Kasaysayan ng Simbahan
11 Isang Maluwalhating Pribilehiyo


“Isang Maluwalhating Pribilehiyo,” kabanata 11 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 11: “Isang Maluwalhating Pribilehiyo”

KabanatA 11

Isang Maluwalhating Pribilehiyo

pahina ng Aklat ni Mormon na isinusulat sa wikang Hawaiian

Kadalasan sa umaga, naririnig ni Ann Eliza Secrist ang kanyang dalawang-taong-gulang na anak, si Moroni, na hinahanap ang ama nito. Ilang araw na lamang bago siya manganak, at hanggang kamakailan lamang ang kanyang asawang si Jacob ay maaaring umasikaso mismo sa bata. Subalit noong Setyembre 15, 1852, siya at ang kanyang tatlong maliliit na anak ay nakatayo sa may pintuan ng kanilang hindi pa natapos na bahay sa Lunsod ng Salt Lake at nagmasid habang si Jacob ay ginagabayan ang kanyang mga kabayo paakyat ng burol sa silangan ng lunsod. Sa itaas ng burol ay iwinawagayway niya ang kanyang sumbrero sa kanila, muling minasdan ang lunsod, at pagkatapos ay naglaho sa likod ng burol.1

Isa si Jacob sa napakaraming missionary na tinawag na maglingkod noong kumperensya ng Agosto 1852. May mga tagubilin na kaagad lumisan, sumapi siya sa isang grupo ng walumpung elder na patungo sa Great Britain at sa iba pang mga bansa sa Europa. Isa siya sa mga apat na missionary na isinugo sa Germany, kung saan siya inatasang maglingkod nang tatlong taon.2

Sa ngayon, nagagawang makayanan ni Ann Eliza ang pagkawala ng kanyang asawa sa abot ng kanyang makakaya. Siya at si Jacob ay lumaki nang magkasama sa isang munting bayan sa silangang Estados Unidos. Noong kanilang pagliligawan, nagtrabaho si Jacob sa ibang estado, at habang wala ito ay nagpapalitan sila ng mahahaba at mapagmahal na mga liham. Ikinasal sila noong 1842, at hindi nagtagal ay sumapi sa Simbahan, at pagkatapos ay sumunod sa mga Banal pakanluran. Kapwa sila may malalakas na patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at ayaw ni Ann Eliza na dumaing tungkol sa tawag sa misyon ni Jacob. Subalit tila mabagal ang paglipas ng panahon habang ito ay nasa malayo, at nakadama siya ng bigat ng hapis.3

Labintatlong araw matapos ang paglisan ng kanyang asawa, nagluwal si Ann Eliza ng sanggol na lalaki na itim ang buhok. Sinulatan niya si Jacob noong sumunod na araw. “Tinimbang namin ang sanggol, at ito ay may bigat na sampung libra at kalahati,” iniulat niya. “Hindi pa siya pinapangalanan. Kung mayroon kang pangalan para sa kanya, mangyaring isulat mo ang pangalan nito sa iyong liham.”4

Maaari lamang hulaan ni Ann Eliza kung gaano katagal bago matanggap ni Jacob ang balita. Ang koreo ay paminsan-minsan lamang dumating sa lambak sa karamihan ng mga buwan ng taon, at tumitigil ito kapag ang ruta ng koreo ay halos hindi madaanan dahil sa mga niyebe ng taglamig sa kapatagan. Mayroon siyang maliit na dahilan lamang upang asahan ang sagot mula sa kanyang asawa bago ang tagsibol.

Gayunman, hindi pa nagtatagal matapos isilang ang sanggol, nakatanggap ng liham si Ann Eliza mula kay Jacob, na ipinadala habang ito ay nasa daan pa patungo sa silangan. Masasabi niya mula sa nilalaman ng liham na hindi pa nito natatanggap ang kanyang liham. Sinabi nito sa kanya na nakita nito ang kanilang pamilya sa isang panaginip. Ang tatlong bata ay naglalaro nang magkakasama sa sahig habang nakahiga sa kama si Ann Eliza kasama ang isang bagong silang na sanggol na lalaki.

Kung siya ay nagsilang ng lalaki, isinulat ni Jacob, nais niyang pangalanan ito ng Nephi.

Natanggap ni Ann Eliza ang sagot niya. Pinangalanan niya ang sanggol bilang Heber Nephi Secrist.5


Noong tag-init ng 1852, ang dalawampung taong gulang na si Johan Dorius ay dumating sa distrito ng Vendsyssel ng hilagang Denmark.6 Isang apprentice ng sapatero mula sa Copenhagen, isinantabi ni Johan ang kanyang mga kagamitan upang magmisyon sa kanyang bayang sinilangan. Sumapi siya sa Simbahan kasama ang kanyang ama, si Nicolai, at nakababatang kapatid na si Augusta, hindi nagtagal matapos dumating ang mga missionary na mga Banal sa mga Huling Araw sa Denmark. Ang kanyang kuya na si Carl ay sumapi sa Simbahan makalipas ang higit lamang sa isang taon.7

Mabilis na lumago ang Simbahan sa Denmark mula nang binuksan nina Peter Hansen at Erastus Snow ang mission. Sa loob ng dalawang taon ng kanilang pagdating, inilathala nila ang Aklat ni Mormon sa wikang Danish—ang unang hindi Ingles na edisyon ng aklat—at nagsimula ng isang buwanang pahayagang tinawag bilang Skandinaviens Stjerne. Ngayon ang Denmark ay tahanan ng mahigit sa limang daang miyembro na inorganisa sa labindalawang branch.8

Gayunman, ang ina ni Johan, si Ane Sophie, ay kinamumuhian ang bago at popular na simbahan, at ginamit niya ang pagiging miyembro dito ng kanyang asawa bilang dahilan ng diborsyo. Sa panahon na naghiwalay sina Ane Sophie at Nicolai, tinawag si Johan kasama ng iba pang bagong binyag upang maglingkod sa mga lokal na misyon at nilisan ni Augusta ang Denmark kasama ang unang grupo ng mga Scandinavian na mga Banal upang magtipon sa Sion.9

Sa Vendsyssel, naglakbay patimog si Johan upang makipagkita sa mga Banal sa isang nayon na tinatawag na Bastholm.10 Nagpulong sila sa bahay ng isang lokal na miyembro ng Simbahan. Nakadama si Johan ng kaligayahan at inspirasyon nang magsalita siya sa kongregasyon. Dahil nakapangaral na sa lugar, kilala niya ang halos lahat sa silid.

Bandang tanghali, bago matapos ang pulong, isang grupo ng mga mandurumog na magsasaka na may dalang mga kagamitan at pamalo ang pumasok sa bahay at nag-abang sa may pintuan. Noong unang bahagi ng taong iyon, nagpetisyon ang mga Banal na Danish sa lehislatura ng bansa para sa proteksyon laban sa mga mandurumog, ngunit wala itong ibinunga. Ang mga bagong miyembro sa kalapit na Sweden ay humaharap sa katulad na oposisyon, na siyang nagtutulak sa ibang mananampalataya na magpabinyag sa isang tanner’s vat sa halip na magbakasakaling makita sa ilog.11

Pagkatapos ng pulong, pumunta si Johan sa pintuan upang umalis. Lumapit ang mga mandurumog, at may nadama si Johan na tumusok sa kanyang binti. Hindi niya pinansin ang sakit at lumabas, ngunit halos agaran siyang sinunggaban ng mga magsasaka mula sa likuran at hinampas siya sa likod. Hindi mailarawang sakit ang dumaloy sa kanyang katawan habang tinutusok siya ng mga lalaki ng mga patpat at matatalim na kagamitan hanggang ang kanyang sariling laman ay sugatan at duguan.

Kahit papaano ay nakatakas si Johan at tumalilis patungo sa kalapit na tahanan ng isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang Peter Jensen. Doon ay inalis ng kanyang mga kaibigan ang kanyang punit na damit, nilinis ang kanyang mga sugat, at inihiga siya sa kama. Isang lalaki ang nagpahid sa kanya ng langis at binasbasan siya, at isang matandang babae ang nakabantay sa kanyang silid. Pagkatapos ng isang oras at kalahati, gayunman, pabastos na kumatok sa pintuan ang mga lasing na lalaki. Ang matandang babae ay lumuhod at nanalangin upang humingi ng tulong. “Kakailanganin nilang saktan ako bago ka nila masaktan,” sabi niya kay Johan.

Ilang sandali pa, pabiglang pumasok sa silid ang mga lasing. Tinangka ng babae na pigilan sila, subalit itinulak nila ito sa dingding. Pinaligiran nila ang kama at nagsimulang hagupitin ang bugbog at sugatang katawan ni Johan. Desperadong manatiling may malay at kalmado, inisip ni Johan ang tungkol sa Diyos. Subalit hinawakan ng mga mandurumog ang kanyang mga bisig at kinaladkad siya mula sa higaan patungo sa labas.12


Dumaraan si Soren Thura malapit sa tahanan ng mga Jensen nang makita niya ang mga mandurumog na dinala si Johan sa kalapit na ilog. Ang ilan sa mga lalaki ay sumisigaw at malupit na nagmumura. Ang iba naman ay pasigaw na umaawit. Lumapit sa kanila si Soren at itinulak niya ang ilan sa mga ito. Ang kanilang hininga ay may malakas na amoy ng brandy. Sumulyap si Soren kay Johan. Ang binata ay mukhang maliit at mahina sa kanyang pantulog.

Kaagad nakilala ng mga lalaki si Soren. Isa siyang beterano ng kabalyerya na Danish at may reputasyon sa Bastholm sa pagiging isang malakas na atleta. Inaakala na nais niyang sumama sa kanila, sinabi sa kanya ng mga tauhan na nahuli nila ang isang “mangangaral na Mormon” at itatapon nila ito sa ilog. “Ipakikita namin sa saserdoteng Mormon na ito kung paano magbinyag,” sabi nila.

“Pakawalan ninyo siya,” sabi ni Soren. “Ako ang bahala sa batang ito, at hinahamon ko ang sinuman sa inyong mga duwag ang pumigil sa akin.” Si Soren ay higit na mas matangkad at mas malakas kaysa sinuman sa mga mandurumog, kung kaya ibinaba nila ang missionary, hinampas siya nang ilang ulit, at tumalilis palayo.13

Dinala ni Soren si Johan pabalik sa tahanan ng mga Jensen at bumalik kinabukasan upang kumustahin ito. Naniwala si Johan na isinugo ng Diyos si Soren upang sagipin siya. “Ito ay hindi hihigit sa pasanin ng mga tao ng Diyos sa naunang panahon,” patotoo ni Johan, “at ang mga paghihirap ay nilayon upang magpakumbaba tayo sa harapan ng Panginoon.”

Inantig ng mensahe ni Johan si Soren, at bumalik siya sa bawat araw upang kausapin ang binata tungkol sa kanyang misyon at sa ipinanumbalik na ebanghelyo.14


Habang nagpapagaling si Johan mula sa kanyang pagkakabugbog, ang kanyang labing-apat na taong gulang na kapatid, si Augusta, ay tumatawid sa Rocky Mountains sakay ng isang grupo ng mga bagon na may humigit-kumulang isandaang nandarayuhang mga Banal. Ang daan na kanilang nilakbay ay mabuhangin at pudpod pagkaraan ng limang taon ng mabibigat na pandarayuhan patungo sa Lambak ng Salt Lake. Subalit sa kabila ng malinaw na daraanan, nag-aalala pa rin sila sa daan sa hinaharap. Dumating ang panahon ng taglagas sa kapatagan, umiihip ang napakalamig na hangin sa buong kapatagan habang bumabagsak ang temperatura sa halos hindi makayanang lamig.

Ang malala pa, ang mga baka ay nagsisimulang mapagod, at naubos na ng mga Banal ang natitira nilang harina, na siyang pumilit sa kanilang magpadala ng isang mangangabayo upang mauna para sa karagdagan pang pagkain. Walang paraan upang malaman kung gaano katagal bago dumating ang tulong, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Banal na kumakalam ang sikmura. Sila ay mahigit 250 kilometro pa ang layo mula sa Lunsod ng Salt Lake, at ang pinakamatarik na bahagi ng kanilang paglalakbay ay parating pa.15

Si Augusta at ang kanyang mga kaibigan ay kadalasang naglalakad na malayo sa harap ng mga bagon at pagkatapos ay hinintay ang mga ito para makasunod. Habang nasa daan, inisip nila ang mga tahanan na kanilang iniwan. Ang dalawampu’t walong mga Danes sa pangkat ay naglayag patungo sa Estados Unidos kasama si Erastus Snow, na nauna nang nagpunta sa Lunsod ng Salt Lake habang sina Augusta at ang natitirang bahagi ng grupo ay sumunod sa iba pang pangkat ng mga bagon. Karamihan sa mga nandarayuhan na Scandinavian, kabilang na si Augusta, ay halos walang alam na salitang Ingles. Ngunit tuwing umaga at gabi sila ay sumasama sa mga Banal na nagsasalita ng Ingles upang manalangin at umawit ng mga himno.16

Sa ngayon, ang paglalakbay papunta sa Lunsod ng Salt Lake ay mas mahirap at mas mahaba kaysa sa inaasahan ni Augusta. Habang nakikinig sa mga Amerikano na nagsasalita ng kanilang hindi maunawaang wika, natanto niya kung gaano kaliit ang alam niya tungkol sa kanyang bagong tahanan. Nadama rin niya ang pangungulila. Bukod pa sa kanyang mga kapatid na sina Carl at Johan, mayroon siyang tatlong nakababata pang kapatid na nagngangalang Caroline, Rebekke, at Nicolena. Nais niyang lahat sa kanyang pamilya ay makasama niya sa Sion balang araw. Ngunit hindi niya alam kung ito ay mangyayari, lalo na pagkatapos ng diborsyo ng kanyang mga magulang.17

Sa paglalakbay pakanluran, nabuhay si Augusta sa kaunting rasyon habang ang grupo ng mga bagon ay umakyat sa mga tagaytay, bumaba sa matarik na bangin, at tumawid sa mga makikitid na sapa ng bundok. Sa bungad ng Echo Canyon, mga 65 kilometro ang layo mula sa Lunsod ng Salt Lake, nakita ng mga kababaihan sa grupo ang lalaki na ipinadala nang maaga para sa pagkain. Hindi nagtagal ay isang bagon ang dumating na puno ng tinapay, harina, at biskwit, na ipinamahagi ng mga kapitan ng mga grupo sa natutuwang mga Banal.18

Ang grupo ng mga bagon ay dumating sa Lambak ng Salt Lake pagkaraan ng ilang araw. Binati ni Erastus Snow ang mga Banal na Danish habang sila ay dumarating sa lunsod at inanyayahan sila sa kanyang tahanan para sa isang hapunan ng tinapay na may pasas at kanin. Matapos ang ilang buwan ng pagkain nang hindi hihigit sa walang lasang tinapay at karne ng baka, akala ni Augusta na wala siyang nalasahan na anumang mas masarap pa kaysa rito.19


Noong Martes, Nobyembre 8, 1852, binuksan ni George Q. Cannon ang kanyang maliit na kulay-kaki na journal at isinulat, “Abala sa pagsusulat.” Buong araw siyang nakakuba sa isang mesa sa bahay nina Jonathan at Kitty Napela, na nagsasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Hawaiian. Ngayon, habang pinagninilayan niya ang kanyang trabaho sa araw na iyon, hiniling niya sa Panginoon na tulungan siyang tapusin ang proyekto.

“Itinuturing ko itong isang maluwalhating pribilehiyo,” pagbubulay ni George sa kanyang journal. “Nais kong magsaya habang ginagawa ito, at ang aking puso ay nagbabaga at lumalaki habang pinag-iisipan ang mga maluwalhating alituntunin na napapaloob dito.”20

Nang makilala ni George si Jonathan Napela noong Marso 1851, hindi niya inakala kung gaano kahalaga si Napela sa gawain ng Panginoon sa Hawaii. Subalit inabot hanggang Enero 1852—halos isang taon matapos ang una nilang pagkikita—para tanggapin ni Napela ang pagbibinyag.21 Batid ni Napela na totoo ang ipinanumbalik na ebanghelyo, ngunit ang oposisyon mula sa mga miyembro ng komunidad at lokal na Simbahang Protestante ay pumigil sa kanya na agad na sumapi sa Simbahan. Samantala, si George ay nagtagumpay sa pagbibinyag ng maraming tao at pag-oorganisa ng apat na branch sa Maui.22

Sa tulong at panghihikayat ni Napela, sinimulan ni George na isalin agad ang Aklat ni Mormon matapos ang binyag ni Napela. Oras kada oras, pinag-aralan ni George ang mga talata mula sa aklat at ginawa ang lahat ng kanyang makakaya upang isulat ang isang pagsasalin sa wikang Hawaiian sa isang pirasong papel. Pagkatapos ay binabasa niya kay Napela ang kanyang naisulat, na tumulong sa kanyang pinuhin ang pagsasalin. Isang may mataas na pinag-aralang abugado, si Napela ay lubhang angkop upang gabayan si George sa gitna ng kasalimuotan ng kanyang katutubong wika. Napag-aralan din niya nang mabuti ang mga alituntunin ng ebanghelyo at mabilis na naunawaan ang katotohanan.

Ang prosesong ito ay mabagal sa una, ngunit ang kanilang pagnanais na maibahagi ang mensahe ng Aklat ni Mormon sa mga Hawaiian ang nagpaibayo sa kanila na sumulong. Hindi nagtagal ay nadama nila ang Espiritu na nanahan sa kanila, at natagpuan nila ang kanilang sarili na mabilis na nagtatrabaho sa kabuuan ng aklat, kahit na may nakikita silang mga talata na nagpapahayag ng mga kumplikadong doktrina at ideya. Sa paglipas ng bawat araw ay humusay pa ang kasanayan ni George sa wikang Hawaiian habang ipinakikilala siya ni Napela sa mga bagong salita at ekspresyon.23

Noong ika-11 ng Nobyembre, ang mga kapwa missionary na nagtatrabaho sa isa pang isla ay nagdala kay George ng tatlong liham at pitong isyu ng Deseret News mula sa Utah. Nasasabik para sa impormasyon mula sa bahay, binasa ni George ang mga liham at pahayagan sa oras na magkaroon siya ng pagkakataon. Sa isang liham, nalaman niya na si Apostol Orson Pratt ay nagbasa ng paghahayag tungkol sa maramihang pag-aasawa sa mga Banal at ipinangaral ito sa publiko. Hindi siya nagulat sa balita.

“Ito ang aking inaasahan,” itinala niya sa kanyang journal. “Naniniwala ako na ito na ang tamang panahon.”24

Isa pang liham ang nag-ulat na ang mga lider ng Simbahan ay nalaman ang tungkol sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon at inaprubahan ang proyekto. Ang ikatlong sulat ay ipinaalam sa kanya na si Apostol John Taylor, ang kanyang tiyo, ay kamakailan lamang nagbalik mula sa kanyang misyon sa France at nais nito na si George ay umuwi na rin. Si Elizabeth Hoagland, ang dalagang sinusuyo ni George bago siya magmisyon, ay nag-aasam din ng kanyang pagbabalik. Gayunman, si Willard Richards ng Unang Panguluhan ay nais na isaalang-alang ni George ang pagtatapos sa pagsasalin bago umuwi.

Alam ni George na siya ay tapat na naglingkod sa misyon. Lumaki siya mula sa isang nangungulila, umid ang dila na binatilyo hanggang sa isang makapangyarihang mangangaral at missionary. Kung pipiliin niyang umuwi ngayon, walang magsasabi na hindi na niya nagampanan nang mabuti ang tungkulin na ibinigay sa kanya ng Panginoon.

Gayunpaman, naniniwala siya na ang mga ninuno ng mga tao sa Hawaii ay humingi ng pagkakataong marinig at matamasa ng kanilang mga inapo ang mga pagpapala ng ebanghelyo. At palagi niyang pinananabikang magalak kasama ang kanyang mga kapatid na Hawaiian sa kahariang selestiyal. Paano niya iiwan ang Hawaii bago niya matapos ang kanyang pagsasalin?25 Mananatili siya upang tapusin ang kanyang pagsasalin.

Ilang araw kalaunan, matapos palipasin ang umaga kasama ang mga Banal ng Maui, nagbulay-bulay si George ukol sa kabutihan ng Diyos, at ang kanyang puso ay napuspos ng kagalakan at kaligayahan na hindi maipaliwanag.

“Ang aking dila at wika ay lubhang mahina upang ipahayag ang nadarama ko kapag nagbubulay-bulay sa gawain ng Panginoon,” sabi niya sa kanyang journal. “Ah, ang aking dila, at ang aking oras at mga talento, at lahat ng mayroon ako o angkin ay maaaring gamitin sa Kanyang karangalan at kaluwalhatian, sa pagluluwalhati ng Kanyang pangalan, at sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa Kanyang mga katangian saanman ako ipadala ng aking kapalaran.”26


Noong taglagas na iyon, sina Johan Dorius at iba pang mga missionary sa Denmark ay isinugo upang ipangaral ang ebanghelyo sa Norway. Tulad ng Denmark, nagpapahintulot ang Norway ng ilang kalayaang panrelihiyon sa mga Kristiyano na hindi nabibilang sa Simbahan ng estado. Subalit binabalaan ng mga aklat at pahayagan ang mga Norwegian tungkol sa mga panganib ng mga Banal sa mga Huling Araw nang mahigit isang dekada, ibinabaling ang mga opinyon ng mga tao laban sa Simbahan.27

Isang araw, nagdaos sina Johan at kanyang kasama ng pulong sa isang maliit na bahay malapit sa lunsod ng Fredrikstad. Matapos awitin ng kongregasyon ang “Ang Espiritu ng Diyos ay tulad ng Nagniningas na Apoy,” nagsalita si Johan tungkol sa pinagmulan ng Simbahan at ipinahayag na ang Diyos ay muling nagpakita ng Kanyang sarili sa sangkatauhan. Nang matapos siya, isang dalaga ang humiling na kanyang patunayan ang katotohanan ng kanyang mga salita gamit ang Biblia. Ginawa niya ito, at humanga ito sa sinabi niya.28

Makaraan ang dalawang araw, sina Johan at ang kanyang kasama ay nagpalipas ng gabi sa isang bahay-tuluyan sa labas ng Fredrikstad. Tinanong ng katiwala ng bahay-tuluyan kung sino sila, at ipinakilala ng mga binata ang kanilang sarili bilang mga missionary na Banal sa mga Huling Araw. Nag-alangan ang katiwala ng bahay-tuluyan. Mahigpit na ipinagbabawal ng mga opisyal ng county na bigyan ng matitirhan ang mga Banal sa mga Huling Araw.

Habang nakikipag-usap ang mga missionary sa katiwala ng bahay-tuluyan, isang pulis ang lumabas mula sa kalapit na silid at hiniling na makita ang pasaporte ni Johan. “Ito ay nasa Fredrikstad,” paliwanag ni Johan.

“Ikaw ay dinadakip,” sabi ng opisyal, na bumaling sa kasama ni Johan at hiningi ang pasaporte nito. Nang hindi ito maipakita ng missionary, dinakip din ito ng opisyal at dinala ang dalawang lalaki sa isang silid upang hintayin ang pag-uusig. Sa kanilang pagkamangha, natagpuan nina Johan at ng kanyang kasama ang silid na puno ng mga Banal na Norwegian—mga kalalakihan at kababaihan—na inaresto rin. Kasama nila ang ilang missionary na Danish, kabilang na ang isa na nasa kustodiya sa loob ng dalawang linggo.29

Nitong mga huling araw, ang mga opisyal ng pamahalaan sa lugar ay nagsimulang tipunin at tanungin ang mga missionary at iba pang mga miyembro ng Simbahan. Maraming mga Norwegian ang lubhang naghihinala sa mga Banal at naniniwala na ang kanilang pananampalataya sa Aklat ni Mormon ay ginagawa silang hindi karapat-dapat sa proteksyong ipinagkakaloob sa ilalim ng mga batas ng bansa sa kalayaan sa relihiyon.

Ang balita na ang mga miyembro ng Simbahan sa Estados Unidos ay nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa ay nagdulot din sa ilang Norwegian na ituring ang mga Banal bilang panggulo na nais sirain ang tradisyunal na pananampalataya at pagpapahalaga ng mga Norwegian. Sa pag-uusig at pagkulong sa mga Banal sa mga Huling Araw, umasa ang mga opisyal na ilantad sila bilang mga hindi Kristiyano at pigilin ang paglaganap ng bagong relihiyon.30

Hindi nagtagal ay dinala si Johan sa Fredrikstad at inilagay sa bilangguan kasama ang apat na iba pang mga missionary, kabilang na si Christian Larsen, isang lider ng Simbahan sa Norway. Maayos na pinakitunguhan ng bantay at ng kanyang pamilya ang mga missionary, nagpapahintulot sa kanila na manalangin, magbasa at sumulat, umawit, at mag-usap tungkol sa ebanghelyo. Subalit walang malayang umalis.31

Makaraan ang ilang linggo, tinanong ng hukom ng county at ng iba pang opisyal ang ilan sa mga missionary. Itinuring ng hukom ang mga lalaki na parang kriminal, halos hindi pinakikinggan ang sinasabi nila, at tinutulan silang magsalita nang tangkain nilang ipaliwanag na ang kanilang mensahe ay nakaayon sa Kristiyanismo at sa Biblia.

“Para sa anong layunin ang inyong pagdating sa bansang ito?” tanong ng mga opisyal kay Christian.

“Upang magturo sa mga tao ng tunay na ebanghelyo ni Jesucristo,” sabi ni Christian.

“Babalik ba kayo sa Denmark, kung kayo ay palalayain mula sa bilangguan?”

“Hindi hanggang ang Diyos ay palalayain ako sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod na nagsugo sa akin dito.”

“Titigil ka ba mula sa pangangaral at pagbibinyag?”

“Kung kayo o ang sinuman sa inyong mga saserdote ay makukumbinsi ako na ang aming doktrina at pananampalataya ay hindi ayon sa mga doktrina ni Cristo,” sabi ni Christian, “sapagkat nais kong makamtan ang kaligtasan at gawin ang kalooban ng Diyos.”

“Itinuturing namin na mababa sa dangal ng aming mga saserdote ang pakikipagtalo sa inyo,” sabi ng punong taga-usig. “Pinagbabawalan kita ngayong linlangin ang iba pang mga kaluluwa ng inyong mga maling doktrina.”32

Habang hinihintay nina Johan at ng mga missionary ang kanilang araw sa hukuman, nakasama nila sa isang selda si Johan Andreas Jensen. Isang kapitan ng barko, si Jensen ay lubhang relihiyoso na nagbigay ng kanyang mga ari-arian sa mga maralita at nagsimulang mangaral at ipahayag ang pagsisisi sa mga lansangan. Sa kanyang sigasig na maipahayag ang salita ng Diyos, sinubukan niyang ibahagi ang kanyang mga pananaw sa relihiyon kay Haring Oscar I ng Sweden at Norway, ngunit siya ay tinatanggihan tuwing humihiling siya ng pagkakataon. Sa inis, binansagan ni Jensen ang hari bilang “dakilang makasalanan” at agad hinuli at ikinulong.

Hindi nagtagal ibinahagi ng mga missionary ang ipinanumbalik na ebanghelyo kay Jensen. Noong una, ang kapitan ay hindi interesado sa mensahe, ngunit nanalangin siya para sa kanila, at sila ay nanalangin para sa kanya. Isang araw, habang nagpapatotoo ang mga missionary kay Jensen, lahat ng tao sa loob ng selda ay biglang napuspos ng kagalakan. Maigting na umiyak si Jensen at nagningning ang kanyang mukha. Sinabi niya na alam niya na totoo ang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Nagpetisyon ang mga missionary sa korte na pakawalan si Jensen na sapat ang tagal upang magpabinyag, ngunit tinanggihan ang kanilang kahilingan. Si Jensen, gayunman, ay tiniyak sa mga missionary na siya ay mabibinyagan sa oras na siya ay mapalaya mula sa bilangguan.33

“Ito ang nagdala sa atin sa abang pasasalamat sa Diyos, at talagang ito ay napakamaluwalhating araw para sa atin,” itinala ni Johan sa kanyang journal. “Kami ay umawit at pumuri sa Diyos sa Kanyang kabutihan.”34