“Magtipon ng Isang Grupo,” kabanata 1 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)
Kabanata 1: “Magtipon ng Isang Grupo”
Kabanata 1
Magtipon ng Isang Grupo
“Nais kong magsalita tungkol sa mga patay.”
Libu-libong Banal sa mga Huling Araw ang nanahimik habang umaalingawngaw ang tinig ni Lucy Mack Smith sa gitna ng malaking bulwagan sa unang palapag ng halos kumpleto nang Nauvoo Temple.
Umaga noon ng Oktubre 8, 1845, ang ikatlo at huling araw ng kumperensya sa taglagas ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Batid na hindi na siya magkakaroon ng mas maraming pagkakataon na magsalita sa mga Banal—lalo na ngayong nagbabalak silang lisanin ang Nauvoo para maghanap ng isang bagong tahanan sa malayong kanluran—nagsalita si Lucy nang may kapangyarihan na tila hindi maaaring manggaling sa kanyang mahinang pitumpung-taong-gulang na katawan.
“Noong ika-dalawampu’t dalawa ng Setyembre ay labingwalong taon na ang nakakalipas mula nang kunin ni Joseph ang mga lamina mula sa lupa,” nagpatotoo siya, “at noong nakaraang Lunes ay labingwalong taon na ang nakakalipas mula nang si Joseph Smith, ang propeta ng Panginoon—”1
Tumigil siya sandali, inaalala si Joseph, ang kanyang anak na pinaslang. Alam na ng mga Banal sa silid kung paano siya ginabayan ng isang anghel ng Panginoon tungo sa isang pangkat ng mga laminang ginto na nakabaon sa burol na tinatawag na Cumorah. Alam nila na isinalin ni Joseph ang mga lamina sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos at inilathala ang talaan bilang ang Aklat ni Mormon. Subalit ilan nga ba sa mga Banal sa bulwagan ang tunay na nakakakilala sa kanya?
Naaalala pa ni Lucy nang unang magsabi sa kanya si Joseph, na noon ay dalawampu’t isang taong gulang lamang, na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos ang mga lamina. Buong umaga siyang nag-aalala, natatakot na babalik ito mula sa burol na walang dala, gaya ng nangyari noong nakaraang apat na taon. Ngunit noong dumating si Joseph, agad nitong pinakalma ang kanyang nerbiyos. “Huwag maging balisa,” sabi nito. “Ayos lang ang lahat.” Pagkatapos ay iniabot nito sa kanya ang mga pansalin na inilaan ng Panginoon para sa pagsasalin ng mga lamina, na nakabalot sa isang panyo, bilang patunay na nagtagumpay ito sa pagkuha ng talaan.
Iilan pa lamang ang mga mananampalataya noon, karamihan sa kanila ay miyembro ng pamilyang Smith. Ngayon (noong ibinigay ni Lucy ang kanyang talumpati) ay mahigit labing-isang libong Banal mula sa Hilagang Amerika at Europa ang naninirahan sa Nauvoo, Illinois, kung saan nagtipon ang Simbahan sa nakalipas na anim na taon. Ang ilan sa kanila ay mga bagong miyembro ng Simbahan at hindi nagkaroon ng pagkakataong makilala si Joseph o ang kanyang kapatid na si Hyrum bago binaril at pinatay ng mga mandurumog ang dalawang lalaki noong Hunyo 1844.2 Iyon ang dahilan kung bakit ninais ni Lucy na magsalita tungkol sa mga patay. Ninais niyang magpatotoo tungkol sa paghirang kay Joseph bilang propeta at sa papel ng kanyang pamilya sa Panunumbalik ng ebanghelyo bago lumisan ang mga Banal.
Sa loob ng mahigit isang buwan, ang mga grupo ng mga vigilante ay nanunog ng mga tahanan at negosyo ng mga Banal sa mga kalapit na pamayanan. Natatakot para sa kanilang mga buhay, maraming pamilya ang lumipat sa mas ligtas na lugar ng Nauvoo. Ngunit ang mga masasamang-loob ay lalo lamang lumakas at naging mas organisado sa paglipas ng mga linggo, at hindi nagtagal ay nagkaroon ng mga armadong labanan sa pagitan nila at ng mga Banal. Samantala, walang ginawa ang mga pamahalaan ng estado at ng bansa upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga Banal.3
Naniniwalang malapit nang salakayin ng mga mandurumog ang Nauvoo, nakipagkasundo ang mga lider ng Simbahan para sa kapayapaan sa pamamagitan ng pagsang-ayon na ilikas ang mga Banal mula sa county pagsapit ng tagsibol.4
Sa pamamagitan ng paggabay ng banal na paghahayag, binalak ni Brigham Young at ng iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na ilipat ang mga Banal nang higit sa isang libo at anim na raang kilometro pakanluran, lampas sa Rocky Mountains, sa labas ng Estados Unidos. Bilang namumunong korum ng Simbahan, ipinahayag ng Korum ng Labindalawang Apostol ang desisyong ito sa mga Banal sa unang araw ng kumperensya sa taglagas.
“Layon ng Panginoon na akayin tayo tungo sa isang mas malawak na lugar kung saan mas malaya tayong makakakilos,” ipinahayag ng apostol na si Parley Pratt, “kung saan natin matatamasa ang mga dalisay na alituntunin ng kalayaan at pantay-pantay na karapatan.”5
Alam ni Lucy na tutulungan siya ng mga Banal na maisagawa ang paglalakbay na ito kung pipiliin niyang sumama. Iniutos ng mga paghahayag sa mga Banal na magtipon nang sama-sama sa iisang lugar, at ang Labindalawa ay determinadong isakatuparan ang kalooban ng Panginoon. Subalit si Lucy ay matanda na at naniwalang hindi na siya mabubuhay nang matagal. Kapag pumanaw siya, ninais niyang mailibing sa Nauvoo malapit kina Joseph, Hyrum, at sa iba pang mga miyembro ng pamilya na namayapa na, kabilang ang kanyang asawang si Joseph Smith Sr.
Bukod pa rito, karamihan sa mga buhay na miyembro ng kanyang pamilya ay naninirahan sa Nauvoo. Ang kanyang tanging naiwang anak na lalaki, si William, ay naging miyembro ng Korum ng Labindalawa, ngunit itinatwa nito ang kanilang pamumuno at tumangging magpunta sa kanluran. Ang kanyang tatlong anak na babae—sina Sophronia, Katharine, at Lucy—ay maiiwan din. Gayon din ang kanyang manugang na si Emma, ang balo ng propeta.
Habang nagsasalita si Lucy sa kongregasyon, hinikayat niya ang kanyang mga tagapakinig na huwag mag-alala tungkol sa darating na paglalakbay. “Huwag mawalan ng pag-asa at huwag sabihin na hindi kayo makakakuha ng mga bagon at mga kagamitan,” sabi niya. Sa kabila ng kahirapan at pag-uusig, natupad ng kanyang sariling pamilya ang utos ng Panginoon na ilathala ang Aklat ni Mormon. Hinikayat niya sila na makinig sa kanilang mga lider at pakitunguhan nang maayos ang isa’t isa.
“Tulad ng sinasabi ni Brigham Young, kailangan maging tapat kayong lahat o hindi kayo makakarating doon,” sabi niya. “Kung nakakaramdam kayo ng galit, magkakaroon kayo ng problema.”
Nagsalita pa si Lucy tungkol sa kanyang pamilya, sa matinding pag-uusig na dinanas nila sa Missouri at Illinois, at sa mga pagsubok na naghihintay sa hinaharap para sa mga Banal. “Dalangin ko na nawa’y pagpalain ng Panginoon ang mga pinuno ng Simbahan, si Brother Brigham at ang lahat,” sabi niya. “Kapag ako ay nasa kabilang buhay na, nais kong makita kayong lahat.”6
Makaraan ang higit pa sa isang buwan, si Wilford Woodruff, isang apostol at pangulo ng British mission ng Simbahan, ay natagpuan ang isang liham mula kay Brigham Young na naghihintay para sa kanya sa kanyang tanggapan sa Liverpool, England. “Nakaranas kami ng matinding kalungkutan at kaguluhan dito ngayong taglagas,” sinabi ni Brigham sa kanyang kaibigan. “Kung kaya nararapat para sa amin na lumayo bilang tanging kundisyon ng kapayapaan.”7
Nabahala si Wilford ngunit hindi siya nagulat. Nabasa niya ang mga ulat sa pahayagan tungkol sa pagsalakay ng mga mandurumog sa Nauvoo. Ngunit ngayon lamang niya nalaman kung gaano kasama ang sitwasyon. “Nabubuhay tayo ngayon sa isang di-pangkaraniwang panahon,” naisip ni Wilford matapos basahin ang liham. Ipinahayag ng pamahalaan ng Estados Unidos na pinoprotektahan nito ang mga mamamayang api at binibigyan ng tirahan ang mga pinalayas, ngunit hindi maalala ni Wilford ang pagkakataong natulungan nito ang mga Banal.
“Napuno na ng estado ng Illinois at ng buong Estados Unidos ang kanilang saro ng kasamaan,” isinulat niya sa kanyang journal, “at tila pinakamainam na umalis na lamang ang mga Banal sa Estados Unidos.”8
Sa kabutihang-palad, ang karamihan sa pamilya ni Wilford ay malayo sa kapahamakan. Ang kanyang asawa na si Phebe at ang kanilang mga bunsong anak na sina Susan at Joseph ay kasama niya sa England. Ang isa pa nilang anak na si Phebe Amelia ay naninirahan kasama ng mga kamag-anak sa silangang Estados Unidos, mahigit 1,600 kilometro ang layo mula sa panganib.
Gayunman, ang kanilang panganay na si Willy ay nasa Nauvoo pa rin sa pangangalaga ng malalapit na kaibigan. Sa kanyang liham, binanggit ni Brigham na ligtas si Willy, subalit nasasabik pa rin si Wilford na muling makasama ang kanyang pamilya.9
Bilang pangulo ng korum, binigyan ni Brigham si Wilford ng mga tagubilin tungkol sa susunod na gagawin. “Huwag nang magpadala pa ng mga dayo rito,” payo niya, “ngunit hayaan silang maghintay sa England hanggang sa maaari na silang maglayag sa Karagatang Pasipiko.” Ukol sa mga Amerikanong missionary sa England, nais niya na yaong mga hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga ordenansa sa templo ay bumalik agad sa Nauvoo upang tanggapin ang mga ito.10
Sa mga sumunod na araw, nagpadala si Wilford ng mga liham sa mga Amerikanong elder na nangangaral sa England, upang ipaalam sa kanila ang tungkol sa mga pag-uusig sa Nauvoo. Bagama’t natanggap na nila ni Phebe ang kanilang mga ordenansa, nagpasiya silang umuwi na rin.
“May isang bahagi ng aking pamilya na naninirahan nang humigit-kumulang 3,200 kilometro ang layo sa isa’t isa sa Estados Unidos,” paliwanag ni Wilford sa isang mensahe ng pamamaalam sa mga Banal na British. “Sa kasalukuyang panahon, mukhang isang tungkulin na nakaatang sa akin na bumalik doon at sama-samang tipunin ang aking mga anak upang sila ay makapaglakbay kasama ng kampo ng mga Banal.”
Hinirang ni Wilford si Reuben Hedlock, ang dating mission president, na muling mamuno sa Britain. Bagama’t hindi lubos na nagtitiwala si Wilford kay Reuben, na pinamamahalaan nang mali ang pondo ng Simbahan noon, walang sinuman sa England ang may mas maraming karanasan sa pamumuno ng mission. At kaunti lamang ang oras ni Wilford para makahanap ng mas mahusay na kapalit. Matapos ang muling pagsama sa Korum ng Labindalawa, irerekomenda niya ang paghirang sa isa pang lalaki na papalit kay Reuben.11
Habang naghahanda sina Wilford at Phebe na bumalik sa Nauvoo, si Samuel Brannan, ang namumunong elder ng Simbahan sa Lunsod ng New York, ay nakarinig ng usap-usapan na mas nanaisin pa ng pamahalaan ng Estados Unidos na alisan ng armas at lipulin ang mga Banal kaysa tulutan silang makaalis ng bansa at pumanig sa Mexico o Great Britain, dalawang bansang umaangkin sa malawak na rehiyon sa Kanluran. Nababahala, agad na sumulat si Sam kay Brigham Young upang iulat ang panganib.
Dumating ang liham ni Sam sa Nauvoo sa gitna ng mga bagong panganib. Si Brigham at ang iba pang mga apostol ay pinadalhan ng legal na kasulatan na nagpaparatang sa kanila ng panlilinlang, at ngayon, nais silang dakpin ng mga alagad ng batas.12 Matapos basahin ang liham ni Sam, nanalangin ang mga apostol para sa proteksyon, hinihiling sa Panginoon na akayin ang mga Banal nang ligtas palabas ng lunsod.13
Pagkaraan ng maikling panahon, tila pinagtibay ni Gobernador Thomas Ford ng Illinois ang ulat ni Sam. “Malamang na manghihimasok ang pamahalaan sa Washington, DC, para mahadlangan ang mga Mormon na pumunta sa kanluran ng Rocky Mountains,” babala niya. “Maraming matatalinong tao ang taos-pusong naniniwala na sila ay sasama sa mga British kung tutungo sila roon at magiging mas malalang problema kaysa noon.”14
Noong Enero 1846, madalas na nakipagpulong si Brigham sa Korum ng Labindalawa at sa Konseho ng Limampu, isang organisasyon na nangangasiwa sa mga temporal na pangangailangan ng kaharian ng Diyos sa lupa, upang planuhin ang pinakamainam at pinakamabilis na paraan para lumikas mula sa Nauvoo at magtatag ng isang bagong lugar ng pagtitipon para sa mga Banal. Si Heber Kimball, ang kanyang kapwa apostol, ay nagrekomenda na pamunuan nila ang isang maliit na grupo ng mga Banal pakanluran sa lalong madaling panahon.
“Magtipon ng isang grupo na maihahanda ang kanilang mga sarili,” payo niya, “upang maging handa sa anumang oras kapag tinawag na humayo at maghanda ng isang lugar para sa kanilang mga pamilya at sa mga maralita.”
“Kung may isang paunang grupo na susulong at magtatanim ng mga binhi ngayong tagsibol,” sinabi ng apostol na si Orson Pratt, “kailangang magsimula ito pagsapit ng unang araw ng Pebrero.” Inisip niya kung magiging mas mainam na manirahan sa isang lugar na mas malapit, na magiging daan upang makapagtanim sila ng mga pananim nang mas maaga.
Hindi nagustuhan ni Brigham ang ideyang iyon. Nagtagubilin na ang Panginoon sa mga Banal na manirahan malapit sa Great Salt Lake. Ang lawa ay bahagi ng Great Basin, isang napakalaking hugis-mangkok na rehiyong napapaligiran ng mga bundok. Ang malaking bahagi ng basin ay tuyong disyerto at isang hamon na tamnan, kung kaya’t hindi ito kanais-nais para sa maraming Amerikanong lumilipat patungong kanluran.
“Kung pupunta tayo sa pagitan ng mga bundok sa lugar na pinag-iisipan,” pangangatwiran ni Brigham, “walang mangyayaring pag-iimbot mula sa alinmang bansa.” Nauunawan ni Brigham na ang rehiyon ay tinitirhan na ng mga Katutubo. Subalit umaasa siya na ang mga Banal ay maaaring manirahan nang payapa kasama ng mga ito.15
Sa paglipas ng mga taon, sinikap ng mga Banal na ibahagi ang ebanghelyo sa mga American Indian sa Estados Unidos, at nagplano sila na gawin din ito sa mga Katutubo ng Kanluran. Tulad ng karamihan sa mga puting tao sa Estados Unidos, nakita ng maraming puting tao na Banal ang kanilang kultura bilang nakahihigit kaysa sa kultura ng mga Indian at kaunti lang ang alam nila ukol sa mga wika at kaugalian ng mga ito. Ngunit nakita rin nila ang mga Indian bilang mga kapwa miyembro ng sambahayan ni Israel at mga potensyal na kaanib, at inasahan nila na magkaroon ng pagkakaibigan sa mga Ute, Shoshone, at sa iba pang mga tribu sa kanluran.16
Noong Enero 13, muling nakipagkita si Brigham sa mga konseho upang malaman kung gaano karaming mga Banal ang handang lisanin ang Nauvoo nang may abiso na anim na oras. May tiwala siya na ang mga Banal ay magiging ligtas sa lunsod hanggang sa bago sumapit ang tagsibol. Upang matiyak ang mabilis na paglalakbay, ninais niya na hangga’t maaari ay kaunting pamilya lamang ang umalis kasama ng paunang grupo.
“Lahat ng mga kalalakihang iyon na nasa panganib at malamang na tutugisin ng legal na kasulatan,” sabi niya, “humayo at dalhin ang kanilang mga pamilya.” Lahat ng iba pa ay maghihintay hanggang sa tagsibol bago tumungo sa kanluran, pagkatapos marating ng paunang grupo ang mga bundok at maitatag ang bagong pamayanan.17
Noong hapon ng Pebrero 4, 1846, sumikat ang araw sa Daungan ng New York habang nagsisiksikan ang mga tao sa pantalan upang magpaalam sa Brooklyn, isang 450-toneladang barko na patungo sa San Francisco Bay sa baybayin ng California, isang di-gaanong tinitirahang rehiyon sa hilagang-kanlurang Mexico. Sa kubyerta ng barko, kumakaway sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa ibaba, ay mahigit dalawang daang Banal, karamihan sa kanila ay masyadong mahihirap upang magpunta sa kanluran gamit ang bagon.18
Pinangungunahan sila ng dalawampu’t anim na taong gulang na si Sam Brannan. Pagkatapos ng kumperensya noong Oktubre, inatasan ng Labindalawa si Sam na umarkila ng isang barko at magsama ng isang grupo ng mga Banal mula sa silangan patungo sa California, kung saan maghihintay sila na makipagtagpo sa pinakamalaking pangkat ng Simbahan sa Kanluran.
“Tumakas mula sa Babilonia!” babala ni apostol Orson Pratt. “Hindi natin gusto na may isang Banal na maiwan sa Estados Unidos.”19
Hindi nagtagal ay inarkila ni Sam ang Brooklyn sa abot-kayang presyo, at gumawa ang mga manggagawa ng tatlumpu’t dalawang maliliit na silid upang tuluyan ng mga pasahero. Inatasan niya ang mga Banal na mag-impake ng mga araro, pala, asarol, pantuhog at iba pang mga kasangkapan na kakailanganin nila para makapagtanim ng mga pananim at makapagtayo ng mga tahanan. Hindi tiyak sa hinaharap, nag-impake sila ng sapat na pagkain at kagamitan, ilang mga alagang hayop, tatlong gilingan ng butil, mga gilingang bato, mga makinang panlalik, mga pako, isang makinang panlimbag, at mga armas. Isang mapagkawanggawang samahan ang nagbigay rin ng sapat na aklat sa barko upang makabuo ng isang magandang aklatan.20
Habang naghahanda si Sam para sa paglalakbay, isang pulitiko na kilala niya sa Washington ang nagbabala sa kanya na determinado pa rin ang Estados Unidos na pigilan ang mga Banal mula sa paglisan sa Nauvoo. Sinabi rin ng pulitiko kay Sam na siya at ang isang negosyante na may interes sa kalakalan sa California ay nakahandang impluwensyahan ang pamahalaan para sa kapakanan ng Simbahan kapalit ng kalahati ng lupain na nakuha ng mga Banal sa kanluran.
Alam ni Sam na ang mga tuntunin ng kasunduan ay hindi mabuti, ngunit naniwala siya na ang mga lalaki ay kanyang mga kaibigan at maaari nilang protektahan ang mga Banal. Ilang araw bago siya sumakay sa Brooklyn, gumawa ng kontrata si Sam at ipinadala niya ito kay Brigham, inuudyukan si Brigham na lagdaan ito. “Lahat ay magiging maayos,” nangako siya.21
Ipinaalam din niya kay Brigham ang kanyang plano na magtatag ng isang lunsod sa San Francisco Bay, marahil bilang isang bagong lugar ng pagtitipon para sa mga Banal. “Ako ang pipili ng pinakaangkop na lugar,” isinulat niya. “Bago ka makarating doon, kung ito ang kalooban ng Panginoon, ihahanda ko ang lahat ng bagay para sa iyo.”22
Nang lisanin ng Brooklyn ang daungan nito, natiyak ni Sam na nasiguro niya ang kaligtasan para sa mga Banal na aalis sa Nauvoo at ang isang maayos na paglalakbay para sa kanyang grupo. Susundin ng ruta ng barko ang mga alon sa karagatan sa paligid ng maunos na katimugang dulo ng Timog Amerika at patungo sa gitna ng Pasipiko. Kapag nakarating sila sa California, itatatag nila ang kanilang lunsod at magsisimula sila ng bagong buhay sa Kanluran.
Habang ginagabayan ng bapor ang Brooklyn palayo sa pantalan, nagbigay ang pulutong ng mga mahal sa buhay sa pantalan ng tatlong pagbati sa mga Banal, na tumugon gamit ang kanilang tatlong sariling pagbati. Pagkatapos ay binagtas ng barko ang makipot na pasukan ng daungan, inilahad ang pinakatuktok na layag nito, at nakasalo ng ihip ng hangin na nagdala rito sa Karagatang Atlantiko.23
Sa mismong araw na naglayag ang Brooklyn papuntang California, labinlimang bagon ng mga paunang grupo ng mga Banal ang tumawid sa Ilog Mississippi tungo sa Teritoryo ng Iowa, sa kanlurang bahagi ng Nauvoo, at nagtayo ng kampo sa kalapit na Sugar Creek.
Pagkaraan ng apat na araw, nakipagtagpo si Brigham Young sa mga apostol sa Nauvoo temple sa huling pagkakataon.24 Bagama’t hindi pa nailalaan ang kabuuan ng templo, nailaan na nila ang silid sa may kisame nito at pinangasiwaan nila ang endowment doon para sa mahigit limang libong sabik na Banal. Nabuklod rin nila ang tinatayang isang libo at tatlong daang mag-asawa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.25 Ilan sa mga pagbubuklod na ito ay maramihang pagpapakasal, na sinimulang isabuhay nang sarilinan ng ilang matatapat na Banal sa Nauvoo alinsunod sa isang alituntunin na inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith noong unang bahagi ng dekada ng 1830.26
Binalak ni Brigham na tumigil sa pangangasiwa ng mga ordenansa noong Pebrero 3, isang araw bago umalis sa lunsod ang mga unang bagon, ngunit dumagsa ang mga Banal sa templo buong maghapon, sabik na makatanggap ng mga ordenansa bago ang kanilang paglisan. Noong una, pinauwi sila ni Brigham. “Magtatayo tayo ng mas marami pang templo at magkakaroon pa ng karagdagang pagkakataon na matanggap ang mga pagpapala ng Panginoon,” iginiit niya. “Marami na tayong natanggap na pagpapala sa templong ito, at wala na tayong tatanggapin pa.”
Inaasahan na aalis ang mga tao, nagsimula nang maglakad pauwi si Brigham. Ngunit hindi pa siya nakakalayo nang bumalik siya at matagpuan niya ang templo na punung-puno ng mga tao na nagugutom at nauuhaw sa salita ng Panginoon. Noong araw na iyon, 295 pang mga Banal ang nakatanggap ng kanilang mga pagpapala sa templo.27
Ngayon na tapos na ang paggawa ng mga ordenansa sa templo, ang mga apostol ay lumuhod sa altar ng templo at nanalangin para sa isang ligtas na paglalakbay pakanluran. Walang makapagsasabi kung ano ang mga pagsubok na maaari nilang maranasan sa mga linggo at buwan na darating. Inilarawan ng mga gabay na aklat at ng mga mapa ang hindi pa namamarkahang landas sa malaking bahagi ng daan patungo sa mga bundok. Maraming ilog at batis sa daan, at maraming kalabaw at makakaing hayop na lumilibot sa lupain. Ngunit ang lupain ay hindi tulad ng anumang lugar na nalakbay na ng mga Banal.28
Hindi handang iwanan ang sinuman sa panganib, sama-samang nakipagtipan ang mga Banal na tulungan ang sinumang gustong magpunta sa kanluran—lalo na ang mga maralita, maysakit, o balo. “Kung magiging tapat kayo sa inyong mga tipan,” pangako ni Brigham sa mga Banal sa templo noong kumperensya ng Oktubre, “ang dakilang Diyos ay magbibigay ng saganang pondo sa mga taong ito upang maisagawa nila nang eksakto ang anumang iatas sa kanila.”29
Noong Pebrero 15, nag-alala si Brigham dahil sa bigat ng tipang ito habang tumatawid siya sa Mississippi. Noong hapon na iyon, nagtulak at naghila siya ng mga bagon paakyat ng isang maniyebe at maputik na burol 6.5 kilometro sa kanluran ng ilog. Kahit ilang oras ng liwanag ng araw na lamang ang nalalabi bago padilimin ng gabi ang daan papunta roon, nanatiling determinado si Brigham na huwag magpahinga hanggang sa ang bagon ng bawat Banal sa mga Huling Araw sa kanlurang bahagi ng ilog ay ligtas na makarating sa Sugar Creek.30
Sa ngayon, naantala na ang plano na magpadala ng maliit na paunang grupo sa mga bulubundukin noong taong iyon. Nilisan ni Brigham at ng iba pang mga lider ng Simbahan ang lunsod nang mas huli kaysa sa nakaplano, at ang ilang Banal—binabalewala ang payo na manatili sa Nauvoo—ay tumawid sa ilog at sumama sa kampo ng paunang grupo sa Sugar Creek. Matapos ang mabilis na paglisan sa lunsod, maraming pamilya sa daan ang magulo, kulang sa kagamitan, at hindi handa.
Hindi pa alam ni Brigham kung ano ang gagawin. Tiyak na pababagalin ng mga Banal na ito ang iba. Ngunit hindi niya pababalikin ang mga Banal na ito sa lunsod ngayong nakaalis na sila. Para sa kanya, ang Nauvoo ay naging isang bilangguan, walang puwang para sa mga tao ng Diyos. Ang daan pakanluran ay kalayaan.
Kailangan lang niya at ng Labindalawa na magpatuloy sa paglakad, nagtitiwala na tutulungan sila ng Panginoon na makahanap ng solusyon.31