Kasaysayan ng Simbahan
40 Ang Tamang Bagay


“Ang Tamang Bagay,” kabanata 40 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 40: “Ang Tamang Bagay”

Kabanata 40

Ang Tamang Bagay

mga bintana sa Salt Lake tabernacle

Si B. H. Roberts, isa sa pitong pangulo ng Unang Konseho ng Pitumpu, ay gumising noong umaga ng Setyembre 26, 1890, umaasang matagpuan ang sarili na halos nakauwi na.1

Ang pahilagang tren na kanyang sinakyan ay nakatakdang dumating sa Lunsod ng Salt Lake ng alas-diyes ng umagang iyon. Subalit sa halip na mabilis na maglakbay sa buong magdamag, huminto iyon sa isang lugar sa gitna ng disyerto sa gitnang Utah. Isang tren na patungo sa timog ang nadiskaril ilang kilometro sa di kalayuan, at ang riles ay wasak sa paligid nito. Hindi makaalis sina B. H. at mga kasama niya sa paglalakbay, ang apat na miyembro ng Korum ng Labindalawa.

Halos walang pwedeng gawin maliban sa maghintay, nagpasiya sina B. H. at apostol John W. Taylor na maglakad-lakad sa pinangyarihan ng aksidente. Pagdating nila, nakita nila na tanging ang mga bagon ng kargamento sa nadiskaril na tren ang tumumba. Ang mga bagon para sa mga pasahero ay maayos pa rin, kung kaya binisita nina B. H. at John W. ang mga naipit na manlalakbay.

Sa loob ng bagon para sa mga pasahero, sumenyas si John W. kay B. H. at iniabot ang isang pahayagan. Kinuha ni B. H. ang papel at may pagkagulat na binasa ang mga ulo ng balita. Nagpalabas ng opisyal na pahayag si Pangulong Woodruff na nagsasabing balak niyang sumunod sa mga batas ng lupain at walang hahayaang bagong maramihang pagpapakasal.2

Sa isang sandali lamang, nadama ni B. H. ang kapayapaan na dumaloy sa kanyang katawan. Ang mga salitang “Ayos lamang iyon” ay pumasok sa kanyang isipan at tuwirang nangusap sa kanyang kaluluwa. Sandaling nanahan ang diwa ng kapayapaan at pag-unawa. Subalit, habang pinagninilayan niya ang bagay na ito, nagsimulang umikot ang kanyang mapanuring pag-iisip, at dumagsa ang mga tanong sa kanyang isipan.3

Naisip niya ang panahong ginugol niya sa bilangguan dahil sa maramihang pag-aasawa, at ang mga sakripisyo na ginawa ng kanyang mga asawa dahil doon. Paano na ang lahat ng pinagdusahan ng mga Banal upang igalang at ipagtatanggol ang kaugalian? Paano na ang tungkol sa maraming mensahe na naipangaral sa loob ng ilang dekada na nagbigay suporta rito? Naniwala si B. H. na palalakasin ng Diyos ang mga Banal sa kabila ng anumang paghihirap na kanilang pagdaraanan dahil sa kaugalian. Ngayon ba ay kikilos sila na tila mga duwag?4

Sinamahan sina B. H. at John W. ng iba pang mga apostol sa paglalakbay. Si Abraham Cannon, anak ni George Q. Cannon, ay tila hindi nagulat sa balita. Maging si Francis Lyman ay hindi nagulat, ipinapaliwanag na sinisikap ni Pangulong Woodruff na pigilan ang mga bagong maramihang pag-aasawa sa Estados Unidos. Sa kanyang opinyon, ginawang pampubliko lamang ng Pahayag ang posisyon ng Simbahan tungkol sa paksa. Subalit nakikita ni B. H. na si apostol John Henry Smith ay nabalisa, tulad niya at ni John W. Taylor.

Matapos makipag-usap sa mga pasahero na patungo sa timog, naglakad ng ilang distansya sina B. H. at mga apostol pahilaga mula sa pinangyarihan ng aksidente at sumakay sa isang bagong tren patungong Lunsod ng Salt Lake. Habang binabagtas ng tren ang riles, ang talakayan ukol sa Pahayag ang nangingibabaw sa usapan. Nadama ni B. H. na nadaragdagan ang kanyang pagkabalisa at sa huli ay tuluyang inilayo ang kanyang sarili mula sa mga apostol.

Habang nakaupong mag-isa si B. H. sa kanyang upuan, naguguluhan ang kanyang isipan. Sa bawa’t katwiran na maaaring ibigay ng kanyang mga kasama bilang suporta sa Pahayag, nadama niya na makakabuo pa siya ng sampu kung bakit dapat manindigan ang mga Banal sa alituntunin ng maramihang pag-aasawa—kahit na ito ay maaaring magdulot ng tuluyang pagkawasak ng Simbahan.5


Ilang araw kalaunan, noong ika-30 ng Setyembre, tinalakay ni Heber Grant ang Pahayag sa iba pang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang pulong sa Gardo House. Ang pagbibigay ng pahayag ay tama para sa Simbahan, paniniwala ni Heber, bagama’t hindi siya sigurado kung ito ay magwawakas sa mga pagsubok ng mga Banal.6

Malinaw na ipinahayag ng pahayag na ang Simbahan ay hindi na “nagtuturo ng poligamya o ng maramihang pag-aasawa, o pinahihintulutan ang sinumang tao na pumasok sa ganitong gawi,” subalit hinayaan nitong hindi malinaw ang ilang bagay kapwa sa mga Banal at sa pamahalaan.7

Sa pag-uusap, narinig ni Heber ang ilang apostol na nagsasabing ang Pahayag ay pansamantalang paraan, na sinususpinde ang maramihang pag-aasawa hanggang sa ang mga Banal ay maaari na muling maisabuhay ito nang legal. Si Lorenzo Snow, ang pangulo ng Korum, ay naniniwala na ito ay mahalagang hakbang upang matamo ang tiwala ng iba. “Ang Pahayag ay tutulong na ang mga puso ng maraming taong may tapat na puso ay magkaroon ng diwa ng pagkakaibigan at paggalang para sa atin,” sabi niya. “Nakikita ko nang malinaw ang kabutihan ng Pahayag at nagpapasalamat ako para rito.”8

“Naniniwala ako na ang Diyos ay kasama ni Pangulong Woodruff noong inihahanda niya ang Pahayag na ito para sa paglalathala,” idinagdag ni Franklin Richards. “Habang binabasa ang Pahayag, nadama ko na ito ay tama at ibinigay sa tamang panahon.”9

Nababahala pa rin sa Pahayag si John W. Taylor, na hinirang sa Korum ng Labindalawa hindi nagtagal matapos hirangin si Heber. Noong pumanaw ang kanyang ama, si Pangulong John Taylor, natagpuan ni John W. ang isang ipinapalagay na paghahayag tungkol sa kasal sa mga papeles ng propeta. Ang paghahayag, may petsang Setyembre 27, 1886, ay tila iminumungkahi kay John W. na hindi kailanman babawiin ang kautusan ukol sa maramihang pag-aasawa.10

Bagama’t hindi naipakita sa Korum ng Labindalawa o tinanggap ng mga Banal bilang banal na kasulatan ang paghahayag, naniniwala si John W. na ito ay salita ng Diyos sa kanyang ama. Subalit batid niya na ang paghahayag ay hindi tumitigil at nagpapatuloy, tumutugon sa mga bagong sitwasyon at problema kapag dumarating ang mga ito, at nananalig si John W. na nangusap din ang Diyos kay Wilford. “Alam ko na ibinigay ng Panginoon ang pahayag na ito kay Pangulong Woodruff,” sabi niya, “at maaalis Niya ito kapag dumating ang panahon, o maaari Niya itong ibigay muli.”11

Marami pang apostol ang nagbahagi ng kanilang damdamin tungkol sa Pahayag kinabukasan. Tulad ni John W. Taylor, nahihirapan pa rin si John Henry Smith na tanggapin ito. “Ako ay handang sang-ayunan ang pangulo sa pagbibigay ng Pahayag, subalit ako ay nalilito sa karunungan ng paglalathala nito,” sabi niya. “Aking ikinatatakot na ang Pahayag ay magdudulot sa atin, bilang mga tao, ng mas maraming pinsala kaysa kabutihan.”12

Si Anthon Lund, ang tanging monogamista sa korum, ay hindi sang-ayon. “Nadama ko na ang Pahayag ay magbubunga ng mabuti,” sabi niya. “Ibibigay ko ang aking pahintulot sa nagawa na.”13

Sinabi rin ni Heber sa korum na siya ay masaya sa pahayag. “Walang pinakamaliit na dahilan kung bakit ang gayong dokumento ay hindi maaaring ilathala,” sabi niya. “Sinabi lamang ni Pangulong Woodruff sa mundo kung ano ang ating ginagawa.”14

Kinabukasan, nakipagpulong ang mga apostol sa Unang Panguluhan, at sinang-ayunan ng bawat isa ang Pahayag bilang kalooban ng Diyos. Pagkatapos nito, nagpahayag ang ilang apostol ng pag-aalala na ang mga kritiko ng Simbahan ay hindi masisiyahan sa dokumento at patuloy na uusigin ang mga lalaki na hindi humiwalay o makikipagdiborsyo sa kanilang pangmaramihang asawa.

“Hindi masasabi kung ano ang maaaring kailangan nating gawin sa hinaharap,” sabi ni Wilford, “subalit sa ngayon, nadarama ko na dapat tayong maging tapat sa ating mga asawa.”

Para kay Heber, ang posibilidad na mapilitang iwanan ang kanyang mga maramihang asawa, sina Augusta at Emily, ay hindi madalumat. “Inaamin ko na magiging isang malaking pagsubok ito sa akin,” isinulat niya noong araw na iyon sa kanyang journal. “Nadarama ko na hindi ko maaaring bigyang-suporta ang anumang ganoong bagay.”15


Noong ika-6 ng Oktubre, dumating si George Q. Cannon sa tabernakulo para sa ikatlong araw ng pangkalahatang kumperensya ng taglagas ng Simbahan. Nang magsimula na ang pulong, tumayo siya at ipinakilala si Orson Whitney, ang bishop ng Ikalabinwalong Ward ng Lunsod ng Salt Lake, na hinilingang basahin ang Pahayag sa libu-libong mga Banal na dumalo.16

Habang pinakikinggan ni George ang pahayag, hindi siya sigurado kung ano ang kanyang sasabihin kung tatawagin siya ni Wilford upang magsalita. Bago iyon, iminungkahi ni Wilford na maaaring makapagsalita si George, ngunit si George ay walang pagnanais na maunang magsalita sa mga Banal ukol sa Pahayag. Sa lahat ng mga taon ng kanyang pagsasalita sa publiko, hindi kailanman siya hiniling na gumawa ng isang bagay na napakahirap.17

Noong nakaraang araw, nagbigay si George ng mensahe tungkol sa Unang Panguluhan at paghahayag, na naghahanda sa mga Banal para sa pulong na ito. “Ang Panguluhan ng Simbahan ay naglalakad na tulad ng inyong paglalakad,” sabi ni George. “Kailangan nilang gumawa ng mga hakbang habang kayo rin ay gumagawa ng mga hakbang. Nagawa nilang umasa sa mga paghahayag ng Diyos habang dumarating ang mga ito sa kanila. Hindi nila makita ang wakas mula sa umpisa, tulad ng nagagawa ng Panginoon.”

“Ang ating tanging magagawa,” ipinagpatuloy niya, “ay ang sundin ang isipan at kalooban ng Diyos, at kapag dumating ito sa atin, salungat man ito sa nadama natin noon, wala tayong ibang pagpipilian kundi ang gawin ang iniuutos ng Diyos, at magtiwala sa Kanya.”18

Nang matapos basahin ni Orson ang Pahayag, inilahad ito ni Lorenzo Snow sa mga Banal para sa kanilang boto ng pagsang-ayon. Itinaas ang mga kamay sa buong bulwagan—ang ilan ay determinado, may ilan namang atubili pa. May iba pang mga kamay na hindi tuluyang itinaas. Tila walang anumang tahasang pagsalungat, bagama’t maraming mata ng mga Banal ay basa ng luha.19

Pagkatapos ay bumaling si Wilford kay George at inanyayahan itong magsalita. Lumapit si George sa pulpito nang may panalangin sa kanyang puso, ngunit ang kanyang isipan ay blangko. Nang magsalita siya, gayunman, iniwan siya ng kanyang takot, at ang mga salita at mga ideya ay malayang dumaloy. Binuksan niya ang mga banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan 124:49, ang talata na ipinahiwatig ni Wilford noong una siyang narinig ni George na magpaliwanag ng bagong posisyon ng Simbahan tungkol sa maramihang pag-aasawa.20

“Kapag ako ay nagbigay ng kautusan sa sinuman sa mga anak na lalaki ng tao na gumawa ng gawain sa aking pangalan,” ipinahayag ng Panginoon, “at yaong mga anak na lalaki ng tao ay gaganap nang buo nilang lakas at sa lahat ng mayroon sila upang magampanan ang gawaing yaon, at hindi tumitigil sa kanilang pagsisigasig, at ang kanilang mga kaaway ay sumapit sa kanila at hinadlangan silang magampanan ang gawaing yaon, masdan, mamarapatin ko na huwag nang hingin ang gawaing yaon sa mga kamay ng yaong mga anak na lalaki ng mga tao, kundi tatanggapin ang kanilang mga handog.”21

Matapos basahin nang malakas ang banal na kasulatan, sinabi ni George sa kongregasyon na nagawa ng mga Banal ang lahat sa abot ng kanilang makakaya upang sundin ang utos ng Diyos. Ngayon, ang Panginoon ay nagbigay sa kanila ng bagong direksyon sa pamamagitan ng Kanyang propeta. “Kapag ang Diyos ay ipinapabatid ang Kanyang isipan at kalooban,” sinabi niya, “umaasa ako na ako at ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay kusang loob na susunod dito.”

Batid na pinagdududahan ng ilang Banal ang mga sagradong pinagmulan ng Pahayag at tinanong kung bakit ang propeta ay hindi ibinigay ito nang mas maaga upang iwasan ang pagdurusa at pag-uusig ng mga nakaraang taon, pinayuhan niya sila na maghangad ng patotoo tungkol sa Pahayag para sa kanilang sarili.

“Magpunta sa inyong lihim na silid,” panghihikayat niya sa kanila. “Humingi sa Diyos, at magsumamo sa Kanya, sa pangalan ni Jesus, na magbigay sa inyo ng isang patotoo na ito na ibinigay Niya sa atin, at ipinapangako ko sa inyo na hindi kayo aalis mula roon na walang nakakamit o hindi nasisiyahan.”22

Matapos magsalita ni George, lumapit si Wilford sa pulpito. “Inihahanda ng Panginoon ang mga tao na tanggapin ang Kanyang kaharian at Kanyang Simbahan, at gawin ang Kanyang gawain,” sinabi niya. “Iyan, mga kapatid, ang ating gawa.”

“Ang Panginoon ay hindi ako pahihintulutan o ang sinumang hinirang na maglingkod bilang Pangulo ng Simbahang ito na iligaw kayo,” ipinagpatuloy niya, tinitiyak sa sinumang Banal na nagdududa sa banal na pinagmulan ng Pahayag. “Hindi ito mangayayari. Wala ito sa isipan ng Diyos. Kung aking tatangkain ang gayon, ako ay tatanggalin ng Panginoon mula sa aking kinalalagyan.”

Pagkatapos ay binigyan ni Wilford ng basbas ang mga Banal at bumalik sa kanyang upuan sa harapan.23


Maraming tao sa kongregasyon ang nilisan ang tabernakulo noong araw na iyon nang nagpapasalamat para sa Pahayag at umaasang ito ay makakabawas sa pag-uusig sa Simbahan. Nadama nila ang espirituwal na lakas at kapayapaan sa pulong. Ang ibang mga Banal, gayunman, ay nakadama ng pagkabalisa, naguguluhan, o para sa ilan ay ipinagkanulo.

Sa kabila ng mga mahahalagang hamon nito, kung saan ang ilan ay lubhang nasaktan, pinagpala ng maramihang pag-aasawa ang buhay ng maraming Banal. Sa loob ng dalawang henerasyon, nagawa ng gawain na maipaabot ang kasal para sa halos lahat ng nagnanais nito. Pinahintulutan nito ang maraming Banal na magtaguyod ng malalaking pamilya ng matatapat na anak na naging matatapat na mga magulang, mga miyembro ng Simbahan, mga lider, at mga missionary. Nagdala rin ito ng maraming pag-aasawa sa pagitan ng mga kultura, pinag-iisa ang magkakaibang nandayuhang populasyon ng Simbahan.

Bukod pa rito, binigkis nito ang mga Banal sa isang pangkalahatang pakikibaka laban sa pang-uusig at nakatulong sa kanila na bumuo ng pagkakakilanlan bilang kakaiba at pinagtipanang tao ng Diyos.24 Mahigit dalawang libong mga Banal ang pinaratangan ng poligamya, labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal, o iba pang pag-uugali na may kaugnayan sa maramihang pag-aasawa. Humigit kumulang 930 sa kanila ang ikinulong sa bilangguan dahil sa kanilang mga paniniwala. Si Belle Harris, isang apo ng kapatid ni Martin Harris na tumangging magbigay ng salaysay laban sa kanyang asawa, ay ipinakulong habang inaalagaan ang kanyang sanggol na anak. Para sa maraming Banal, ang gayong mahihirap na karanasan ay mga sakripisyong handa nilang gawin bilang mga tagasunod ni Cristo.

Naisip ni B. H. Roberts na ang pakikinig sa Pahayag na binasa mula sa pulpito ay isa sa pinakamahihirap na sandali ng kanyang buhay. Bagama’t wala siyang kagustuhang salungatin nang hayagan ang pahayag, ang kanyang naunang katiyakan na ito ay tama ay hindi bumalik, at hindi niya maitaas ang kanyang kamay upang suportahan ang pahayag.25

Ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Zina Young ay sinang-ayunan ang Pahayag, ngunit lubhang napakahirap nito para sa kanya. “Magtiwala tayo sa Diyos at sumunod,” isinulat niya noong gabing iyon sa kanyang journal.26

Si Joseph Dean, na kababalik lamang mula sa kanyang misyon sa Samoa noong nakaraang buwan, ay naroon din sa tabernakulo noong araw na iyon. Naniniwala siya na ang Pahayag ay isang masakit ngunit kailangan na hakbang. “Marami sa mga Banal ang tila nagulat at nalito at hindi alam kung paano bumoto,” isinulat niya sa kanyang journal. “Napakarami sa mga kapatid na babae ang umiyak nang tahimik at tila mas malubha ang nadarama kaysa sa mga kapatid na lalaki.”27

Ang sumunod na umaga ay nagsimula nang basa at malamig. Habang banayad na pumapatak ang ulan sa mga bubong, ilang Banal ang nagnilay kung paano maaapektuhan ng Pahayag ang kanilang mga pang-araw-araw na buhay. Ang pahayag ay hindi nagbigay ng detalyadong tagubilin sa kung paano dapat magpatuloy ang mga Banal na sangkot sa maramihang pag-aasawa. Ang ilang maramihang asawa ay nag-aalala na maaari silang iwanan. Ang iba ay hindi nasisiraan ng loob, umaasang ang Pahayag ay papayapain ang pamahalaan at magdudulot ng pagwawakas sa takot at kawalan ng katiyakan sa buhay ng pagtatago. Marami ang mas pinili na lamang na manatili sa pagtatago hanggang sa maipaliwanag ng mga lider ng Simbahan nang may karagdagang detalye kung paano pinakamainam na iakma ang Pahayag sa bawat sitwasyon.28

Nang umabot ang balita sa Cardston, Canada, nagulat sina Zina Presendia Card at kanyang mga kapitbahay. Subalit agad nilang natanto na ang Pahayag ang talagang kailangan ng Simbahan. “Nadarama naming ang ating tunay na posisyon ay kilala at pinahahalagahan sa ngayon, na maaaring hindi mangyari bago ang pagpapalabas ng Pahayag,” isinulat niya sa isang liham sa Woman’s Exponent. “Ang mga Banal dito sa kabuuan ay nadarama na ang aming mga lider ay isinasagawa ang gawain ni Cristo tungo sa tagumpay at kaisa ng mga Banal sa lupain ng Sion.”29

Kalaunan, sa Young Woman’s Journal, nagbabala si Susa Gates sa mga kabataang babae na huwag magsalita nang walang pagpapahalaga ukol sa Pahayag. Ang maramihang pag-aasawa ay nagbukas ng kasal sa tipan at oportunidad ng pamilya para sa mga kababaihan na kung hindi man ay hindi nila matatamasa, ipinaalala niya sa kanila. Ngayon ang mga oportunidad na ito ay hindi na makukuha.

“Kayo, bilang mga kabataang babae ng Sion, ay may gayon ding malaking interes sa bagay na ito tulad ng inyong mga ama at ina. Tiyakin na wala ni isang salita tungkol sa walang-katuturan at hangal na kagalakan ang mamumutawi sa inyong mga labi para sa mga nagawa na,” ipinayo niya. “Kung kayo man ay magsasalita ukol dito, gawin ito sa pinakataimtim at banal na diwa.”30

Sa Manassa, kung saan unang nalaman ni Emily Grant ang Pahayag, siya ay taimtim. At ang kanyang malungkot na damdamin ay napalitan ng kagalakan noong nadama niya na ang pahayag ay tama. “Tila nababanaag ko ang unang sinag ng liwanag na matagal ko nang hindi nakikitang sumilip sa gitna ng ating mga suliranin,” isinulat niya sa kanyang asawa.31


Sa panahong ito, nagpasiya sina Lorena at Bent na bumalik sa Utah pagkaraan ng ilang buwan ng kahirapan sa paghahanap-buhay sa Colorado. Hindi nagbibigay ng saganang ani ang sakahan sa Sanford, at natanto ni Bent na halos imposibleng makahanap ng ibang trabaho. Ngayon ay nagplano siyang manirahan sa piling ng kanyang unang asawa, si Julia, at kanilang mga kamag-anak sa Monroe, Utah, habang maninirahan si Lorena at mga anak nito sa pamilya ng kapatid nito sa isang bayan mga isandaan at animnapung kilometro ang layo.32

Matapos gumugol ang mga Larsen ng ilang araw ng mag-isang paglalakbay sa gitna ng mga mabatong dalisdis, nagbigay ng nakasisiyang lugar upang pahingahan ang magandang disyertong bayan ng Moab, Utah.

Noong nakaraang paghinto nila, nalaman nina Bent at Lorena na ang mga lider ng Simbahan ay naglabas ng pahayag tungkol sa maramihang pag-aasawa, ngunit wala na silang iba pang narinig na kahit ano pa tungkol dito. Sa Moab, gayunman, nakilala nila ang mga tao na nagpunta sa kumperensya sa Lunsod ng Salt Lake. Habang nanatili si Lorena sa tolda ng pamilya, umalis si Bent upang malaman ang higit pa tungkol sa Pahayag.

Nang bumalik si Bent, sinabi niya kay Lorena na ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa ay ipinahayag na tumigil na ang Simbahan sa pagsasagawa ng maramihang pagpapakasal at layon na sumunod sa mga batas ng bansa.

Hindi makapaniwala si Lorena sa naririnig niya. Tinanggap niya ang maramihang pag-aasawa dahil naniwala siya na ito ay kalooban ng Diyos para sa mga Banal. Ang mga sakripisyo na ginawa niya upang isabuhay ang alituntunin ay nagdala sa kanya ng sama ng loob at pagsubok. Subalit hinamon din siya ng mga ito na mamuhay nang mas matwid, daigin ang kanyang mga kahinaan, at mahalin ang kanyang kapwa. Bakit hihilingin ngayon ng Diyos sa mga Banal na talikuran ang kaugalian?

Bumaling si Lorena kay Bent para sa kapanatagan, ngunit sa halip na magbigay ng mga salita ng katiyakan, tumalikod ito at umalis sa tolda. “Aba, oo,” inisip niya. “Madali para sa iyo. Maaari kang umuwi sa isa mo pang pamilya at maging maligaya sa kanya, habang ako ay dapat tumulad kay Hagar, na pinalayas.”33

Mabilis na napuno ng kalungkutan si Lorena. “Kung ang Panginoon at ang mga awtoridad ng Simbahan ay tatalikdan ang alituntuning iyon,” naisip niya, “wala nang halaga ang anumang bahagi ng ebanghelyo.”34 Naniniwala siya na ang maramihang pag-aasawa ay isang doktrina na matatag at di natitinag tulad ng Diyos mismo. Kung hindi iyon ang kaso, bakit siya dapat sumampalataya sa iba pang bagay?

Pagkatapos ay naisip ni Lorena ang kanyang pamilya. Ano ba ang kahulugan ng Pahayag para sa kanya at sa kanyang mga anak? At ano ang kahulugan nito para sa iba pang mga kababaihan at mga bata na nasa katulad na sitwasyon? Makakaasa pa rin kaya sila sa kanilang mga asawa at ama para sa pagmamahal at suporta? O kaya, sila ba ay iiwanan na lamang dahil sa pagsisikap nilang paglingkuran ang Panginoon at tupdin ang Kanyang mga kautusan?

Napaupo si Lorena sa kanyang tulugan. Ang kadilimang nakapalibot sa kanya ay naging hindi malabanan, at hinangad niyang bumuka ang lupa at kunin siya nito at ang kanyang mga anak. Bigla niyang nadama ang isang malakas na presensya sa tolda. “Walang mas hindi makatwiran pa kaysa sa hinihingi ng Panginoon mula kay Abraham nang iutos Niya sa kanya na ialay ang kanyang anak na si Isaac,” sinabi ng tinig kay Lorena. “Kapag nakita ng Panginoon na kayo ay handang sumunod sa lahat ng bagay, ang pagsubok ay maaalis.”

Nabalot ng maningning na liwanag ang kaluluwa ni Lorena, at nakadama siya ng kapayapaan at kaligayahan. Naunawaan niya na magiging maayos ang lahat.

Hindi nagtagal pagkaraan niyon, bumalik sa tolda si Bent. Sinabi sa kanya ni Lorena ang tungkol sa presensya na pumawi sa kanyang pagdadalamhati. “Alam ko na wala akong masambit na salita upang panatagin ka,” pag-amin ni Bent, “kung kaya ay nagtungo ako sa isang kumpol ng mga punong willow at hiniling sa Panginoon na magsugo ng isang mang-aaliw.”35

  1. “General Conference,” Deseret Evening News, Abr. 7, 1890, [2]; Madsen, Defender of the Faith, 346–56; Roberts, Diary, 38; Francis Marion Lyman, Journal, Sept. 26, 1890.

  2. Roberts, Diary, 38–39; tingnan din sa “Official Declaration,” Deseret Evening News, Set. 25, 1890, [2]. Paksa: Pahayag

  3. Roberts, Diary, 39; tingnan din sa George Q. Cannon, Journal, Dec. 6, 1891.

  4. Roberts, Diary, 39–41.

  5. Roberts, Diary, 39–42; Abraham H. Cannon, Diary, Sept. 26, 1890; Francis Marion Lyman, Journal, Sept. 26, 1890.

  6. Grant, Journal, Sept. 30, 1890; Abraham H. Cannon, Diary, Oct. 1, 1890. Paksa: Heber J. Grant

  7. “Official Declaration,” Deseret Evening News, Nob. 25, 1890, [2]; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan, Opisyal na Pahayag 1.

  8. Grant, Journal, Sept. 30 and Oct. 1, 1890; Abraham H. Cannon, Diary, Sept. 30, 1890; Franklin D. Richards, Journal, Sept. 30, 1890. Ang unang pangungusap ng sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “would turn” sa orihinal ay pinalitan ng “will turn.”

  9. Grant, Journal, Sept. 30, 1890. Ang unang pangungusap ng sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “he was convinced” sa orihinal ay pinalitan ng “I am convinced.”

  10. Abraham H. Cannon, Diary, Sept. 30, 1890; George Q. Cannon, Journal, Oct. 16, 1882, at Apr. 4, 1884; Grant, Journal, Sept. 30, 1890; Francis Marion Lyman, Journal, Feb. 22, 1911.

  11. Grant, Journal, Sept. 30, 1890; tingnan din sa Francis Marion Lyman, Journal, Feb. 22, 1911.

  12. Grant, Journal, Oct. 1, 1890; tingnan din sa Abraham H. Cannon, Diary, Oct. 1, 1890. Ang unang pangungusap ng sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang dalawang paggamit sa pariralang “he was” sa orihinal ay pinalitan ng “I am.”

  13. Abraham H. Cannon, Diary, Oct. 1, 1890. Ang huling pangungusap ng sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “I gave” sa orihinal ay pinalitan ng “I give,” at ang “had been done” sa orihinal ay pinalitan ng “has been done.”

  14. Grant, Journal, Oct. 1, 1890; tingnan din sa Abraham H. Cannon, Diary, Oct. 1, 1890. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “There was not the least reason why such a document should not be issued. … President Woodruff had simply told the world what we had been doing.”

  15. Grant, Journal, Oct. 2, 1890. Ang sipi mula kay Wilford Woodruff ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “There was no telling” sa orihinal ay pinalitan ng “There is no telling,” at ang “he felt” sa orihinal ay pinalitan ng “I feel.”

  16. George Q. Cannon, Journal, Oct. 6, 1890; “General Conference,” Deseret Weekly, Okt. 11, 1890, 525; tingnan din sa “The Address Is Endorsed,” Salt Lake Tribune, Okt. 7, 1890, 5.

  17. George Q. Cannon, Journal, Oct. 6, 1890. Paksa: George Q. Cannon

  18. “Discourse,” Deseret Weekly, Nob. 8, 1890, 649–50.

  19. George Q. Cannon, Journal, Oct. 6, 1890; “General Conference,” Deseret Weekly, Okt. 11, 1890, 526; Joseph H. Dean, Journal, Oct. 6, 1890; Roberts, Diary, 42; Merrill, Journal, Oct. 6, 1890; Grant, Journal, Oct. 6, 1890; Byron Allred, Journal, 131.

  20. George Q. Cannon, Journal, Sept. 9, 1889, at Oct. 6, 1890; “Remarks,” Deseret Weekly, Okt. 18, 1890, 550; tingnan din sa President Woodruff’s Manifesto, 3.

  21. “Remarks,” Deseret Weekly, Okt. 18, 1890, 550; Doktrina at mga Tipan 124:49.

  22. “Remarks,” Deseret Weekly, Okt. 18, 1890, 550–51.

  23. “Remarks,” Deseret Evening News, Okt. 11, 1890, [2], sa “Excerpts from Three Addresses by President Wilford Woodruff regarding the Manifesto,” sa Doktrina at mga Tipan, Opisyal na Pahayag 1.

  24. Plural Marriage and Families in Early Utah,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org. Paksa: Maramihang Pag-aasawa sa Utah

  25. Gordon, Mormon Question, 275, note 16; “Just Compare the Two Cases,” Deseret Evening News, Mayo 18, 1883, [2]; “Contempt Case,” Salt Lake Daily Herald, Mayo 18, 1883, 8; “The Belle Harris Case,” Sacramento Daily Record-Union, Mayo 22, 1883, [2]; Joseph H. Dean, Journal, Oct. 6, 1890; Condie, Autobiography and Journal, Oct. 6, 1890; Jensen, Little Gold Pieces, 130; Franklin D. Richards, Journal, Oct. 6, 1890; Roberts, Diary, 42.

  26. Young, Zina Diantha Huntington Jacobs,” Biographical Entry, First Fifty Years of Relief Society website, churchhistorianspress.org; Zina D. H. Young, Diary, Oct. 6, 1890. Ang sipi ay pinamatnugutan upang linawin; ang nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “To day the harts of all were tried but looked to God & Submitted.”

  27. Joseph H. Dean, Journal, Sept. 4 at Oct. 6, 1890.

  28. Helen Mar Kimball Whitney, Diary, Oct. 7, 1890 [Utah State University]; Joseph H. Dean, Journal, Oct. 8, 1890; Hansen, Autobiography, 48–49; “Life Sketch of Lorena Eugenia Washburn Larsen,” 240; Emily Wells Grant to Heber J. Grant, Oct. 13, 1890, Heber J. Grant Collection, CHL; Shipps, “Principle Revoked,” 113, 117–18; Tanner, Mormon Mother, 114–15.

  29. Zina Y. Card, Letter to the Exponent, Nov. 20, 1890, sa Derr at iba pa, First Fifty Years of Relief Society, 578.

  30. [Gates], “Editor’s Department,” 191, 284–85.

  31. Emily Wells Grant to Heber J. Grant, Oct. 13, 1890, Heber J. Grant Collection, CHL.

  32. “Life Sketch of Lorena Eugenia Washburn Larsen,” 212 [second numbering], 231, 233, 245, 247; Autobiography of Lorena Eugenia Washburn Larsen, 78.

  33. “Life Sketch of Lorena Eugenia Washburn Larsen,” 188, 231–40; tingnan din sa Genesis 21:9–21.

  34. “Life Sketch of Lorena Eugenia Washburn Larsen,” 240. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “had gone” sa orihinal ay pinalitan ng “have gone,” at ang “there was nothing” sa orihinal ay pinalitan ng “there is nothing.”

  35. “Life Sketch of Lorena Eugenia Washburn Larsen,” 240–41.