“Sa Mga Kamay ng Diyos,” kabanata 39 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)
Kabanata 39: “Sa Mga Kamay ng Diyos”
Kabanata 39
Sa Mga Kamay ng Diyos
Noong Disyembre 14, 1889, ang kailan lamang nahirang na si apostol Anthon Lund ay tumanggap ng telegrama mula sa Unang Panguluhan sa kanyang tahanan sa Ephraim, Utah. Nababalisa sa mga kailan lamang na kaso ng pagkakait ng pagiging mamamayan ng Estados Unidos sa mga Banal na sa ibayong dagat ipinanganak, nais ng panguluhan na magbigay ng tugon sa mga paratang na imposible para sa mga Banal na maging tapat na mga mamamayan. Nagbalangkas ang mga lider ng Simbahan ng isang pahayag na itinatanggi ito at iba pang mga maling salaysay at nais isama ang pangalan ni Anthon din bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.1
Ipinagtanggol ni Anthon ang Simbahan laban sa maling impormasyon simula noong bata pa siya. Matapos sumapi sa Simbahan noong bata pa siya sa kanyang tinubuang bayang Denmark, siya ay ginulpi ng kanyang mga kaklase dahil sa kanyang mga paniniwala. Ngunit sa halip na tumugon nang may galit, ipinakita sa kanila ni Anthon ang pagtitiis at kabaitan, at kalaunan ay natamo ang kanilang pagkakaibigan at paggalang. Nilisan ni Anthon ang Denmark sa edad na labingwalo upang makasama ang mga Banal sa Utah, at sa mga dekada mula noon, siya at ang kanyang asawa, si Sanie, at ang kanilang anim na anak ay malaki ang isinakripisyo upang tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.2
Kaagad tumugon si Anthon sa telegrama ng Unang Panguluhan, inilalagda ang kanyang pangalan sa kanilang pahayag. Bagama’t humawak na siya ng maraming katungkulan sa Simbahan, kabilang na ang paglilingkod sa panguluhan ng Manti temple, ito ang unang pagkakataon na ang kanyang pangalan ay ipapadala sa buong mundo bilang apostol ni Jesucristo.
Hindi tulad ng iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa, hindi isinabuhay ni Anthon ang maramihang pag-asawa. Siya rin ay ang unang makabagong apostol na ang katutubong wika ay hindi Ingles. Tiwala si Wilford Woodruff na ang mga pagkakaibang ito ay maaaring maging mga pagpapala sa korum, at batid niya na ang paghirang kay Anthon ay kalooban ng Diyos. Ang magiliw na pag-uugali at kasanayan sa iba-ibang wika ni Anthon ay makatutulong na ihanda ang Simbahan para sa susunod na siglo.3
Nang hinirang si Anthon sa Labindalawa, hiniling ni Wilford kay George Q. Cannon na bigyan ito ng inspiradong payo upang maihanda ito sa kanyang bagong tungkulin. “Mangangailangan ito ng iyong habambuhay na pagsisikap upang matupad ang mga tungkuling ito nang wasto,” sinabi ni George kay Anthon. “Madarama mo, nang marahil ay hindi mo pa nadarama, ang kahalagahan ng pamumuhay nang malapit sa Diyos at himukin ang Kanyang kapangyarihan at pagkakaroon ng Kanyang pangangalaga, sa pamamagitan ng Kanyang mga anghel na nasa paligid mo.”
Mula sa atas na ito, natutuhan ni Anthon na kanyang pribilehiyo bilang apostol na maunawaan ang kaisipan at kalooban ng Diyos. Kailangan niyang manatiling tapat sa mga paghahayag na matatanggap niya—kahit na tila salungat ito sa kanyang likas na palagay. “Dapat ay lubos kang mapagpakumbaba,” ipinaalala sa kanya ni George. Kailangan ni Anthon na ipahayag ang kanyang pananaw nang malaya habang nakikinig din nang mapakumbaba sa propeta ng Panginoon. “Dapat ay handa tayong umupo at panoorin ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa taong ito na pinili ng Diyos,” sinabi ni George.4
Noong araw na tumugon si Anthon sa telegrama, inilathala ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ang kanilang pahayag sa Deseret News. Sa malinaw na salita, ipinahayag nila na kinasusuklaman ng Simbahan ang karahasan at layon nito na mamuhay nang mapayapa katabi ang pamahalaan ng Estados Unidos, sa kabila ng mga paghihirap na kanilang dinanas sa ilalim ng mga batas ng bansa laban sa poligamya.
“Hindi kami umaangkin ng kalayaan sa relihiyon na hindi namin handang ibigay sa iba,” ipinagtibay ng pahayag. “Nais naming makiisa sa pamahalaan at mga mamamayan ng Estados Unidos bilang mahalagang bahagi ng bansa.”5
Noong taglamig na iyon, habang tinatangka ng mga lider ng Simbahan na linawin ang kanilang mga paniniwala sa bansa, sumulat si Jane Manning James kay Joseph F. Smith na naghahanap ng kalinawan para sa kanyang sarili. Si Jane ay mahigit animnapung taong gulang na ngayon, at nag-alala siya tungkol sa kung ano ang naghihintay sa kanya sa kabilang buhay. Karamihan sa mga Banal sa Utah ay tumanggap ng ordenansa sa templo na nagbuklod sa kanila sa mga minamahal sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Subalit naunawaan ni Jane na, bilang isang itim na Banal sa mga Huling Araw, hindi siya pinahihintulutang makibahagi sa mga mas matataas na ordenansang ito.
Gayunpaman, batid ni Jane na ipinangako ng Diyos na pagpapalain ang lahat ng bansa sa mundo sa pamamagitan ni Abraham. Naisip niya na tiyak na angkop din sa kanya ang pangakong iyon.6
Dumaragdag sa pag-aalala ni Jane tungkol sa kabilang buhay ang kasalukuyang kalagayan ng kanyang pamilya. Siya at ang kanyang asawa, si Isaac, ay nagdiborsyo noong tagsibol ng 1870. Bandang 1874, pinakasalan niya si Frank Perkins, isa pang itim na Banal sa mga Huling Araw, ngunit hindi nagtagal ang kanilang pagsasama. Sa mga taong ito, namatay ang kanyang tatlong anak at ilang mga apo dahil sa sakit. Bagama’t apat sa kanyang mga anak ay nabubuhay pa, wala ni isa sa kanila ay katulad niya ang katapatan sa Simbahan.7
Makakasama kaya niya ang mga ito sa kabilang buhay? Kung hindi, may lugar ba at pamilya para sa kanya roon?
Bilang isang kabataang babae, nanirahan at nagtrabaho si Jane sa tahanan nina Joseph at Emma Smith sa Nauvoo. Noong panahong iyon, inanyayahan siya ni Emma na maampon bilang anak na babae sa kanya at kay Joseph, ngunit hindi nagbigay rito si Jane ng direktang sagot bago ang kamatayan ni Joseph. Ngayon, gayunman, nauunawaan ni Jane na ang mga Banal ay maaaring ampunin sa mga pamilya sa pamamagitan ng isang espesyal na pagbubuklod sa templo. Naniniwala siya na inaanyayahan siya ni Emma na sumama sa kanilang pamilya sa ganitong paraan.8
Noong unang bahagi ng 1883, binisita ni Jane si Pangulong John Taylor upang humingi ng pahintulot na matanggap ang kanyang endowment. Tinalakay ni Pangulong Taylor ang paksa sa kanya, subalit sa palagay nito ay hindi pa dumating ang panahon para sa mga itim na Banal na tumanggap ng mas matataas na ordenansa ng templo. Nirepaso niya ang usapin ilang taon na ang nakararaan nang hiniling ng isa pang itim na Banal, si Elijah Able, na tumanggap ng kanyang mga ordenansa sa templo. Bagama’t kinumpirma ng kanyang imbestigasyon na tumanggap si Elijah ng Melchizedek Priesthood noong dekada ng 1830, gayunpaman ay nagpasya si Pangulong Taylor at iba pang mga lider ng Simbahan na tumanggi sa kahilingan ni Elijah batay sa kanyang lahi.9
Halos dalawang taon matapos makipag-usap kay Pangulong Taylor, muling nagsumamo si Jane sa kanya. “Halos Tanggap ko ang aking lahi at kulay at hindi ko maaasahan na matanggap ang aking endowment,” sinabi niya noong panahong iyon. Gayunpaman ay sinambit niya na ipinangako ng Diyos na pagpapalain ang lahat ng binhi ni Abraham. “Dahil ito ang kabuuan ng lahat ng dispensasyon,” itinanong niya, “walang bang pagpapala para sa akin?”
“Alam mo ang aking kasaysayan,” pagpapatuloy niya. “Ayon sa abot ng aking makakaya nagawa kong sundin ang lahat ng hinihingi ng ebanghelyo.” Pagkatapos ay ginunita niya ang paanyaya ni Emma sa kanya at ipinahayag ang kanyang sariling pagnanais na mapabilang sa pamilya ni Joseph Smith. “Kung ako ay magagawa niyang ampunin bilang isang anak,” sinabi niya, “ang aking kaluluwa ay masisiyahan.”10
Pagkatapos na maipadala ni Jane ang kanyang liham, nilisan ni Pangulong Taylor ang Lunsod ng Salt Lake upang bisitahin ang pamayanan sa katimugan at sa Mexico, at hindi ito tumugon sa kanya bago ito namatay. Apat na taon kalaunan, binigyan si Jane ng kanyang stake president ng isang recommend upang makapagsagawa ng mga binyag para sa mga patay sa templo. “Dapat kang maging kuntento sa mga pribilehiyong ito, na naghihintay ng mga karagdagang tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga lingkod,” isinulat niya. Pagkaraan ng maikling panahon, naglakbay si Jane patungo sa Logan temple at tumanggap ng binyag para sa kanyang ina, lola, anak, at iba pang kaanak na pumanaw na.11
Ngayon, sa kanyang liham kay Joseph F. Smith, muling humiling si Jane ng pagkakataong tanggapin ang mga ordenansa sa templo, kabilang na ang pagpapaampon sa pamilya Smith. “Magagawa ba ito at kailan?” tanong niya.12
Walang natanggap na tugon si Jane sa kanyang sulat, kung kaya ay muli siyang sumulat noong Abril. Muli ay wala siyang natanggap na tugon. Patuloy si Jane sa pagkakaroon ng pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo at mga propeta, nananalangin na sana ay makatanggap siya ng kaligtasan sa kaharian ng Panginoon. “Alam ko na ito ay gawain ng Diyos,” minsan niyang sinabi sa Relief Society. “Hindi ako nakakita ng isang pagkakataon na nadama kong talikuran ang Simbahan.”
Nagtiwala rin siya sa mga pangakong natanggap niya kamakailan lamang sa basbas ng patriyarka mula kay John Smith, ang kuya ni Joseph F. Smith.
“Panatilihing sagrado iyong mga tipan, sapagkat dinidinig ng Panginoon ang iyong mga kahilingan,” tiniyak sa kanya ng basbas. “Ang Kanyang kamay ay nagpapatnubay sa iyo para sa kabutihan, at tunay mong tatanggapin ang iyong gantimpala.”
“Iyong matatapos ang iyong misyon at matatanggap ang iyong mana kasama ng mga Banal,” ito ay ipinangako, “at ang iyong pangalan ay maaalala ng mga salinlahi sa marangal na pag-aalaala.”13
Isang maputik na hapon noong huling bahagi ng Abril 1890, dumalaw si Emily Grant sa bahay ng kaibigan niyang si Josephine Smith. Ang dalawang babae ay nakatira sa Manassa, isang maliit na bayan sa Colorado mga ilang kilometro sa timog ng tahanan nina Lorena at Bent Larsen sa Sanford. Malayo sa mas malalaking pamayanan ng mga Banal sa Utah, ang Manassa ay naging kanlungan para sa “mga balo ng poligamya,” o mga nagtatagong maramihang asawa. Malungkot doon si Emily, ngunit nagsisikap siya na magtaguyod ng tahanan sa bayang madalas hinahangin para sa kanyang sarili at kanyang mga anak na babae, ang apat na taong gulang na si Dessie at ang sanggol na si Grace.
Sa maikling biyahe sakay ng karwahe patungo sa tahanan ni Josephine, naging maligalig at umiyak si Dessie, malungkot na ang kanyang minamahal na “Tiyo Eli” ay hindi makakasama sa kanila. Si Emily ay malungkot din. Ang “Tiyo Eli” ay ang bansag na pangalan ni Emily para kay apostol Heber Grant, ang kanyang asawa at ama nina Dessie at Grace. Bilang ikatlong asawa ni Heber, ginamit ni Emily ang pangalan sa mga sulat at sa paligid ng mga bata upang protektahan ang pagkatao ni Heber.
Noong umagang iyon, umalis si Heber para umuwi sa kanyang tahanan sa Lunsod ng Salt Lake matapos gumugol ng dalawang araw kasama si Emily at ng mga bata. Umasa si Emily na ang pagdalaw kay Josephine ay magpapasaya sa kanya. Pero halos pagkadating niya at ng mga bata, bumunghalit ng iyak si Emily. Nauunawaan ni Josephine ang damdamin ng kanyang kaibigan. Siya mismo ay isa sa mga maramihang asawa ni apostol John Henry Smith, na kailan lamang ay nagtungo sa bayan upang magsagawa ng sarili niyang pagdalaw.14
Kailanman ay hindi nadama ni Emily na ang mga pagdalaw ni Heber ay sapat. Silang dalawa ay lumaki nang magkasama sa Ikalabintatlong Ward sa Lunsod ng Salt Lake, at sila ay ikinasal noong tagsibol ng 1884 matapos ang napakahabang pagliligawan. Bilang isang maramihang asawa, hindi maaaring isapubliko ni Emily ang kanyang kasal, at madalas siyang palipat-lipat noong sumunod na anim na taon, nagpapalipas ng panahon sa katimugang Idaho, sa England, at sa isang tagong silid sa bahay ng kanyang ina sa Lunsod ng Salt Lake.15
Ngayon ay nasa Manassa si Emily, umaasa na balang araw ay magwawakas ang kanyang matagal na pagkakawalay kay Heber. Sanay sa buhay sa lunsod, naninibago pa rin siya sa buhay sa maliit na bayan, at kung minsan ay nadarama niya na daan-daang kilometro ang layo niya sa sibilisasyon. Sinubukan ni Heber na tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng tahanang may kagamitan, isang grupo ng mga kabayo, ilang baka at manok, upahang tauhan, at suskrisyon ng Salt Lake Herald. Ang kanyang biyenang babae, si Rachel Grant, ay dumating din upang samahan siya sa liblib na bayan.16
“Nakuha ko na lahat ng bagay rito ngayon na nais ko,” minsang sinabi ni Emily kay Heber sa isang liham mula sa Manassa. “Maliban sa iyo.”17
Halos dalawang linggo matapos ang pagdalaw ni Heber, sumulat sa kanya si Emily tungkol sa isang pulong sa Manassa kung saan dalawang lider ng Simbahan ang nagsabi na ang mga “balo” ng bayan ay maaaring hindi na makakabalik sa Utah. “Sinabi nila na ang susunod na gagawin sa Kongreso ay kumpiskahin ang mga ari-arian ng mga lider ng Simbahan,” iniulat niya, “at pagkatapos tayo ay lubhang magagalak dahil tumungo at nanirahan tayo rito.”
Subalit hindi kumbinsido si Emily na kailanman ay magiging masaya siyang manirahan sa bayan.18 “Patuloy akong nanalangin para sa isang kuntentong isipan ngunit nadarama kong ako ay pinanghihinaan ng loob at nalulumbay,” isinulat niya kay Heber makalipas ang ilang buwan. “Huwag kalimutang manalangin para sa akin, minamahal ko, sapagkat kung wala ang tulong ng aking Ama sa Langit ay hindi ko na matatagalan ito at mapapanatiling malinaw ang aking isip.”19
Noong Linggo, ika-17 ng Agosto, bumisita sina Wilford Woodruff at kanyang mga tagapayo sa maliit na komunidad. Nang sandaling iyon, nagpalabas ang Korte Suprema ng Estados Unidos ng hatol nito ukol sa legalidad ng Batas nina Edmunds-Tucker. Nahati ang korte sa kaso, ngunit halos higit sa karamihan ng mga hukom ay bumoto na itaguyod ang batas, sa kabila ng sinabi ng mga Banal na nilalabag nito ang kanilang kalayaan sa relihiyon. Nagbigay ang desisyon sa mga opisyal ng gobyerno ng buong kalayaan na ipatupad ang mga parusa ng batas, nagbubukas ng mga posibilidad upang agawin ang higit pang mga ari-arian ng Simbahan.20
Sa isang pulong kasama ang mga Banal sa Manassa, nagbabala si George Q. Cannon sa mga pamilya na maging maingat. Ilan sa mga lalaki sa bayan ay naninirahan nang may higit sa isang asawa, sabi niya, at ang mga lalaking yaon ay nakikipagsapalaran na magdudulot ng kaguluhan at pang-uusig sa komunidad. Ikinagalit ng ilang lalaki ang puna, na nagtungo kay George kinabukasan upang ipakita kung gaano kahirap iyon sa kanilang mga pamilya na mamuhay nang magkahiwalay.21
Bago umalis sina Wilford at kanyang mga tagapayo, naghanda si Emily ng almusal para sa kanila at iba pang mga kaibigan. Pagkatapos nito, sinamahan niya at ng ilang kababaihan ang mga bisita sa istasyon ng tren. Nahuli ang tren, na nagbigay kay Emily ng pagkakataon na makausap nang mas matagal ang Unang Panguluhan. Nang sa wakas ay dumating ang tren, nakipagdaop siya ng kamay nang mahigpit sa bawat isa sa kanila. “Pagpalain kayo ng Diyos,” sinabi nila sa bawa’t isa. “Kapayapaan ang mapasainyo.”
Nais din lisanin ni Emily ang Manassa. “Sila ay lumisan lulan ng tren,” isinulat niya kay Heber, “at bumalik kami sa pinabayaang lugar na ito.”22
Bumalik ang Unang Panguluhan sa Lunsod ng Salt Lake noong patapos na ang Agosto, tama lamang para sa unang anibersaryo ng Iosepa, ang unang pamayanan ng mga Banal na Hawaiian sa Utah. Ang pangalang Iosepa ay ang Hawaiian na bersyon ng pangalan ni Joseph.23
Nang nagsimulang sumapi ang mga Hawaiian sa Simbahan noong dekada ng 1850, nilimitahan ng kaharian ng Hawaii ang mga mamamayan nito sa pag-alis mula sa mga pulo, na nagtulak sa mga lider ng Simbahan na itatag ang Laie bilang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Hawaiian. Subalit unti-unting nabawasan ang pagiging mahigpit ng mga batas, at ang ilang Hawaiian, sabik na matanggap ang mga pagpapala ng templo, ay sinimulang magtipon sa teritoryo ng Utah noong dekada ng 1880.
Noong 1889, inorganisa ng Unang Panguluhan ang isang komite, na kinabibilangan ng tatlong lalaking Hawaiian, upang humanap ng angkop na lugar sa Utah kung saan maaaring itatag ng mga Banal na Hawaiian ang mga tahanan at bukid. Matapos suriin ang iba’t ibang lugar, iminungkahi ng grupo ang iba’t ibang lugar, kabilang na ang isang 1,900 na acre na rantso mga siyamnapu’t pitong kilometro sa timog-kanluran ng Lunsod ng Salt Lake. Nirepaso ng Unang Panguluhan ang mga natuklasan ng komite at nagpasya na bilhin ang rantso para sa bagong pamayanan.24
Noong sumunod na taon, masipag na nagtrabaho ang mga Banal sa Iosepa sa pagtatatayo ng mga bahay, pagtatanim, at pag-aalaga ng mga hayop. Naging mahirap ang unang taglamig, lalo na kung ikukumpara sa tropikal na klima ng Hawaii. Subalit nagtiyaga ang mga naninirahan doon, umaasa na ang matabang lupa at maraming suplay ng tubig ng Iosepa mula sa kalapit na kabundukan ay magbibigay ng saganang ani sa tag-init.25
Ang araw ng pagdiriwang ay mainit at maaraw. Habang ang mga miyembro ng Unang Panguluhan, na sinamahan ang bawat isa ng isa sa kanilang mga asawa, ay papalapit sa pamayanan, ang Iosepa ay tila isang luntiang oasis sa gitna ng disyerto. Ang mga tanim na mais sa mga kalapit na bukid ay matataas, may malalaking bunga na umuusbong, at ang mga dayami sa mga inaning mga bukirin ay nasa malalaking dilaw na salansan.
Pinalibutan ng mga Banal na Hawaiian ang kanilang mga bisita, sabik na batiin ang kanilang propeta at kanyang mga tagapayo, sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith, na kapwa nagmisyon sa Hawaii noong kabataan nila. Ang gabi ay puno ng masayang musika habang ang mga Banal sa Iosepa ay umaawit at tumutugtog ng mga gitara, mandolina, at biyulin.
Nagpatuloy ang pagdiriwang hanggang kinabukasan, na may isang parada na sinundan ng isang piging ng tanghalian na may karneng inihaw sa isang hukay. Nang binasbasan ni George ang pagkain, sinambit niya ang panalangin sa wikang Hawaiian—ang unang pagkakataon na nanalangin siya gamit ang wikang iyon sa loob ng tatlumpu’t anim na taon.
Kalaunan nang araw na iyon, lahat ay nagtipon para sa isang espesyal na pulong. Si Solomona, isang lalaki sa nasa kanyang ikasampung dekada, na bininyagan ni George ilang dekada na ang nakararaan, ay nag-alay ng taimtim na pambungad na panalangin. Isang Banal, si Kaelakai Honua, ay nagsalita tungkol sa awa ng Diyos sa pagtitipon ng mga tao sa mga pulo ng dagat patungong Sion. Isa pang lalaki, si Kauleinamoku, ay malungkot na sinabing iniwan ng ilang tao ang Iosepa upang bumalik sa Pasipiko. Hinikayat niya ang mga Banal na maging matapat at huwag magpadala sa diwa ng pagkayamot.
Sa buong Iosepa, sama-samang nagdiwang ang mga tao, at sina Wilford, George, at Joseph ay nagagalak sa kanilang kaligayahan. Bagama’t hindi napanatili ni George ang kanyang kakayahan na magsalita nang mahusay sa wikang Hawaiian, namangha siya na naunawaan niya ang halos bawat salitang binigkas sa mga pagdiriwang.26
Ilang araw matapos umuwi ng Unang Panguluhan mula Iosepa, natanggap nila ang balita na si Henry Lawrence, ang bagong pederal na opisyal na itinalaga upang sapilitang kunin ang pag-aari ng Simbahan sa ilalim ng Batas nina Edmunds-Tucker, ay nagbabanta ngayon na kumpiskahin ang mga templo sa Logan, Manti, at St. George.
Isang dating miyembro ng Simbahan, si Henry ay isang mapait na kalaban ng mga Banal sa mahigit dalawang dekada. Naging kasapi siya sa Bagong Kilusan nina William Godbe at Elias Harrison at nagbigay-salaysay laban sa Simbahan sa kamakailan lamang na paglilitis na nagkakait sa mga nandarayuhang Banal na maging mamamayan.
Batid ni Henry na pinoprotektahan ng Batas nina Edmunds-Tucker ang mga gusali na ginagamit “lamang para sa layunin ng pagsamba sa Diyos,” subalit layon niyang ipakita na ang mga templo ay ginagamit din sa ibang layunin at samakatwid ay maaaring kumpiskahin kasama ang iba pang mga ari-arian.
Noong ika-2 ng Setyembre, nalaman ng Unang Panguluhan na nakakuha si Henry ng isang subpoena na nag-uutos kay Wilford na tumestigo sa korte tungkol sa mga ari-arian ng Simbahan. Hinahangad na maiwasan ang subpoena, tumungo ang panguluhan sa California upang sumangguni sa ilang maimpluwensyang tao na sumusuporta sa kalagayan ng mga Banal. Subalit kaunting pag-asa lamang ang maibibigay ng mga lalaking ito na ang pamahalaan ng Estados Unidos o ang mga mamamayang Amerikano ay magbabago ng kanilang isip tungkol sa Simbahan hangga’t patuloy ang mga Banal sa pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa.27
Bumalik sina Wilford at kanyang mga tagapayo sa Utah pagkaraan ng ilang linggo at nalaman na ang Utah Commission, isang grupo ng mga pederal na opisyal na namamahala ng halalan sa Utah at nagbabantay ng mga pagsunod ng mga Banal sa mga batas laban sa poligamya, ay nagpadala ng taunang ulat nito sa pederal na pamahalaan. Sa taong ito, pasinungaling na isinaad ng ulat na ang mga lider ng Simbahan ay hayagan pa ring hinihikayat at pinahihintulutan ang maramihang pag-aasawa. Isinasaad din nito nang walang katibayan na apatnapu’t isang maramihang pagpapakasal ang naisagawa sa Utah noong nakaraang taon.
Upang mawakasan ang maramihang pag-aasawa nang lubusan, inirekomenda ng komisyon na ipasa ng Kongreso ang mas mahihigpit na batas laban sa Simbahan.28
Nagalit sa ulat si Wilford. Bagama’t wala siyang ipinalabas na pahayag sa publiko tungkol sa kalagayan ng maramihang pag-aasawa sa Simbahan, natanto na niyang walang maramihang pagpapakasal ang dapat isagawa sa Utah o ibang bahagi ng Estados Unidos. Bukod pa rito, marami na siyang nagawa noong nakaraang taon upang hadlangan ang mga bagong maramihang pagpapakasal, sa kabila ng pag-angkin ng ulat sa kabaligtaran.29
Noong ika-22 ng Setyembre, nakipagpulong si Wilford sa kanyang mga tagapayo sa Gardo House, ang opisyal na tirahan ng pangulo ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake, upang talakayin kung ano ang gagawin tungkol sa ulat. Iminungkahi ni George Q. Cannon na magpalabas ng pahayag na nagtatatwa ng mga salaysay nito. “Marahil ay walang mas mainam na pagkakataon ang ibinigay sa atin,” sabi niya, “upang opisyal na, bilang mga lider ng Simbahan, sabihin sa mga tao ang ating pananaw ukol sa doktrina at batas na pinagtibay.”30
Kalaunan, matapos ang mga pulong noong araw na iyon, nanalangin si Wilford para sa patnubay. Kung hindi wawakasan ng Simbahan ang pagsasagawa ng maramihang pagpapakasal, ang pamahalaan ay patuloy na magpapasa ng mga batas laban sa mga Banal, kung saan ang karamihan ay hindi naman isinasabuhay ang alituntunin. Lalaganap ang kalituhan at kaguluhan sa Sion. Mas maraming lalaki ang mapupunta sa kulungan, at ang pamahalaan ay kukumpiskahin ang mga templo. Ang mga Banal ay nagsagawa ng libu-libong ordenansa para sa mga patay mula noong inilaan ang mga bagong templo. Kung sapilitang kukunin ng pamahalaan ang mga gusaling ito, ilan sa mga anak ng Diyos, buhay at patay, ang hindi makakatanggap ng mga sagradong ordenansa ng ebanghelyo?31
Kinabukasan, sinabi ni Wilford kay George na naniniwala siya na kanyang tungkulin bilang pangulo ng Simbahan na magbigay ng isang pahayag sa mga mamamahayag. Pagkatapos ay tinawag niya ang kanyang sekretarya na sumama sa kanya sa isang pribadong silid habang si George ay naghihintay sa labas.
Samantala, si apostol Franklin Richards ay dumating sa Gardo House upang hanapin ang propeta. Sinabi sa kanya ni George na abala si Wilford at hindi maaaring guluhin. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, lumabas si Wilford mula sa pribadong silid na may isang pahayag na katatapos lamang niyang idikta. Ang kanyang pagkabalisa sa ulat ng Utah Commission ay nawala. Ngayon ay mukhang nagliwanag ang kanyang mukha, at tila siya ay nalulugod at nasisiyahan.
Malakas na binasa ni Wilford ang dokumento. Tinanggihan ng pahayag na naganap nitong nakaraang taon ang mga maramihang pagpapakasal at pinagtibay ang kahandaan ng Simbahan na makipagtulungan sa pamahalaan. “Yayamang ang bansa ay nagpasa ng isang batas na nagbabawal ng maramihang pag-aasawa,” sabi nito, “nadarama namin na nais naming sundin ang batas, at ipaubaya ang mangyayari sa mga kamay ng Diyos.”
“Nadarama ko na ito ay magdudulot ng mabuting bunga,” sabi ni George. Sa kanyang palagay ay hindi pa handa ang pahayag para sa paglalathala, subalit ang mga ideya na nandirito ay tama.32
Kinabukasan, hiniling ng Unang Panguluhan sa tatlong magagaling na manunulat—ang sekretarya na si George Reynolds, patnugot ng pahayagan na si Charles Penrose, at tagapayo ng Presiding Bishopric na si John Winder—na ayusin ang wika ng pahayag at ihanda ito para sa paglalathala. Pagkatapos ay ipinakita ni Wilford ang binagong dokumento kina apostol Franklin Richards, Moses Thatcher, at Marriner Merrill, at inirekomenda nila ang mga karagdagang pagsasaayos.
Matapos marepaso, ang Pahayag, na naging bansag dito kalaunan, ay ipinahayag ang pagwawakas sa maramihang pag-aasawa at binigyang-diin ang determinasyon ni Wilford na sundin ang mga batas ng lupain at hinikayat ang mga Banal na gawin din ang gayon.
“Kami ay hindi nagtuturo ng pag-aasawa nang higit sa isa o ng maramihang pagpapakasal, o pinahihintulutan ang sinumang tao na pumasok sa ganitong gawi,” isinaad nito sa isang bahagi. “Ipinahahayag ko ngayon ang aking hangaring sumunod sa mga batas na yaon, at gamitin ang aking impluwensiya sa mga kasapi ng Simbahan kung saan ako ang namumuno na gawin nila ang gayon din.”33
Inaprubahan ng mga apostol na naroroon ang dokumento at ipinadala ito sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng telegrama.34
“Ang buong bagay ay sa pangunguna ng sariling halimbawa ni Pangulong Woodruff,” itinala ni George Q. Cannon nang araw na iyon sa kanyang journal. “Sinabi niya na ginawang malinaw sa kanya ng Panginoon na ito ang kanyang tungkulin, at malinaw niyang nadama sa kanyang isipan na iyon ang tama.”35
Pinagnilayan din ni Wilford ang Pahayag sa kanyang journal. “Ako ay dumating sa isang punto sa kasaysayan ng aking buhay bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” isinulat niya, “ kung saan ay kinailangan kong kumilos para sa temporal na kaligtasan ng Simbahan.”36
Ang pamahalaan ay determinado sa paninindigan nito laban sa maramihang pag-aasawa, batid niya. Kung kaya ay nanalangin si Wilford at nakatanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu, at inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban para sa mga Banal.