Kasaysayan ng Simbahan
26 Para sa Ikabubuti ng Sion


“Para sa Ikabubuti ng Sion,” kabanata 26 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 26: “Para sa Ikabubuti ng Sion”

Kabanata 26

Para sa Ikabubuti ng Sion

mga plano para sa St. George temple

Noong panahon ng tagsibol at tag-init ng 1870, kumalat ang pagtitipid mula sa Lunsod ng Salt Lake patungo sa mga Relief Society sa buong teritoryo—maging sa mga baryo kung saan namumuhay na nang simple ang mga Banal. Sabik na makasabay sa kanilang mga kapatid sa lunsod, nagdaos sina Pangulong Elizabeth Stickney at ang kababaihan ng Relief Society ng Santaquin ng isang piknik sa kanilang paaralan. Naghanda sila ng simpleng pagkain ng tinapay at sinabawang patani, nasisiyahang kasama ang bawat isa at nagpaikot ng dalawampung bola ng yarn para sa tela na gawang-bahay.1

Ang pangangailangan na magtipid ay naging mas mahalaga matapos wasakin ng isa pang pamemeste ng mga tipaklong ang mga pananim sa maraming pamayanan. Sa isang pulong noong Mayo sa Paaralan ng mga Propeta sa Lunsod ng Salt Lake, nagtangis si George A. Smith na iilang tao lang ang nakinig sa paulit-ulit na payo ng Unang Panguluhan na mag-imbak ng butil. Pagkatapos ay inihambing niya ang mga tipaklong sa mga kritiko ng Simbahan sa lokal at pambansang pamahalaan.

“Marami ang umaasang patabain ang kanilang sarili sa ating pagkagapi at kunin ang mga ari-arian ng mga Mormon,” sabi niya. “Maaaring magpasiya sila na magpadala ng mga hukbo dito upang paslangin tayo, at ikalat tayo, at lubusang wasakin ang ating mga tahanan, ngunit hindi ito mangangahulugan na hindi totoo ang ating relihiyon.”

Habang nirerepaso ang Panukalang Batas ni Cullom sa Senado, nakatuon sa mga Banal ang mga mata ng mga mambabatas ng bansa. Naniwala si George na tinatangka ng mga kritiko sa Lunsod ng Salt Lake na hikayatin ang opinyon ng madla na maging laban sa Simbahan, kaya pinayuhan niya ang mga lalaki ng paaralan na maging matiyaga at matalino at huwag manakit. Binalaan niya rin sila na huwag umasa sa masasamang tao para pamunuan ang mga Banal.2

Bagama’t hindi binanggit ni George ang mga pangalan nina William Godbe at Elias Harrison, marahil sila ang mga taong kanyang tinutukoy. Matapos maorganisa ang kanilang Simbahan ng Sion, nagsalita sina William at Elias tungkol sa isang “Darating na Lalaki” na pamumunuan ang kanilang Bagong Kilusan. Nakipag-usap si William kay Joseph Smith III, marahil upang hikayatin ang kanyang pamumuno, ngunit hindi sumasapi si Joseph sa kanilang kilusan.3

Noong tagsibol na iyon, gayunman, inihayag ni Amasa Lyman ang kanyang desisyon na sumapi sa Simbahan ng Sion, na siyang agad na nagpasimula ng mga sabi-sabi na pamumunuan niya ito. Pinaalis si Amasa mula sa Korum ng Labindalawa noong 1867 dahil sa apostasiya, at iilang tao lamang ang nagulat nang tinanggap niya ang Bagong Kilusan. Subalit ang kanyang panganay na anak, si Francis Lyman, ay walang masambit nang nalaman niya ang tungkol sa desisyon ng kanyang ama. Sinikap niyang makipagkatwiran kay Amasa ngunit hindi nagtagal ay masyado siyang pinanghinaan ng loob upang makipagtalo. Tumalilis siya mula sa silid at umiyak nang ilang oras.4

Hinikayat ni Brigham ang mga miyembro ng Paaralan ng mga Propeta na huwag kausapin ang mga gayong tumiwalag at iwasang pintasan ang mga ito. Samantala, nangako siya na ipagpapatuloy ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos. “Nais kong gamitin ang aking impluwensiya upang palakasin ang Israel hanggang sa maghari si Jesus na siyang may karapatang maghari,” ipinahayag niya.

Noong Hulyo, hiniling niya sa mga kalalakihan sa Paaralan ng mga Propeta na ibahagi ang kanilang mga pagkakaunawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Matapos makinig sa kanilang mga patotoo, nagpatotoo siya tungkol sa sakripisyo ng Tagapagligtas at kinilala ang mga panganib na kinakaharap ng mga Banal, pati na ang kawalan ng katapatan ng mga dating lubhang tapat na miyembro. “Nasa atin ang ebanghelyo,” sabi niya, “ngunit kung umaasa tayo na tanggapin ang mga benepisyo nito, kailangan nating mamuhay ayon sa mga tuntunin nito.”

Hinikayat niya ang mga tao na sundin ang payo ng mga lingkod ng Panginoon, nangangako na pagpapalain sila ng Diyos kung gagawin nila ito.5


Noong tag-init na iyon, dumating si Martin Harris sa Utah sa pamamagitan ng transcontinental na riles ng tren. Matapos malaman ang pagnanais ni Martin na pumunta sa kanluran, nasasabik si Brigham Young na tulungan ang isang taong nagbigay ng napakaraming oras at pera sa Simbahan noong araw. Hiniling niya kay Edward Stevenson, isang bihasang missionary, na mangolekta ng mga donasyon para kay Martin at pagkatapos ay tulungan ang matandang lalaki na gawin ang mahabang paglalakbay mula sa Kirtland. “Sunduin siya,” iniutos ni Brigham, “kahit na kunin pa nito ang lahat ng aking salapi.”6

Ang pagdating ni Martin ay nagdulot ng kaguluhan sa Lunsod ng Salt Lake, kahit hindi siya ang unang dating miyembro ng Simbahan na pumunta sa teritoryo. Si Thomas Marsh, ang orihinal na pangulo ng Korum ng Labindalawa, ay muling nabinyagan at nagpunta pakanluran labintatlong taon na ang nakararaan, ang kanyang puso ay punung-puno ng kalungkutan dahil sa pagtalikod sa Simbahan noong 1838. Gayunpaman, ang katayuan ni Martin bilang saksi sa Aklat ni Mormon ay nagbukod sa kanya. Sa edad na walumpu’t pitong taong gulang, siya ay isa sa mga huling nabubuhay na mga kalahok sa ilan sa mga pinakaunang himala ng bagong dispensasyon.7

Hindi nagtagal pagdating sa lunsod, binisita ni Martin si Brigham Young, at inanyayahan siya ng propeta na magsalita sa tabernakulo sa ika-4 ng Setyembre. Nang dumating ang araw na iyon, tumayo sa pulpito si Martin sa loob ng tatlumpung minuto at tahimik na nagsalita tungkol sa kanyang paghahanap sa katotohanan noong mga religious revival ng huling bahagi ng dekada ng 1810.8

“Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag sumapi sa alinman sa mga simbahan, dahil walang may awtoridad mula sa Panginoon,” kanyang patotoo. “Sinabi sa akin ng Espiritu na maaaring ilubog ko na lamang ang sarili ko sa tubig kaysa magpabinyag sa alinmang sekta, kaya nanatili ako hanggang sa ang Simbahan ay inorganisa ng propetang si Joseph Smith.”9

Sa mga sumunod na linggo, muling nakasama ni Martin ang kanyang asawa, anak, at iba pang mga kapamilya sa teritoryo. Ang kanyang kuya, si Emer, ay pumanaw na noong nakaraang taon sa Lambak ng Cache sa hilagang Utah. Subalit ang kanilang balong kapatid, si Naomi Bent, ay nakatira sa Lambak ng Utah. Noong ika-17 ng Setyembre, sumama siya kay Martin sa Endowment House, kung saan muling bininyagan ni Edward Stevenson si Martin, pagkatapos ay muling kinumpirma siya nina Orson Pratt, John Taylor, Wilford Woodruff, at Joseph F. Smith bilang miyembro ng Simbahan. Kalaunan ay muling bininyagan at kinumpirma sina Martin at Naomi at para sa ilan sa kanilang mga ninuno.10

Noong sumunod na buwan, si Martin ang nagbigay ng patotoo sa katotohanan at banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Oktubre. Pagkatapos, lumapit si George A. Smith sa pulpito. “Kagila-gilalas na marinig ang patotoo ni Martin Harris,” sabi niya. “Ang Aklat ni Mormon, gayunman, ay may dalang katibayan. Ang pangako ay natupad, na ang mga yaong susunod sa kalooban ng Diyos ay malalaman na ang turo na ito ay totoo.”

“Dahil dito,” sabi niya, “ang Aklat ni Mormon ay may libu-libong saksi.”11


Noong huling bahagi ng Nobyembre 1870, umawit si Susie Young at tumugtog ng gitara habang naglalakbay siya patimog sa isang karwahe patungong St. George, isang pamayanan ng mga Banal sa katimugang Utah. Nakasakay kasama niya ang kanyang inang si Lucy, at ang kanyang nakababatang kapatid na babae na si Mabel. Matapos ang maraming taon ng pamumuhay sa mataong Lion House, lilipat sila sa kanilang sariling bahay sa St. George. Ang ama ni Susie, si Brigham Young, ay pupunta sa katimugang Utah, bagama’t hindi permanente. Ngayon ay halos pitumpung taong gulang na, dinapuan siya ng sakit sa buto at mas ninanais na magpalipas ng taglamig sa St. George na may mas mainit na klima.12

Umaawit si Susie upang gumaan ang pakiramdam sa loob ng sasakyan. Noong ika-3 ng Oktubre, ilang araw bago sumapit ang kumperensya ng Simbahan sa taglagas, siya at ang kanyang labingwalong taong gulang na kapatid, si Dora, ay tahimik na tumalilis sa handaan para sa kaarawan ng kanilang ina upang makipagkita sa mapapangasawa ni Dora, si Morley Dunford. Nagpunta silang tatlo sa isang Protestanteng ministro—isa sa ilang nakatira ngayon sa lambak—na nagkasal kina Dora at Morley habang nagsilbing saksi si Susie.

Para kay Susie, ang pagtatanan ay tulad ng isang bagay mula sa isang kapanapanabik na nobela o dula sa entablado. Ngunit sinaktan nito ang kanyang mga magulang. Si Dora ay nakatakda nang ikasal kay Morley sa loob ng dalawang taon. Siya ay guwapo at nagmula sa isang pamilyang matatapat na mangangalakal na mga Banal sa mga Huling Araw. Subalit may problema siya sa pag-inom ng alak, at sa palagay nina Brigham at Lucy ay hindi siya bagay sa kanilang anak. Sa katunayan, isang dahilan kung bakit nais nilang ilipat ang kanilang mga anak na babae sa St. George ay upang maglagay ng mga 480 kilometrong layo sa pagitan nina Dora at Morley.13

Ngunit ang kasal ni Dora ay nangangahulugan na hindi siya lilipat patimog kasama ang iba pang mga kapamilya. Ngayon ay nakikita ni Susie kung gaano kalungkot para sa kanilang ina ang ginawa nito. Kahit na umawit si Lucy at nakikipagbiruan sa iba sa karwahe, mababanaag sa mga mata nito ang pagdadalamhati. Sinubukan ni Susie ang lahat upang pasiyahin ang kanyang ina, ngunit tila wala talagang makatulong.14

Dahil walang tren sa pagitan ng Lunsod ng Salt Lake at St. George, inabot ang paglalakbay patimog ng labing-apat na araw sa mga baku-bakong kalsada.15 Ang St. George ay matatagpuan sa isang malaking lambak sa ilog na naliligiran ng mga mabato at mapulang talampas. Sa paglilibot sa lugar isang dekada na ang nakararaan, tiningnan ni Brigham ang lambak at nagpropesiya na isang lunsod ang itatayo rito, na may mga tahanan at mga gusali ng simbahan. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, pinapunta niya si apostol Erastus Snow at mahigit tatlong daang mga pamilya sa isang misyon patungo sa lugar na ito upang magtanim ng bulak, isang tanim na pinalalago na may bahagyang tagumpay sa iba pang mga pamayanan sa katimugang Utah.

Mula noon, ang mga Banal sa St. George ay nagsumikap na isakatuparan ang propesiya ni Brigham. Ang rehiyon ay lubhang mainit sa malaking bahagi ng taon, at bibihira ang pag-ulan ng niyebe. Dalawang malapit na ilog, matapos lagyan ng dike, ang nagbigay ng sapat lamang na tubig upang tumubo ang mga pananim at mga puno sa gitna ng mga halamang disyerto. Kapag bumabagsak ang ulan, kung minsan ay bumubuhos ito, inaanod ang mga dike ng mga mamamayan. Kakaunti rin ang troso, kaya sa halip, ang mga Banal ay nagtayo ng mga gusali gamit ang mga bato at adobe. Marami sa mga dumating upang manirahan sa lambak ay agad na umalis pagkarating nila. Yaong mga nanatili ay kumapit sa kanilang pananampalataya, nagtitiwala na tutulungan sila ng Panginoon na magtatag ng isang tahanan.16

Mula noon ay nakapagtayo ang mga mamamayan ng mga maluluwag na kalye, ilang magagandang tahanan, isang hukuman, at kalapit na gawaan ng bulak. Sa gitna ng bayan, nagtatayo rin sila ng isang marangyang tabernakulong yari sa sandstone kung saan maaari silang magtipon at magkakasamang sumamba.17

Nang dumating sina Susie at ang kanyang pamilya sa St. George, nanirahan sila sa isang komportableng tahanan sa lunsod at nakilala ang kanilang mga bagong kapitbahay. Samantala, ang kanyang Ama ay gumugol ng panahon upang isaalang-alang ang mga pangangailangan ng pamayanan at ng mga Banal sa lahat ng dako. Ang templo sa Lunsod ng Salt Lake ay ilang taon pa bago matapos, at ang Endowment House, na nangangasiwa sa ilan lamang sa mga ordenansa sa templo, ay isang pansamantalang solusyon para sa isang pangmatagalang pangangailangan. Kailangan ng mga Banal ng isang gumaganang templo, kung saan nila magagawang makipagtipan sa Ama sa Langit at isagawa ang lahat ng mga kinakailangang ordenansa para sa mga buhay at mga patay.18

Noong Enero 1871, bago binalak ni Brigham na maglakbay pabalik sa Lunsod ng Salt Lake, dumalo siya sa isang pagpupulong ng mga lokal na lider ng Simbahan sa tahanan ni Erastus Snow, na namumuno sa Simbahan sa rehiyon. Nang ang pulong ay malapit nang magtapos, itinanong ni Brigham sa mga lalaki kung ano ang palagay nila tungkol sa pagtatayo ng templo sa St. George.

Napuno ng kasabikan ang silid. “Luwalhati! Aleluia!” sigaw ni Erastus.19


Matapos bumalik si Brigham sa Lunsod ng Salt Lake, sumulat siya kay Erastus tungkol sa kanyang mga plano para sa bagong templo. Ito ay mas maliit at hindi gaanong napapalamutian kaysa sa templo sa Lunsod ng Salt Lake. Ito ay uukitin mula sa bato at lalagyan ng palitada sa loob at labas. Tulad ng templo sa Nauvoo, magkakaroon ito ng iisang tore na itatayo sa isang dulo ng bubong at isang baptismal font sa silong.

“Nais natin ang mga Banal sa timog na magkaisa sa kanilang pagsisikap na may iisang puso at iisang isipan para sa pagpapatupad ng gawaing ito,” isinulat niya.

Inaasam ni Brigham na bumalik sa St. George sa taglagas upang simulan ang pagtatayo ng templo,20 ngunit ang Simbahan sa iba pang bahagi ng teritoryo ay kailangan niyang asikasuhin sa ngayon. Noong isang taon, nangangaral si Amasa Lyman para sa Simbahan ng Sion at dumadalo sa mga pakikipag-ugnayan sa mga espiritu kung saan sinasabi ng mga Espiritista na nagsasalita sila para kina Joseph at Hyrum Smith, Chief Walkara, at iba pang mga Banal na pumanaw na. Iniulat ng mga tao na nakakarinig sila ng mga kumakatok na ingay o nakakakita ng mesang lumulutang sa oras ng mga pulong.21

Bagama’t inaakit ng mga pakikipag-ugnayan sa mga espiritu ang ilang mga Banal sa Bagong Kilusan, karamihan ay alangan sa mga ito, at hindi nagtagal ang Simbahan ng Sion ay bumagsak. Sa panahong bumalik si Brigham sa Lunsod ng Salt Lake noong Pebrero 1871, ang Bagong Kilusan ay hindi na isang organisasyong panrelihiyon kundi ito ay isa nang grupo ng mga taong may iisang layunin na wakasan ang impluwensya ng Simbahan sa lugar.

Noong Abril, ang mga pinuno ng Bagong Kilusan ay pinalitan ang pangalan ng kanilang pahayagang Mormon Tribune at ginawa itong Salt Lake Tribune. Pagkatapos, noong Hulyo, inilaan nila ang Liberal Institute, isang maluwang na meetinghouse kung saan sila ay maaaring maghatid ng mga mensahe, magdaos ng mga pakikipag-ugnayan sa mga espiritu, at magdaos ng mga pagtuturo at mga pulong ng Partido Liberal. Nagtagumpay rin ang Bagong Kilusan sa pag-akit sa mga dating kaibigan ni Brigham na sina T. B. H. at Fanny Stenhouse na malapit nang humiwalay sa Simbahan sa loob ng ilang buwan.22

Gayunman, ang Bagong Kilusan ay hindi gaanong naging banta sa Simbahan kaysa kay James McKean, ang bagong hirang na punong mahistrado sa Korte Suprema ng Utah. Determinado si Hukom McKean na wakasan ang iniisip niyang teokrasya sa Utah. Sa buong panahon ng kanyang pagkakahirang, nabigo ang Panukalang Batas ni Cullom na maipasa sa Senado at ipinadala ni pangulong Ulysses Grant ng Estados Unidos si McKean sa Utah upang ipatupad ang umiiral na batas laban sa poligamya.23

“Sa bansang ito ang isang tao ay maaaring magsabuhay ng anumang relihiyon na nakalulugod sa kanya,” ipinahayag ni Hukom McKean hindi nagtagal pagdating niya, “ngunit walang taong dapat lumalabag sa batas at magmakaawa gamit ang relihiyon bilang dahilan.”24

Noong taglagas ng 1871, isang buwan bago siya nagplanong bumalik sa St. George, nalaman ni Brigham na si Robert Baskin, ang abogado ng Estados Unidos para sa Utah at isa sa mga may-akda ng Panukalang Batas ni Cullom, ay balak magparatang sa kanya at iba pang mga lider ng Simbahan ng iba’t ibang krimen. Pumayag pa ang isang dating miyembro ng Simbahan na nagngangalang Bill Hickman na idawit sina Brigham at iba pang mga lider ng Simbahan sa isang pagpatay na ginawa ni Bill noong kasagsagan ng Digmaan sa Utah labing-apat na taon na ang nakararaan.25

Sa ngayon si Bill Hickman ay nakakulong dahil sa isa pang pagpaslang, at nakipagkasundo siya sa hukuman upang maging maluwag sa kanya bilang kapalit ng kanyang pagsaksi. Siya ay isang taong walang sinusunod na batas, na ang salita ay hindi tatanggapin sa isang walang kinikilingan hukuman, lalo na dahil ang ilang kagalang-galang na tao ay alam ang mga katotohanan ng krimen at ikinaila ang paglahok ni Brigham. Gayunman, si John Taylor, na kasama si Joseph Smith sa Piitan ng Carthage, ay hinikayat si Brigham na huwag ilagay ang buhay nito sa mga kamay ng mga hukuman. May pagdududa na magiging pareho ang kahihinatnan niya kay Jospeh, sinabi ni Brigham, “Ang mga bagay ay lubos na iba ngayon sa kung ano ang mga ito noon.”26

Ang mga unang kaso ay dumating noong ika-2 ng Oktubre, nang dakpin ng isang marshal ng Estados Unidos si Brigham dahil sa pakikipag-ugnayan sa higit sa isang babae bilang asawa. Sina Daniel Wells at George Q. Cannon ay dinakip sa mga kahalintulad na kaso.

Nagbunsod ng napakaraming haka-haka ang mga pag-aresto. Sa labas ng teritoryo, hinulaan ng mga pahayagan na puputok ang digmaang sibil sa Lunsod ng Salt Lake at iniulat na ang mga Banal ay nag-ipon ng mga baril at naglagay ng isang kanyon sa paanan ng mga bundok.27 Sa katunayan, ang mga lansangan ng Lunsod ng Salt Lake ay tahimik. Nakipagtulungan ang mga lider ng Simbahan sa mga pulis, at nagsimulang maghanda ang mga manananggol upang sagutin ni Brigham ang mga paratang sa korte sa susunod na linggo.28

Nang sumapit ang araw na iyon, puno ng tao ang korte. Libu-libo ang nakatayo sa kalye sa labas ng gusali ng lunsod. Dumating si Brigham labinlimang minuto bago ang hukom at matiyagang nakaupo, ang kanyang katiwasayan ay bumabagabag sa mga bumabatikos sa kanya.29

Pagdating ni Hukom McKean, tinangka ng mga abogado ni Brigham na ihinto ang paglilitis, sinasabi na ang mga opisyal ay hindi sumunod sa wastong pamamaraan noong tinipon nila ang isang malaking lupon ng tagalitis na walang miyembro ng Simbahan. Nang tinanggihan ni McKean ang kahilingang ito, sinikap ng mga abogado na hanapan ng mali ang mga paratang mismo, umaasang tuluyang kanselahin ang mga ito. Muli ay tinanggihan ng hukom ang kanilang kahilingan.30

Noong panahon ng pagdinig, inihayag ni McKean na nakikita niya ang kaso hindi bilang pagsubok sa kawalang-malay o pagkakasala ni Brigham kundi bilang isang mahalagang labanan sa isang digmaan na namagitan sa mga paghahayag ng mga Banal at pederal na batas. “Habang ang kaso sa hukuman ay tinatawag na Ang mga Mamamayan laban kay Brigham Young,” sabi niya, “ang iba at tunay na pamagat nito ay Ang Pederal na Awtoridad Laban sa Poligamyang Teokrasya.” Hindi siya interesado sa pagiging isang hukom na walang kinikilingan. Sa kanyang mga mata, ang propeta ay nagkasala.31

Ipinagpapalagay na ang paglilitis ay hindi maitatakdang gawin hanggang sa pagsapit ng Marso, sa susunod na termino ng hukuman, umalis si Brigham patungong St. George pagkaraan ng halos dalawang linggo. Ilang araw pagkatapos niyon, ang mga kautusan sa pag-aresto ay ipinalabas para sa kanya at sa iba pang mga lider ng Simbahan—ngayon ay para sa mga gawa-gawang paratang ng pagpatay.32


Noong Nobyembre 9, 1871, pagkatapos ng ilang araw ng maginaw na panahon at ilang ulan, ang kalangitan sa St. George ay malinaw at kaaya-aya. Sa katimugan lamang ng bayan, si Susie Young ay nakatayo sa isang malaking pulutong sa isang bagong nasuring kalye ng lunsod kung saan nagtipon ang mga Banal upang buksan ang pagtatayo ng templo.33

Ginawa ni Brigham ang ilang pampublikong pagpapakita mula nang dumating siya sa St. George noong taglagas na iyon. May karamdaman at pagdinig sa korte na bumabagabag sa kanya, kailangan niyang maging maingat. May mga taong natatakot na susubukan ng mga marshal na dakpin siya at hilahin siya pabalik sa Lunsod ng Salt Lake. Sa gabi, nanatili siya sa bahay ni Erastus Snow, kung saan may mga armadong kalalakihan bilang bantay upang protektahan siya.34

Sa paligid ng templo, mahigpit na hinawakan ni Susie ang lapis at kuwaderno, na handang magsulat ng mga tala ng seremonya. Bago lumipat sa St. George, siya ay ang pinakamagaling na mag-aaral ng isa sa mga takigrapo ng kanyang ama, at ipinagmamalaki niya ang pagiging isang taga-ulat. Mula sa kanyang kinalalagyan sa karamihan ng tao, magagawa niyang itala ang lahat ng nangyari. Madali niyang nakikita ang kanyang ama at ina na nakatayo nang magkakatabi at ang kanyang kapatid na si Mabel na nakakapit sa kamay ng kanyang ina.35

Matapos kantahin ng koro ang pambungad na himno, lumuhod si George A. Smith at nag-alay ng panalangin ng paglalaan, hiniling sa Panginoon na pangalagaan ang propeta mula sa kanyang mga kaaway at dagdagan ang kanyang mga araw. Pagkatapos ay minasdan ni Susie ang kanyang ama at iba pang mga lider ng Simbahan na magsimulang maghukay sa timog-silangang sulok ng lote.

Umawit ang mga Banal ng “Espiritu ng Diyos,” at umakyat si Brigham sa isang silya upang marinig siya ng lahat ng tao na magbigay ng mga tagubilin para sa “Sigaw ng Hosana,” isang kapita-pitagang pagbati na ibinibigay sa seremonya ng paglalaan at pampublikong kaganapan na pinasimulan sa paglalaan ng Kirtland temple.

Sumusunod sa kanya, ang mga Banal ay nagtaas ng kanilang kanang kamay at sumigaw nang tatlong beses ng, “Hosana, hosana, hosana sa Diyos at sa Kordero!”36


Ilang linggo kalaunan, tumanggap si Brigham ng liham na iniskedyul ni Hukom McKean ang araw niya sa korte sa ika-4 ng Disyembre kahit alam nito na ang propeta ay malayo sa Lunsod ng Salt Lake. Gayunman, atubili si Brigham na iwan ang St. George at iniusad ng hukom ang petsa ng korte sa unang bahagi ng Enero. Samantala, nakipagsanggunian si Brigham sa kanyang mga tagapagtanggol at mga tagapayo tungkol sa gagawin niya. Alam niya na darakpin siya sa oras na bumalik siya sa Lunsod ng Salt Lake, at ngayon ay mas nag-aalala siya tungkol sa kanyang kaligtasan kaysa dati. Nais niya ang mga pagtiyak na hindi siya papaslangin habang nasa kanilang pangangalaga.37

Sa maikling panahon, pinagnilayan niyang magtago, tulad ng ginawa ni Joseph Smith sa Nauvoo. Ang pagpaslang ay isang kapital na kasalanan, at kung ang isang lupon na may kinikilingan ay hahatulan siyang maysala, maaari siyang bitayin. Ngunit noong kalagitnaan ng Disyembre hinikayat siya ng kanyang mga tagapagtanggol na bumalik sa lunsod, tiwala na siya ay magiging ligtas. Ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa at iba pang mga kaibigan ay nahati sa usaping ito, ngunit napagkasunduan nila na siya ay dapat kumilos ayon sa nakikita niyang pinakamainam.38

Isang gabi, nanaginip si Brigham na tinatangka ng dalawang lalaki na kontrolin ang isang malaking pulong ng mga Banal. Nang magising siya, alam niya kung ano ang kailangan niyang gawin. “Pakiramdam ko ay nais kong umuwi at pangunahan ang mga pulong, sa tulong ng Diyos at mga kapatid ko!” sinabi niya sa kanyang mga kaibigan.39

Sa kanyang paglalakbay pabalik sa Lunsod ng Salt Lake, humimpil si Brigham sa isang maliit na pamayanan para magpalipas ng gabi. Balisa ang mga Banal sa kanyang pasiya na sumailalim sa paglilitis, batid na si Hukom McKean ay halos hinatulan na siyang nagkasala. Humikbi pa ang isang lalaki nang malaman niya kung ano ang balak gawin ni Brigham. Naunawaan ng propeta ang takot nito, ngunit alam niya ang tamang landas na tatahakin.

“Ang Diyos ay mangingibabaw sa lahat para sa ikabubuti ng Sion,” sabi niya.40