“Kayo ay Makatatanggap ng Aking Batas,” kabanata 11 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 11: “Kayo ay Makatatanggap ng Aking Batas”
Kabanata 11
Kayo ay Makatatanggap ng Aking Batas
Sina Ann at Newel Whitney ay nagpapasalamat na nagsadya sina Joseph at Emma sa Kirtland. Bagama’t may tatlong maliliit na anak at isang tiyahin na kapiling ang mga Whitney, inanyayahan nila ang mga Smith na manatili sa kanilang bahay hanggang sa makahanap ang mga ito ng kanilang sariling matitirhan. Dahil malaki na ang tiyan ni Emma dala ng kanyang pagbubuntis, lumipat sina Ann at Newel sa isang silid sa itaas upang magamit nina Emma at Joseph ang kuwarto sa baba.1
Matapos maisaayos ang kanilang pananatili sa tahanan ng mga Whitney, nagsimulang bisitahin ni Joseph ang mga bagong binyag. Ang Kirtland ay isang maliit na kumpol ng mga bahay at tindahan sa isang burol na nasa timog ng tindahan ng mga Whitney. Isang maliit na sapa ang dumadaloy katabi ng bayan, na siyang nagpapaandar ng mga kiskisan at tumutuloy sa isang mas malaking ilog sa hilaga. Humigit-kumulang isang libong tao ang nakatira doon.2
Habang binibisita ni Joseph ang mga miyembro ng simbahan, nakita niya ang kanilang kasabikan para sa mga espirituwal na kaloob at ang kanilang taos-pusong kagustuhang iayon ang kanilang buhay sa mga banal sa Bagong Tipan.3 Gusto ni Joseph ang mga kaloob ng Espiritu at batid na may papel ang mga ito sa ipinanumbalik na simbahan, ngunit nag-alala siya na ang ilang mga Banal sa Kirtland ay masyadong natatangay sa kanilang paghahangad sa mga ito.
Nakita niya na may importante siyang gagawin. Ang mga Banal sa Kirtland ay higit na dinoble ang laki ng simbahan, ngunit malinaw na kailangan nila ng mga karagdagang tagubilin mula sa Panginoon.
Walong daang milya sa kanluran, si Oliver at iba pang missionary ay dumating sa maliit na bayan ng Independence sa Jackson County, Missouri, sa kanlurang hangganan ng Estados Unidos. Nakahanap sila ng tirahan at hanapbuhay upang itaguyod ang kanilang mga sarili at pagkatapos ay bumuo ng mga plano upang bisitahin ang mga Delaware Indian na nanirahan sa teritoryo ilang milya ang layo sa kanluran ng bayan.4
Ang mga Delaware ay kalilipat lamang sa teritoryo matapos silang sapilitang paalisin sa kanilang lupain sa pamamagitan ng mga patakaran ng pamahalaan ng Estados Unidos na nagpapaalis sa mga Indian. Ang kanilang pinuno, si Kikthawenund, ay isang matandang lalaki na nakaranas ng mahigit na dalawampu’t limang taong pakikibaka upang tipunin ang kanyang mga tao habang ang mga naninirahan at U.S. Army ay itinaboy sila pakanluran.5
Sa isang malamig na araw noong Enero 1831, sina Oliver at Parley ay tumulak upang makilala si Kikthawenund. Natagpuan nila itong nakaupo sa tabi ng isang siga sa gitna ng isang malaking kubo sa pamayanan ng Delaware. Mainit silang kinamayan ng pinuno at sumenyas sa kanila na umupo sa ilang mga kumot. Ang kanyang mga asawa ay naglagay ng isang kalderong puno ng mainit na patani at mais sa harapan ng mga missionary, at kumain sila gamit ang kahoy na kutsara.
Sa tulong ng isang tagasalin, nakipag-usap sina Oliver at Parley kay Kikthawenund tungkol sa Aklat ni Mormon at humingi ng pagkakataon na ibahagi ang mensahe nito sa kanyang namumunong konseho. Karaniwang sumasalungat si Kikthawenund sa pagpapahintulot sa mga missionary na makipag-usap sa kanyang mga mamamayan, ngunit sinabi niya sa kanila na pag-iisipan niya iyon at ibibigay sa kanila ang kanyang desisyon sa lalong madaling panahon.
Nagbalik ang mga missionary sa kubo kinaumagahan, at pagkaraan ng kaunting talakayan, tumawag ang pinuno ng isang kapulungan ng konseho at inanyayahan ang mga missionary na magsalita.
Nagpapasalamat sa kanila, pinagmasdan ni Oliver ang mga mukha ng kanyang mga tagapakinig. “Kami ay naglakbay sa ilang, tinawid ang malalim at malawak na mga ilog, at lumusong sa malalim na niyebe,” sabi niya, “upang ipahatid sa inyo ang dakilang kaalaman na kamakailan lamang ay nakarating sa aming mga tainga at puso.”
Ipinakilala niya ang Aklat ni Mormon bilang kasaysayan ng mga ninuno ng mga American Indian. “Ang aklat ay isinulat sa mga laminang ginto,” paliwanag niya, “at ipinasa-pasa mula sa ama patungo sa anak sa paglipas ng maraming panahon at henerasyon.” Sinabi niya kung paano tinulungan ng Diyos si Joseph na matagpuan at isalin ang mga lamina upang ang kanilang mga sulatin ay mailathala at maibahagi sa lahat ng tao, kabilang na ang mga Indian.
Matapos niyang magsalita, iniabot ni Oliver kay Kikthawenund ang Aklat ni Mormon at naghintay habang siya at ang konseho ay sinusuri ito. “Nais naming tunay na magpasalamat sa ating mapuputing kaibigan na nagmula pa sa malayo, at mga nagpakasakit upang ipaalam sa atin ang mabuting balita,” sabi ng matandang lalaki, “at lalo na ang bagong balitang ito tungkol sa aklat ng ating mga ninuno.”
Ngunit naging malupit sa kanyang mga tao ang panahon ng matinding taglamig, paliwanag niya. Ang kanilang mga tirahan ay hindi maayos, at nagkakamatay ang kanilang mga hayop. Kinailangan nilang magtayo ng mga bahay at bakod at ihanda ang mga bukid para sa tagsibol. Sa ngayon, hindi pa sila handang anyayahan ang mga missionary.
“Magtatayo kami ng council house at magtipun-tipon,” pangako ni Kikthawenund, “at babasahin mo at ituturo mo sa amin ang higit pa tungkol sa aklat ng aming mga ama at ang kalooban ng Dakilang Espiritu.”6
Pagkaraan ng ilang linggo, nakatanggap si Joseph ng ulat mula kay Oliver. Matapos ilarawan ang pagbisita ng mga missionary kay Kikthawenund, inamin ni Oliver na hindi pa rin siyang tiyak kung tatanggapin ng mga Delaware ang Aklat ni Mormon. “Kung ano ang patutunguhan nito kaugnay ng tribong ito ay hindi ako nakatitiyak,” isinulat niya.7
Nanatiling positibo ang pananaw ni Joseph tungkol sa misyon sa mga Indian, kahit na nakabaling ang kanyang pansin sa pagpapalakas ng simbahan sa Kirtland. Ilang panahon lamang matapos makilala ang mga Banal doon, tumanggap siya ng paghahayag para sa kanila. “At sa pamamagitan ng panalangin ng inyong pananampalataya kayo ay makatatanggap ng aking batas,” ipinangakong muli ng Panginoon, “upang inyong malaman kung paano pamamahalaan ang aking simbahan at gawing tama ang lahat ng bagay sa harapan ko.”8
Mula sa kanyang pag-aaral ng Biblia, batid ni Joseph na binigyan ng Diyos si Moises ng batas nang pamunuan niya ang kanyang mga tao sa lupang pangako. Alam din niya na si Jesucristo ay pumarito sa lupa at nilinaw ang kahulugan ng Kanyang batas sa buong ministeryo Niya. Ngayon ay muli Niyang ihahayag ang batas sa Kanyang mga pinagtipanang tao.
Sa bagong paghahayag, pinuri ng Panginoon si Edward Partridge dahil sa kanyang dalisay na puso at tinawag siya bilang unang bishop ng simbahan. Hindi detalyadong inilarawan ng Panginoon ang mga tungkulin ng isang bishop, ngunit sinabi Niya na lubusang ilalaan ni Edward ang kanyang panahon sa simbahan at tutulungan ang mga Banal na sundin ang batas na ibibigay ng Panginoon sa kanila.9
Makaraan ang isang linggo, noong Pebrero 9, nakipagpulong si Edward kay Joseph at sa iba pang mga elder ng simbahan upang manalangin para matanggap ang batas. Sunud-sunod ang tanong ng mga elder kay Joseph tungkol sa batas, at inihayag ng Panginoon ang mga sagot sa pamamagitan niya.10 Ilan sa mga sagot ay inuulit ang mga pamilyar na katotohanan, na nagpapatunay ng alituntunin ng Sampung Utos at ng mga turo ni Jesus. Ang iba naman ay nagbigay sa mga Banal ng mga bagong kaalaman kung paano susundin ang mga kautusan at tulungan ang mga taong lumabag sa mga ito.11
Ibinigay rin ng Panginoon ang mga utos na tulungan ang mga Banal na maging katulad ng mga tao ni Enoc. Sa halip na maghati sa pangkalahatang pag-aari, tulad ng ginawa ng mga tao sa bukirin ng mga Morley, nararapat nilang ituring ang lahat ng kanilang mga lupain at kayamanan bilang sagradong pangangasiwa mula sa Diyos, na ibinigay sa kanila upang maalagaan nila ang kanilang mga pamilya, magbigay-ginhawa sa mga dukha, at itayo ang Sion.
Ang mga Banal na piniling sundin ang batas ay ilalaan ang lahat ng kanilang ari-arian sa simbahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga titulo nito sa bishop. Pagkatapos ay ibabalik niya ang lupain at mga ari-arian sa kanila bilang mana sa Sion, ayon sa mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Ang mga Banal na tumanggap ng mana ay kikilos bilang mga katiwala ng Diyos, gagamitin ang mga lupain at kagamitan na kanilang natanggap at ibabalik ang anumang hindi nagamit upang matulungan ang mga nangangailangan at itatayo ang Sion at ang templo.12
Hinimok ng Panginoon ang mga Banal na sundin ang batas na ito at patuloy na hanapin ang katotohanan. “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman,” pangako Niya, “upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan.”13
Tumanggap si Joseph ng iba pang mga paghahayag na nagdala ng kaayusan sa simbahan. Patungkol sa busaksak na pag-uugali ng ilan sa mga Banal, nagbabala ang Panginoon na ang mga mapanlinlang na espiritu ay nagkalat sa mundo, nililinlang ang mga tao na mag-isip na ang Espiritu Santo ang sanhi ng kanilang kakaibang pagkilos. Sinabi ng Panginoon na ang Espiritu ay hindi tinatakot at nililito ang mga tao, kundi sa halip ito ay nagpapasigla at nagbibigay ng tagubilin sa kanila.
“Yaong hindi nakapagpapatibay ay hindi sa Diyos,” pahayag Niya.14
Hindi nagtagal matapos ihayag ng Panginoon ang Kanyang batas sa Kirtland, ang mga Banal sa New York ay nagsagawa ng mga huling paghahanda upang magtipon sa Ohio. Ipinagbili nila ang kanilang lupain at ari-arian nang mababa sa halaga nito, tinipon ang kanilang mga gamit sa mga bagon, at nagpaalam sa pamilya at mga kaibigan.
Sina Elizabeth at Thomas Marsh ay kabilang sa mga Banal na naghahandang lumipat. Matapos matanggap ni Thomas ang mga pahina mula sa Aklat ni Mormon at umuwi sa Boston, lumipat sila sa New York upang mapalapit kay Joseph at sa simbahan. Ang tawag na magtipon sa Ohio ay dumating makalipas lamang ang ilang buwan, kung kaya’t muling nag-impake sina Elizabeth at Thomas, desididong makipagtipon sa mga Banal at itayo ang Sion saanman iutos ng Panginoon.
Lumakas ang determinasyon ni Elizabeth bunga ng kanyang pagbabalik-loob. Bagama’t naniniwala siya na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, hindi siya kaagad na nabinyagan. Matapos magsilang ng sanggol na lalaki sa Palmyra, gayunpaman, humiling siya sa Panginoon ng patunay na ang ebanghelyo ay totoo. Hindi nagtagal, natanggap niya ang patotoong hinangad niya at sumapi sa simbahan, at hindi niya maitatatwa ang nalalaman niya at siya ay handang tumulong sa gawain.
“May malaking pagbabagong nangyari sa akin, kapwa sa katawan at isipan,” isinulat ni Elizabeth sa kapatid na babae ni Thomas bago sila umalis papuntang Ohio. “Nadarama ko na dapat akong magpasalamat sa anumang natanggap ko at humanap ng iba pa.”
Sa parehong liham, ibinahagi ni Thomas ang tungkol sa balita ng pagtitipon. “Ang Panginoon ay nananawagan sa lahat na magsisi,” pahayag niya, “at mabilis na magtipon sa Ohio.” Hindi niya alam kung pupunta ang mga Banal sa Ohio upang itayo ang Sion o kung sila ay naghahanda para sa isang mas maambisyong paglilipat sa hinaharap. Ngunit hindit ito mahalaga. Kung ang Panginoon ay nag-utos sa kanila na magtipon sa Missouri, o kahit sa Rocky Mountains na isanlibong milya lang layo mula sa kanlurang hangganan ng bansa, siya ay handang gawin ito.
“Wala kaming nalalaman sa kung ano ang dapat naming gawin, maliban sa kung ito ay ipapahayag sa amin,” paliwanag niya sa kanyang kapatid. “Ngunit ito ang alam namin: isang lunsod ang itatayo sa lupang pangako.”15
Sa pagkakahayag ng batas ng Panginoon at ang mga Banal mula sa New York ay nagtitipon patungong Ohio, ipinagpatuloy nina Joseph at Sidney ang inspiradong pagsasalin ng Biblia.16 Nagpatuloy sila mula sa tala ni Enoc hanggang sa kuwento ng patriyarkang si Abraham, na pinangakuan ng Panginoon na gagawing isang ama ng maraming bansa.17
Hindi naghayag ang Panginoon ng malawakang pagbabago sa teksto, ngunit habang binabasa ni Joseph ang kuwento ni Abraham, pinag-iisipan niyang mabuti ang tungkol sa buhay ng patriyarka.18 Bakit hindi isinumpa ng Panginoon si Abraham at iba pang mga patriyarka sa Lumang Tipan sa pagpapakasal sa maraming asawa, isang kaugaliang kinasusuklaman ng mga Amerikanong nagbabasa ng Biblia?
Ang Aklat ni Mormon ay nagbigay ng isang sagot. Sa panahon ni Jacob, ang nakababatang kapatid ni Nephi, inutusan ng Panginoon ang mga kalalakihang Nephita na magkaroon ng iisang asawa lamang. Ngunit sinabi rin Niya na maaari Niya silang atasan, kung hinihingi ng pagkakataon, na magpalaki ng matwid na mga anak.19
Nanalangin si Joseph tungkol sa bagay na ito, at inihayag ng Panginoon na kung minsan ay inuutusan Niya ang Kanyang mga tao na magpakasal nang makailang-ulit. Hindi pa panahon para ibalik ang kaugalian, ngunit darating ang araw na hihilingin Niya ang ilan sa mga Banal na gawin ito.20
Malamig pa ang lupa nang lisanin ng unang grupo ng mga Banal ang New York. Ang ikalawang grupo, kabilang dito si Lucy Smith at walumpung iba, ay kaagad ding sumunod. Sumakay sila sa isang barko na magdadala sa kanila sa isang malaking lawa sa kanluran. Sa lawa, sasakay naman sila sa isang bapor na magdadala sa kanila sa isang daungan malapit sa Kirtland. Mula roon, maglalakbay sila sa lupa para sa huling yugto ng kanilang tatlong daang milyang paglalakbay.21
Noong una ay matiwasay ang kanilang paglalakbay, ngunit nang nasa kalahatian na ng lawa, isang sirang trangka sa kanal ang nagpatigil sa grupo ni Lucy sa pampang. Dahil sa hindi nila naisaalang-alang ang pagkaantala, maraming tao ang hindi nakapagdala ng sapat na pagkain. Ang gutom at agam-agam tungkol sa pagtitipon ang sanhi ng pagdaing ng ilan sa kanila.
“Maging matiyaga, at itigil ang pagbulung-bulong ninyo,” sabi sa kanila ni Lucy. “Wala akong pagdududa na tutulungan tayo ng Panginoon.”
Kinaumagahan, kinumpuni ng mga manggagawa ang kanal, at nagsimulang muli ang mga Banal sa kanilang paglalakbay. Nakarating sila sa lawa makalipas ang ilang araw, ngunit nakadama sila ng pagkabigo, dahil may makapal na yelong nakaharang sa daungan, na siyang humahadlang sa kanilang tumuloy.22
Umasa ang pangkat na makaupa ng isang bahay sa bayan habang naghihintay sila, ngunit isang malaking silid lamang ang nakita nila para matuluyan. Mabuti na lang, may nakilala si Lucy na kapitan ng barko na kilala ang kanyang kapatid, at inayos niya ang kanyang pangkat na lumipat sa barko nito habang hinihintay nilang mabitak ang yelo.23
Sakay ng barko, parang pinanghihinaan ng loob ang mga Banal. Marami ang nagugutom, at lahat ay basa at nilalamig. Wala silang makitang anumang paraan upang makapagpatuloy at nagsimulang makipagtalo sa isa’t isa.24 Ang mga pagtatalo ay naging mainit at umakit ng pansin ng mga nakamasid. Nag-aalala na ang mga Banal ay ginagawan ng eksena ang kanilang mga sarili, hinarap sila ni Lucy.
“Nasaan ang inyong pananampalataya? Nasaan ang inyong pananalig sa Diyos?” maigting niyang tanong. “Kung iaakyat ninyo ang inyong mga kahilingan sa langit, na sana ay mabitak ang yelong ito at makapaglayag tayo, kasingtiyak na buhay ang Diyos, mangyayari ito.”
Nang sandaling iyon nakarinig si Lucy ng ingay na parang sumasabog na kulog habang ang yelo na nasa daungan ay nabitak at nagkaroon ng sapat espasyo upang makalayag ang barko sa pagitan nito. Iniutos ng kapitan sa kanyang mga tao na pumunta sa kanilang mga puwesto, at ginabayan nila ang barko sa pagitan ng makitid na awang, mapanganib na dumaraan malapit sa yelo sa magkabilang panig ng mga ito.25
Nagulat at nagpasalamat, sama-samang nagdasal ang mga Banal sa kubyerta.26
Habang ang kanyang ina at ang mga Banal mula sa New York ay naglalakbay pakanluran, lumipat si Joseph kasama si Emma sa isang maliit na bahay sa bukid ng mga Morley. Ang kanyang pamumuno at ang bagong ipinahayag na batas ay nagdulot ng higit na kaayusan, pag-unawa, at pagkakasundo sa mga Banal sa Ohio. Ngayon maraming elder at kanilang mga pamilya ay gumagawa ng matitinding sakripisyo upang ipalaganap ang ebanghelyo sa mga kalapit na bayan at nayon.
Sa Missouri, ang gawaing misyonero ay hindi gaanong masigla. Sa loob ng ilang panahon, naniwala si Oliver na mayroon silang pagsulong na nagawa para kay Kikthawenund at sa kanyang mga mamamayan. “Ang pangunahing pinuno ay nagsasabing pinaniniwalaan niya ang bawat salita ng aklat,” ulat niya kay Joseph, “at marami pa sa angkan nila ang naniniwala.”27 Ngunit matapos magbanta ang isang kinatawan ng pamahalaan na dadakpin ang mga missionary dahil sa kanilang pangangaral sa mga Indian nang walang pahintulot, kinailangang ihinto ni Oliver at ng mga missionary ang kanilang mga pagsisikap.28
Pinagnilayan ni Oliver na ihatid ang mensahe sa isa pang angkan ng mga Indian, ang Navajo, na naninirahan isang libong milya ang layo sa kanluran, ngunit pakiramdam niya’y hindi na sila pinahihintulutang maglakbay nang gayon kalayo. Sa halip, isinugo niya si Parley pabalik sa silangan upang kumuha ng lisensya na mangaral mula sa pamahalaan samantalang siya at ang iba pang mga missionary ay sinikap na mapabalik-loob ang mga naninirahan sa Independence.29
Samantala, sina Joseph at Emma, ay nahaharap sa isa pang trahedya. Sa huling araw ng Abril, nagsilang si Emma ng kambal—isang babae at isang lalaki—sa tulong ng mga kababaihan mula sa pamilya Morley. Ngunit tulad ng kanilang kapatid na lalaking naunang isinilang sa kanila, mahina ang pangangatawan ng kambal at namatay sa loob ng ilang oras ng kanilang kapanganakan.30
Noong araw ring iyon, isang bagong binyag na si Julia Murdock ay namatay matapos magsilang ng kambal. Nang marinig ni Joseph ang tungkol sa kanyang pagpanaw, nagpadala siya ng mensahe sa kanyang asawa, si John, at ipinaalam sa kanya na sila ni Emma ay handang palakihin ang mga ito. Sa labis na lungkot sa pagkawala ng kanyang asawa at hindi magawang mag-alaga ng mga bagong silang na sanggol nang mag-isa, tinanggap ni John ang alok.31
Tuwang-tuwa sina Joseph at Emma na salubungin ang mga sanggol sa kanilang tahanan. At nang ligtas na dumating ang ina ni Joseph mula sa New York, nagawa niyang kargahin ang kanyang mga bagong apo sa kanyang mga bisig.32