nilisan ang Beaver. Tatlong taon kalaunan, tinawag ng mga lider ng Simbahan ang pamilya na lumipat muli, sa pagkakataong ito ay sa bayan ng Snowflake sa Teritoryo ng Arizona. Ngunit sa halip na sumama sa kanyang pamilya, nagpasiya si Ida na bumalik sa Beaver upang manirahan sa piling ng kanyang lola nang ilang panahon.
Sa Beaver, napakahalaga ni Ida sa kanyang lola at dalawang tiya, sina Ellen at Ann, na nakatira sa kalapit na lugar. Tumutulong siya sa mga gawaing-bahay at sa pag-aalaga sa mga maysakit na miyembro ng pamilya. Gayunman, hindi lahat ng oras ni Ida ay ginugol sa tahanan. Madalas niyang gugulin ang kanyang mga gabi sa mga handaan, pagtitipon, at mga konsiyerto. Hindi nagtagal nagsimula siyang makasama lagi ang isang binatang nagngangalang Johnny.
Noong tagsibol ng 1880, ang pamilya at mga kaibigan ni Ida sa Snowflake ay nagsumamo sa kanya na bumalik, at ginawa ni Ida ang mahirap na pasyang lisanin ang Beaver. Halos hindi makapagsalita si Louisa nang nagpaalam siya sa kanyang apo at ninais ang isang ligtas na paglalakbay para rito. Ang kanyang tanging kasiyahan ay ang ideya na ang ugnayan ni Ida kay Johnny ay makapagpapabalik sa kanya sa Beaver.12
Naglakbay si Ida patungong Snowflake kasama ang pamilya ni Jesse Smith, ang pangulo ng Eastern Arizona Stake. Dalawa sa kanyang mga asawa, sina Emma at Augusta, ay may isang sagrado at di-makasariling katangian sa kanilang ugnayan sa isa’t isa na hinangaan ni Ida. Ang kanyang sariling mga magulang ay hindi nagsabuhay ng maramihang pag-aasawa, kaya kakaunti ang karanasan niyang obserbahan kung paano umiiral ang mga maramihang pamilya. Ngunit habang mas maraming oras ang ginugol niya kasama ang mga Smith, lalo niyang pinag-iisipan ang maramihang pag-aasawa.13
Ang paggawa nito ay magbubukod kay Ida sa iba pang mga Banal na mga kaedad niya. Bagama’t karamihan sa mga Banal ang tumanggap sa at ipinagtanggol ang maramihang pag-aasawa, ang bilang ng mga maramihang pamilya sa Simbahan ay bumababa. Ang kaugaliang ito ay karaniwang limitado sa mga Banal sa Kanlurang Amerika, at ang maramihang pag-aasawa sa pagitan ng mga miyembro ng Simbahan ay hindi isinagawa sa Europa, Hawaii, o iba pang lugar sa buong mundo.
Sa kasagsagan ng kaugalian noong huling bahagi ng dekada ng 1850, halos kalahati ng mga tao sa Utah ay maaaring asahan na maging bahagi ng isang maramihang pamilya sa kanilang buhay. Mula noon ay bumaba na sa mga dalawampu o tatlumpung porsiyento ang bilang na iyon, at patuloy itong lumiliit.14 Dahil ang maramihang pag-aasawa ay hindi obligasyon sa mga miyembro ng Simbahan, maaaring manatili ang mga Banal sa mabuting katayuan sa Diyos at sa Simbahan kung pipiliin nilang huwag sundin ito.15
Ilang buwan matapos dumating si Ida sa Snowflake, tumanggap siya ng balita na pumanaw na ang kanyang lola. Nadaig ng pighati, pinagsisihan ni Ida ang pag-iwan kay Louisa. Kung nanatili siya sa Beaver, sinabi niya sa kanyang sarili, nagawa sana niyang mapanatag ang kanyang lola noong mga huling buwan ng buhay nito.
Sa panahong ito, tumanggap din ng liham si Ida mula kay Johnny. Nais nitong tumungo ng Arizona at pakasalan siya. Ngunit noon ay inaasahan na niyang magpakasal sa isang lalaki na handang isabuhay ang maramihang pag-aasawa. Kulang si Johnny sa pananampalataya sa ebanghelyo, at alam ni Ida na hindi siya ang tamang tao para sa kanya.16
Noong 1880, ipinagdiwang ng Simbahan ang ikalimampung anibersaryo nito. Ginugunita na nagdaraos ang sinaunang Israel ng pagdiriwang ng Jubilee bawat limampung taon upang patawarin ang mga utang at palayain ang mga tao mula sa pagkaalipin, kinansela ni Pangulong John Taylor ang mga utang ng libu-libong maralitang Banal na nagtipon sa Sion gamit ang salaping hiniram mula sa Perpetual Emigrating Fund. Hiniling niya sa mga Banal na may-ari ng mga bangko at negosyo na kanselahin ang ilan sa mga utang na dapat bayaran sa kanila, at hinikayat niya ang mga miyembro ng Simbahan na mag-ambag ng mga hayop sa mga nangangailangan.
Hiniling din niya kay Emmeline Wells, ang pangulo ng komite sa butil ng Relief Society, na magpahiram sa mga bishop ng maraming trigo mula sa mga kamalig ng Relief Society hanggang sa kailangan nila upang pakainin ang mga maralita sa kanilang mga ward.17
Noong Hunyo, dumalo si Pangulong Taylor sa isang kumperensya ng Relief Society ng Salt Lake Stake. Kabilang sa pulong ang mga kinatawan mula sa Primary Association at Young Ladies’ Mutual Improvement Association (Y.L.M.I.A.), na itinuturing bilang mga auxiliary ng Relief Society. Sa pulong na iyon, iminungkahi ni Eliza Snow na si Louie Felt, isang pangulo ng Primary ng ward, ang mangangasiwa ng Primary para sa buong Simbahan. Sinang-ayunan si Louie ng kongregasyon at pinagtibay rin ang dalawa pang babae na maglingkod bilang kanyang mga tagapayo.
Kalaunan sa pulong ding iyon, hiniling ni Pangulong Taylor sa isang sekretarya na basahin ang tala tungkol sa pag-organisa ng Relief Society sa Nauvoo noong 1842. Dumalo si Pangulong Taylor sa unang pulong na iyon kung saan nahalal si Emma Smith bilang pangulo ng samahan. Binigyang-karapatan din niya ang mga tagapayo ni Emma, sina Sarah Cleveland at Elizabeth Ann Whitney, na kumilos sa kanilang mga tungkulin.
Matapos basahin ng sekretarya ang salaysay, binanggit ni Pangulong Taylor ang mga kapangyarihan at tungkulin na ibinibigay ng Relief Society sa kababaihan. Pagkatapos ay iminungkahi ni Mary Isabella Horne na kanyang hirangin si Eliza Snow bilang pangulo ng lahat ng Relief Society sa Simbahan. Si Eliza ay naglingkod bilang sekretarya ng orihinal na Relief Society, at nagpapayo siya sa lahat ng Relief Society sa mga ward sa loob ng mahigit isang dekada. Ngunit hindi pa nagkakaroon ng pangkalahatang pangulo ang Relief Society mula nang pinamunuan ni Emma Smith ang organisasyon noong dekada ng 1840.
Iminungkahi ni Pangulong Taylor na si Eliza ang maging pangkalahatang pangulo ng Relief Society, at sinang-ayunan ito ng kongregasyon. Pagkatapos ay pinili ni Eliza sina Zina Young at Elizabeth Ann Whitney bilang kanyang mga tagapayo, si Sarah Kimball bilang sekretarya, at si Mary Isabella Horne bilang ingat-yaman. Tulad ni Eliza, lahat sila ay naging mga miyembro ng Relief Society sa Nauvoo at naglingkod sa organisasyon mula nang ito’y muling itatag sa Utah.
Kalaunan noong hapong iyon, sa huling pagtitipon ng kumperensya, hinirang ni Eliza si Elmina Taylor, isa sa mga tagapayo ni Mary Isabella Horne sa panguluhan ng stake Relief Society, na maglingkod bilang pangkalahatang pangulo ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association. Sinang-ayunan si Elmina kasama ang mga tagapayo, sekretarya, at ingat-yaman.18
Nagalak ang mga kababaihan sa buong teritoryo sa mga bagong pangkalahatang panguluhang ito.
“Ako ay lubos na nasisiyahan na makitang ang mga kapatid na babae ay inoorganisa sa gayong paraan,” ipinahayag ni Phebe Woodruff sa isang pulong ng Relief Society makalipas ang isang buwan. Si Belinda Pratt, ang pangulo ng stake Relief Society, ay sumulat sa kanyang journal: “O kay ganda ng panahong ito kung kailan tayo nabubuhay! Napakadakila ang mga responsibilidad ng kababaihan ng Simbahan. Kamangha-mangha ang gawaing nagagawa nila!”19
Mga iba pang inspiradong pagbabago ang nangyari sa Simbahan noong taong iyon. Mula nang pumanaw si Brigham Young tatlong taon na ang nakararaan, pinamunuan ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Simbahan nang walang Unang Panguluhan. Matapos talakayin at ipagdasal ang tungkol sa usapin, nagkakaisang sinang-ayunan ng korum si John Taylor bilang pangulo ng Simbahan at sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith bilang kanyang mga tagapayo. Kalaunan, sa isang masikip na sesyon ng pangkalahatang kumperensya ng Oktubre, itinaas ng mga Banal ang kanilang mga kamay upang magbigay suporta sa bagong panguluhan.20
Kasunod ng pagsang-ayon, tumayo si George Q. Cannon at iminungkahi na Ang Mahalagang Perlas, isang koleksyon ng ilan sa mga isinulat at mga inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith, ay gawing isang bagong pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan. Bagama’t ginagamit ng mga missionary ang mga edisyon ng Ang Mahalagang Perlas simula nang ilathala ito noong 1851, ito ang unang pagkakataon na hiniling sa mga miyembro ng Simbahan na tanggapin ito bilang isang tomo ng banal na kasulatan.
“Nakasisiyang makita ang pagkakaisa ng damdamin at nagkakaisang layunin na ipinakita sa ating mga boto,” pagkaraan ay sinabi ni Pangulong Taylor. “Ngayon ay patuloy na magkaisa sa iba pang mga bagay, tulad ng pagkakaisa ninyo sa bagay na ito, at ang Diyos ay tatayo sa tabi ninyo magmula ngayon.”21
Makalipas ang anim na buwan, sa mataong aplayang bayan ng Trondheim, Norway, umahon si Anna Widtsoe mula sa isang napakalamig na fjord bilang isang bagong binyag na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kahit na ang kanyang katawan ay giniginaw, taglay niya ang apoy ng ebanghelyo na nag-aalab sa kanyang kalooban, at siya ay puspos ng pagmamahal sa mga Banal na nakapaligid sa kanya.
Ang landas ni Anna patungo sa binyag ay hindi naging madali. Ang kanyang asawa ay pumanaw nang di-inaasahan tatlong taon na ang nakararaan, at inulila siya at ang kanyang dalawang batang anak na lalaki, sina John at Osborne. Ngayon ay nabubuhay sila mula sa kakaunting pensyon at sa kanyang kita mula sa pananahi ng damit. Matapos ang pagkamatay ng kanyang asawa, bumaling si Anna sa Diyos, at inisip kung bakit binawi Niya ang kanyang asawa mula sa kanya.
Nagbabasa siya ng Biblia mula sa kanyang pagkabata at alam ang mga kuwento nito. Ngayon ay pinag-aaralan niya ito para sa mga sagot. Habang ginagawa niya ito, nadama niya ang sarili na lalong napapalapit sa Diyos. Ngunit may ilang bagay sa mga doktrina ng simbahan na kanyang dinadaluhan ang tila hindi kumpleto at hindi sapat.
Isang araw isang sapatero na nagngangalang Olaus Johnsen ang nagbalik ng isang pares ng sapatos na hiniling niya ritong ayusin. Sa loob ng bawat sapatos ay may isang polyetong panrelihiyon. Binasa niya ang polyeto at naging interesadong matuto nang higit pa, kaya dinala niya ang isa pang pares ng sapatos sa sapatero sa isang mainit na araw ng tagsibol pagkaraan ng sandaling panahon. Sa tindahan, gayunman, atubili siyang tanungin ang sapatero ng napakaraming tanong. Nang bubuksan na niya ang pinto upang umalis, tinawag siya nito.
“May maibibigay ako sa iyo na mas mahalaga kaysa sa suwelas para sa mga sapatos ng anak mo,” sabi nito.
“Ikaw, isang sapatero, ano ang maibibigay mo sa akin?” tanong niya.
“Matuturuan kita kung paano matatagpuan ang kaligayahan sa buhay na ito at maghanda para sa walang hanggang kagalakan sa buhay na darating,” sabi nito.
“Sino ka?” tanong ni Anna.
“Ako ay miyembro ng Simbahan ni Jesucristo,” sinabi ni Olaus. “Tinatawag kaming mga Mormon. Nasa amin ang katotohanan ng Diyos.”
Pagkatapos niyon, tumalilis si Anna mula sa tindahan. Kilala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Norway sa pagiging panatiko. Subalit pinukaw ng polyeto ang kanyang pansin, at hindi nagtagal ay dumalo siya sa isang pulong kasama ng mga Banal sa Trodheim sa tirahan nina Olaus at kanyang asawa, si Karen. Ang mahigpit na hatian ng mga uri ng tao ay karaniwan sa lipunang Norwegian, at si Anna ay nababahala sa abang tahanan ng mga Johnsen at sa mga maralitang tao na sumasamba roon. Noong nabubuhay pa ang kanyang asawa, kabilang siya sa isang klase na maykaya, at madalas na minamata niya ang mga maralita.
Sa mga sumunod na dalawang taon, palagiang nakikipagpulong si Anna sa mga missionary, sa kabila ng kanyang mga pag-aalinlangan. Isang araw sa bahay, malakas niyang naramdaman ang Espiritu. Walang pagtatangi sa mga uri ng tao ang Panginoon, subalit matindi ang kanyang mga maling palagay habang kanyang iniisip ang kinayayamutang Simbahan, ang mga miyembro nito, at kahirapan nila. “Kailangan ko bang ibaba ang sarili ko roon?” tinanong niya ang kanyang sarili.
Pagkatapos ay sinagot niya ang sarili niyang tanong: “Oo, kung ito ay katotohanan, dapat gawin ko ito.”22
Samantala, sa Estados Unidos, humalili si James Garfield kay Rutherford Hayes bilang pangulo ng bansa. Tulad ni Hayes, kinondena niya ang Simbahan at binigyan ang Kongreso ng responsibilidad na wakasan nang lubusan ang maramihang pag-aasawa. Noong isang galit na lalaki ang bumaril kay Garfield mga ilang buwan sa kanyang termino, nagkaroon ng ilang haka-haka na ang namaril ay isang Banal sa mga Huling Araw.23 Subalit mali ang paratang. Agad kinondena ni John Taylor ang pag-atake, nagpahayag ng pagkahabag para sa maysakit na pangulo, at tumangging sisihin ito sa paninindigang pampulitika na pinili niya laban sa Simbahan.
“Siya, tulad ng iba sa atin, ay isang nilalang na maaaring magkamali,” sinabi ni John sa mga Banal. “Lahat tayo ay maaaring magkamali, at hindi lahat ng tao ay kayang labanan ang bigat na ipinapataw sa kanila ng ibang tao.”24
Namatay si Pangulong Garfield dahil sa kanyang sugat makalipas ang ilang buwan. Ang humalili sa kanya, si Chester Arthur, ay pursigido rin na ihinto ang maramihang pag-aasawa.25 Bilang kinatawan ng Utah sa Kongreso, kaagad na naramdaman ni George Q. Cannon ang pamimilit. Noong Disyembre 1881, nagmungkahi si Senador George Edmunds ng isang panukalang batas sa Kongreso na magpapadali sa pag-uusig sa mga Banal sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa.
Kung maipapasa ang Batas ni Edmunds (Edmunds Act), maaaring maipakulong ang mga Banal dahil sa “labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal,” nangangahulugan ito na hindi na kinakailangang patunayan ng korte na ang maramihang pag-aasawa ay naganap. Maaaring usigin sa ilalim ng batas ang sinumang miyembro ng Simbahan na tila nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa. Ang mga maramihang mag-asawa na nakatira sa iisang bahay o nakitang magkasama sa publiko ay manganganib na dakpin.
Aalisin din ng batas ang karapatan sa pagboto mula sa mga kalalakihan at kababaihan na nasa maramihang pag-aasawa, pagmumultahin sila at ikukulong, at pagbabawalan silang maglingkod sa mga lupon ng tagahatol at humawak ng katungkulan sa pulitika.26
Dumaragdag sa mga alalahanin ni George ang katunayan na ang kanyang asawang si Elizabeth ay bumalik sa Utah na may sakit na pulmonya. Nais niyang makasama ito. Gayunman, noong Enero 24, 1882 ay tumanggap si George ng telegrama na may isang mensahe mula kay Elizabeth. “Manatili ka sa iyong tungkulin,” panghihikayat nito sa kanya. “Mapapagaling ako ng Diyos bilang tugon sa iyong mga panalangin diyan at gayon din dito.”
Makaraan ang dalawang araw, tumanggap si George ng isa pang telegrama. Iniulat nito na si Elizabeth ay pumanaw na. “Halos natuliro ako sa kaisipan na kami ay nahiwalay sa natitirang bahagi ng buhay na ito at hindi ko kailanman mapagmamasdan ang kanyang mukha o magkaroon ng pribilehiyong maranasan ang kanyang mapagmahal na pag-aasikaso at matatamis na salita nang magkaharap,” isinulat ni George sa kanyang journal.27
Makalipas ang sandaling panahon ay ipinasa ang Batas ni Edmunds, bunsod nito ay tinatanggal na si George mula sa paglilingkod sa Kongreso. Noong ika-19 ng Abril, nagsalita siya sa Kamara sa huling pagkakataon. Pakiramdam niya ay mas mahinahon kaysa rati, ngunit siya ay labis na nagalit sa desisyon ng kanyang mga kasamahan na ipasa ang Batas ni Edmunds. Isinasabuhay ng mga Banal ang maramihang pag-aasawa dahil iniatas sa kanila ng Diyos na gawin ito, sabi niya. Wala silang kagustuhang ipilit ang kanilang paniniwala sa kahit kanino ngunit nais lamang nila na bigyan ng karapatang sundin ang Diyos ayon sa nakikita nilang tama.
“Kaya’t kung ang kahatulan ng mundo ang pag-uusapan, kami ay handang mailagay sa katulad na lugar ni Abraham,” dagdag pa ni George.
Pagkatapos nito, pinuri ng ilang kongresista si George sa kanyang mensahe. Inamin ng iba pang mga kinatawan na nadama nilang pinilit silang kumalaban sa kanya. Ang karamihan naman ay tila kuntento na paalis na siya.28
Hindi binago ng Batas ni Edmunds ang pananaw ni Ida Hunt tungkol sa maramihang pag-aasawa. Noong taglagas ng 1881, nakatira siya sa piling nina Ella at David Udall sa bayan ng St. Johns, Arizona, mga pitumpu’t dalawang kilometro mula sa Snowflake. Noong panahong iyon, nagtatrabaho siya sa lokal na tindahan ng kooperatiba kasama si David, ang bishop ng St. Johns, at naging malapit nang husto kay Ella bilang isang kapatid.29
Hindi nagtagal matapos maging bishop si David, nagpasiya siya at si Ella na panahon na upang kanilang isabuhay ang maramihang pag-aasawa. Pagkaraan ng maikling panahon, nag-alok ng kasal si David kay Ida na may pahintulot ni Ella. Nais tanggapin ni Ida ang kanyang alok, ngunit natanto niya na si Ella ay nahihirapan pa rin sa ideya na may kahati sa kanyang asawa. Kung kaya, sa halip na tumugon sa alok ni David, bumalik si Ida sa Snowflake, ang kanyang puso ay naguguluhan.30
Kalaunan, sumulat si Ida ng liham upang malaman ang tunay na damdamin ni Ella tungkol sa alok na magpakasal. “Hindi ko maaaring hayaan ang bagay na ito na magpatuloy nang hindi muna tumatanggap ng ilang katiyakan ng iyong kahandaan na gawin ang gayong hakbang,” sinabi niya sa kanyang kaibigan. “Ito ay hindi lamang iyong karapatan ngunit iyong mahalagang tungkulin na ipahayag nang malinaw ang anumang pagtutol na maaaring mayroon ka.”
“Ipinapangako ko sa iyo,” tiniyak niya kay Ella, “Hindi ako magdaramdam.”31
Nagpadala si Ella ng isang maikling sagot makalipas ang anim na linggo. “Ang paksa na pinag-uusapan ay paksang nagdudulot sa akin ng matinding sakit at lungkot, marahil higit kaysa magagawa mong isipin,” isinulat niya, “subalit dama ko tulad ng nadama ko mula sa simula, na kung ito ang kalooban ng Panginoon ako ay tunay na handang subukang tiisin ito at magtiwala na ito ay maaaring daigin ng Panginoon para sa ikabubuti ng lahat.”32
Noong Mayo 6, 1882 nilisan ni Ida ang Snowflake sa isang labinwalong araw na paglalakbay patungong St. George temple kasama sina David, Ella, at ang kanilang maliit pang anak na si Pearl. Habang dahan-dahan silang naglalakbay patawid sa disyerto, nakita ni Ida na malungkot pa rin si Ella tungkol sa kasal. Maingat si Ida sa kanyang mga salita at kilos, nag-aalala na maaari siyang magsalita o gumawa ng isang bagay na magdudulot kay Ella ng karagdagang hapdi. Magkakasama nilang binasa nang malakas ang mga aklat at nakipaglaro kay Pearl upang maiwasan ang nakakaasiwang katahimikan.
Isang gabi, nakipag-usap si Ida nang sarilinan kay David, nag-aalala sa kalungkutan ni Ella at takot na gumawa siya ng maling desisyon na tanggapin ang alok ni David. Ang mapagmahal at nakahihikayat na mga salita nito ay naghatid ng pag-asa sa kanyang puso. Nahiga siya sa kama noong gabing iyon, tiyak na ang Diyos ay susuportahan sila sa kanilang mga pagsubok habang sinisikap nilang maging masunurin.
Ibinuklod sina Ida at David sa St. George temple noong ika-25 ng Mayo. Sa harap ng walang katiyakang hinaharap, nadama ni Ida na mapagkakatiwalaan niya si David na alagaan siya, at nanalangin siya na ang kanyang pagmamahal dito ay mag-iibayo lamang. Tila nakatagpo rin si Ella ng kapanatagan sa mga salita at payo ng lalaking nagsagawa ng seremonya.
Nang gabing iyon, nanatili ang pamilya sa bahay ng isa sa mga kapatid na babae ni Ella. Matapos na magpahinga ang lahat upang matulog, tahimik na nagtungo si Ella sa silid ni Ida, hindi makatulog. Sa unang pagkakataon, magkaharap na nag-usap ang dalawang babae tungkol sa bagong kaugnayan nila sa isa’t isa—at ang kanilang mga inaasam at hangarin para sa hinaharap.
Kapwa sila naniniwala na ang kasal ni Ida kay David ay kaloob ng Diyos. Ngunit ngayon na ipinapatupad na ang Batas ni Edmunds, ang mga pangyayari noong araw na iyon ay mas inilalagay ang pamilya nang salungat sa pamahalaan.
“Ang kasal sa pangkaraniwang kalagayan ay isang seryoso at mahalagang hakbang,” isinulat ni Ida nang gabing iyon sa kanyang journal, “ngunit ang pagpasok sa maramihang pag-aasawa, sa mapanganib na panahong ito, ay mas seryso at mas mahalaga.”33