“Salita at Kalooban ng Panginoon,” kabanata 3 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)
Kabanata 3: “Salita at Kalooban ng Panginoon”
Kabanata 3
Salita at Kalooban ng Panginoon
Dumating sina Wilford at Phebe Woodruff sa Ilog Missouri kasama ang kanilang mga anak noong unang bahagi ng Hulyo 1846. Bigong mahikayat ang kanyang kapatid at bayaw na sumunod sa mga apostol sa halip na kay James Strang, nilisan kaagad ni Wilford ang Nauvoo pagkatapos ng paglalaan ng templo kasama ang kanyang mga magulang at iba pang mga Banal.
Ang kanilang pagdating sa kampo ay kasabay ng paglisan ni William Hendricks at ng iba pang mga bagong kasapi ng militar. Binansagang Batalyong Mormon, binubuo sila ng mahigit limandaang katao. Umarkila ang batalyon ng dalawampung kababaihan upang maging mga tagalaba. Sinamahan ng iba pang mga kababaihan ang kanilang mga asawa sa pagmamartsa, at dinala ng ilan ang kanilang mga anak. Sa kabuuan, higit sa tatlumpung kababaihan ang naglakbay kasama ng batalyon.1
Noong una ay nagduda si Wilford sa pagsisikap ng pamahalaan na kumuha ng mga kalalakihang Banal sa mga Huling Araw. Ngunit nagbago kaagad ang kanyang isip, lalo na pagkatapos bumisita ni Thomas Kane sa kampo. Bagama’t hindi masyadong interesado si Thomas tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, naging kasangkapan siya sa paghikayat sa gobyerno na tulungan ang Simbahan. Matindi ang kanyang pagmamalasakit tungkol sa paglaban sa kawalan ng katarungan, at tunay siyang sabik na tulungan ang mga Banal sa kanilang maralitang kalagayan.
Napahanga kaagad ni Thomas ang mga apostol. “Mula sa impormasyong natanggap namin mula sa kanya,” itinala ni Wilford sa kanyang journal, “nakumbinsi kami na sinimulan na ng Diyos na palambutin ang puso ng pangulo at ng mga iba pa sa bansang ito.”2
Tatlong araw bago humayo ang batalyon, nagsalita si Brigham Young sa mga pinuno nito. Pinayuhan niya ang mga ito na panatilihing malinis ang kanilang mga katawan, na maging malinis ang puri, at na isuot ang kanilang mga temple garment kung sila ay nakatanggap na ng endowment. Sinabihan niya sila na makitungo nang marangal sa mga Mehikano at huwag makipagtalo sa mga ito. “Pakitunguhan ang mga bihag nang may lubos na paggalang,” sabi niya, “at huwag kumitil ng buhay, kung maiiwasan ito.”
Gayunman, tiniyak ni Brigham sa mga kalalakihan na hindi sila makikipaglaban. Hinikayat niya silang gampanan ang kanilang mga tungkulin nang hindi nagrereklamo, manalangin araw-araw, at dalhin ang kanilang mga banal na kasulatan.3
Matapos magmartsa paalis ang batalyon, muling itinuon ni Brigham ang kanyang pansin sa susunod na yugto ng paglalakbay ng mga Banal. Dahil sa pakikipagtulungan sa Estados Unidos, nakakuha siya ng pahintulot na magtayo ng kampo para sa taglamig sa mga lupain ng mga Indian sa kanlurang bahagi ng Ilog Missouri. Nagplano siya ngayon na hayaan ang mga Banal na magpalipas ng taglamig sa lugar na tinatawag na Grand Island, mga 320 kilometro sa kanluran, at mula roon ay magpadala ng paunang grupo sa Rocky Mountains.4
Habang magkakasamang nagpupulong ang mga apostol, nagsalita si Wilford tungkol sa ibang mahahalagang bagay sa Simbahan na nangangailangan ng kanilang agarang pansin. Maraming Banal na British ang nagalit kay Reuben Hedlock, ang lalaking hinirang ni Wilford na mamuno sa British mission, dahil sa pag-aaksaya nito ng pera na inilaan nila para sa pandarayuhan. Nakinita ni Wilford ang mga magiging problema sa loob ng mission, kabilang na ang pagkawala ng maraming bagong binyag, hangga’t hindi pa natatanggal si Reuben at napapalitan ng mas responsableng lider.5
Batid din ng korum na ang mga Banal na naghihikahos sa buhay ay nasa Nauvoo pa rin at nasa kamay ng mga mandurumog at ng mga bulaang propeta. Kung wala nang ibang gagawin ang mga apostol para matulungan ang mga Banal na ito, tulad ng ipinangako nila sa templo sa kumperensya ng Oktubre, hindi matutupad ng korum ang isang sagradong tipan sa mga Banal at sa Panginoon.6
Kumikilos nang walang pag-aalinlangan, nagpasiya ang korum na magpadala sa England ng tatlo sa mga apostol na nasa kampo—sina Parley Pratt, Orson Hyde, at John Taylor—upang pamunuan ang British mission. Pagkatapos ay nagpadala sila ng mga bagon, mga pangkat ng mga hayop, at mga panustos pabalik sa Nauvoo para mailikas ang mga maralita.7
Habang nagpapadala ang korum ng mga tauhan at pagkain sa silangan, napagtanto ni Brigham na ang kanyang plano na maglakbay nang mas malayo pakanluran noong taong iyon ay hindi na posible, lalo na at nabawasan ang bilang ng malalakas na kalalakihan sa kampo dahil sa batalyon. Inirekomenda ni Thomas Kane ang pagtatayo ng kanilang kampo para sa taglamig sa may Ilog Missouri, at sa huli ay pumayag din si Brigham.8
Noong Agosto 9, 1846, ipinahayag ng mga apostol na magpapalipas ang mga Banal ng taglamig sa isang pansamantalang tirahan sa kanluran ng ilog. Nais ni Brigham na pumunta sa Rocky Mountains at magtayo ng templo sa lalong madaling panahon. Ngunit bago iyon, titipunin niya muna ang mga Banal at pangangalagaan niya muna ang mga maralita.9
Noong panahong iyon, nabalot ng hamog ang Brooklyn habang naglalayag ito sa gitna ng Look ng San Francisco, anim na nakapapagod na buwan matapos ang paglisan nito sa Daungan ng New York. Nakatayo sa kubyerta ng barko, sumilip si Sam Brannan sa gitna ng manipis na ulap at nasulyapan niya ang isang baku-bakong baybayin. Sa bandang loob ng look, nakakita siya ng isang gumuguhong kuta ng mga Mehikano. Namamayagpag sa hangin sa itaas nito ang bandila ng Amerika.10
Noon pa natatakot si Sam na may mangyayaring tulad nito. Ang bandila ay isang tiyak na sagisag na nakuha na ng Estados Unidos ang San Francisco mula sa Mexico. Nalaman niya ang tungkol sa digmaan laban sa Mexico noong dumaong ang Brooklyn sa mga Isla ng Hawaii. Doon ay sinabi ng kumander ng isang barkong pandigma ng Amerika na inaasahan ang mga Banal na tutulong sa hukbo ng Estados Unidos sa pagkuha ng California mula sa mga Mehikano. Dahil sa balitang iyon nagalit ang mga Banal, na hindi naglakbay pakanluran upang lumaban para sa isang bansa na nagtakwil sa kanila.11
Habang naglalayag sila nang mas malayo papasok sa look, nakakita si Sam ng mga puno sa mabuhanging baybayin at ng ilang mga pagala-galang hayop. Sa di-kalayuan, sa pagitan ng ilang mga burol, matatagpuan ang Yerba Buena, isang lumang bayan ng mga Espanyol.
Dumaong ang Brooklyn sa pantalan, at bumaba mula sa barko ang mga Banal kalaunan noong hapong iyon. Sila ay nagtayo ng mga tolda sa mga burol sa labas ng Yerba Buena o nakahanap ng kanlungan sa mga abandonadong tahanan at sa isang dating kampo ng mga hukbo sa di-kalayuan. Gamit ang mga kasangkapan na dala nila mula sa New York, nagtayo ang mga Banal ng mga gilingan at ng isang limbagan. Nakahanap din ang ilan sa kanila ng trabaho sa mga naninirahan sa bayan.12
Bagama’t nalulungkot dahil ngayon ay kabilang na ang baybayin ng California sa Estados Unidos, determinado si Sam na itatag ang kaharian ng Diyos doon. Nagpadala siya ng isang grupo ng mga kalalakihan sa isang lambak sa silangan ng look, na kailangang lakbayin ng ilang araw bago marating, upang magtatag ng isang pamayanan na tinatawag na New Hope. Doon ay nagtayo sila ng isang lagarian at ng isang kubo, pagkatapos ay nilinis nila ang mga lupain at nagpunla sila ng ilang ektarya ng trigo at iba pang pananim.
Nais magsama ni Sam ng ilang mga kalalakihan sa silangan para hanapin si Brigham at pangunahan ang ibang mga Banal patungo sa California sa oras na matunaw ang niyebe sa mga bundok sa susunod na taon. Nabighani ng mainam na klima, matabang lupa, at maayos na daungan, naniwala siyang ang mga tao ng Panginoon ay wala nang mahihiling pang mas mainam na lugar ng pagtitipon.13
Noong tag-init na iyon, si Louisa Pratt at ang kanyang mga anak na babae ay nagkampo sa pahingahan sa Bundok ng Pisgah sa daan ng Iowa. Maganda ang lugar, ngunit maligamgam ang tubig at masama ang lasa nito. Hindi nagtagal ay kumalat ang sakit sa pamayanan, at maraming Banal ang namatay. Nakaalis ang pamilya ni Louisa nang may mabuting kalusugan noong unang bahagi ng Agosto, ngunit nalungkot sila dahil marami silang maysakit na kaibigan na naiwan.
Kalaunan ay nagkampo ang grupo ni Louisa sa tabi ng isang sapa na pinamumugaran ng lamok, at di-nagtagal ay nilagnat siya at ang iba pa. Tumigil ang grupo para magpahinga at pagkatapos ay nagpatuloy ito sa Ilog Missouri, kung saan ang isang mahabang hanay ng mga bagon ay naghihintay na maitawid ng mga bangka. Nang sa wakas ay pagkakataon na ni Louisa, may nanakot sa baka, na naging sanhi ng malaking kaguluhan sa bangka at nagpalubha sa karamdaman ni Louisa.
Sa kabilang panig ng ilog, tumaas ang lagnat ni Louisa, kaya hirap siyang makatulog. Bandang hatinggabi, nagising ng kanyang hinagpis ang asawa ng mamamangka, na natagpuan siya sa kakila-kilabot na kalagayan. Agad na inutusan ng babae ang mga anak ni Louisa na gumawa ng isang hiwalay na higaan para sa kanilang mga sarili upang makapagpahinga ang kanilang ina. Pagkatapos ay binigyan niya si Louisa ng mainit na kape at kaunting pagkain upang mapasigla ito.14
Kinabukasan, dumating ang grupo sa bagong pamayanan ng mga Banal, ang Winter Quarters, ang pinakamalaki sa ilang pamayanan ng mga Banal sa tabi ng Ilog Missouri. Humigit-kumulang dalawang libo at limang daang katao ang namuhay sa Winter Quarters sa lupaing pinaghahatian ng mga Omaha at ng iba pang lokal na tribu ng mga Indian.15 Ang karamihan sa mga Banal ay nanirahan sa mga kubo na yari sa troso o sa lupang madamo, ngunit ang ilan ay nanirahan sa mga tolda, mga bagon, o mga tirahang mukhang kuweba na tinatawag na dugout.16
Agad na napaligiran si Louisa ng mga kababaihan sa Winter Quarters na nagmamadaling tumulong sa kanya. Binigyan siya ng mga ito ng alak at asukal bilang gamot, na noong una ay nagpagaan sa pakiramdam niya. Ngunit hindi nagtagal ay lalong tumaas ang kanyang lagnat, at nagsimula siyang mangisay. Takot na mamamatay na siya, nagsumamo siya sa Panginoon para sa awa.17
Pinahiran si Louisa ng langis ng ilan sa mga kababaihan na nagbantay sa kanya, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanya, at nagbigay sila ng basbas sa kanya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanilang pananampalataya. Sa Nauvoo, itinuro ni Joseph Smith sa Relief Society na ang pagpapagaling ay isang kaloob ng Espiritu, isang tanda na sumusunod sa lahat ng naniniwala kay Cristo.18 Gumaan ang pakiramdam ni Louisa dahil sa basbas, binigyan siya nito ng lakas para matiis ang kanyang sakit, at umupa siya kaagad ng isang nars na mag-aalaga sa kanya hanggang sa humupa ang kanyang lagnat.
Nagbayad din siya ng limang dolyar sa isang lalaki upang ipagtayo siya ng isang kubo na yari sa lupang madamo at sa willow brush. Ang pinto ng kubo ay kumot lamang, ngunit maliwanag ito at sapat ang laki nito para makaupo siya sa isang tumba-tumba sa tabi ng tsiminea habang nagpapalakas siya.19
Sa Winter Quarters, ang mga Banal ay nag-araro at nagtanim sa mga bukid, nagtayo ng mga gilingan sa tabi ng isang kalapit na sapa, at nagtayo ng mga tindahan at pagawaan. Inayos ang pamayanan sa mga loteng hugis-parihaba na katulad ng huwaran ng Panginoon para sa lunsod ng Sion, na inihayag kay Joseph Smith noong 1833. Sa bandang hilaga ng bayan, sina Brigham, Heber Kimball, at Willard Richards ay nagtayo ng mga bahay na malapit sa isang maliit na bahay ng konseho kung saan nagpupulong ang Korum ng Labindalawa at ang bagong hirang na mataas na kapulungan ng Winter Quarters. Malapit sa sentro ng bayan ang isang pampublikong kuwadro para sa pangangaral at sa iba pang mga pulong sa pamayanan.20
Nanghina ang maraming Banal dahil sa paglalakbay sa gitna ng Iowa, at naubos ang kanilang lakas sa pagsisikap na mabigyan ang kanilang mga pamilya ng makakain, maisusuot na damit, at bahay na matitirhan.21 Gayundin, ang mga langaw at lamok mula sa maputik na pampang ay madalas dumagsa sa bagong pamayanan, at ang pananakit at lagnat na dulot ng malaria ay gumambala sa mga Banal sa loob ng maraming araw at linggo.22
Habang pinagdadaanan ang mga pagsubok na ito, karamihan sa mga Banal ay sumunod sa mga kautusan. Ngunit ang ilan ay nagnakaw, nandaya, namuna sa pamumuno ng mga apostol, at tumangging magbayad ng ikapu. Kaunti lamang ang pasensya ni Brigham sa ugaling ganito. “Ang mga tao ay unti-unting naaakay palayo,” sabi niya, “hanggang sa maagaw ng diyablo ang kanilang katawang-lupa at mabihag sila sa kagustuhan ng diyablo.”23
Upang makahikayat ng kabutihan, pinayuhan ni Brigham ang mga Banal na magtulungan, tuparin ang mga tipan, at umiwas sa kasalanan. “Hindi tayo mapapabanal nang biglaan,” sabi niya, “kailangan tayong masubukan at mailagay sa lahat ng uri ng mga sitwasyon at mapatunayan sa sukdulan upang makita kung paglilingkuran natin ang Panginoon hanggang sa wakas.”24
Inorganisa rin niya ang mga ito sa maliliit na ward, nagtalaga siya ng mga bishop, at inatasan niya ang mataas na kapulungan na manindigan sa isang matibay na pamantayan ng asal. Nagtipon din ang ilang mga Banal sa mga espesyal na pamilyang umampon sa kanila. Noong panahong iyon, hindi pa nabubuklod ang mga Banal sa kanilang mga namayapang magulang na hindi sumapi sa Simbahan sa buhay na ito. Bago umalis sa Nauvoo, hinikayat ni Brigham ang humigit-kumulang dalawang daang Banal na mabuklod, o maampon sa espirituwal, bilang mga anak sa mga pamilya ng mga lider ng Simbahan na naging mga kaibigan o guro sa ebanghelyo.
Ang mga pagbubuklod na ito ng mga ampon ay isinagawa sa pamamagitan ng isang ordenansa sa templo. Ang mga magulang na umampon ay madalas na nagbibigay ng temporal at emosyonal na suporta, samantalang ang mga inampong anak, ilan sa mga ito ay walang ibang pamilya sa Simbahan, ay madalas na tumutugon nang may katapatan at pagmamahal.25
Hindi maiiwasan ang ilan sa mga hamon sa Winter Quarters at iba pang mga pansamantalang pamayanan. Noong sumapit ang taglamig, mahigit siyam na libong Banal ang nakatira sa lugar, kabilang na ang tatlong libo at limang daang taong naninirahan sa Winter Quarters. Ang bawat pamayanan ay nasalanta ng mga sakuna, sakit, at kamatayan. Isa sa bawat sampung tao ang namatay dahil sa malaria, tuberkulosis, scurvy, at iba pang mga sakit. Halos kalahati sa mga namatay ay mga sanggol at bata.26
Nagdusa rin ang pamilya ni Wilford Woodruff kasama ng iba. Noong Oktubre, habang nagsisibak ng kahoy si Wilford, nabagsakan siya ng isang puno at nabali ang ilan sa kanyang mga tadyang. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, ang kanyang maliit pang anak na si Joseph ay nagkaroon ng malubhang sipon. Walang tigil na inalagaan nina Wilford at Phebe ang bata, ngunit walang naitulong ang kanilang mga ginawa, at hindi nagtagal ay inilibing nila ang labi nito sa bagong tayong sementeryo.
Ilang linggo matapos ang pagkamatay ni Joseph, nanganak si Phebe ng isang sanggol na kulang sa buwan, at pumanaw ang bata makalipas ang dalawang araw. Isang gabi, pagdating ni Wilford sa bahay ay nakita niya si Phebe na balisa, tinitingnan ang larawan ng sarili nito na hawak si Joseph. Kapwa sila nasaktan sa pagkawala ng kanilang mga anak, at inasam ni Wilford na ang mga Banal ay makahanap ng isang tahanan, mamuhay nang mapayapa, at matamasa ang mga pagpapala at kaligtasan ng Sion.
“Dalangin ko sa aking Ama sa Langit na pahabain ang aking mga araw,” isinulat niya sa kanyang journal, “para makita ko ang bahay ng Diyos na nakatayo sa mga tuktok ng mga bundok at ang bandila ng kalayaan na nakatayo bilang isang sagisag sa mga bansa.”27
Sa gitna ng pagdurusa sa Winter Quarters, nakatanggap si Brigham ng balita na sinalakay ng humigit-kumulang isang libong mandurumog ang maliit na pamayanan ng mga Banal sa Nauvoo. Halos dalawang daang Banal ang lumaban, ngunit natalo sila sa digmaan pagkatapos ng ilang araw. Nakipag-ayos ang mga lider ng lunsod para sa mapayapang paglisan ng mga Banal, na karamihan ay maralita at maysakit. Ngunit habang nililisan ng mga Banal ang lunsod, ginulo sila ng mga mandurumog at nilusob ang kanilang mga tahanan at mga bagon. Sinugod ng mga mandurumog ang templo, nilapastangan ang loob nito, at kinutya ang mga Banal habang sila ay nagsisitakas patungo sa mga kampo sa kabilang panig ng ilog.28
Nang malaman ni Brigham ang kawalan ng pag-asa ng mga lumilikas, nagpadala siya ng isang liham sa mga lider ng Simbahan, ipinapaalala sa kanila ang mga tipan na ginawa nila sa Nauvoo na tulungan ang mga maralita at tulungan ang bawat Banal na gustong lumipat sa kanluran.
“Ang mga kawawang kapatid, mga balo at ulila, maysakit at naghihirap, ay nakahimpil ngayon sa kanlurang pampang ng Mississippi,” ipinahayag niya. “Ngayon ang panahon para kumilos. Hayaan ang pananalig sa tipan, na ginawa ninyo sa bahay ng Panginoon, na magliyab sa inyong mga puso, tulad ng apoy na hindi namamatay.”29
Bagama’t nagpadala na sila ng dalawampung bagon ng panustos sa Nauvoo dalawang linggo na ang nakalilipas at mayroon na lamang silang kaunting pagkain at ilang gamit na natira, ang mga Banal sa Winter Quarters at mga kalapit na pamayanan ay nagpadala ng mga karagdagang bagon, mga grupo ng baka, pagkain, at iba pang mga panustos sa Nauvoo. Si Newel Whitney, ang presiding bishop ng Simbahan, ay bumili rin ng harina para sa mga Banal na naghihikahos sa buhay.30
Nang makita ng mga sasagip na grupo ang mga tumakas, marami sa mga Banal ay nilalagnat, walang sapat na gamit para sa malamig na panahon, at gutom na gutom. Noong ika-9 ng Oktubre, habang naghahanda silang maglakbay patungong Ilog Missouri, namangha ang mga Banal nang mapuno ang kalangitan ng isang kawan ng mga pugo at lumapag ang mga ito sa paligid ng kanilang mga bagon. Hinabol ng mga kalalakihan at ng mga batang lalaki ang mga ibon, hinuhuli ang mga ito gamit ang kanilang mga kamay. Marami ang nakaalala kung paano rin pinadalhan ng Diyos ng pugo si Moises at ang mga anak ni Israel noong oras ng kanilang pangangailangan.
“Ngayong umaga ay nakaranas kami ng tuwirang pagpapakita ng awa at kabutihan ng Diyos,” pagsulat ni Thomas Bullock, klerk ng Simbahan, sa kanyang journal. “Ang mga kapatid ay nagbigay-puri sa Diyos at sa Kanyang pangalan dahil ang mga biyayang ibinigay sa mga anak ni Israel sa ilang ay ipinamalas sa amin habang kami ay inuusig.”
“Ang bawat lalaki, babae, at bata ay mayroong pugo na makakain para sa kanilang hapunan,” pagsulat ni Thomas.31
Samantala, libu-libong kilometro ang layo sa may Anaa atoll sa Karagatang Pasipiko, isang mayhawak ng Aaronic Priesthood na nagngangalang Tamanehune ang nagsalita sa isang kumperensya ng mahigit walong daang Banal sa mga Huling Araw. “Isang liham ang dapat ipadala sa Simbahan sa Amerika,” panukala niya, “hinihiling sa kanila na magpadala kaagad dito ng lima hanggang isang daang elder.” Si Ariipaea, isang miyembro ng Simbahan at lokal na lider ng nayon, ay sumang-ayon sa panukala, at ang mga Banal ng Timog Pasipiko ay nagtaas ng kanilang mga kamay sa pagsang-ayon.32
Namumuno sa kumperensya, buong-pusong sumang-ayon si Addison Pratt kay Tamanehune. Noong nakalipas na tatlong taon, sina Addison at Benjamin Grouard ay nakapagbinyag ng mahigit isang libong katao. Ngunit sa loob ng panahong iyon ay isang liham lamang ang natanggap nila mula sa alinman sa Labindalawa, at hindi ito nagbigay ng anumang tagubilin tungkol sa pag-uwi.33
Sa anim na buwan mula nang dumating ang liham na iyon, hindi na nakatanggap ng balita ang dalawang missionary mula sa mga kapamilya, mga kaibigan, o mga lider ng Simbahan. Kapag may dumarating na pahayagan sa isla, sinusuyod nila ang mga pahina nito para makahanap ng balita tungkol sa mga Banal. Sinabi sa isa sa mga pahayagan na nabasa nila na kalahati ng mga Banal sa Nauvoo ay napatay habang ang iba pa ay napilitang tumakas patungo sa California.34
Nababalisang malaman ang sinapit ni Louisa at ng kanyang mga anak na babae, nagpasya si Addison na bumalik sa Estados Unidos. “Ang pagtuklas sa katotohanan, kahit na ito ay hindi maganda,” sinabi niya sa kanyang sarili, “ay mas mainam kaysa sa pananatiling nag-aalinlangan at balisa.”35
Ang mga kaibigan ni Addison na sina Nabota at Telii, ang mag-asawa na naglingkod kasama niya sa Anaa, ay nagpasiyang bumalik sa Tubuai, kung saan si Telii ay minamahal bilang isang espirituwal na guro ng kanyang mga kapwa kababaihan sa Simbahan. Binalak ni Benjamin na manatili sa mga isla upang pamunuan ang mission.36
Nang malaman ng mga Banal sa Pasipiko ang tungkol sa nalalapit na paglisan ni Addison, hinikayat nila siya na bumalik kaagad at magsama ng mas marami pang missionary. Yamang balak na ni Addison na bumalik sa mga isla kasama si Louisa at ang kanyang mga anak na babae, kung sila ay buhay pa, mabilis siyang pumayag.37
May dumating na barko sa isla pagkalipas ng isang buwan, at naglayag si Addison kasama sina Nabota at Telii patungo sa Papeete, Tahiti, kung saan umasa siyang makasakay ng isang barko patungo sa Hawaii at pagkatapos ay sa California. Nang makarating sila sa Tahiti, nanlumo siya nang malaman niya na kapapadala lamang ng isang balot ng mga liham mula kina Louisa, Brigham Young, at sa mga Banal na nasa Brooklyn mula sa isla patungo sa Anaa.
“Akala ko hindi na ako maaapektuhan ng mga kabiguan,” panaghoy niya sa kanyang journal, “pero nag-iwan ito ng bakas sa aking isipan na ni hindi sumagi sa isip ko noon.”38
Nang manahan ang mas malamig na panahon sa Winter Quarters, nanalangin nang madalas si Brigham upang malaman kung paano maihahanda ang Simbahan para sa paglalakbay lampas pa sa Rocky Mountains. Pagkaraan ng halos isang taon sa daan, natutuhan niya na ang pag-oorganisa at pagbibigay ng kagamitan sa mga Banal para sa darating na paglalakbay ay mahalaga para sa kanilang tagumpay. Subalit ipinakita rin sa kanya ng sunud-sunod na pagkabigo kung gaano kahalaga na umasa sa Panginoon at sumunod sa Kanyang patnubay. Tulad noong panahon ni Joseph, tanging ang Panginoon lamang ang maaaring mamahala sa Kanyang Simbahan.
Di-nagtagal pagkatapos ng simula ng bagong taon, nadama ni Brigham na binuksan ng Panginoon ang kanyang isipan sa bagong liwanag at kaalaman. Sa isang pagtitipon kasama ang mataas na kapulungan at ang Labindalawa noong Enero 14, 1847, nagsimula siyang magtala ng isang paghahayag mula sa Panginoon para sa mga Banal. Bago makatulog si Brigham, binigyan siya ng Panginoon ng mga karagdagang tagubilin para sa darating na paglalakbay. Kinuha ni Brigham ang hindi pa natatapos na paghahayag at ipinagpatuloy niya ang pagtatala ng mga tagubilin ng Panginoon para sa mga Banal.39
Kinabukasan, inilahad ni Brigham sa Labindalawa ang paghahayag. Tinawag na “Salita at Kalooban ng Panginoon,” binigyang-diin nito ang pangangailangang ayusin ang mga Banal sa mga grupo sa ilalim ng pamumuno ng mga apostol. Sa paghahayag, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na maglaan para sa kanilang mga sariling pangangailangan at magtulungan sa kanilang paglalakbay at sa pag-aalaga sa mga balo, mga ulila, at mga pamilya ng mga miyembro ng Batalyong Mormon.
“Hayaan ang bawat tao na gamitin ang lahat ng kanyang impluwensiya at ari-arian upang mailikas ang mga taong ito patungo sa lugar na pagtatayuan ng Panginoon ng isang stake ng Sion,” utos ng paghahayag. “At kung gagawin ninyo ito nang may dalisay na puso, nang buong katapatan, kayo ay pagpapalain.”40
Inutusan din ng Panginoon ang Kanyang mga tao na magsisi at magpakumbaba ng kanilang mga sarili, maging mabait sa isa’t isa, at tumigil sa kalasingan at pagsasalita ng masama. Ang Kanyang mga salita ay ibinahagi bilang isang tipan, na nag-aatas sa mga Banal na “[lumakad] sa lahat ng ordenansa,” at tumupad sa mga pangakong ginawa sa Nauvoo Temple.41
“Ako ang Panginoon ninyong Diyos, maging ang Diyos ng inyong mga ama, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac at ni Jacob,” sabi Niya. “Ako ang siyang nag-akay sa mga anak ni Israel palabas ng lupain ng Egipto; at ang aking bisig ay nakaunat sa mga huling araw.”
Tulad ng mga sinaunang Israelita, ang mga Banal ay magbibigay-puri sa Panginoon at mananawagan sa Kanyang pangalan sa oras ng kapighatian. Sila ay aawit at sasayaw nang may panalangin ng pasasalamat sa kanilang mga puso. Sila ay hindi matatakot sa hinaharap ngunit sa halip ay magtitiwala sa Kanya at titiisin ang kanilang mga paghihirap.
“Ang aking mga tao ay kinakailangang masubukan sa lahat ng bagay,” pahayag ng Panginoon, “nang sila ay maging handa sa pagtanggap ng kaluwalhatiang mayroon Ako para sa kanila, maging ang kaluwalhatian ng Sion.”42
Inilahad ng mga apostol ang bagong paghahayag sa mga Banal sa Winter Quarters makalipas ang ilang araw, at maraming nagalak nang marinig nila ito. “Muling naalala ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod at kinasihan Niya sila ng paghahayag ng Kanyang kalooban,” pagsulat ng isang babae sa kanyang asawa sa England. “May kapayapaan at pagkakaisa rito,” sabi niya, “at laganap sa amin ang Espiritu ng Diyos.”43
Ngunit patuloy pa rin ang ilang problema sa Winter Quarters. Mula nang lisanin ang Nauvoo, ang mga apostol ay patuloy na nagsagawa ng espirituwal na pag-aampon sa mga Banal. Napansin ni Brigham na hinihimok ng ilang mga Banal ang kanilang mga kaibigan na magpaampon sa kanilang mga pamilya, naniniwala na ang kanilang walang hanggang kaluwalhatian ay nakasalalay sa dami ng mga taong nakabuklod sa kanila. Lumaganap ang inggit at kompetisyon habang pinagtatalunan nila kung sino ang magkakaroon ng pinakamalaking pamilya sa langit. Dahil sa kanilang pagtatalo, napaisip si Brigham kung mayroon ba sa kanilang makakarating doon.44
Noong Pebrero, habang nagsasalita tungkol sa pagsasagawa ng espirituwal na pag-aampon, inamin ni Brigham na wala pa rin siyang gaanong alam tungkol dito. Mahal na mahal niya ang dose-dosenang Banal na inampon sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng ordenansa. Gayunpaman, pakiramdam niya ay wala pa rin siyang gaanong alam tungkol sa gawaing ito at napaisip siya kung ano ang kahulugan nito.45
“Magtatamo ako ng higit na kaalaman tungkol sa paksa,” pangako niya sa mga Banal, “at dahil dito ay mabibigyan ako ng kakayahang magturo at magsagawa ng higit pa.”46
Kinabukasan, sumama ang pakiramdam niya at humiga siya upang magpahinga. Habang natutulog siya, napanaginipan niya na nakita niya si Joseph Smith na nakaupo sa isang upuan sa harap ng isang malaking bintana. Hawak ang kanang kamay ni Joseph, tinanong ni Brigham ang kanyang kaibigan kung bakit hindi siya maaaring makasama ng mga Banal.
“Ayos lang,” sabi ni Joseph habang tumatayo mula sa kanyang upuan.
“Nasasabik ang mga kapatid na maunawaan ang batas ng pag-aampon o ang mga alituntunin ng pagbubuklod,” sabi ni Brigham. “Kung mayroon kang maibibigay na kahit anong payo para sa akin, malugod ko itong tatanggapin.”
“Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat at tiyaking nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon,” sabi ni Joseph. “Kung gagawin nila ito, matatagpuan nila ang kanilang mga sarili sa ayos kung paano sila inorganisa ng ating Ama sa Langit bago sila isilang sa mundo.”
Nagising si Brigham dahil sa mga salitang iyon ni Joseph na umaalingawngaw sa kanyang isipan: “Sabihin sa mga tao na tiyaking nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon at sundin ito, at sila ay aakayin nito sa tama.”47 Hindi nasagot ng payo ang kanyang mga tanong tungkol sa pagbubuklod sa pamamagitan ng pag-aampon, ngunit ipinaalala nito sa kanya na sundin ang Espiritu upang siya at ang mga Banal ay magabayan tungo sa higit na pagkaunawa.
Sa mga natitirang araw ng taglamig, nagpatuloy ang mga apostol sa paghahanap ng paghahayag habang naghahanda silang magpadala ng mga grupo ng bagon sa Rocky Mountains. Sa ilalim ng kanilang pamumuno, aalis ang isang maliit na paunang grupo mula sa Winter Quarters sa tagsibol, tatawid sila sa mga bundok, at magtatatag sila ng bagong lugar ng pagtitipon para sa mga Banal. Upang masunod ang utos ng Panginoon at matupad ang propesiya, magtataas sila ng isang sagisag sa mga bansa at sisimulan nila ang pagtatayo ng isang templo. Susunod kaagad sa kanila ang mas malalaking grupo, na karamihan ay binubuo ng mga pamilya, sinusunod ang Salita at Kalooban ng Panginoon sa kanilang paglalakbay.48
Bago lumisan sa Nauvoo, pinagnilayan ng Korum ng Labindalawa at ng Konseho ng Limampu ang paninirahan sa Lambak ng Salt Lake o sa Lambak ng Bear River sa hilaga. Ang mga lambak ay kapwa nasa malayong panig ng Rocky Mountains, at maaasahan ang mga paglalarawan sa mga ito.49 Nakita ni Brigham sa isang pangitain ang lugar kung saan maninirahan ang mga Banal, ngunit wala siyang malinaw na ideya kung saan ito matatagpuan. Gayunman, ipinagdasal niya na ang Diyos ay magbigay ng patnubay sa kaniya at sa paunang grupo tungo sa tamang lugar ng pagtitipon para sa Simbahan.50
Ang paunang grupo ay binubuo ng 143 kalalakihan na pinili ng mga apostol. Si Harriet Young, ang asawa ng kapatid ni Brigham na si Lorenzo, ay nagtanong kung siya at ang kanyang dalawang anak na lalaki ay maaaring sumama kay Lorenzo sa paglalakbay. Pagkatapos ay hiniling ni Brigham sa kanyang asawa na si Clara, na anak ni Harriet sa kanyang unang asawa, na sumali rin sa grupo. Ang pangmaramihang asawa ni Heber Kimball na si Ellen, isang dayuhan mula sa Norway, ay sumama rin sa grupo.51
Habang naghahanda ang paunang grupo na umalis, bumalik sina Parley Pratt at John Taylor sa Winter Quarters mula sa kanilang misyon sa England. Kasama si Orson Hyde, na nangangasiwa pa rin sa Simbahan sa Britain, nagtalaga sila ng mga bagong lider ng mission at ipinanumbalik nila ang kaayusan sa mga Banal. Ngayon, naniniwala na masyado nang matagal ang pagkakalayo nila sa kanilang mga pamilya, tinanggihan nina Parley at John ang pakiusap ni Brigham na sumama sila sa iba pang miyembro ng korum sa paglalakbay pakanluran. Kung kaya’t iniwan sila ni Brigham upang pamahalaan ang Winter Quarters.52
Noong hapon ng Abril 16, 1847, ang paunang grupo ay nagsimulang maglakbay sa ilalim ng malamig at madilim na kalangitan. “Layon naming ihanda ang daan para sa kaligtasan ng matatapat ang puso mula sa lahat ng bansa, o isakripisyo ang lahat ng aming pinangangasiwaan,” ipinahayag ng mga apostol sa isang liham ng pamamaalam sa mga Banal sa Winter Quarters. “Sa ngalan ng Diyos ng Israel, layon naming magtagumpay o mamatay sa pagsisikap.”53