Kasaysayan ng Simbahan
Paalala tungkol sa Sources


“Paalala tungkol sa Sources,” Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846–1893 (2020)

“Paalala tungkol sa Sources,” Mga Banal, Tomo 2

Paalala tungkol sa Sources

Ang tomong ito ay isang likhang pasalaysay na hindi kathang-isip na batay sa mahigit limandaang mapagkukunan o sources ng kasaysayan. Lubos na pag-iingat ang isinagawa upang matiyak ang katumpakan nito. Ang kasaysayan ng Simbahan sa pagitan ng 1846 at 1893 ay nakamamanghang maingat na naitala, na may mga mapagkukunan mula sa mga personal na liham at journal hanggang sa mga ulat sa pahayagan at mga talaan ng mga institusyon tulad ng mga katitikan ng mga pagpupulong. Gayunpaman, hindi dapat kaagad ipagpalagay ng mga mambabasa na ang salaysay na ipinapakita rito ay ganap o kumpleto. Ang mga talaan ng nakaraan, at ang ating kakayahan na maipaliwanag ang mga ito sa kasalukuyan, ay limitado.

Lahat ng mga pinagkunan ng kaalamang pangkasaysayan ay naglalaman ng mga laktaw, kalabuan, at pagkikiling. Karaniwang inilalahad lamang ng mga ito ang pananaw ng kanilang mga manunulat. Dahil dito, ang mga saksi ng mga parehong pangyayari ay naranasan, inalala, at isinulat ang mga ito sa magkakaibang paraan, at ang kanilang magkakaibang pananaw ay nagbigay-daan sa magkakaibang paraan ng pagbibigay-kahulugan sa kasaysayan. Ang hamon ng mga mananalaysay ay tipunin ang mga kilalang pananaw at pagtagpi-tagpiin ang tumpak na pag-unawa sa nakaraan sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri at interpretasyon.

Ang Mga Banal ay isang tunay na kuwento ng kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, batay sa ating nalalaman at nauunawaan sa kasalukuyan mula sa mga nanaig na talaan ng kasaysayan. Hindi ito ang tanging posibleng paglalahad ng banal na kasaysayan ng Simbahan, subalit lubos na kinilala ng mga iskolar na nagsaliksik, sumulat, at namatnugot ng tomong ito ang mga sources ng kasaysayan, mapag-alalang ginamit ang mga ito, at itinala ang mga ito sa mga endnote at listahan ng mga pinagkunan na binanggit. Inaanyayahan ang mga mambabasa na timbangin sa kanilang sarili ang mga sources, na karamihan ay ginawa nang digital at naka-link sa mga endnote. Maaaring ang pagtuklas ng mga karagdagang sources, o mga bagong babasahin tungkol sa mga umiiral na mga sanggunian, sa paglipas ng panahon ay magbibigay ng mga ibang kahulugan, interpretasyon, at posibleng punto de bista.

Ang salaysay sa Mga Banal ay kumukuha sa mga pangunahin at pangalawang pinagkukunan. Ang mga pangunahing mapagkukunan ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga pangyayari mula sa mga mismong taong nakasaksi ng mga ito. Ang ilang mga pangunahing sources, tulad ng mga liham at journal, ay isinulat noong panahon ng mga pangyayaring inilalarawan. Mababanaag sa mga kontemporaryong pinagkukunan ang nasasaisip ng mga tao, nadarama, at ginawa sa sandaling iyon, inihahayag kung paano nailarawan ang nakaraan noong kasalukuyan pa ito. Ang iba pang mga pangunahing mapagkukunan, tulad ng talambuhay, ay isinulat matapos ang mga pangyayari. Inilahad ng mga nakapagpapaalaalang babasahing ito kung ano ang kahulugan ng nakaraan sa manunulat sa paglipas ng panahon, madalas na nagiging mas maigi kung ihahambing sa mga kasalukuyang pinagkukunan sa pagkilala sa kahalagahan ng mga nakaraang pangyayari. Dahil umaasa sila sa alaala, gayunman, ang mga nakapagpapaalaalang mapagkukunan ay maaaring maglaman ng mga kamalian at maiimpluwensiyahan ng kalaunang pang-unawa at paniniwala ng may-akda.

Ang mga pangalawang pinagkukunan ng kasaysayan ay naglalaman ng mga impormasyon mula sa mga taong hindi mismo nakasaksi ng mga pangyayaring inilarawan. Kasama ng mga ganitong pinagkukunan ang mga kasaysayan ng mga pamilya at pang-akademikong gawain. May pagkakautang ang tomong ito sa maraming ganitong uri ng mga pinagkukunan, na naging kapaki-pakinabang para sa mas malawak na kontekstuwal at nagpapaliwanag na gawaing kanilang ibinigay.

Ang bawat pinagkukunan sa Mga Banal ay sinuri para sa kredibilidad, at ang bawat pangungusap ay paulit-ulit na sinuri upang masigurong nakaayon sa mga pinagkukunan. Ang mga linya ng mga diyalogo at iba pang mga sipi ay nagmula mismo sa mga makasaysayang pinagkukunan. Ang pagbabaybay, pagsulat sa malaking titik, at pagbabantas sa mga tuwirang sipi ay tahimik na ginawang moderno nang hindi ipinababatid sa mambabasa upang maging malinaw. Sa ilang mga pagkakataon, ang mga mas makabuluhang pagbabago, tulad ng pag-iiba-iba mula sa pangnagdaang panahunan patungo sa pangkasalukuyan o pagsunod sa pamantayan ng balarila, ay isinagawa sa mga sipi upang mas madaling basahin ang mga ito. Sa ganitong mga sitwasyon, inilalarawan ng mga endnote ang mga pagbabagong ginawa. Ang mga pagpipili sa mga pinagkukunan na gagamitin at kung paano gagamitin ang mga ito ay ginawa ng isang pangkat ng mga mananalaysay, manunulat, at mga patnugot na nagbatay ng mga desisyon kapwa sa katapatan sa kasaysayan at kalidad ng panitikan.

Ilang kumakalabang pinagkukunan ay ginamit upang isulat ang tomong ito at binanggit sa mga tala. Ang mga materyal na ito ay pangunahing ginagamit upang maglarawan sa oposisyon sa Simbahan noong ikalabingsiyam na siglo. Bagama’t sumasalungat sa malaking antas sa Simbahan, ang mga dokumentong ito ay naglalaman ng mga detalye na hindi naitala kahit saan. Ang ilan sa mga detalyeng ito ay ginamit nang makumpirma ng iba pang talaan ang kanilang pangkalahatang katumpakan. Ang mga impormasyong mula sa mga sumasalungat na talaang ito ay ginamit nang hindi ginagamit ang kanilang pasalungat na interpretasyon.

Bilang isang pasalaysay na kasaysayan na isinulat para sa pangkalahatang mambabasa, ipinapakita ng tomong ito ang kasaysayan ng Simbahan sa isang maliwanag at madaling maabot na ayos. Bagaman ginagamit ang mga pamamaraan ng popular na pagkukuwento, hindi ito lumalampas sa mga impormasyon na matatagpuan sa mga pangkasaysayang pinagkukunan. Kapag kasama rin sa teksto maging ang maliliit na detalye, tulad ng ekspresyon ng mukha o kondisyon ng panahon, ito ay dahil ang mga detalye ay matatagpuan o makatwirang nahinuha mula sa tala ng kasaysayan.

Upang mapanatili ang pagiging madaling basahin ng salaysay, bihirang binabanggit ng tomong ito ang mga hamon sa tala ng kasaysayan ng mismong teksto nito. Sa halip, ang gayong talakayan batay sa pinagmulan ay matatagpuan sa mga paksang sanaysay sa saints.ChurchofJesusChrist.org. Hinihikayat ang mga mambabasa na konsultahin ang mga sanaysay na ito habang kanilang pinag-aaralan ang kasaysayan ng Simbahan.