Kasaysayan ng Simbahan
28 Hanggang sa Pagparito ng Anak ng Tao


“Hanggang sa Pagparito ng Anak ng Tao,” kabanata 28 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 28: “Hanggang sa Pagparito ng Anak ng Tao”

Kabanata 28

Hanggang sa Pagparito ng Anak ng Tao

St. George temple

Noong Hunyo 19, 1875, nilisan ni Brigham Young ang Lunsod ng Salt Lake upang bumisita sa mga pamayanan sa gitnang Utah.1 Kahahantong lamang niya sa kanyang ikapitumpu’t apat na taon, at nagiging mas mahirap ang paglalakbay. Tuwing naglalakbay siya, sumasakit ang kanyang mga kasu-kasuan dahil sa rayuma. Ngunit ang pagbisita sa mga pamayanan ay naglalapit sa kaniya sa mga Banal—at naglalayo sa kanya sa mga kamakailan lamang na legal na suliranin ng Simbahan.

Matapos isakdal si George Reynolds sa salang bigamya, ang abogado ng Estados Unidos na si William Carey ay sinira ang kanyang pangako sa mga lider ng Simbahan at pinaratangan din si George Q. Cannon ng bigamya. Kalaunan ay ibinasura ang kaso ni George Cannon, ngunit si Reynolds ay nilitis, nahatulan, pinagmulta ng $300, at hinatulan ng isang taon sa bilangguan. Gayunman, ang korte suprema ng teritoryo ay nagbaligtad ng hatol kay Reynolds, matapos matagumpay na ipinaliwanag ng kanyang mga tagapagtanggol na pinaratangan siya ng isang malaking lupon ng tagahatol na mali ang pagkakabuo. Ngayong malaya na si Reynolds, sumumpa ang mga tagausig na muli siyang isasailalim sa paglilitis.2

Bukod dito, ang humiwalay na asawa ni Brigham na si Ann Eliza Young ay kamakailan lamang na nakianib-puwersa sa mga kritiko ng Simbahan upang ihabla ang propeta para sa diborsyo. Nang humingi siya ng mahigit $200,000 sa sustento sa anak at iba pang kahilingan niya, tinanggihan ng mga manananggol ni Brigham ang kanyang paghahabla dahil naniniwala sila na ito ay lubhang magastos. Ikinatwiran din nila na hindi maaaring makipagdiborsyo si Ann Eliza kay Brigham sa korte dahil hindi kinikilalang legal ng Estados Unidos ang maramihang pag-aasawa. Gayunman, nagbaba ng hatol si Hukom James McKean na sang-ayon kay Ann Eliza, at hinatulan si Brigham na makulong sa loob ng isang gabi nang siya, sa payo ng kanyang mga tagapagtanggol, ay tumangging magbayad hanggang sa matapos nilang iapela ang hatol sa isang mas mataas na hukuman.

Kinilala ng mga pahayagan sa buong bansa na ang ginawa ng hukom ay isang palabas upang ipahiya si Brigham, at kinondena nila at kinutya si McKean dahil dito. Ilang araw kalaunan, pinalitan siya ng pangulo ng Estados Unidos ng isa pang hukom, at nagpatuloy si Brigham sa pagbayad kay Ann Eliza ng $3,000 legal na kabayaran.3

Dalawang araw matapos lisanin ang Lunsod ng Salt Lake, nakipagkita sina Brigham at kanyang mga kasama sa Relief Society sa Moroni, isang maliit na bayan sa Lambak ng Sanpete. Sina Eliza Snow at Mary Isabella Horne, na naglalakbay kasama ang pangkat, ay hinikayat ang kababaihan na patuloy na magtulungan at magawang tustusan ang kanilang sarili sa mga isyung pang-ekonomiya. Hinikayat sila ni Mary Isabella na unahin ang kaharian ng Diyos sa kanilang buhay. “Kung ano ang inaasahan natin na tanggapin,” sabi niya, “dapat ay pinagsisikapan natin.”

Pagkatapos ay nagsalita si Eliza tungkol sa pag-aaral ng relihiyon. Ang ilang pamilya sa Lambak ng Sanpete ay ipinapadala ang kanilang mga anak sa isang bagong bukas na paaralang pinangangasiwaan ng isang missionary ng ibang relihiyon, at ang mga lider ng Simbahan ay nag-aalala na ang mga aralin nito ay sasalungat sa mga natututuhan ng mga bata mula sa kanilang mga magulang at sa Simbahan.

“Ang Sion ay dapat maging lugar upang turuan ang mga anak ng Sion,” sinabi ni Eliza sa mga babae. “Hayaan ang mga bata na maunawaan na ang inyong relihiyon ang pinakamahalaga sa inyong isipan.”4

Sa iba pang mga pamayanan sa Sanpete, hinikayat ni Brigham ang mga Banal na masigasig na tanggapin ang kooperatibang sistemang pang-ekonomiya. Dalawang taon na ang nakararaan, isang pambansang pagbagsak ng ekonomiya ang nagpahirap sa ekonomiya ng Utah. Gayunman, ilang tindahan ng kooperatiba at mga industriya sa teritoryo ay nalampasan ang pinansiyal na krisis na siyang nagpapalakas sa paniniwala ni Brigham sa pagtutulungan.

Mula noon, tinawag niya ang mga Banal na mamuhay na katulad ng mga sinaunang tao ng Enoch, na nagkakaisa sa mga puso at isipan at walang maralita sa kanila.5 Ang sistema, na kilala bilang Nagkakaisang Orden ni Enoch, ay nagpapaalala sa paghahayag ng Panginoon tungkol sa batas ng paglalaan. Ang mga kasapi ng orden ay maglalaan para sa isa’t isa tulad ng isang pamilya, malayang nag-aambag ng trabaho at personal na ari-arian upang itaguyod ang paglaki ng pantahanang industriya at mapabuti ang ekonomiya ng lugar.

Maraming Banal ang nag-organisa na ng mga nagkakaisang orden sa kanilang komunidad. Bagama’t nagkakaiba ang mga orden sa isa’t isa sa istruktura, lahat sila ay pinahahalagahan ang kooperasyong pang-ekonomiya, pagtayo sa sarili, at pagiging simple.6

Habang nakikipagpulong sa mga Banal sa Sanpete, nagsalita si apostol Erastus Snow sa kung paano pinagpala ng Nagkakaisang Orden ang mga Banal sa katimugang Utah. “Mayroong isang ugali sa atin na gumawa sa gayong makasariling paraan na humahantong sa pagdakila ng ilan kapalit ng maraming mahihirap,” sinabi niya. “Ito sa kanyang sarili ay isang kasamaan.”

“Ang Nagkakaisang Orden ay upang malaman kung ano ang gagawin sa mga ari-arian na mayroon tayo,” idinagdag ni Brigham kalaunan sa araw na iyon, “at gamitin ang ating sarili upang maisakatuparan ang mga plano ng Diyos.”7

Bago natapos ang kanyang paglilibot sa Sanpete, nagsalita si Brigham sa mga lokal na lider ng Simbahan. “Maaari tayong magtayo ng mga templo rito nang mas mura kaysa sa yaong nasa Salt Lake,” sinabi niya sa kanila. “Nais ba ninyong tanggapin ang responsibilidad at magtayo ng templo rito?”

Bawat lalaki sa silid ay nagtaas ng kamay upang ipakita ang kanyang suporta, at napagkasunduan nila na ang propeta ay dapat pumili ng lugar. Napuntahan ni Brigham ang ilang posibleng lugar, at ipinahayag niya ang kanyang desisyon noong sumunod na araw.

“Maaari kong sabihin na ang aking espiritu ay malinaw na itinuturo ang bahagi ng bundok na nakaturo sa Manti,” sabi niya.8


Nang bumalik si Brigham mula sa gitnang Utah, isang lalaking nagngangalang Meliton Trejo ang nasa Lunsod ng Salt Lake at nagsasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Espanyol. Isang beteranong sundalo mula sa Espanya, nagtungo si Meliton sa lunsod mula sa Pilipinas sa mga huling araw ng tag-init ng 1874. Siya ay dumating sa Utah na nakasuot ng unipormeng militar, at ang kanyang hitsura ay mabilis na umakit ng tingin ng mga nagdaraan.

Nagpunta si Meliton sa teritoryo na kakaunti lamang ang alam tungkol sa Simbahan. Narinig niya ang tungkol sa mga Banal sa Rocky Mountains at nais bumisita sa kanila balang araw. Isang gabi sa Pilipinas, matapos manalangin para sa patnubay, siya ay nahikayat sa isang panaginip na gawin ang paglalakbay. Nagbitiw siya mula sa hukbo, tinahi ang lahat ng pera niya sa loob ng kanyang tsaleko, at naglayag patungo sa San Francisco.

Sa Lunsod ng Salt Lake, nakilala ni Meliton ang isang taong nagsasalita ng Espanyol na nagpakilala sa kanya kina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan.9 Kamakailan lamang ay pinakiusapan ni Brigham ang dalawang lalaki, sina Daniel Jones at Henry Brizzee, na maghandang magmisyon sa Mexico. Naniwala si Brigham na ang ilan sa mga inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon ay nakatira doon, at inaasam niya na ipalaganap ang ebanghelyo sa kanila. Subalit alam din niya na sinubukan nang dalhin ni Parley Pratt ang ebanghelyo sa Latin America noong 1851 at ang pagsisikap ay hindi nagtagumpay, bahagyang dahil sa ang Aklat ni Mormon ay walang kopya sa wikang Espanyol.10

Bilang bahagi ng paghahanda nina Daniel at Henry, hiniling sa kanila ni Brigham na pag-aralan ang wika at kalaunan ay isalin ang Aklat ni Mormon. Kapwa nila alam ang kaunting Espanyol, ngunit ang ideya ng pagsasalin ng isang aklat ng banal na kasulatan ay nakakatakot. Kapwa nila nadama na hindi sapat ang kanilang karanasan sa wika. Kailangan nila ng isang taal na mananalitang makatutulong sa kanila.

Itinuring nina Daniel at Henry ang pagdating ni Meliton bilang isang kaloob ng Diyos. Itinuro nila sa kanya ang ebanghelyo, at buong pusong tinanggap ni Meliton ang binyag.11 Pagkatapos ay inanyayahan ni Daniel si Meliton na manatiling kasama niya sa taglamig para sa gawain ng pagsasalin.

Gumugol si Meliton ng ilang buwan na isinasalin ang sagradong teksto. Nang maubos ang salapi, tumanggap si Daniel ng pahintulot mula kay Brigham Young upang humingi ng donasyon sa mga Banal. Mahigit apat na raang tao ang nagbigay ng pera upang suportahan si Meliton at mabayaran ang paglilimbag.

Pagkatapos ng pagrerepaso sa pagsasalin, inayos ni Daniel na malimbag ang isang daang pahina ng mga sipi mula sa pagsasalin bilang Trozos selectos del Libro de Mormon.12 Gayunman, nais ni Brigham na matiyak ni Daniel na ang pagsasalin ay tumpak, kaya isinagawa ni Daniel na muling basahin ang salin kasama si Meliton. Habang nagbabasa sila, hiniling ni Daniel sa Diyos na tulungan siyang makita ang anumang mali sa kanilang ginagawa. Kapag nakakadama siya na may hindi mainam sa teksto, magpapatulong siya kay Meliton. Pagkatapos ay masusing pag-aaralan ni Meliton ang pagsasalin at hahanapin ang kinakailangang pagwawasto. Pakiramdam ni Daniel ay ginagabayan ng Panginoon ang kanilang gawain.

Hindi nagtagal matapos ilimbag ang Trozos selectos, tinawag sina Daniel at iba pang mga missionary na tumungo sa Mexico. Hindi inatasan si Meliton na sumama sa kanila, ngunit umasa siyang magbubunga ang mga pagsisikap ng mga missionary.13

Lumisan ang mga missionary noong taglagas ng 1875. Bago umalis, maingat na inilagay nina Daniel at ng iba ang isang libo at limandaang kopya ng Trozos selectos sa likod ng mga buriko. Pagkatapos ay sinimulan nilang maglakbay sa maalikabok na lansangan, sabik na ipakilala ang Aklat ni Mormon sa mga tao ng Mexico.14


Sa panahong ito, napuno ang Lunsod ng Salt Lake ng usap-usapan tungkol sa pagbisita ni Pangulong Ulysses Grant. Walang pangulo ng Estados Unidos ang nakabisita na sa teritoryo, at isang delegasyon ng mga opisyal ng teritoryo, opisyal ng lunsod, at pribadong mamamayan ang mabilis na nabuo upang salubungin siya. Inanyayahan si Brigham Young na sumama sa kanila, gayundin sina John Taylor at Joseph F. Smith.15

Dumating si Grant sa teritoryo noong Oktubre, at nakipagkita si Brigham sa kanya at kanyang asawa, si Julia, sa tren sa Ogden. Bahagyang nabati ni Brigham ang grupo bago nagpaalam ang pangulo na bibisitahin nito ang observation car ng tren.

“Ako ay nasasabik na makita ang bayan,” ipinaliwanag ni Grant.

Pagkaalis ng pangulo, sinabi ni Julia, “ako ay nalilito kung paano ka tatawagin, G. Young.”

“Ako ay tinatawag kung minsan na gobernador,” sagot ni Brigham, “kung minsan ay pangulo, at muli, Heneral Young.” Natanggap niya ang huling ranggo ilang taon na ang nakakaraan bilang opisyal sa Nauvoo Legion.

“Habang ako ay sanay sa ranggo sa militar, tatawagin kita gamit ang huling pagkilala,” sabi ni Julia. Ang kanyang asawa, isang bayani ng digmaang sibil ng Amerika, ay isang opisyal sa hukbo sa buong buhay nito.

“Aba, ginang,” sabi ni Brigham, “ngayon ay magkakaroon ka ng pagkakataong makita ang mga mararalita, kinamumihian, at kinasusuklamang tao.”

“Ah, hindi, Heneral Young,” sagot ni Julia. “Sa kabilang banda, ang inyong mga tao ay dapat lamang igalang at hangaan para sa kanilang pagtitiis, pagtitiyaga, at pananampalataya.” Pagkatapos ay idinagdag pa niya, “Mayroon lamang isang pagtutol sa iyong mga tao—sa iyo, Heneral.”

Hindi kinakailangang ipahayag ni Julia ang kanyang pagtutol; ang kanyang asawa ay isang matibay na kalaban ng maramihang pag-aasawa. “Aba,” sabi ni Brigham, “kung wala ito hindi kami magkakaroon ng populasyon na mayroon kami.”

“Ipinagbabawal ito ng mga batas ng bansa,” sinabi ni Julia, “at nagwakas na sana noon pa sa pamamagitan ng puwersa ng pamahalaan kung hindi lang sa pag-ibig sa mga bata at walang malay na tiyak na magdurusa.”

Bago makatugon si Brigham, isang kawani ang nag-anyaya sa kaniyang samahan ang pangulo sa observation car, at iniwan ni Brigham ang Unang Ginang.

Kalaunan, matapos dumating sa Lunsod ng Salt Lake, nagpaalam si Brigham sa mga Grant, nagpapahayag ng pag-asam na magustuhan nila ang kanilang pagbisita. Mula sa istasyon ng tren, umalis na ang mga Grant upang libutin ang lunsod kasama si George Emery, ang gobernador ng teritoryo. Habang papalapit na sila sa paligid ng templo, nakita nila ang mga hanay ng mga bata, nakasuot ng puting damit, nakahanay sa mga lansangan kasama ang kanilang mga guro sa Sunday School. Habang dumaraan ang karwahe ng mga Grant, naghagis ang mga bata ng mga bulaklak at umawit sa mga bisita.

Humahanga, nagtanong si Pangulong Grant, “kaninong anak ang mga ito?”

“Mga batang Mormon,” sinabi ng gobernador.

Tahimik ang pangulo nang ilang segundo. Lahat ng bagay na narinig niya tungkol sa mga Banal ang nagtulak sa kanya na maniwala na sila ay mga masasamang tao. Ngunit ang kaanyuan at pag-uugali ng mga batang ito ay kabaligtaran ang iminumungkahi.

“Ako ay nalinlang,” bulong niya.16


Noong taglamig na iyon, tumayo si Samuel Chambers upang magbigay-saksi sa isang pulong sa Salt Lake Stake deacons quorum. Tulad ng mga lalaki na nakaupo sa paligid niya, siya ay nasa katanghaliang gulang. “Naparito ako para sa aking relihiyon,” sinabi ni Samuel sa mga tao. “Iwinaksi ko ang lahat na mayroon ako at naparito upang makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.”

Si Samuel ay miyembro ng Simbahan nang higit sa tatlumpung taon. Isinilang sa pang-aalipin sa katimugang Estados Unidos, nabinyagan siya sa edad na labintatlo matapos itinuro sa kanya ng isang missionary ang ebanghelyo. Dahil siya ay alipin, hindi magawang sumama ni Samuel sa iba pang mga Banal sa Nauvoo. Halos wala siyang ugnayan sa Simbahan sa mga sumunod na taon, subalit nanatili ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo.

Nang natapos ang digmaang sibil at pinalaya ang mga alipin sa Estados Unidos, siya at ang kanyang asawa, si Amanda, ay walang salapi upang makalipat sa Utah. Nagtrabaho sila sa loob ng limang taon, iniipon ang bawat salaping kaya nila, bago nagawa ang paglalakbay. Nagpunta sila sa Utah noong Abril 1870 kasama ang anak ni Samuel, na si Peter. Ang kapatid at hipag ni Amanda, sina Edward at Susan Leggroan, ay lumipat din kasama ang tatlo nilang anak sa Utah.17

Ang mga pamilya Chambers at Leggroan ay nanirahan nang magkapitbahay sa isa’t isa sa Unang Ward sa Lunsod ng Salt Lake. Sina Richard at Johanna Provis, isang mag-asawang magkaiba ang lahi mula sa South Africa, ay naroon din sa ward. Sumapi ang mga Leggroan sa Simbahan noong 1873 at hindi naglaon ay lumipat kasama ang mga Chambers sa Ikawalong Ward, kung saan sina Jane Manning James, ang asawa nitong si Frank Perkins, at ilan pang mga Banal na itim ay naninirahan din.18

Sa mga ward na ito, magkakatabing sumasamba ang mga Banal na itim at ang mga Banal na puti. Bagama’t hindi ipinaabot ng Simbahan ang ordinasyon sa priesthood sa mga itim na Banal sa panahong ito, naglingkod si Samuel bilang hindi naordenahan na katuwang sa korum ng mga deacon at nagpatotoo kada buwan sa mga pulong ng korum. Nakibahagi si Amanda kasama si Jane sa Relief Society. Nagbayad sila ng kanilang mga ikapu at mga handog at palagiang dumadalo sa kanilang mga pulong sa Simbahan. Nang dumating ang mga tawag na mag-ambag para sa St. George temple, nagbigay si Samuel ng limang dolyar at sina Jane at Frank ay nagbigay ng tig-limampung sentimo.

Sina Samuel at Amanda, kasama ang ilang iba pang itim na mga Banal, ay nakibahagi rin kamakailan sa mga pagbibinyag para sa mga patay sa Endowment House. Sina Samuel at Amanda ay nabinyagan para sa mahigit dalawang dosenang mga kaibigan at kamag-anak. Bininyagan si Edward Leggroan para sa unang asawa ng kanyang kabiyak. Si Jane Manning James ay nabinyagan para sa isang kababatang kaibigan.19

Itinangi ni Samuel ang kanyang pagiging miyembro ng Simbahan at ang pagkakataong magpatotoo sa mga korum ng mga deacon. “Kung hindi ko ibabahagi ang aking patotoo,” sabi niya, “paano ninyo malalaman kung ano ang pakiramdam ko, o ano ang mararamdaman ninyo? Subalit kung ako ay babangon at magsasalita, alam ko na may kaibigan ako, at kung marinig kitang magsalita nang tulad ko, alam ko na tayo’y iisa.”20


Bandang dapit-hapon noong Abril 5, 1876, isang napakalakas na pagsabog ang bumulabog sa tahimik na tagsibol sa Lunsod ng Salt Lake. Isang higanteng pabilog na apoy ang umakyat mula sa burol sa hilaga kung saan nakatago sa mga batong bunker ang mga pulbura. May nagmitsa sa mga pampasabog na siyang nagwasak sa arsenal.

Sa paaralan ng Ikadalawampung Ward, kung saan nagtuturo ng mga klase si Karl Maeser, nagawa ng pagsabog na pabagsakin sa sahig ang bahagi ng palitada ng kisame. Dahil nakatakda siyang magturo sa paaralan nang gabing iyon, alam ni Karl na kailangan niyang kausapin kaagad ang kanyang bishop tungkol sa pinsala.21

Natagpuan ni Karl ang kanyang bishop na nakikipag-usap kay Brigham Young sa opisina ng propeta. Iniulat ni Karl ang malawakang pinsala sa paaralan at sinabi sa kanila na hindi maaaring magpatuloy ang mga klase hanggang sa ito ay maayos.

“Tama nga iyan Brother Maeser,” sinabi ni Brigham. “Mayroon akong isa pang misyon para sa iyo.”22

Nalungkot si Karl. Ilang taon lang ang lumipas mula nang bumalik siya mula sa isang misyon sa Germany at Switzerland. Ang kanyang matatag na trabaho sa paaralan ng Ikadalawampung Ward ay naging isang pagpapala sa kanyang pamilya. Komportable silang nanirahan sa Lunsod ng Salt Lake at napanatag.23

Ngunit hindi siya nais ni Brigham na maglakbay nang malayo. Tulad ni Eliza Snow, sina Brigham at iba pang mga lider ng Simbahan ay nag-aalala tungkol sa pagtuturo sa bagong salinlahi ng mga kabataan, kung saan ang kanilang pananampalataya ay hindi sinubukan ng mga unang paghamak sa Simbahan o napatatag sa pamamagitan ng karanasan ng pagbabalik-loob at pandarayuhan.24

Hindi salungat si Brigham sa sekular na kaalaman o mga unibersidad; maging ang ilan sa kanyang mga anak na lalaki ay nag-aral ng kolehiyo sa silangang Estados Unidos. Subalit nag-alala siya na ang mga kabataang Banal sa Utah ay tinuturuan ng mga taong lubhang kritikal sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang University of Deseret, na unang itinatag noong 1850, ay tumanggap ng mga estudyante mula sa ibang mga simbahan at hindi itinuro ang mga paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang bahagi ng kurikulum. Nais din ni Brigham na ang mga kabataan ng Simbahan ay magkaroon ng mga oportunidad na tumanggap ng edukasyong magpapalakas sa kanilang pananampalataya at makatutulong sa paglikha ng lipunan ng Sion.25

Sa katunayan, upang makamit ang mga layuning ito, kamakailan lamang ay itinatag niya ang isang paaralan sa Provo na tinawag na Brigham Young Academy. Katatapos lamang ng unang semestre nito, at ngayon ay inanyayahan niya si Karl upang pamahalaan ito.

Hindi kaagad tumugon si Karl sa paanyaya ni Brigham. Subalit pagkaraan ng dalawang linggo, matapos niyang tanggapin ang pagkakatalaga, bumisita si Karl sa propeta. “Ako ay malapit nang lumisan patungong Provo, Brother Young, upang simulan ang aking gawain sa paaralan,” sabi niya. “Mayroon po ba kayong mga tagubilin?”

“Brother Maeser,” sabi ni Brigham, “Nais kong alalahin mo na hindi mo dapat ituro maging ang alpabeto o ang talaan ng multiplikasyon kung wala ang Espiritu ng Diyos.”26


Kalaunan sa taong iyon, ang bawat ward sa Lunsod ng Salt Lake ay nagdaos ng handaan upang makalikom ng salapi para matapos ang St. George temple. Batid na ang dalawampung taong gulang na si Heber Grant ay maaasahang binata na may maraming kaibigan, hiniling sa kanya ni Bishop Edwin Woolley ng Ikalabintatlong Ward na isaayos ang handaan ng kanyang ward. “Nais kong gawin mong matagumpay ito,” sinabi niya kay Heber.

Noong nakaraang taon, tinawag si Heber bilang tagapayo sa panguluhan ng Young Men’s Mutual Improvement Association (Y.M.M.I.A.) ng kanyang ward, isang bagong organisasyon na binuo noong 1875 matapos iatas ni Brigham Young sa mga ward na organisahin ang kanilang mga kabataang lalaki tulad nang inorganisa nila ang kanilang mga dalagita. Bilang lider sa Y.M.M.I.A., si Heber ay responsable sa pagtulong sa mga kabataang lalaki na linangin ang kanilang mga talento at palakasin ang kanilang mga patotoo sa ebanghelyo.27

Mayroong mga alinlangan si Heber tungkol sa kahilingan ni Bishop Woolley. “Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya,” sabi niya, “ngunit kailangan mong magarantiya, kung hindi ito kikita, na punan ang kakulangan.”

Ipinaliwanag niya na nais ng kabataan na dumalo sa mga sayawan kung saan sila ay maaaring magsayaw ng balse. Ang popular na sayaw ay kinakailangan ang mga pares na hawakan nang magkakalapit ang isa’t isa habang umiikot sa isang malaking bilog. Bagama’t itinuturing ng ilang tao ang balse na hindi ganoon kaangkop kaysa mas tradisyonal na sayaw ng quadrille, si Brigham Young ay kilala na pinapayagan ang tatlong balse kada pagtitipon. Gayunpaman, tutol si Bishop Woolley sa sayaw, at ipinagbabawal ito sa mga handaan ng Ikalabintatlong Ward.28

“Aba,” sabi ni Bishop Woolley, “maaari ninyong magamit ang inyong tatlong balse.”

“Mayroong isa pang bagay,” pagpapatuloy ni Heber. Kung walang magaling na banda para sa sayawan, mahihirapan siyang magbenta ng mga tiket. “Hindi mo hahayaang ang Bandang Quadrille ni Olsen na tumugtog sa inyong ward dahil minsang nalasing ang tumutugtog ng plauta,” sinabi niya sa bishop. “Mayroong iisang primera klaseng banda na tumutugtog ng mga bagting, at iyan ay ang kay Olsen.”

Atubiling pumayag ang bishop na hayaan si Heber na arkilahin din ang banda. “Hinayaan ko ang binatang iyon na makamit ang lahat ng gusto niya,” sabi niya habang naglalakad ito palayo. “Kakastiguhin ko siya sa publiko kung hindi niya magagawang matagumpay ito.”

Hinikayat ni Heber ang anak ng bishop na si Eddie upang tumulong magbenta ng mga tiket at ihanda ang gusali ng ward para sa handaan. Inilabas nila ang mga mesa mula sa isang malaking silid, naglagay ng mga hiniram na alpombra sa sahig, at nagsabit sa mga dingding ng mga larawan ni Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan. Pagkatapos ay nagtipon sila ng ilang kabataang lalaki upang ialok ang sayawan sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.

Sa araw ng sayawan, naupo si Heber sa tabi ng pintuan na may kasamang alpabetikong listahan ng lahat ng tao na bumili ng mga tiket. Walang sinuman ang maaaring pumasok sa loob na hindi nagbayad ng isang dolyar at kalahati para sa tiket. Pagkatapos ay nagpunta si Brigham Young—na walang tiket.

“Nauunawaan ko na ito ay para sa kapakinabangan ng St. George temple,” sabi ni Brigham. Inihagis niya ang sampung dolyar. “Iyan ba ay sapat na para sa tiket ko?”

“Sobra pa,” sinabi ni Heber, hindi sigurado kung siya ay dapat magbigay ng sukli sa propeta.

Nang gabing iyon, binilang ni Heber ang pera habang pinangangasiwaan ni Brigham ang mga balse. Nakalikom ang ward ng mahigit walumpung dolyar, higit pa sa anumang halaga na nalikom ng anumang ward para sa templo. At nagsayaw ang mga kabataan ng kanilang tatlong balse.

Gayunman, bago matapos ang pagtitipon, bumulong si Heber sa pinuno ng banda na magpatugtog ng waltz quadrille, isang balse na naglalaman ng mga elemento ng mga klasikong square dance.

Nang magsimulang tumugtog ang banda, umupo si Heber sa tabi ni Brigham upang marinig ang sasabihin nito kapag nakita ang ikaapat na balse. Gayon na nga, oras na nagsimula ang mga kabataan sa pagsasayaw, sinabi ni Brigham, “Nagsasayaw sila ng balse.”

“Hindi po,” paliwanag ni Heber, “kapag sila ay nagsayaw ng balse, nagsasayaw sila ng balse sa kabuuan ng silid. Ito ay ang quadrille.”

Tumingin si Brigham kay Heber at tumawa. “Oh, kayong mga lalaki, kayo talaga” sinabi nito.29


Hindi nagtagal matapos ang sayaw ng Ikalabintatlong Ward, nagtungo sa timog si Brigham kasama si Wilford Woodruff upang ilaan ang mga bahagi ng St. George temple. Bagama’t hindi matatapos ang templo hanggang tagsibol, ilang silid para sa mga ordenansa ay handa nang gamitin.30 Sa Nauvoo temple at sa Endowment House, nagsagawa ang mga Banal ng mga endowment para lamang sa mga buhay. Nang ilaan ang St. George temple, magsasagawa sila ng mga endowment para sa mga patay sa unang pagkakataon.31

Habang papalapit na si Brigham sa pamayanan, madali niyang nakikita ang templo. Mula sa malayo, kahawig nito ang Nauvoo temple, ngunit sa malapitan ang labas nito ay mas simple. Ito ay may mga hanay ng matataas na bintana at mga suhay na walang palamuti upang suportahan ang mga matataas na puting pader nito. Isang simboryong tore ang nakatayo sa itaas ng mga suhay na tila muog na nakahilera sa bubong.32

Noong unang araw ng 1877, mahigit isang libo at dalawang daang tao ang nagsiksikan sa loob ng silong ng templo para sa paglalaan ng bautismuhan.33 Pagkatapos umakyat sa pinakaitaas na baitang ng bautismuhan, tinawag ni Wilford Woodruff ang mga Banal. “Natanto ko na hindi magagawa ng mga nagtitipon na lumuhod sa ganitong kasikip na kalagayan,” sabi niya, “ngunit maaari ninyong iyuko ang inyong mga ulo at puso sa Diyos.”

Matapos mag-alay si Wilford ng panalangin ng paglalaan, lumipat ang kongregasyon paakyat sa isang bulwagan ng pagtitipon. Ang rayuma ni Brigham kamakailan lamang ay nagpapahirap sa kaniyang paglalakad, kung kaya binuhat siya ng tatlong lalaki papasok sa silid. Pagkatapos ay inilaan ni Erastus Snow ang bulwagan, at binuhat ng tatlong lalaki si Brigham paakyat sa mas maraming hagdan upang ilaan ang isang silid para sa pagbubuklod.

Pagbalik ni Brigham sa bulwagan ng pagtitipon, nahirapan siyang tumayo sa pulpito. Pinatatatag ang kanyang pagtayo gamit ang baston na yari sa hickory, sinabi niya, “hindi ako maaaring sumang-ayon na lumisan sa bahay na ito nang hindi ginagamit ang aking lakas—ang lakas ng aking mga baga, tiyan, at bahagi ng katawan sa pagsasalita.”

Nais ni Brigham na ilaan ng mga Banal ang kanilang sarili para sa pagtubos sa mga patay. “Kapag naiisip ko ang tungkol sa paksang ito, nais ko ang dila ng pitong kulog na gisingin ang mga tao,” ipinahayag niya. “Maililigtas ba ang mga ninuno nang wala tayo? Hindi. Maililigtas ba tayo kung wala sila? Hindi. At kung hindi tayo gigising at titigil na naisin ang mga bagay ng daigdig na ito, makikita natin na tayo bilang mga indibiduwal ay bababa sa impiyerno.”

Nalulungkot si Brigham na maraming Banal ang humahanap ng mga makamundong bagay. “Sakaling tayo ay gumising sa bagay na ito, ang kaligtasan ng sangkatauhan,” sabi niya, “ang bahay na ito ay magiging masikip, tulad ng aming inaasahan, mula Lunes ng umaga hanggang Sabado ng gabi.”

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, itinaas ni Brigham ang kanyang baston. “Hindi ko alam kung ang mga tao ay nasisiyahan sa mga serbisyo ng paglalaan ng templo o hindi,” sabi niya. “Lubos akong nasisiyahan, at hindi ko kailanman inasahan na masiyahan hangga’t ang diyablo ay nagapi at naitaboy mula sa balat ng lupa.”

Habang nagsasalita siya, hinampas ni Brigham ang pulpito gamit ang kanyang baston na nag-iiwan ng yupi sa kahoy.

“Kung nasira ko man ang pulpito,” sabi niya, “ilan sa mga magagaling na manggagawang ito ay maaayos itong muli.”34


Noong ika-9 ng Enero, lumusong si Wilford Woodruff sa bautismuhan ng templo kasama ang anak ni Brigham na si Susie, ngayon ay labingwalong taong gulang na at ikinasal sa isang binatang nagngangalang Alma Dunford. Gamit ang isang saklay at baston, tumayo si Brigham bilang saksi habang binibinyagan ni Wilford si Susie para sa isa sa mga kaibigan nitong namayapa na, ang unang pagbibinyag para sa mga patay sa St. George temple. Pagkatapos, ipinatong nina Wilford at Brigham ang kanilang mga kamay sa ulo ni Susie at kinumpirma siya para sa kapakanan ng yumao.

Makaraan ang dalawang araw, pinamahalaan nina Wilford at Brigham ang mga unang endowment para sa mga patay na isinagawa sa alinmang templo. Pagkatapos ay ginugol ni Wilford ang halos bawat araw upang gawin ang gawain sa templo. Nagsimula siyang magsuot ng puting terno, ang unang pagkakataon kung saan ang isang tao ay nagsuot ng puting damit sa halip na normal na amerikana bilang bahagi ng mga seremonya sa templo. Ang ina ni Susie, si Lucy, na siya ring inilaan ang kanyang sarili sa gawain sa templo, ay nagsuot ng puting damit bilang isang halimbawa para sa mga kababaihan.35

Habang nagtatrabaho si Wilford sa templo, hiniling ni Brigham sa kanya at iba pang mga lider ng Simbahan na isulat ang seremonya ng endowment at iba pang mga ordenansa sa templo. Simula noong panahon ni Joseph Smith, ang mga salita ng mga ordenansa ay pinanatili sa pamamagitan lamang ng pagsasalita tungkol dito. Ngayon na ang mga ordenansa ay isinasagawa nang malayo mula sa punong-tanggapan ng Simbahan, nais ni Brigham na isulat ang mga seremonya upang matiyak na magagawa ang mga ito nang magkakatulad sa bawat templo.36

Sa paggawa ng pamantayan para sa mga ordenansa, isinasakatuparan ni Brigham ang responsibilidad na ibinigay sa kanya ni Joseph Smith matapos ang mga unang endowment sa Nauvoo. “Hindi wasto ang pagkakaayos nito, ngunit ginawa natin ang lahat ng makakaya natin [sa gitna ng mga] sitwasyon,” sinabi sa kanya ni Joseph noon. “Ninanais ko na iorganisa at ayusin mo ang lahat ng mga seremonyang ito.”37

Nagtrabaho sina Wilford at iba pa sa tungkulin sa loob ng ilang linggo. Matapos isulat ang mga seremonya, binasa nila ang mga ito kay Brigham, na siyang tumanggap o nagtama sa mga ito ayon sa atas ng Espiritu. Nang matapos sila, sinabi ni Brigham kay Wilford, “Ngayon ay nasa inyong harapan ang isang halimbawa upang maipagpatuloy ang mga endowment sa lahat ng mga templo hanggang sa pagparito ng Anak ng Tao.”38