Kasaysayan ng Simbahan
24 Isang Malaking Gawain


“Isang Malaking Gawain,” kabanata 24 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 24: “Isang Malaking Gawain”

Kabanata 24

Isang Malaking Gawain

bulwagan ng Relief Society

“Ang mga tindahan ng kooperatiba ay sumibol sa halos lahat ng lugar sa buong teritoryo kung saan kailangan ang isang tindahan,” isinulat ni George Q. Cannon sa isang editoryal noong Mayo 19, 1869 sa Deseret Evening News. “Hayaan ang bawat babae sa teritoryo na magkaroon ng interes sa mga tindahang ito, at ang kalakalan ay kusang dadaloy sa mga ito tulad ng tubig na dumadaloy pababa ng burol.”1

Ang pananaw ng editoryal sa kababaihan at kanilang kahalagahan sa kilusang kooperatiba (cooperative movement) ay nagpahanga kay Sarah Kimball, ang pangulo ng Relief Society ng Ikalabinlimang Ward ng Lunsod ng Salt Lake. Ang pagtutulungan ay lubhang mahalaga para sa mga Banal upang maging mga taong tumatayo sa kanilang sariling paa. Nagagawa ng mga kababaihan na marami sa mga kalakal ang naibebenta sa mga ko-op at madalas bumili ng mga paninda sa mga tindahan.

Itinuro ng Brigham Young na ang lahat ng pagsisikap na itatag ang Sion, kahit gaano man kakaraniwan, ay bahagi ng sagradong gawain ng Panginoon. Kamakailan, hinikayat niya ang mga Banal na mamili lamang sa kooperatiba at iba pang mga negosyo kung saan ang mga salitang “Banal sa Panginoon” ay nakikita saanman sa tindahan. Sa pagsuporta sa mga tindahang ito, ang kababaihan ay nagtrabaho para sa ikabubuti ng mga Banal, hindi ng mga tagalabas na mangangalakal.2

Nagsisikap na sina Sarah at ang kanyang Relief Society na itaguyod ang mga pamantayan ng pagtutulungan. Noong nakaraang taon, sinimulan nila ang pagtatayo ng isang bulwagan ng Relief Society sa kanilang ward. Isinunod sa tindahan ni Joseph Smith sa Nauvoo, kung saan ang orihinal na Relief Society ay itinatag, ang bagong bulwagan ay mayroong dalawang palapag. Sa itaas na palapag, ang kababaihan ay may isang silid-gawaan na inilaan para sa pagsamba, sining, at agham. Sa unang palapag, magpapatakbo sila ng isang tindahan ng kooperatiba na nagbebenta at nangangalakal ng telang lana, mga bumbon ng bulak, alpombrang basahan, pinatuyong prutas, sapatos na mokasin, at iba pang bagay na ginawa ng mga miyembro ng Relief Society.3 Tulad ng iba pang maliliit na tindahan ng kooperatiba, maaari din itong magsilbi bilang isang tindahang nagtitinda ng mga tinging produkto para sa pinakamalaking ko-op sa lunsod, ang Zion’s Cooperative Mercantile Institution (Z.C.M.I.).

Kapag natapos, ang bulwagan ng Relief Society ay magiging una sa uri nito sa Simbahan. Karaniwang nagtitipon ang Relief Society sa tahanan o sa mga gusali ng ward. Ngunit nais ni Sarah, na naging saligang miyembro ng orihinal na Relief Society sa Nauvoo, ang isang lugar kung saan ang kababaihan ng Ikalabinlimang Ward ay maaaring magpalakas at magpatatag ng kapangyarihan at kakayahang ibinigay ng Diyos.4

Si Sarah ay naging lakas sa likod ng pagtatayo ng bulwagan nitong nakaraang taon. Bagama’t nag-alok ang isang lalaki na magbigay ng lote sa lunsod para sa proyekto, siya at ang iba pang kababaihan sa Relief Society ay nagpumilit na magbayad ng isandaang dolyar para rito.5 Kalaunan, matapos magdaos ang ward ng seremonya ng pagsisimula ng pagtatayo sa bagong gusali, gumamit si Sarah ng maso at pilak na dulos upang tumulong sa isang mason sa paglalagak ng batong-panulok.

“Ang layunin ng gusali,” sinabi niya, habang nakatayo sa tuktok ng bato, “ay bigyang-kakayahan ang samahan na mas ganap na pagsamahin ang kanilang gawain, kabuhayan, kanilang panlasa, at kanilang mga talento para sa pagpapabuti—pisikal, sosyal, moral, intelektuwal, espirituwal, at pinansiyal—at para sa mas mahabang kapakinabangan.”6

Sa sumunod na anim na buwan, umarkila ang kababaihan ng mga karpintero at pinamahalaan ang pagtatayo, na ngayon ay malapit nang matapos. Sa diwa ng pagtutulungan, naglikom sila ng pera at tinipon kung anong mayroon sila upang lagyan ng takip ang mga bintana ng bulwagan at maglagay ng mga alpombra. Nang tinanong ng ilang tao kung paano naging ganoon katagumpay ang Relief Society ng Ikalabinlimang Ward, lalo na kung tutuusin ay hindi sila mayamang ward sa Simbahan, simpleng tumugon si Sarah, “Ito ay dahil kami ay kumikilos nang sabay-sabay at mabilis na ginagamit ang tinanggap namin.”7

Isang araw matapos ilathala ang editoryal sa Deseret Evening News, ibinahagi ito ni Sarah sa kanyang Relief Society. “Kasama ang babae upang makatulong sa dakilang layunin ng reporma, napakagagandang pagbabago ang maaaring magbukas!” sabi roon. “Bigyan siya ng mga responsibilidad, at patutunayan niya na siya ay kayang gumawa ng mga dakilang bagay.”

Naniniwala si Sarah na sumasapit ang isang bagong araw para sa mga kababaihan. “Hindi kailanman nagkaroon ng panahon,” sinabi niya sa kanyang Relief Society, “kung saan ang babae, at ang kanyang mga kakayahan at tungkulin, ay gayon na lamang sinambit sa publiko at pribado tulad ng sa kasalukuyan.”8


Habang itinatayo ng Relief Society ng Ikalabinglimang Ward ang kanilang bulwagan para sa mga pagtitipon, mabilis na inihahatid ng mga malalakas na makinang pinatatakbo ng singaw ang mga pasahero at kargamento sa buong bansa. Bagama’t may pag-aatubili sa mga makamundong impluwensya na dumarating sa teritoryo, naniwala ang Unang Panguluhan na ang bagong transcontinental na riles ng tren ay gagawing mas madali at mas abot-kaya na magpadala ng mga elder sa misyon at tipunin ang mga tao sa Sion. Kung kaya, isang linggo matapos kumpletuhin ng mga manggagawa ang transcontinental na riles ng tren, pinasimulan ni Brigham Young ang pagtatayo para sa isang riles ng tren na pag-aari ng Simbahan na nagdurugtong ng Lunsod ng Salt Lake sa Ogden.9

Samantala, si Joseph F. Smith ay nagtatrabaho bilang isang klerk sa Church Historian’s office sa Lunsod ng Salt Lake. Tatlumpung taong gulang siya at nagkaroon na ng mas maraming responsibilidad sa Simbahan kaysa rati. Tatlong taon na ang nakararaan, hindi nagtagal matapos makabalik mula sa Hawaii, tinawag siya na maging apostol at itinalaga bilang tagapayo sa Unang Panguluhan.10

Ngayon, habang ang tagsibol ng 1869 ay nagiging tag-init, si Joseph F. ay naghahanda para sa isang bagong hamon. Ang kanyang mga pinsan na sina Alexander at David Smith ay papunta sa teritoryo. Mga anak ni Propetang Joseph Smith, nakatira sila sa Illinois at kabilang sa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints. Sinang-ayunan nina Alexander at David ang kanilang kuyang si Joseph Smith III bilang isang propeta at ang may karapatang humalili sa gawain ng kanilang ama.

Tulad ni Joseph III, naniniwala sina Alexander at David na hindi itinuro o isinabuhay ng kanilang ama ang maramihang pag-aasawa. Sa halip ay sinasabi nila na ipinakilala ni Brigham Young ang alituntunin pagkamatay ng kanilang ama.11

Bagama’t kung minsan ay nakikipagpalitan ng liham si Joseph F. sa kanyang mga pinsan, hindi sila malapit sa bawat isa. Huli niyang nakita si Alexander tatlong taon na ang nakararaan, noong 1866, nang nagpunta si Alexander upang mangaral sa Lunsod ng Salt Lake habang papunta ito sa isang misyon sa California. Batid na makikipagtalo ang mga Banal sa kanyang mga sasabihin tungkol sa kanyang ama at sa maramihang pag-aasawa, dumating si Alexander na may dalang mga pahayag na inilathala ng kanyang ama at ni Hyrum Smith sa Times and Seasons, ang pahayagan ng Simbahan sa Nauvoo, kung saan tila kinukundena ang maramihang pag-aasawa at ipinagkaila ang paglahok ng mga Banal sa gawaing iyon.12

Noong 1866, nais labanan ni Joseph F. ang sinasabi ng kanyang pinsan, ngunit hindi niya alam ang gagawin. Sa kanyang pagkagulat, iilan lamang ang nakita niyang dokumentadong patunay na nag-uugnay sa propetang si Joseph sa maramihang pag-aasawa. Alam niya na itinuro ni Joseph Smith ang alituntunin sa ilang matatapat na Banal, kabilang na si Brigham Young at sa iba pa na ngayon ay naninirahan sa Teritoryo ng Utah. Ngunit natagpuan niyang halos wala silang naidokumento tungkol sa karanasan.

Mayroon ding paghahayag ng Panginoon tungkol sa kasal, na itinala ni Joseph Smith noong 1843 at inilathala sa unang pagkakataon noong 1852. Inilarawan ng paghahayag kung paanong ang isang lalaki at isang babae ay maaaring mabuklod sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ipinaliwanag din nito na kung minsan ay iniuutos ng Diyos ang maramihang pag-aasawa upang magpalaki ng mga anak sa mga matwid na pamilya at makatulong sa pagsasakatuparan ng Kanyang tipan na pagkalooban si Abraham ng di mabilang na mga inapo.13

Ang paghahayag ay malakas na katibayan na itinuro at isinabuhay ni Joseph Smith ang maramihang pag-aasawa. Gayunman, tumanggi si Alexander na tanggapin ang pagiging totoo nito, at hindi na nakatagpo pa si Joseph F. ng karagdagang nakasulat na katibayan ng maramihang pag-aasawa ng propeta.14 “Kung ang mga aklat ang pag-uusapan,” sabi niya sa kanyang pinsan, “nasa iyong panig ang mga ito.”15

Nang malamang babalik si Alexander sa Utah kasama si David, si Joseph F. ay nagsimulang muling maghanap ng katibayan ng maramihang pag-aasawa ni Joseph Smith.16 Ang maramihang pag-aasawa ay naging mahalagang bahagi ng buhay ni Joseph F., at determinado siyang ipagtanggol ito. Ilang taon na ang nakararaan, ang una niyang asawa, si Levira, ay nakipagdiborsyo sa kanya, dahil ang kanyang pagpapakasal sa pangalawang asawa, si Julina Lambson, ay dumagdag sa mga kasalukuyang tensyon sa relasyon. Mula noon, ikinasal si Joseph F. sa pangatlong asawa, si Sarah Ellen Richards.17 Para sa kanya, ang pag-atake sa gawain ay banta sa mga ugnayan ng tipan na bumuo sa pundasyon ng kanyang pamilya.

Sa nakalipas na tatlong taon, mas naunawaan din ni Joseph F. kung paanong ang kanyang ama at tiyuhin ay tumugon sa matitinding panganib na hinarap nila sa Nauvoo. Upang ipagtanggol ang kanilang sarili at ang Simbahan laban sa mga kritiko, kung minsan ay tumutugon sila sa mga sabi-sabi ukol sa maramihang pag-aasawa sa Nauvoo sa pamamagitan ng paglalathala ng mga pahayag na maingat na tumutuligsa sa mga maling gawain nang hindi kinukundena ang mismong awtorisadong gawaing iyon. Ang kanilang pag-iingat ay nakatulong na ipaliwanag kung bakit halos walang nakasulat na katibayan ang maiuugnay ang propeta at si Hyrum sa gawain.18

Upang malunasan ang puwang na ito sa tala ng kasaysayan, nagsimula si Joseph F. sa pagtitipon ng mga nilagdaang pahayag mula sa mga taong nakibahagi sa mga naunang maramihang pag-aasawa. Ilan sa mga babaeng nakapanayam niya ay nabuklod kay Joseph Smith sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Ang iba ay nabuklod sa propeta sa kawalang-hanggan lamang. Tinipon din ni Joseph F. ang impormasyon tungkol sa kung ano ang alam ng kanyang tiya Emma tungkol sa kaugaliang ito. Ang kanyang ate, si Lovina, ay tumira kasama si Emma sa loob ng ilang panahon matapos naglakbay pakanluran ang karamihan sa mga Banal. Pinatotohanan niya na minsang sinabi sa kanya ni Emma na sumang-ayon ito at nasaksihan ang pagbubuklod ng asawa nito sa ilan sa kanyang maramihang asawa.

Sa mga unang linggo ng tag-init, nagpatuloy si Joseph F. sa pangongolekta ng mga pahayag, araw-araw na naghihintay sa pagdating ng kanyang mga pinsan.19


Noong Hulyo 22, 1869, sinimulan ni Sarah Kimball ang unang pagpupulong sa bagong gawang bulwagan ng Relief Society ng Ikalabinlimang Ward. “Ang bahay ay itinayo para sa ikabubuti ng lahat,” sinabi niya sa mga babae sa silid.20

Dalawang linggo kalaunan, noong ika-5 ng Agosto, inilaan ng Unang Panguluhan ang gusali. Sa seremonya, umawit ang isang koro ng isang bagong himno na isinulat ni Eliza Snow tungkol sa papel na ginagampanan ng bulwagan ng Relief Society sa pagprotekta sa Sion:

Nawa ay manatili ang pagkakaisa sa Bulwagang ito

May lakas at kasanayan tulad ng sa Diyos:

At Ama, gabayan ng Inyong karunungan,

At punan ang bawat departamento.

Inilalaan namin ang bahay na ito sa Inyo,

Nawa ang Bahay na ito ay maging tanggulan ng pag-ibig at paggawa:

Nawa’y kapakanan ng Sion kailanman

Ang kapangyarihang gumaganyak sa kanya.21

Nalulugod ang Unang Panguluhan na ang gusali ay nagbibigay-diin sa mga kaisipan ng kooperasyon sa ekonomiya at mga lokal na industriya. Sa kanyang mensahe sa samahan, binigyang-diin ni Brigham ang kahalagahan ng kababaihan at kalalakihan na nagtutulungan para sa Sion. “Ang lupa ay kailangang magbagong ganap,” sabi niya. “Mayroong isang malaking gawain na dapat isagawa, at ang lahat ng paraan, talento, at tulong na maaaring makuha ay kakailanganin.”

“Ang tulong ng mga babae ay kailangan tulad ng sa mga lalaki,” pagpapatuloy niya. “Ang ating mga Relief Society ay para sa kapakinabangan ng mga maralita at para sa kapakinabangan ng mayayaman. Ang mga ito ay para sa kapakanan ng bawat kalagayan at para sa kapakinabangan ng buong komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw.”22

Idinagdag ni Sarah ang kanyang patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagtutulungan sa isang pulong kalaunan noong buwang iyon. Itinuro niya na ang pagtutulungan ay bahagi ng huwaran ng Panginoon para sa Sion. Para sa kanya, ang lokal na industriya ay mahalaga sa kapakanan ng mga Banal.

“Ang paksa ay hindi dapat mawala sa ating paningin,” iginiit niya, “maging sa isang pulong.”23


Dumating sina Alexander at David Smith sa Lunsod ng Salt Lake noong tag-init na iyon at sa kanilang unang gabi ay nanatili sila kasama ng nakatatandang kapatid ni Joseph F. na si John, ang nangungulong patriyarka ng Simbahan, at asawa nitong si Hellen. Makaraan ang dalawang araw, nagtungo sina Alexander at David sa opisina ni Brigham Young, umaasa na makakuha ng pahintulot na mangaral sa tabernakulo, na kung minsan ay ipinapagamit sa iba pang grupo ng relihiyon upang magdaos ng mga pulong. Pinagnilayan ni Brigham ang kahilingan ng magkapatid, ngunit siya at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay nag-alinlangan tungkol sa kanilang layunin at hindi nagbigay ng pahintulot.24

Sa Historian’s Office, patuloy si Joseph F. Smith sa pagtitipon ng mga katibayan na si Joseph Smith ay nagturo at nagsabuhay ng maramihang pag-aasawa, lubhang pinalalawak kung ano ang nalaman niya at ng Simbahan tungkol sa maramihang pag-aasawa sa Nauvoo. Bukod sa pagtitipon ng mga karagdagang pahayag, masusi siyang naghanap sa mga journal ni William Clayton, na naging klerk, kaibigan, at mapagkakatiwalaan ni propetang Joseph. Ang journal ni William ay isa sa mga iilang talaan mula sa Nauvoo na nagdetalye ng mga naunang maramihang pag-aasawa, at ito ay nagbibigay ng katibayan ng paglahok ng propeta.25

Kapag wala si Joseph F. sa Historian’s Office (Tanggapan ng Mananalaysay) o sa kanyang pamilya, siya ay nangangasiwa sa Endowment House. Noong unang bahagi ng Agosto, siya at si George Q. Cannon ay nangasiwa ng endowment ng kanilang kaibigan na si Jonathan Napela na dumating sa Lunsod ng Salt Lake mula sa Hawaii noong huling bahagi ng Hulyo upang tanggapin ang ordenansa, bumisita sa punong tanggapan ng Simbahan, at makipagkita kina Brigham Young at iba pang mga Banal.26

Samantala, sina Alexander at David Smith ay nasa lunsod pa rin, umaakit ng mga tao kapag nagsasalita sila. Umaasang pahinain ang awtoridad ni Brigham Young, ang mga mayayamang mangangalakal na sumasalungat sa kilusang kooperatiba ng Simbahan ay umupa ng isang malaking simbahan ng Protestante kung saan maibibigay ng magkapatid ang mga mensahe na pinipintasan ang pamumuno ni Brigham at ng Simbahan. Tulad ng ginawa ni Alexander tatlong taon na ang nakararaan, lubha rin silang sumandig sa mga sipi mula sa Times and Seasons upang ipagkaila ang kinalaman ng kanilang ama sa maramihang pag-aasawa.

Kasabay nito, sina Joseph F. Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay nagbibigay ng mga mensahe ukol sa maramihang pag-aasawa sa Nauvoo sa mga gusali ng mga ward sa buong lunsod.27 Noong ika-8 ng Agosto, nagsalita si Joseph F. sa isang kongregasyon sa Lunsod ng Salt Lake. Inilahad niya ang ilan sa mga katibayan na naipon niya tungkol sa mga naunang maramihang pag-aasawa at tinalakay ang mga pahayag ng kanyang ama at tiyo tungkol sa kaugaliang ito sa Times and Seasons.

“Alam ko lamang ang mga katotohanang ito,” sinabi niya sa kongregasyon. “Alam ng lahat na ang mga tao noon ay hindi nakahanda para sa mga bagay na ito, at kailangang maging maingat,” sinabi niya. “Sila ay nasa gitna ng mga kaaway at nasa kalagayan kung saan ang doktrinang ito ay magdadala sa kanila sa piitan.”

Naniniwala si Joseph F. na ang kanyang ama at tiyo ay ginawa ang ginawa nila upang iligtas ang kanilang buhay at maprotektahan ang iba pang kalalakihan at kababaihan na isinasabuhay rin ang maramihang pag-aasawa. “Ang mga kapatid ay hindi malaya noon tulad dito,” pagpapatuloy niya. “Ang diyablo ay may malaking impluwensiya sa Nauvoo, at mayroong mga taksil sa lahat ng panig.”28


Noong Setyembre, isang patnugot na Banal sa mga Huling Araw na nagngangalang Elias Harrison ang kumutya sa misyon nina Alexander at David Smith sa isang artikulo ng Utah Magazine, isang pahayagan na inilathala niya na may tulong pinansyal mula sa kaibigan niyang si William Godbe, isa sa mga pinakamayaman na negosyante sa Simbahan. Walang pagpipigil na ginawa, nilait ni Elias ang Reorganized Church at inakusahan ang magkapatid na Smith ng pagiging “katangi-tanging mangmang” sa ministeryo ng kanilang ama.

“Ang kanilang natatanging kasigasigan ay ginugol upang patunayan na ang kanilang ama ay hindi nagsabuhay ng poligamya, isinasalig ang kanilang mga argumento sa ilang sinasabi sa Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at sa Times and Seasons,” isinulat ni Elias. “Pero ano ba ang kahalagahan nito? Maaaring mapatunayan nina David at Alexander na itinatatwa ni Joseph Smith ang poligamya, at mapapatunayan natin na ginawa niya ito.”29

Bagama’t madalas ipagtanggol ni Elias ang Simbahan sa kanyang mga sulat, ginawa niya ito upang maitago ang kanyang tunay na motibo sa paglalathala ng Utah Magazine. Mula noong simula ng kilusang kooperatiba, siya at si William Godbe ay tahimik na lumalaban sa payo ng Unang Panguluhan na suportahan ang mga kapwa Banal at iwasan ang mga mangangalakal na hindi gumagamit ng kanilang kita upang palakasin ang ekonomiya ng lugar.30 Para kay William, ang paglaban sa Unang Panguluhan ay nangangailangan ng malaking pag-iingat. Bukod sa pagiging isang matagumpay na negosyante, siya ay kasapi ng konseho sa Lunsod ng Salt Lake at miyembro ng bishopric ng Ikalabintatlong Ward. At siya ay manugang at malapit na kaibigan ni Brigham Young.31

Tulad ni Elias, naniniwala si William na ang propeta ay makaluma at nagkaroon ng masyadong maraming impluwensiya sa buhay ng mga Banal. Bago nagsimula ang kilusang kooperatiba, ang mga mangangalakal na tulad ni William ay nagtamasa ng mas maraming kontrol sa lokal na merkado, na hinahayaan silang magtakda ng mataas na presyo at yumaman. Sa ilalim ng bagong sistema, gayunman, sinusubukan ng Simbahan na panatilihing mababa ang presyo para sa kapakanan ng mga Banal na maralita at ng mga lokal na tindahan ng kooperatiba.

Sa humihina niyang impluwensya sa merkado, nainis si William sa pagtuon ni Brigham sa kasagraduhan ng pagtutulungan. Padalas nang padalas, siya at si Elias ay nagsimulang gamitin ang Utah Magazine upang ihanda ang iba pang taong may katulad na kaisipan upang magdaos ng isang pag-aalsa sa loob ng Simbahan.32

Ang hangarin nilang mag-aklas ay nabuo noong nakaraang taon sa isang biyaheng pangkalakal sa New York. Noong panahong iyon, sinimulan ng dalawa na magsikap na makipag-ugnayan sa mga patay sa pamamagitan ng Espiritista. Naging popular ang espirituwalismo matapos ang digmaang sibil ng Amerika nang ang mga tao ay nasasabik na makausap ang mga mahal sa buhay na nasawi. Gayunman, matagal nang kinukundena ng mga lider ng Simbahan ang mga gayong gawi, bilang mga huwad na paghahayag mula sa kaaway.

Binabalewala ang mga babalang ito, inilubog nina William at Elias ang kanilang sarili sa mga pakikipag-ugnayan sa mga espiritu at naniwala na nakausap nila ang mga espiritu nina Joseph Smith, Heber Kimball, ang mga apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan, at maging ang Tagapagligtas. Kumbinsidong ang mga komunikasyong ito ay totoo, nadama nina William at Elias na sila ay tinawag sa isang espesyal na misyon na alisin sa Simbahan ang lahat ng bagay na kanilang itinuturing na hindi totoo. Noong bumalik sila sa Utah, nagsimula silang maglathala ng mga tusong pambabatikos sa mga lider at mga patakaran ng Simbahan kasama ng mas positibong mga artikulo sa Utah Magazine.33

Matapos ilathala ang kanyang artikulo ukol sa magkapatid na Smith, naging mas agresibo si Elias sa pag-atake kay Brigham Young at sa mga patakaran ng Simbahan. Iwinika niya na ang kilusang kooperatiba ay nagnanakaw sa mga Banal ng pagnanais na makipagkumpetensya upang pasiglahin ang ekonomiya ng Utah, na inaakala niya ay napakahina upang suportahan ang sarili nito sa lokal na industriya. Ikinatwiran din niya na ang mga Banal ay masyadong makasarili na isakripisyo ang kanilang sariling kapakanan para sa ikabubuti ng komunidad.34

Pagkatapos, noong ika-16 ng Oktubre, inilathala ni Elias ang isang editoryal na hinihimok ang mga Banal na linangin ang industriya ng pagmimina sa Utah. Sa paglipas ng mga taon, pinahintulutan ni Brigham Young ang ilang pagmimina na sinusuportahan ng Simbahan, ngunit nag-alala siya na ang pagkatuklas sa mahahalagang mineral ay magdudulot ng mas malaking problemang panlipunan at pagkakahati ng mga klase sa teritoryo. Ang alalahaning ito ang nagtulak sa kanya upang agresibong mangaral laban sa mga nagsasariling pagmimina sa teritoryo.35

Hindi nagtagal ay naging malinaw na sina Elias at William ay maingat na nagsasabwatan laban sa Simbahan. Noong ika-18 ng Oktubre, nakipag-usap sina Orson Pratt, Wilford Woodruff, at George Q. Cannon sa dalawang lalaki at ilan sa kanilang mga kaibigan. Si Elias ay puno ng kapaitan, at kahit sino sa dalawang lalaki ay hindi handang sang-ayunan ang Unang Panguluhan. Pagkaraan ng limang araw, sa isang pulong sa Paaralan ng mga Propeta sa Lunsod ng Salt Lake, sinabi ni William na sinunod niya ang payo ni Brigham ukol sa ekonomiya nang labag sa kanyang konsensya at hindi naniwala na may karapatan ang propeta na gabayan ang mga Banal sa mga bagay na komersyal. Mas masidhing nagsalita si Elias laban sa pamumuno ni Brigham. “Hindi ito totoo! Hindi ito totoo!” sigaw niya.36

Ilang araw kalaunan, nakipag-usap ang mataas na kapulungan ng Lunsod ng Salt Lake kina Elias at William sa munisipyo. Pinaratangan ni Elias ang mga lider ng Simbahan na sila ay kumikilos na para bang sila at ang kanilang mga salita ay walang pagkakamali. Sa hindi pagtanggap ng payo, sinabi ni William na siya at si Elias ay sumusunod lamang sa mas mataas na espirituwal na awtoridad, isang hindi halatang pagtukoy sa kanilang mga pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng Espiritista.

“Hindi namin binabalewala ang priesthood sa anumang paraan,” iginiit niya, “ngunit inaamin namin ang pagkakaroon ng isang kapangyarihan sa likod ng tabing kung saan mula ang mga impluwensya at mga tagubilin ay dumarating at laging dumarating na siyang pumapatnubay sa kalooban sa landasin nito.”

Pagkaraan magsalita ng dalawang lalaki, nagsalita si Brigham sa mataas na kapulungan. “Wala akong hinangad maliban sa isa sa kahariang ito,” sabi niya, “at ito ay ang magawang pasunurin ang mga lalaki at babae sa Panginoong Jesucristo sa lahat ng bagay.”

Binigyang-diin niya na ang lahat ng tao ay may karapatan na mag-isip para sa kanilang sarili, tulad ng mga lider ng Simbahan ay may karapatang payuhan sila ayon sa paghahayag. “Nakikipagtulungan tayo sa ating Tagapagligtas,” ipinahayag niya. “Kumikilos Siya ayon sa Kanyang Ama, at tayo ay nakikipagtulungan sa Anak para sa kaligtasan ng ating sarili at ng sangkatauhan.”

Tinanggihan din ni Brigham ang pagpapalagay na ang mga lider ng Simbahan ay hindi makagagawa ng mga pagkakamali. “Ang tao na taglay ang priesthood ay maaaring magkamali,” sabi niya. “Hindi ako nagpapanggap na hindi ako maaaring magkamali.” Ngunit ang pagkakaroon niya ng posibilidad na magkamali ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay hindi makagagawa sa pamamagitan niya para sa ikabubuti ng mga Banal.

Kung nais nina William at Elias na patuloy na pintasan ang Simbahan sa Utah Magazine, naniwala si Brigham na malaya silang gawin ito. Patuloy siyang mangangaral at magsasabuhay ng kooperasyon, anuman ang gawin o sabihin nila o ng mga tagalabas na mangangalakal. “Hahayaan ko ang mga tao na kumilos ayon sa nais nila,” sabi niya. “Ako ay may karapatang payuhan sila, at sila ay may karapatang tanggapin ang aking payo o hayaan ito.”

Nang matapos ang pagdinig, iminungkahi ng stake president na itiwalag sina William at Elias mula sa Simbahan dahil sa apostasiya. Sinang-ayunan ng mataas na kapulungan ang mungkahi, at lahat maliban sa anim na tao sa silid—bawat isa ay kasamahan nina Elias at William—ay sinang-ayunan ang desisyon.37