Kasaysayan ng Simbahan
43 Mas Malaking Pangangailangan para sa Pagkakaisa


“Mas Malaking Pangangailangan para sa Pagkakaisa,” kabanata 43 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 43: “Mas Malaking Pangangailangan para sa Pagkakaisa”

Kabanata 43

Mas Malaking Pangangailangan para sa Pagkakaisa

Dalawang lalaki na nagkakamayan

Noong Setyembre 1892, dumating sina Francis Lyman at Anthon Lund sa St. George, Utah. Sa loob ng ilang linggo, binibisita ng dalawang apostol ang mga ward at nagpapayo sa mga Banal sa gitna at katimugang Utah. Nang malapit nang matapos ang Salt Lake temple, sinimulan ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa na hikayatin ang mga Banal upang higit na magkaisa. Subalit sa halip na makatagpo ng pagkakasundo at mabuting kalooban sa kanilang paglalakbay, kadalasang natatagpuan nina Francis at Anthon ang mga ward at branch na puno ng sigalot. Ang St. George ay hindi naiiba.1

Halos lahat ng mga alitan ay dulot ng pulitika. Sa loob ng ilang dekada, ang mga Banal sa Utah ay bumoto para sa mga lokal na kandidato ng People’s Party, isang partidong pampulitika na karamihang binubuo ng mga miyembro ng Simbahan. Subalit noong 1891, binuwag ng mga lider ng Simbahan ang People’s Party at hinikayat ang mga Banal na sumama sa mga Democrat or sa mga Republican, ang dalawang partido na nangunguna sa pulitika sa Estados Unidos. Umasa ang mga lider na ang karagdagang pagkakaiba-iba sa pulitika ng mga Banal ay maaaring dumagdag sa kanilang impluwensya sa mga lokal na halalan at sa Washington, DC. Naniniwala rin sila na ang pagkakaiba-iba ay makatutulong na makamit ng Simbahan ang mga layunin na tulad ng pagiging estado ng Utah at pangkalahatang amnestiya para sa mga Banal na pumasok sa maramihang pag-aasawa bago ang Pahayag.2

Subalit ngayon, sa unang pagkakataon, ang mga Banal ay sangkot sa mga maiinit na tunggalian sa isa’t isa dulot ng magkakaibang pananaw sa pulitika.3 Naligalig si Wilford Woodruff sa mga tunggalian, at hinikayat niya ang mga Banal sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1892 na itigil ang kanilang mga pagtatalo.

“Bawat tao ay may karapatan din—mga propeta, mga apostol, mga banal, at mga makasalanan—sa kanyang mga paniniwala sa pulitika tulad ng mayroon siya sa kanyang mga paniniwala sa relihiyon,” ipinahayag ni Wilford. “Huwag maghagis ng dungis at dumi at walang katuturan sa isa’t isa dahil sa anumang pagkakaiba sa pulitika.”

“Ang kaugaliang iyan ay magdudulot sa atin ng pagkawasak,” babala niya.4

Sa St. George, tulad ng sa ibang lugar, karamihan sa mga Banal ay naniniwala na dapat silang sumapi sa Democratic Party, dahil ang Republican Party ay karaniwang nangunguna sa mga pagsisikap laban sa poligamya na laban sa Simbahan. Sa maraming komunidad, ang nangingibabaw na kaisipan ay ang isang mabuting Banal sa mga Huling Araw ay hindi maaaring maging isang Republican.5

Nais nina Wilford Woodruff at ng iba pang mga lider sa Simbahan na hamunin ang pananaw na ito, lalo na dahil noong panahong iyon ay pinangangasiwaan ang Estados Unidos ng isang Republican na administrasyon.6 Habang mas nalalaman pa nina Anthon at Francis ang tungkol sa sitwasyon sa St. George, nais nilang tulungan ang mga Banal na maunawaan na maaari silang magkaroon ng pagkakaiba-iba sa pulitika nang hindi lumilikha ng kapaitan o paghahati sa loob ng Simbahan.

Noong isang panghapong pulong ng priesthood, ipinaalala ni Francis sa mga lalaki na kailangan ng Simbahan ang mga miyembro sa parehong partido sa pulitika. “Ayaw natin ang sinuman na Democrat na magbago,” tiniyak niya sa kanila. Subalit sinabi niya na ang mga Banal na hindi nakadarama ng matibay na ugnayan sa Democratic Party ay dapat isaalang-alang na sumapi sa mga Republican. “Walang gaanong pagkakaiba sa pagitan ng dalawang partido kaysa sa unang inaakala,” sinabi niya.7

Pagkatapos ay ipinahayag ni Francis ang pagmamahal niya sa lahat ng mga Banal, anuman ang kanilang pananaw sa pulitika. “Hindi natin dapat hayaang manahan sa ating puso ang anumang pait sa bawat isa,” pagbibigay-diin niya.8

Dalawang araw pagkaraan, nagtungo sina Francis at Anthon sa St. George temple. Tumulong sila sa mga pagbibinyag, endowment, at iba pang mga ordenansa. Isang nagbibigay-inspirasyong espiritu ang namayani sa gusali.9

Ito ay ang uri ng espiritu na kailangan ng mga Banal habang naghahanda sila na maglaan sa Panginoon ng isa pang templo.


Sa Lunsod ng Salt Lake, ang mga karpintero, mga elektrisyan, at iba pang mahuhusay na manggagawa ay mabilis na nagtatrabaho upang matiyak na handa para sa paglalaan sa Abril 1893 ang loob ng Salt Lake temple. Noong ika-8 ng Setyembre, nilibot ng Unang Panguluhan ang gusali kasama ang arkitektong si Joseph Don Carlos Young at iba pa. Habang naglalakad sila mula sa isang silid patungo sa isa pa, sinisiyasat ang mga ginagawa, nalulugod ang mga miyembro ng panguluhan sa kanilang nakita.

“Ang lahat ng ginagawa ay malapit nang matapos,” itinala ni George Q. Cannon sa kanyang journal.

Partikular na humanga si George sa mga makabagong katangian ng templo. “Nakakagulat kung anong mga pagbabago ang naganap sa pamamagitan ng mga imbensiyon mula nang iginuhit ang unang plano ng templo,” isinulat niya. Si Truman Angell, ang orihinal na arkitekto ng templo, ay nilayong painitan at bigyang-liwanag ang templo sa pamamagitan ng mga kalan at kandila. Ngayon hinahayaan ng mga bagong teknolohiya ang mga Banal na magkabit ng mga de-kuryenteng ilaw at isang sistema ng pagpapainit na pinatatakbo ng singaw sa buong gusali. Nagkakabit din ang mga manggagawa ng dalawang elevator upang tulungan ang mga tao na lumipat mula sa isang palapag patungo sa iba.10

Gayunman, ang mga pondo para sa pagtatayo ay lubos na nasaid na, at may mga taong nagduda kung ang Simbahan ay may mga mapagkukunan upang tapusin ang templo sa loob ng anim na buwan bago ang paglalaan. Simula noong 1890, namuhunan nang husto ang Unang Panguluhan sa isang pabrika ng mga sugar beet sa timog ng Lunsod ng Salt Lake, umaasa na umani ng mga pananim na malaki ang kita para sa mga lokal na magsasaka at lumikha ng mga bagong trabaho para sa mga taong maaaring kailangang lumayo mula sa Utah para sa mas magandang oportunidad. Ang pamumuhunang ito, pati na ang pagkawala ng mga ari-arian ng Simbahan na kinumpiska ng pamahalaan, ay nagtulot sa mga lider ng Simbahan na kulangin sa mahahalagang mapagkukunan na maaari nilang magamit sana sa pagtatayo ng templo.11

Ang mga Relief Society, mga Mutual Improvement Association, mga Primary, at mga Sunday School ay sumubok na maibsan ang pinansiyal na pasanin sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga donasyon para sa pondo ng templo. Subalit marami pa ang kailangang gawin.

Noong ika-10 ng Oktubre, nakipagpulong ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa sa iba pang mga lider ng Simbahan, kabilang na ang mga stake president at bishop, sa malaki at bahagyang tapos na silid ng pagpupulong sa itaas na palapag ng templo. Ang layunin ng pagpupulong ay upang hikayatin ang mga lokal na lider na mangalap ng pondo para sa templo.12

Hindi nagtagal matapos simulan ni George Q. Cannon ang pulong, si John Winder, isang tagapayo sa Presiding Bishopric, ay iniulat sa kapulungan na kakailanganin ang hindi bababa sa karagdagang $175,000 bago matapos ang templo. Ang paglalagay ng muwebles sa loob ay mangangailangan pa ng higit na halaga.

Iwinika ni Wilford Woodruff ang kanyang tapat na hangarin na matapos ang pagtatayo ng templo sa takdang oras. Pagkatapos ay hinikayat ni George ang mga lalaki sa silid na gamitin ang kanilang impluwensya upang malikom ang kinakailangang pondo. Bawat stake ay inaasahan na makalikom ng isang tiyak na halaga batay sa laki nito at sa kakayahan ng bawat pamilya.

Malakas na nadama ng bawat lalaki sa silid ang espiritu at sumang-ayon silang tumulong. Isang lalaki, si John R. Murdock, ang nagmungkahi na lahat ng mga naroon ay magsabi kung magkano ang kanilang handang ibigay na personal na donasyon sa templo. Isa-isa, ang mga lider ng Simbahan ay mapagbigay na nagwika, nangangako ng kabuuang kontribusyon ng mahigit $50,000.

Bago matapos ang pulong, sinabi ni George, “Hindi pa nagkakaroon ng panahon mula nang maorganisa ang Simbahan, sa aking opinyon, kung saan nagkaroon ng mas malaking pangangailangan para sa pagkakaisa sa Simbahan kaysa ngayon.” Nagpatotoo siya na ang Unang Panguluhan ay nagkakaisa at patuloy na naghahangad na malaman ang isipan at kalooban ng Panginoon kung paano pamahalaan ang Simbahan.

“Pinagpala tayo ng Panginoon at kinilala ang ating mga pagsisikap,” sinabi niya. “Iwinika niya sa atin, sa bawat araw, ang landas na dapat nating tahakin.”13


Kabilang sa mga karpintero na nagtatrabaho sa templo si Joseph Dean, ang dating pangulo ng Samoan mission. Bumalik si Joseph mula sa Pasipiko dalawang taon na ang nakararaan. Sa loob ng ilang panahon, nahirapan siyang maghanap ng trabaho upang suportahan ang kanyang mga asawa, sina Sally at Florence, at pitong anak. Noong natanggap siya na magtrabaho sa templo noong Pebrero 1892, ang trabaho ay isang malaking pagpapala. Subalit ang kanyang suweldo at ang kita ni Sally mula sa pananahi at paggawa ng bestida ay halos hindi sapat upang tustusan ang pagkain, tirahan, at madamitan ang malaking pamilya.14

Noong taglagas ng 1892, inaprubahan ng Unang Panguluhan ang sampung porsiyentong pagtaas ng sahod sa mga nagtatayo ng templo upang matiyak na binabayaran sila katulad ng ibang mga manggagawa sa industriya. Para sa ilang lalaki, ito ay ang pinakamataas na suweldo na naibayad sa kanila.15 Nagpapasalamat sina Joseph at kanyang mga asawa sa karagdagang sahod, ngunit patuloy pa rin silang hirap na pagkasyahin ang pera.

Gayunman, buong katapatan nilang binayaran ang kanilang ikapu, at nag-ambag pa ng dalawampu’t limang dolyar para sa pondo ng templo.16

Noong ika-1 ng Disyembre, tinanggap ni Joseph ang kanyang buwanang sahod na $98.17. Pagkatapos ng trabaho, nagpunta siya sa isang kalapit na tindahan upang bayaran ang utang na limang dolyar. Ang may-ari ng tindahan ay bishop ni Joseph, at sa halip na tanggapin na lamang ang bayad, sinabi sa kanya ng bishop na kamakailan lamang ay pinakiusapan ng stake president ang bawat pamilya sa stake na mag-ambag ng isang partikular na halaga ng pera sa Simbahan para sa pagtatayo ng templo. Si Joseph at ang kanyang pamilya ay hinilingang mag-ambag ng isandaang dolyar.

Natigilan si Joseph. Kapapanganak pa lamang ni Sally, at kailangan pang magbayad ni Joseph sa doktor. Siya rin ay may utang sa limang iba pang mga tindahan at sa upa sa bahay ni Florence. Kapag pinagsama-sama, ang babayaran sa lahat ng kanyang mga utang ay lampas sa kanyang buwanang suweldo, na kung saan ito mismo ay mas mababa sa hinihiling na donasyon ng stake. Paano niya magagawang makapag-ambag ng gayon kalaki—lalo na pagkatapos mag-ambag ng kanyang pamilya ng dalawampu’t limang dolyar kapalit ang malaking sakripisyo?

Mahirap mang matugunan ang kanyang obligasyon, sumang-ayon si Joseph na maghanap ng paraan para malikom ang pera. “Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko,” isinulat niya noog gabing iyon sa kanyang journal, “at magtitiwala sa Panginoon na tulungan akong malampasan ito.”17


Noong Enerong iyon, si Maihea, isang matandang pinuno ng mga Banal sa mga isla ng Tuamotu, ay nagpatawag ng kumperensya sa Faaite, isang atoll na mga 480 kilometro sa hilagang-silangan ng Tahiti. Umulan nang malakas sa mga araw bago ang kumperensya, subalit ang mga determinadong Banal ay hindi hinayaan ang panahon na pigilan sila sa pagdalo.18

Isang umaga bago ang kumperensya, isang malamig na simoy ng hangin ang naghatid ng apat na bangka sa Faaite mula sa Takaroa, isang atoll dalawang araw patungong hilaga. Nalaman ni Maihea na kasama sa mga bagong dating na Banal ang apat na puting lalaki na nagsasabing sila ay mga missionary ng Simbahan, na may awtoridad na ituro ang ipinanumbalik na ebanghelyo.19

Nagduda si Maihea. Pitong taon na ang nakararaan, isang missionary ng Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints ang dumating sa kanyang nayon sa kalapit na Anaa atoll. Inanyayahan ng missionary ang mga Banal sa Anaa na sumama sa kanya sa pagsamba, nagpapanggap na inihiwalay nina Brigham Young at ng mga Banal sa Utah ang kanilang mga sarili mula sa tunay na Simbahan ni Cristo. Maraming Banal ang tumanggap sa kanyang paanyaya. Subalit tinanggihan ito nina Maihea at ng iba pa, ginugunita na nagpadala si Brigham Young ng mga missionary na nagturo sa kanila ng ebanghelyo.20

Hindi tiyak kung ang mga bagong missionary na ito ay tunay na kinatawan ng Simbahan, malamig silang sinalubong nina Maihea at ng mga Banal ng Tuamotu, nagbigay lamang sa kanila ng hilaw na niyog upang kainin. Hindi nagtagal, gayunman, nalaman ni Maihea na ang pinakamatandang missionary ay isang lalaking may iisang binti na nagngangalang James Brown, o Iakabo, na siyang pangalan ng isa sa mga missionary na nagturo sa kanya ng ebanghelyo. Maging ang mga Banal na napakabata pa para makilala si James Brown nang personal ay narinig ang nakatatandang henerasyon na sambitin ang kanyang pangalan.

Dahil si Maihea ay hindi nakakakita at hindi kayang makilala ang mga missionary sa pamamagitan ng paningin, hinarap niya ito gamit ang mga tanong.21 “Kung kayo ay siya ring naging kasama namin noon, nawala ang isa mong binti,” sabi ni Maihea, “sapagka’t ang Iakabo na dati kong kilala ay may dalawang paa.”

Pagkatapos ay tinanong ni Maihea si James kung itinuro niya ang gayunding doktrina na itinuro ng lalaking nagbinyag sa kanya maraming taon na ang nakararaan.

Sumagot si James na ginawa niya.

Patuloy ang mga tanong ni Maihea: Ikaw ba ay nagmula sa Lunsod ng Salt Lake? Sino ang kasalukuyang pangulo ng Simbahan ngayong pumanaw na si Brigham Young? Anong kamay ang iyong itinataas kapag nagbibinyag ka? Totoo ba na ikaw ay naniniwala sa maramihang pag-aasawa?

Sinagot ni James ang bawat tanong, ngunit nanatiling hindi nasisiyahan si Maihea. “Ano ang pangalan ng nayon kung saan ka dinakip ng mga Pranses?” tanong niya. Minsan pa, sinagot ni James ang tanong nang tama.

Sa wakas, naglaho na ang takot ni Maihea, at may kagalakan niyang kinamayan si James. “Kung ikaw ay hindi dumating at napatunayan sa amin na ikaw ay ang parehong lalaking nandito noon, magiging walang saysay na ipadala ang mga kabataang lalaking narito,” sabi niya, tinutukoy ang mga missionary na kasama ni James, “sapagka’t hindi namin sila tatanggapin.”

“Subalit ngayon,” sinabi ng Maihea, “tinatanggap namin kayo. Tinatanggap din namin ang mga kabataang lalaking ito.”22


Noon ding buwang iyon, bumisita sina Anthon Lund, Francis Lyman, at B. H. Roberts sa Manassa, Colorado, sa kahilingan ng Unang Panguluhan. Apat na buwan na ang lumipas mula nang hiniling nina Anthon at Francis sa mga Banal sa St. George na tumigil sa pagtatalo tungkol sa pulitika. Simula noon, ang mga katulad na salungatan ay patuloy na gumugulo sa Manassa at iba pang mga komunidad ng mga Banal. Ngayon, mahigit dalawang buwan na lamang bago ang paglalaan ng Salt Lake temple, nangangamba ang mga lider ng Simbahan na ang mga komunidad na ito ay hindi magiging handa para sa paglalaan kung sila ay hindi magkakaisa sa pagsasama at pagmamahal.23

Sa Manassa, nakipagtipon ang iba’t ibang Banal sa tatlong lider ng Simbahan upang ipabatid ang kanilang mga hinanakit. Gumugol si Anthon nang hanggang sampung oras sa ilang araw upang makinig sa mga paratang at kontra-paratang na may kaugnayan sa pulitika, negosyo, at mga personal na alitan. Sa bilang niya ay may kabuuang animnapu’t limang tig-iisang di pagkakaunawaan ang nais ng mga Banal sa Manassa na ayusin ng mga lider ng Simbahan.24

Matapos repasuhin ang bawat kaso, sinubukan niya at ng kanyang mga kasama na lutasin ang mga pinakanakapaghahati na reklamo. Ilang Banal ang sarilinang nag-ayos ng kanilang hindi pagkakasundo o pumayag na humingi ng paumanhin nang hayagan sa mga bagay na kanilang sinabi at ginawa. Ang iba, bagama’t ay hindi masaya sa iminungkahing solusyon, ay mapagpakumbabang nangakong susundin ito.25

Makaraan ang dalawang linggo, naniwala sina Anthon, Francis, at B. H. na kanilang nagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang mga Banal sa Manassa. Gayunman, alam nila na maraming maliliit na hidwaan ang naiwan. “Nananawagan kami sa inyo upang gamitin ang lahat ng inyong lakas na maisaayos ang anumang umiiral pang tunggalian,” iniatas nila sa lokal na panguluhan ng stake, “at pag-isahin ang mga tao sa diwa ng ebanghelyo.”26

Sinamahan ni B. H. sina Anthon at Francis patungo sa kanilang tren, subalit hindi siya bumalik kasama nila. Ang kanyang pangalawang asawa, si Celia, at kanilang mga anak ay naninirahan sa Manassa, at nais niyang magpalipas ng ilang araw kasama nila.27

Nang makabalik siya sa Utah, bumaling si B. H. sa kanyang journal upang pagmunihan ang kanyang mga pagsisikap na madaig ang mga problema at magkaroon ng kapayapaan sa kanyang sariling buhay. Sa loob ng mahigit isang taon, nahirapan siya nang lubos sa kanyang pagsisikap na suportahan ang Pahayag. Lumambot na ang kanyang puso, nang paunti-unti, habang ginugunita niya ang mga espirituwal na pagpapatibay na kanyang natanggap tulad ng mabilis na liwanag nang una niyang marinig ang pagbabago.

“Marahil ay nagkamali ako nang ilayo ko mula sa akin ang unang patotoong natanggap ko kaugnay nito, at hinayaan ang aking maling palagay, at kakitiran ng isipan at pangangatwiran bilang tao na sumalungat sa inspirasyong mula sa Diyos,” isinulat ni B. H.

“Hindi ko naunawaan ang mga layunin na nagpalabas ng Pahayag. Hindi ko alam hanggang sa araw na ito,” ipinagpatuloy niya. “Subalit tiyak ako na lahat ay ayos lamang. Na ang Diyos ay may layunin dito na nakadama ako ng katiyakan, at sa tamang panahon ito ay aking mauunawaan.”28


Noong Enero 5, 1893, nalaman ni Joseph Dean na ang pangulo ng Estados Unidos na si Benjamin Harrison ay lumagda ng isang pagpapahayag ng pangkalahatang amnestiya, nagbibigay ng kapatawaran sa mga Banal na nagsabuhay ng maramihang pag-aasawa ngunit itinigil ang pagsasama sa iisang bahay pagkatapos ng Pahayag.29

Ipinagbigay-alam ng pangulo sa mga lider ng Simbahan ilang buwan bago noon na kanyang lalagdaan ang proklamasyon. Sa parehong opisyal na dokumento, pinakiusapan nito ang Unang Panguluhan na ipagdasal ang kanyang asawa, si Caroline, na malapit nang pumanaw. Matapos ang ilang taon ng alitan sa pagitan ng mga Banal at ng pamahalaan, nagulat ang Unang Panguluhan sa pakiusap—at nalugod na gawin ito.30

Para kay Joseph, ang proklamasyon ng amnestiya ay may maliit na epekto, dahil hindi niya iniwan ang kanyang maramihang pamilya matapos ang Pahayag. Subalit kinilala ng Deseret News at iba pang mga pahayagan sa Utah ang simbolikong kahalagahan ng proklamasyon, at hinikayat ng mga artikulo ang mga Banal na magpasalamat kay Pangulong Harrison sa kanyang tapat na pagbibigay nito.31

Samantala, sina Joseph at iba pang mga manggagawa ay pinalawig ang kanilang mga araw ng paggawa ng dalawang oras upang matapos ang Salt Lake temple pagdating ng ika-6 ng Abril. Binisita ng Unang Panguluhan ang lugar na pinagtatayuan, sinusuri ang mga detalye at hinihikayat ang mga manggagawa sa kanilang mga pagsisikap.32

Si Joseph, sa kanyang bahagi, ay determinadong gawin ang lahat ng kanyang makakaya upang itayo ang templo at tuparin ang kanyang pangako na mag-ambag ng isandaang dolyar para matapos ito. Noong Pebrero, kinansela ni apostol John W. Taylor ang isandaang dolyar na halaga ng tubo sa isang utang na ibinigay niya kay Joseph, at agad itong nakita ni Joseph bilang isang pagpapala. “Itinuturing ko na isinauli sa akin ng Panginoon ang salapi,” isinulat niya sa kanyang journal.33

Sa kalagitnaan ng Marso, nagbayad si Joseph ng pitumpu’t limang dolyar para sa pagtatayo ng templo, at inaasam niyang bayaran ang natitirang dalawampu’t limang dolyar sa buwan sa Abril, bago ang pagtatapos ng templo. Isinama rin niya ang dalawa sa kanyang mga anak upang silipin ang loob ng templo. Sa silid ng bautismuhan, ipinakita niya sa kanila ang isang malaking bautismuhan na nakapatong sa likod ng labindalawang baka ng hinulmang bakal—isang bagay na tumakot sa kanyang limang taong gulang na anak, si Jasper, na iniisip na ang mga hayop na ito ay totoo.34

Sa isang silid ng endowment sa silong ng templo, ipinipinta ng mga pintor ang magagandang mural na kumakatawan sa Halamanan ng Eden, na may mga talon, madadamong parang, at dumadalisdis na burol. Isang hagdanan mula sa silid na ito ay humahantong sa isa pang silid ng endowment, kung saan ang mga karagdagang mural ng disyerto, matutulis na talampas, mababangis na hayop, at maiitim na ulap ay inilalarawan ang buhay matapos ang Pagkahulog. Bago sinimulan ang mga mural, karamihan sa mga pintor ay itinalaga ng Unang Panguluhan at tumanggap ng pagsasanay na pinakamagaling sa mundo mula sa mga guro ng sining sa Paris.35

Malapit sa pagtatapos ng Marso 1893, tinawag ni Bishop John Winder ang mga manggagawa at pinayuhan sila na lutasin ang anumang hinanakit o negatibong damdamin sa pagitan nila. Kailangan ang pisikal na kahandaan para sa paglalaan ng templo, ngunit kailangan ding maging handa sa espirituwal ang mga manggagawa.36

Upang tulungan ang lahat ng mga Banal na ipagkasundo ang kanilang mga sarili sa Diyos at sa isa’t isa, tumawag ang Unang Panguluhan ng isang natatanging ayuno sa buong Simbahan na magaganap labindalawang araw bago ang paglalaan.

“Bago pumasok sa templo upang ipakilala ang ating sarili sa harapan ng Panginoon sa kapita-pitagang kapulungan,” isinulat nila sa isang liham sa lahat ng miyembro ng Simbahan, “ating aalisin sa ating mga sarili ang bawat magagaspang at masasakit na damdamin laban sa isa’t isa.”37

Noong araw ng ayuno, isang Sabado, sina Sally at Florence Dean ay nagtipon kasama ang iba pang mga Banal upang umawit, magsalita, at manalangin. Ngunit hindi sila masamahan ni Joseph. Napakaraming gawain na dapat gawin sa loob ng templo, at siya at ang kanyang mga katrabaho ay nagsikap sa buong maghapon, na nag-aayuno.38

Sa mga sumunod na araw, tumulong si Joseph sa pagkakabit ng mga sahig habang ang mga gurpo ng tagalatag ng alpombra, mga tagakabit ng kurtina, mga pintor, mga tagalagay ng ginto, at mga elektrisiyan ay nagmamadaling umiikot upang tapusin ang mga huling gawain. Pagkatapos ay isang komite ng mga kalalakihan at kababaihan ang pinalamutian ang mga silid ng mga eleganteng kasangkapan at iba pang mga dekorasyon. Kasama sa mga gamit na maaari nilang gamitin ay mga sedang takip sa altar at iba pang mga gawang-kamay na donasyon ng mga kababaihan mula sa mga ward sa buong lunsod.

May mga karagdagang trabaho pa rin ang kailangang gawin pagkatapos ng paglalaan, subalit nakatitiyak si Joseph na ang templo ay magiging handang magbukas ng mga pintuan nito sa itinakdang araw. “Ang mga bagay ay maayos na natatapos kung gayon,” isinulat niya.39


Noong araw ng ayuno ng buong Simbahan, tumanggap si Susa Gates ng liham mula sa kanyang labinsiyam na taong gulang na anak, si Leah, na humihiling ng pakikipagkasundo. Noong panahong iyon, nakatira si Susa sa Provo habang nag-aaral si Leah sa kolehiyo sa Lunsod ng Salt Lake. “Hindi ko naisip,” isinulat ni Leah, “na ang sarili kong ina ay taong pagmamakaawaan kong hingan ng kapatawaran at indulto para sa aking pagiging manhid at mga hinaing.”40

Noong naunang bahagi ng linggong iyon, nakipagtalo si Susa kay Leah tungkol sa ama ni Leah, si Alma Dunford. Ilang taon bago iyon, nakipagdiborsyo si Susa kay Alma nang hindi na niya matiis ang pag-iinom at pang-aabuso nito. Gayunpaman, nakuha ni Alma ang kustodiya kay Leah, kung kaya ay lumaki siya sa pamilya ng kanyang ama, malayo kay Susa.

Mula noon ay nag-asawa nang muli si Alma at nagkaroon ng mas maraming anak. Bagama’t patuloy siyang nahihirapang sundin ang Word of Wisdom, si Alma ay naging mabait na asawa at ama na maayos na naitataguyod ang kanyang pamilya at pinalaki sila sa Simbahan. Mahal siya ni Leah at iba ang turing niya rito kaysa sa pagturing ng kanyang ina rito. “Batid ninyo ang aking damdamin, at hindi ko mapigilan ang magbahagi,” sinabi ni Leah kay Susa. “Mahal ko ang aking ina nang higit sa aking masasabi, subalit mahal ko rin ang aking ama.”

Gayunpaman, matapos ang pagtatalo, nadama ni Leah na kailangan niyang humingi ng paumanhin. “Ako ay buong pagpapakumbaba at tunay na nagsisisi at nakikiusap na inyong papatawarin at lilimutin,” isinulat niya.41

Habang binabasa ni Susa ang liham, siya ay nalulungkot na ang kanyang anak ay nabibigatan sa kalungkutan. Ang ama ni Susa, si Brigham Young, ay pinayuhan siyang laging unahin ang kanyang pamilya, nangangako na ang bawat dakilang bagay na kanyang magagawa paglaon ay idadagdag sa kanyang kaluwalhatian. Mula noon, nakatagpo ng tagumpay si Susa sa loob at labas ng tahanan. Sa edad na tatlumpu’t pito, mayroon siyang magiliw na pagsasama ng mag-asawa, may buhay na anim na anak at nagdadalantaong muli, at pagkilala bilang isa sa pinakamahuhusay at malikhaing manunulat sa Simbahan.42

Subalit sa lahat ng kanyang tagumpay, kung minsan ay pakiramdam ni Susa na siya ay nagkukulang sa kanyang mataas na inaasahan sa isang ulirang ina. Ang ugnayan niya kay Leah ay partikular na mahirap. Sa loob ng maraming taon matapos ang diborsyo, hindi nila nagawang makipag-ugnayan nang personal. Gayunpaman, noong labinlimang taong gulang si Leah ay nakipag-ayos si Susa ng isang pulong sa Lion House, kung saan sila nagyakapan at napaiyak sa galak. Mula noon, nakatamasa sina Susa at Leah ng isang mapagmahal at magiliw na relasyon, at kung minsan dama nila na mas katulad nila ang magkapatid kaysa sa ina at anak.43

Noong Sabado, ika-25 ng Marso, dumalo si Susa sa natatanging pulong-ayuno sa kasama ang kanyang kapwa mga Banal sa Provo. Si Leah ay hindi nalalayo sa kanyang isipan. Natanto ni Susa na gagawin ng kaaway ang lahat ng makakaya nito upang sirain ang mga bigkis ng pagmamahal na kamakailan lamang ay nabuo sa pagitan niya at ng kanyang panganay na anak na babae, at hindi niya ito tutulutan.

Sa pinakamabilis na panahon na kaya niya, tumugon siya sa liham ni Leah. “Aking pinakamamahal at ginigiliw na anak,” isinulat niya, “dapat mong malaman na nadaragdagan ang aking pagmamahal sa iyo sa paglipas ng bawat araw.” Siya naman ay humingi ng tawad kay Leah at nangako na mas magsisikap pa. “Alam ko na ako ay malayo sa pagiging perpekto,” pag-amin niya. “Marahil ang pinakamasakit mula sa iyong mga salita, para sa akin, ay ang katotohanan na kahit paano ay karapat-dapat ito para sa akin.”

“Sa ating panalangin at kaunting pagsisikap, matutuhan natin na huwag nang pagtalunan pa ang mga ito,” isinulat niya. “Bigyan mo ako ng isang halik at huwag nang banggitin ito magpakailanman.”44