Kasaysayan ng Simbahan
15 Sa Mga Unos at sa Mga Katahimikan


“Sa Mga Unos at sa Mga Katahimikan,” kabanata 15 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 15: “Sa Mga Unos at sa Mga Katahimikan”

Kabanata 15

Sa Mga Unos at sa Mga Katahimikan

mga lalaking nasa daungan na kumakaway sa mga pasahero ng barko

Noong Enero 26, 1856, inilathala ni apostol Franklin Richards ang liham ng Unang Panguluhan sa Latter-day Saints’ Millennial Star, ang pahayagan ng Simbahan sa England. Bilang patnugot ng pahayagan, ibinigay ni Franklin ang kanyang masigasig na suporta sa plano na paglalakbay gamit ang mga kariton. “Ang mga matatapat na maralita sa mga ibang lupain ay may kaaliwan na malaman na hindi sila nakaligtaan,” nagagalak niyang sinabi.1

Simula noong mga unang araw ng Simbahan, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na sama-samang magtipon upang ihanda ang kanilang mga sarili sa mga paghihirap na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.2 Naniniwala si Franklin na ang mga paghihirap na ito ay paparating na at kailangan ng mga Banal na taga-Europa na kumilos kaagad upang maiwasan ang mga ito.

Batid na ang ilang mga Banal ay nag-alala tungkol sa hirap ng pagtitipon gamit ang kariton, inilahad niya ang panukala bilang isang pagsubok ng pananampalataya. Ipinaalala rin niya sa mga nandarayuhan na hinihintay sila ng mga ordenansa ng kadakilaan sa Endowment House. “Halina, lahat kayong mga tapat, na matatag na nanindigan sa mga unos at sa mga katahimikan,” paghahayag niya. “Kami ay handang patuluyin kayo sa bahay at ipagkaloob sa inyo ang mga pagpapalang ito na matagal na ninyong inaasam.”3

Sa nalalapit na pagtatapos ng kanyang panahon bilang mission president, nagplano si Franklin na makabalik din sa Utah. Sumusulat sa iba pang mga missionary na bumalik na, pinayuhan niya ang mga ito na tulungan ang mga nandarayuhang gumamit ng kariton hanggang sa lahat ay makarating nang ligtas sa lambak.

“Sa inyong paglalakbay pauwi,” iniatas niya, “dapat ninyong palaging hanapin kung paano ninyo matutulungan ang mga ito sa pamamagitan ng inyong karanasan, gabayan at aliwin sila sa inyong mga payo, pasayahin sila sa iyong presensya, palakasin ang kanilang pananampalataya, at panatilihin ang diwa ng pagkakaisa at kapayapaan sa gitna nila.”

“Ang mga Banal ay umaasa sa inyo, at may karapatan na umasa sa inyo, bilang mga anghel ng kanilang kaligtasan,” pagsulat niya. “Gampanan ang responsibilidad na tulad ng mga tao ng Diyos, sapagkat ito ay nasa sa inyo.”4


Noong taglamig na iyon, naglakbay si Jesse Haven papuntang London matapos maglingkod nang halos tatlong taon bilang pangulo ng South African mission. Ang kanyang mga kasama, sina William Walker at Leonard Smith, ay nakarating na sa England ilang buwan bago iyon kasama ang labinlimang mga Banal na South African na patungo sa Sion.5 Sa loob ng ilang araw, kapwa sina William at Leonard ay maglalayag mula sa Liverpool kasama ang halos limang daang nandarayuhang miyembro ng Simbahan.6

Sabik na makasamang muli ang kanyang pamilya, nasasabik si Jesse sa kanyang sariling paglalayag pauwi. Gayunpaman, hinanap-hanap na niya ang mga Banal na South African. Ang makahanap ng mga taong matuturuan ay isang patuloy na hamon sa isang malaking rehiyon na may iba’t ibang klase ng tao, subalit siya at ang kanyang mga kasama ay nakakamit ng malaking tagumpay at iniwan ang maraming kaibigan.7 Mahigit 170 tao ang nabinyagan sa South Africa, at karamihan sa kanila ay tapat pa rin.

Bagama’t nais ni Jesse na mas marami pang maisakatuparan sa kanyang misyon, naniwala siya na ang Simbahan sa South Africa ay mas lalago pa sa paglipas ng panahon at marami sa mga miyembro nito ay magtutungo sa Sion.

“Ito ay hindi madaling bagay tulad ng inaakala, sa unang pag-aakala, upang itatag ang ebanghelyo sa isang bansa,” isinulat ni Jesse sa kanyang opisyal na tala sa Unang Panguluhan, “kung saan ang mga tao ay nagsasalita ng tatlo o apat na iba’t ibang wika, at kung saan sila ay lahat ng mga uri, grado, kundisyon, pangkat, at mga kulay ng balat, at kung saan nakakalat ang dalawa o tatlong daang libong mga naninirahan sa isang teritoryo na dalawang beses ang laki sa England.”8

Sa isang maaliwalas na araw noong Marso, matapos agad ang pagkarating ni Jesse sa Britain, isa pang grupo ng mga limandaang Banal ang lumisan sa Liverpool para sa Sion. Ang mga Banal na ito ay mula sa United Kingdom, Switzerland, Denmark, East India, at South Africa. Bago sila lumisan, nagpaalam si Jesse sa mga nandarayuhang South African, malungkot na hindi siya makasama sa kanila sa paglalayag. Lilisanin niya ang England dalawang buwan pagkaraan kasama ang isang mas malaking grupo ng mga nandarayuhan.9

Marami sa mga nandarayuhan ay inaasahang maglalalakbay sa pamamagitan ng kariton oras na marating nila ang Great Plains. Mula nang dumating siya sa England, marami nang narinig si Jesse tungkol sa mga kariton, ngunit nadama niyang hindi siya sigurado sa paggamit ng mga ito. “Hindi ko alam ngunit alam kong magiging maayos ang mga ito, bagama’t sa aking palagay ay hindi magagamit nang maayos ang mga ito,” ipinagtapat niya sa kanyang journal. “Naniniwala akong ang plano ay mapapatunayang isang kabiguan, subalit dahil ito ay iminumungkahi ni Pangulong Brigham Young, ako ay susuporta rito at irerekomenda rin ito.”10

Noong ika-25 ng Mayo, nilisan ni Jesse ang England sakay ng isang barko na may mahigit 850 miyembro ng Simbahan, karamihan sa kanila ay matagal nang mga Banal na British na tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa Perpetual Emigrating Fund. Sila ay ang pinakamalaking pangkat ng mga Banal na tatawid ng Dagat Atlantiko sa ngayon. Bago sila umalis, tinawag ni apostol Franklin Richards si Edward Martin na akayin sila at itinalaga si Jesse bilang isa sa kanyang mga tagapayo. Isang lider na may kakayahan, si Edward ay isa sa mga unang nabinyagan sa England, isang beterano ng Batalyong Mormon, at isa sa maraming missionary na isinugo sa buong mundo noong 1852.11

Inihatid nina Franklin at iba pang mga lider ng misyon ang mga Banal sa daungan ng Liverpool. Bago maglayag ang barko, binigyan nila ang nandarayuhang mga Banal ng tatlong pagbati. Tumugon ang mga Banal ng kanilang sariling tatlong pagbati, at sina Franklin at iba pang mga lider ay nagpaalam, nagbibigay ng isa pang pagbati bilang basbas ng pamamaalam para sa mga Banal.12


Dumating ang barko sa Boston makalipas ang mahigit sa isang buwan. Tulad ng ibang nakasakay, sina Elizabeth at Aaron Jackson ay mga miyembro ng Simbahan sa loob ng ilang taon. Sumapi sa Simbahan ang mga magulang ni Elizabeth noong 1840, hindi nagtagal matapos dumating ang mga unang missionary sa England, at si Elizabeth ay nabinyagan makalipas ang isang taon sa edad na labinlima. Pinakasalan niya si Aaron, isang elder ng Simbahan, noong 1848. Kapwa sila nagtrabaho sa mga pabrika ng seda sa England.13

Kasama sa paglalakbay ng mga Jackson ang tatlo nilang anak—ang pitong taong gulang na si Martha, ang apat na taong gulang na si Mary, at ang dalawang taong gulang na si Aaron Jr.—at ang labingsiyam na taong gulang na kapatid ni Elizabeth na si Mary Horrocks.

Sa Boston, sumakay ang pamilya sa isang tren kasama ang karamihan ng kanilang mga kasabay at naglakbay papuntang Lunsod ng Iowa, ang lugar ng pagsisimula ng paglalakbay para sa mga Banal na patungong kanluran. Sa kanilang pagdating, inaasahan nina Elizabeth at Aaron na makakatagpo ng mga karitong handa na para sa kanila, ngunit ang bilang ng mga Banal patungong kanluran noong panahong iyon ay mas mataas kaysa sa inaasahan. Tatlong grupo ng mga kariton ang umalis na papuntang Lunsod ng Iowa noong nakalipas na tag-init, at ang pang-apat na grupo, na pinamumunuan ng kababalik lamang na missionary na si James Willie, ay agad ding lilisan. Hindi sapat ang mga karitong inihanda para sa lahat.14

Batid na kailangan nilang umalis kaagad upang makarating sa Lambak ng Salt Lake bago sumapit ang taglamig, tumulong ang mga bagong dating na nandarayuhan na bumuo ng mga kariton. Nahati ang mga nandarayuhan sa dalawang grupo ng mga kariton, isang pinamumunuan ni Edward Martin at ang isa ni Jesse Haven. Sumama ang iba pang mga nandarayuhan sa dalawang grupo ng kariton na pinamumunuan din ng mga nagbabalik na missionary.15

Umalis ang apat na grupo ng mga kariton mula Lunsod ng Iowa sa huling bahagi ng Hulyo at unang bahagi ng Agosto. Mga limang tao ang nakaatas sa bawat kariton, at pinahintulutan silang magdala ng labimpitong libra ng personal na gamit kada tao. Bawat kariton ay may timbang na humigit-kumulang dalawang daang libra kapag puno ng laman. Bawat grupo ng kariton ay naglalakbay rin kasama ng mga grupo ng mga buriko at mga bagon na batbat ng mga tolda at panustos.16

Sa pagtatapos ng Agosto, humimpil ang bagon sa isang bayan na tinatawag na Florence, di kalayuan sa dating lugar ng Winter Quarters. Si Franklin Richards, na naglalakbay kasama ang mas maliit at mas mabilis na grupo ng mga nagbabalik na missionary, ay naroroon na, naghahandang magpatuloy patungo sa Utah para sa darating na pangkalahatang kumperensya. Sa isang pulong, tinalakay ni Franklin sa mga lider ng grupo kung ang mga nandarayuhan ay dapat magpalipas ng taglamig sa Florence o magpatuloy sa Sion, sa kabila ng panganib na makasalubong ang masamang panahon sa hinaharap na daan.17

Sa kanilang mga sulat sa mga Banal sa buong mundo, paulit-ulit na nagbabala ang Unang Panguluhan sa mga nandarayuhan tungkol sa mga panganib ng paglalakbay patungo sa lambak nang sobrang huli sa panahon. Kinakailangang umalis ang mga grupo ng mga bagon mula sa Florence nang hindi lalampas sa tagsibol o pagsisimula ng tag-init upang dumating sa Lunsod ng Salt Lake sa Agosto o Setyembre. Habang naniniwala ang mga lider ng Simbahan na mas mabilis na makapaglalakbay ang mga grupo ng kariton, walang nakatitiyak na magagawa nila ito dahil nasa daan pa ang mga naunang grupo ng mga kariton. Kung lilisanin ng grupo ni Martin ang Florence sa patapos ng Agosto, sila ay nasa daan pa rin sa huling bahagi ng Oktubre o unang bahagi ng Nobyembre, na kung minsan ay nagsisimulang umulan ng niyebe.18

Sa kaalamang ito, hinimok ng ilang lalaki si Franklin na magmungkahi na magpalipas ang grupo ng taglamig sa Florence. Ang iba pa ay nagpayo sa kaniyang magpadala pa rin ng mga nandarayuhan sa Sion, anuman ang panganib. Dalawang linggo ang nakalipas, ang grupo ni Willie ay humarap sa parehong suliranin, at nagpasiya ang karamihan sa mga miyembro na magpatuloy ayon sa payo ni Kapitan Willie at iba pang mga lider, na ipinangako na poprotektahan sila ng Diyos mula sa kapahamakan. May pananampalataya rin si Franklin na ang Diyos na gagawa ng paraan para sa mga nandarayuhan upang makarating nang ligtas sa lambak, subalit nais niya silang magdesisyon sa kanilang sarili kung sila ay dapat manatili o umalis.19

Habang tinitipon nang magkakasama ang mga grupo, nagbabala sa kanila si Franklin tungkol sa mga panganib ng paglalakbay sa bandang pagtatapos ng panahon ng pandarayuhan. Malaki ang pagkakataong mamamatay ang ilang mga Banal na sanggol at matatanda, sabi niya. Ang iba pang mga miyembro ng grupo ay magkakaroon ng sakit at manghihina ang katawan. Kung nais ng mga nandarayuhan, maaari silang magpalipas ng taglamig sa Florence na namumuhay gamit ang mga panustos na binili para sa kanilang paglalakbay. Nag-alok din si Franklin na bumili ng karagdagang panustos para sa kanilang pananatili.20

Maraming mga nagbabalik na missionary ang nagsalita pagkatapos ni Franklin. Karamihan ay hinikayat ang mga Banal na magpatuloy patungo sa lambak. Ang anak ni Brigham Young na si Joseph ay naghikayat sa kanilang huwag magpatuloy sa panahong iyon. “Ang gayon ay magdudulot ng napakatinding pagdurusa, sakit, at maraming kawalan ng buhay,” sabi niya. “Hindi ko nais ang gayon sa aking budhi subalit ninanais ko ang lahat na manatili rito sa taglamig at pagkatapos ay magpatuloy sa tagsibol.”

Nang matapos na ang mga missionary, tumayong muli si Franklin at tinanong ang mga nandarayuhan na bumoto ukol sa bagay na ito. “Kung batid ninyo na kayo ay malululon sa bagyo,” itinanong niya, “kayo ba ay hihinto o babalik?”21

May mga pagsasaya, karamihan sa mga nandarayuhan ay inalis ang kanilang mga sumbrero, itinaas ang kanilang mga kamay, at bumoto na magpatuloy sa Sion.22 Pinagsanib ni Franklin ang dalawang grupo ng kariton sa pamumuno ni Edward Martin at inatasan si Jesse Haven upang tumulong sa pamumuno ng isang grupo ng mga bagon kasama si Kapitan William Hodgetts. Nilisan ng mga grupo ang Florence makaraan ang ilang araw kasama ang isang malaking kawan ng mga hayop.

Bagama’t sina Elizabeth at Aaron Jackson ay bata at malusog, ang araw-araw na paghihila ng kanilang mabigat na kariton sa mabatong landas, mga lugar na may malalalim na buhangin, at mga batis ay nagpahina agad sa kanilang mga katawan. Nahirapan din ang ilang nandarayuhan na makasabay sa grupo nang ang ilang kariton na hindi pulido ang pagkakagawa ay nasira. Sa pagtatapos ng bawat araw, dumating ang mga Banal sa kampo na gutom ang mga tiyan at tiyak sa kaalaman na magsisimulang muli ang labis na mabibigat na gawain sa umaga.23


Noong Setyembre 1856, habang naglalakbay pakanluran ang mga grupo ng kariton, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ay nagsimulang mangaral ukol sa pagsisisi at pagbabago ng moralidad sa buong Teritoryo ng Utah. Bagama’t maraming Banal ang namumuhay nang matwid, nag-alala ang mga lider ng Simbahan na napakaraming mga Banal ang hindi aktibong nagsisikap na maging mga tao ng Sion o maghanda para sa Ikalawang Pagparito. Nag-alala rin sila ukol sa impluwensya ng mga tao sa teritoryo na hindi nabibilang sa Simbahan, ang mahinang pananampalataya at katapatan sa ilang mga nandarayuhan, at mga umalis sa Simbahan na ngayon ay nilalabanan ito.

Si Jedediah Grant, ang pangalawang tagapayo sa Unang Panguluhan, ang nanguna sa reporma sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young. Simula sa unang bahagi ng Setyembre, hinikayat ni Jedediah ang mga Banal na talikuran ang kasamaan at muling mabinyagan upang mapanibago ang kanilang mga tipan at patawarin ang kanilang mga kasalanan. Hindi nagtagal ang iba pang mga lider ng Simbahan ay sumama sa kanya, pinapalaganap ang mensahe sa malalayong lugar hanggang sa ang diwa ng pagbabago ay pumuno sa hangin.24

Kadalasang marubdob ang kanilang mga mensahe. “Nagsasalita ako sa inyo sa ngalan ng Diyos ng Israel,” ipinahayag ni Jedediah sa Lunsod ng Salt Lake noong ika-21 ng Setyembre. “Kailangan ninyong magpabinyag at maging malinis mula sa inyong mga kasalanan, mula sa inyong mga masasamang bisyo, mula sa iyong mga apostasiya, sa inyong karumihan, mula sa inyong pagsisinungaling, sa iyong pagmumura, mula sa inyong mga pagnanasa, at mula sa lahat ng bagay na masama sa harapan ng Diyos ng Israel.”25

Sa Sugar House Ward, interesado na noon si Martha Ann Smith na mapaunlad pa ang kanyang sarili, salamat sa bahagi ng palagiang payong natanggap niya mula sa kanyang kapatid na si Joseph na nasa Hawaii. Noong una, naniniwala siya na makatutulong ang pagpasok sa eskuwela. Dahil walang pampublikong paaralan ang teritoryo, dumadalo siya sa isang paaralang pinangangasiwaan ng kanyang ward. Subalit ngayon na natapos ang pasukan, naghahanap siya ng iba pang mga paraan upang mas mapaunlad ang kanyang sarili.

Noong tagsibol, nagsimulang manirahan si Martha Ann kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na si John at pamilya nito, at ang kanyang bagong tahanan ay nagbigay ng mga pagkakataon sa pag-unlad ng sarili. Gusto man ni Martha Ann si John, hindi niya gaanong gusto ang asawa nito, si Hellen, o mga pamilya nito. “Sila ay magsasabi ng kasinungalingan kapag wala ako at pagtatawanan ang iyong mga kapatid at tatawagin silang mga sinungaling,” sinabi niya sa isang liham kay Joseph. Batid na maaari siyang pagsabihan ni Joseph dahil sa pagsasalita nang masama tungkol sa pamilya, dagdag pa niya, “kung sila ay kilala mo katulad ng pagkakakilala ko, hindi mo ako masisisi.”26

Noong tag-init na iyon, gayunman, isang liham mula sa Silangan ang umagaw sa pansin ni Martha Ann mula sa mga away-pamilya. Si Lovina, ang kanyang panganay na kapatid na babae, ay nagliham na siya ay lilipat sa lambak sa wakas kasama ang kanyang asawa at apat na anak. Halos kagyat, nagtungo sa silangan si John upang dalhan sila ng mga panustos at tulungan sila sa daan.

Sina Martha Ann at kanyang mga kapatid na babae ay umaasang si John ay darating kasama si Lovina at pamilya nito sa isa sa mga grupo ng kariton o grupo ng mga bagon na darating sa taglagas na iyon. Subalit nang dumating ang mga unang grupo noong panahong iyon, hindi kasama sa mga ito sina John at Lovina. Sa katunayan, ang balita sa kanilang kinaroroonan ay hindi dumating hanggang sa dumating ang ikatlong grupo ng kariton sa unang bahagi ng Oktubre.

“Dumating ang grupo ng mga kariton sa lambak,” ipinaalam ni Martha Ann kay Joseph, “at sinabi na ang grupo na kabilang si John ay huli ng tatlong linggo.”

Walang silang balita ukol kay Lovina at kanyang pamilya.27


Hindi huli ng tatlong linggo si John Smith. Dumating siya sa lambak makaraan ang dalawang araw kasama sina Franklin Richards at ang maliit na grupo ng mga bumalik na missionary. Habang patungong silangan, nakasalubong ni John ang mga ito sa Independence Rock, mga 563 kilometro mula sa Lambak ng Salt Lake. Ipinaalam nila sa kanya na ang pamilya ni Lovina ay dumating sa Florence nang wala na sa panahon at nagpasiyang huwag maglakbay nang mas malayo pa sa taong iyon.28

Nabigo, pinagnilayan ni John ang magpatuloy sa silangan. Ang klima sa mga kapatagan ay mainit at mabini pa rin. Maaari niyang lakbayin ang natitirang 1,126 na kilometro patungo sa Florence, gugulin ang taglamig kasama si Lovina at ang pamilya nito at tulungan silang lumapit sa kanluran sa tagsibol. Subalit kung gagawin niya iyon, kailangan niyang iwan si Hellen at kanilang mga anak na tustusan ang kanilang sarili sa Utah. Tinanong ni John si Franklin kung ano ang dapat niyang gawin, at pinayuhan siya ng apostol na bumalik sa lambak kasama niya at kanyang grupo.29

Noong ika-4 ng Oktubre, noong gabing dumating sila sa Lunsod ng Salt Lake, sinabi ni Franklin sa Unang Panguluhan na ang mga grupo nina Willie at Martin at dalawang grupo ng mga bagon ay mga walong daan, marahil ay siyam na raang kilometro ang layo. Sa kabuuan, mahigit isang libong mga Banal ang nasa silangang bahagi pa rin ng Rocky Mountains, at hindi naniniwala si Franklin na ang grupo ni Martin ay magagawang makarating bago ang katapusan ng Nobyembre.30

Nabalisa ang panguluhan sa ulat ni Franklin. Batid na ang ilang grupo ay lumisan sa England sa huling bahagi ng panahon, inakala nila na si Franklin at ang mga kinatawan ng pandarayuhan ay aatasan silang maghintay hanggang taglagas bago tumungo sa kanluran. Ang Simbahan ay walang ipinadalang pagkain sa silangan upang muling tustusan ang mga natitirang grupo, nangangahulugan na hindi magkakaroon ang mga nandarayuhan ng sapat na pagkain upang tustusan sila sa kanilang paglalakbay. Kung ang mga grupo ay hindi mangasawi sa yelo at niyebe, sila ay masasawi sa gutom—maliban na lamang kung ang mga Banal sa lambak ay sasagipin sila.31

Sa pulong ng Simbahan kinabukasan, mapilit na nagsalita si Brigham ukol sa mga nanganganib na nandarayuhan. “Kailangan silang madala rito; dapat natin silang padalhan ng tulong,” ipinahayag niya. “Iyan ang relihiyon ko. Iyan ang pag-uudyok ng Espiritu Santo na sumasaakin. Ang iligtas ang mga tao.”32

Hinirang ni Brigham ang mga bishop na kaagad bumuo ng mga grupo ng mga buriko at panustos. Hiniling niya sa mga kalalakihan na maging handa sa pag-alis kaagad at nanawagan sa mga kababaihan na simulan ang pag-oorganisa ng mga donasyon ng mga kumot, damit, at sapatos.

“Ang inyong pananampalataya, relihiyon, at pangangaral ng relihiyon ay hindi makapagliligtas ng kahit isang kaluluwa sa inyo sa kahariang selestiyal ng ating Diyos,” iwinika niya, “maliban kung inyong susundin ang mga alituntuning tulad ng itinuturo ko sa inyo ngayon. Humayo kayo at dalhin dito ang mga taong iyon na nasa mga kapatagan.”33

Bago sila umalis sa pulong, ang ilang kababaihan ay naghubad ng kanilang maiinit na medyas, mga kamison, at anupamang maibibigay nila at inilagay ang mga ito sa mga bagon.34 Ang iba pang mga kababaihan at kalalakihan ay agad nangolekta ng pagkain at mga suplay at naghanda na pangalagaan ang mga nandarayuhan sa oras ng pagdating ng mga ito.

Makalipas ang dalawang araw, mahigit limampung lalaki at dalawampung bagon ng pagsagip ang lumisan sa lambak at nagsimulang tumawid ng mga kabundukan. Marami pa ang sumunod sa mga dumating na linggo. Kabilang sa mga unang sumaklolo ang lima sa mga missionary na nakauwi na kasama ang grupo ni Franklin Richards tatlong araw na ang nakararaan.35