Institute
46 Pinagkalooban ng Kapangyarihan


“Pinagkalooban ng Kapangyarihan,” kabanata 46 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 46: “Pinagkalooban ng Kapangyarihan”

Templo sa Burol

Pinagkalooban ng Kapangyarihan

Noong taglagas ng 1844, nagpadala ng liham ang Korum ng Labindalawa sa lahat ng mga Banal sa lahat ng dako. “Ang templo,” balita nila, “ay nangangailangan ng ating pangunahin at pinakamahigpit na pansin.” Hinikayat nila ang mga Banal na magpadala ng salapi, mga suplay, at mga manggagawa upang pabilisin ang gawain. Naghihintay sa kanila ang pagkakaloob ng kapangyarihan. Ang tanging kailangan na lamang nila ay isang lugar para tanggapin ito.1

Ang mga Banal at ang mga apostol ay kapwa nagmamadali. Noong huling bahagi ng Setyembre, sumulat si Peter Maughan kay Willard Richards tungkol sa bagong minahan ng coal ng mga Banal na isang daang milya ang layo sa Mississippi River. Kailan lamang ay ibinenta nina Peter at Mary ang kanilang tahanan sa Nauvoo, ginamit ang pera upang mabili ang minahan para sa simbahan, at inilipat ang kanilang pamilya sa isang magaspang na bahay na yari sa troso na malapit sa lugar ng trabaho. Subalit nasasabik na si Peter na bumalik sa Nauvoo upang magtipak ng bato para sa bahay ng Panginoon.

“Ang tanging bagay na nasa isip ko,” sabi niya kay Willard, “ay ang templo ay itinatayo at ako ay nawalay sa pribilehiyong tumulong.”2

Habang tumataas ang mga pader ng templo, determinado si Brigham na ipagpatuloy ang gawaing sinimulan ni Joseph. Alinsunod sa halimbawa ng propeta, madalas siyang manalangin kasama ng pinagkalooban o binigyan ng endowment na mga Banal at hiniling sa Panginoon na pangalagaan at pagkaisahin ang simbahan. Ang mga pagbibinyag para sa mga patay, na tumigil matapos ang pagkamatay ni Joseph, ay nagsimulang muli sa silong ng templo. Mas maraming mga elder at pitumpu ang bumalik sa mission field.3

Subalit hindi lumayo ang mga hamon. Noong Setyembre, nalaman nina Brigham at ng Labindalawa na balak umano silang labanan ni Sidney Rigdon at pinaratangan si Joseph bilang isang nahulog na propeta. Pinaratangan nila ito ng apostasiya, at itiniwalag siya nina Bishop Whitney at ng mataas na kapulungan. Nilisan agad ni Sidney ang Nauvoo pagkatapos noon, hinuhulaan na hindi matatapos ng mga Banal ang templo.4

Nag-aalala pa rin tungkol sa kalagayan ng kanyang pamilya, tumanggi rin si Emma Smith na ibigay ang kanyang buong suporta sa mga apostol. Nakipagtulungan siya sa mga trustee-in-trust na kanilang hinirang upang ayusin ang ari-arian ni Joseph, ngunit ikinagalit niya ang mga pagtatalo ukol sa mga papeles at iba pang pag-aari ni Joseph. Naligalig din siya na patuloy ang mga apostol sa lihim na pagtuturo at pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa.5

Ang mga babaeng nabuklod kay Joseph bilang asawa sa maramihang pag-aasawa ay hindi na naghabol ng karapatan sa kanyang ari-arian. Matapos ng kamatayan nito, ang ilan sa kanila ay bumalik sa kanilang mga pamilya. Ang iba naman ay nagpakasal sa mga miyembro ng Labindalawa, na nakipagtipan na pangangalagaan at itataguyod sila sa pagkawala ni Joseph. Sa tahimik na paraan, nagpatuloy ang mga apostol sa pagpapakilala ng maramihang pag-aasawa sa iba pang mga Banal, nagpakasal sa mga bagong maramihang kasal na asawa, at nagsimula ng mga pamilya kasama nila.6

Noong simula ng 1845, ang mga pinakamatitinding pagsubok ng mga Banal ay nagmula sa labas ng simbahan. Sina Thomas Sharp at walo pang mga lalaki ay pinaratangan sa pagpatay kina Joseph at Hyrum, subalit hindi inasahan ng mga Banal na mahahatulan sila. Samantala, pinagsikapan ng mga mambabatas ng estado na pahinain ang kapangyarihang pampulitika ng mga miyembro ng simbahan sa pamamagitan ng pagpapawalang-bisa ng charter ng lunsod ng Nauvoo. Sinuportahan ni Gobernador Ford ang kanilang mga pagsisikap, at sa katapusan ng Enero 1845, tinanggal ng lehislatura sa mga Banal na naninirahan sa Nauvoo ang kanilang karapatan na bumuo at magpatupad ng batas at binuwag ang Nauvoo Legion pati na rin ang lokal na pulisya.7

Kapag wala ang mga proteksyong ito, pangamba ni Brigham na ang mga Banal ay magiging mahina mula sa mga pag-atake ng kanilang mga kaaway. Subalit matagal pa bago matapos ang templo, at kung lilisanin ng mga Banal ang lunsod, hindi nila halos maaasahang matatanggap pa nila ang kanilang dakilang kaloob o endowment. Kailangan nila ng panahon upang tapusin ang gawaing ibinigay sa kanila ng Panginoon. Subalit ang pananatili sa Nauvoo, kahit na sa loob lamang ng isa pang taon, ay maaaring maglagay sa panganib ng buhay ng lahat.

Lumuhod si Brigham at nanalangin upang malaman kung ano ang dapat gawin ng mga Banal. Tumugon ang Panginoon sa isang simpleng sagot: manatili at tapusin ang templo.8


Noong umaga ng Marso 1, ang tatlumpu’t walong taong gulang na si Lewis Dana ay naging unang American Indian na naging kasapi ng Konseho ng Limampu. Matapos ang pagkamatay ni Joseph, natigil ang mga pulong ng konseho, ngunit noong pinawalang-bisa ang charter ng Nauvoo at natanto ng mga Banal na bilang na ang kanilang mga araw sa Nauvoo, tinawag ng Labindalawa ang kapulungan upang tumulong sa pamamahala ng lunsod at planuhin ang paglikas nito.

Isang miyembro ng bansang Oneida, si Lewis ay nabinyagan kasama ang kanyang pamilya noong 1840. Naglingkod siya sa iba’t ibang misyon, kabilang na ang isa sa mga teritoryo ng mga Indian sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos, at nangahas na magpunta sa mga malalayong lugar tulad ng Rocky Mountains. Batid na si Lewis ay may mga kaibigan at kamag-anak sa mga teritoryo ng mga Indian sa kanluran, inanyayahan siya ni Brigham na sumapi sa kapulungan at ibahagi ang nalalaman niya tungkol sa mga tao at mga lupain doon.

“Sa ngalan ng Panginoon,” sinabi ni Lewis sa kapulungan, “ako ay handang gawin ang lahat ng makakaya ko.”9

Sa paglipas ng mga taon, naging malalim ang hinanakit ng mga Banal sa mga lider ng kanilang bansa dahil sa pagtanggi ng mga ito na tulungan sila. Desidido ngayon ang mga lider ng simbahan na lisanin ang bansa at isagawa ang plano ni Joseph na magtatag ng isang bagong lugar na pagtitipunan nila kung saan ay magtataas sila ng isang sagisag sa mga bansa, tulad ng ipinropesiya ng propetang si Isaias, at ipamuhay nang mapayapa ang mga batas ng Diyos. Tulad ni Joseph, nais ni Brigham na ang bagong lugar na pagtitipunan ay sa kanluran, kasama ng mga Indian, na inaasahan niyang magtitipun-tipon bilang isang sangay ng nakakalat na Israel.

Sa pagtatalumpati sa kapulungan, iminungkahi ni Brigham na ipadala si Lewis at ilang iba pang mga miyembro ng kapulungan sa kanluran sa isang ekspedisyon upang makipagkita sa mga Indian mula sa ilang mga tribu at ipaliwanag ang layunin ng mga Banal sa paglipat sa kanluran. Tutukuyin din nila ang mga posibleng mga lugar para sa pagtitipon.10

Sumang-ayon sa plano si Heber Kimball. “Habang hinahanap ng mga lalaki ang lugar na ito,” sabi niya, “ang templo ay matatapos at makukuha ng mga Banal ang kanilang endowment.”11

Inaprubahan ng konseho ang ekspedisyon, at sumang-ayon si Lewis na pamunuan ito. Sa natitirang bahagi ng Marso at Abril, dumalo siya sa mga pulong ng konseho at pinayuhan ang mga kapwa councilman sa kung paano pinakamahusay na paghahandaan ang ekspedisyon at pagkamit ng mga layunin nito.12 Sa katapusan ng Abril, itinalaga ng kapulungan ang apat na lalaki na sumama kay Lewis sa paglalakbay, kasama ang kapatid ni Brigham na si Phineas at isang bagong binyag na nagngangalang Solomon Tindall, isang Mohegan Indian na inampon ng mga Delaware.13

Hindi nagtagal ay lumisan ang ekspedisyon mula sa Nauvoo, naglalakbay sa timog-kanluran palabas ng Missouri patungo sa teritoryo sa ibayo.14


Sa pulo ng Tubuai sa Timog Pasipiko, tinantiya ni Addison Pratt na halos dalawang taon na mula nang lisanin niya ang kanyang asawa at mga anak sa Nauvoo. Bagamat walang duda na sumusulat sa kanya si Louisa, tulad ng pagliham niya sa bahay sa bawat pagkakataon, wala siyang natanggap na sulat mula sa kanyang pamilya.

Gayunpaman, nagpasalamat siya sa mga mamamayan ng Tubuai, na nagparamdam sa kanya na tila siya ay nasa kanyang sariling tahanan. May humigit-kumulang dalawandaang mamamayan ang maliit na isla, at si Addison ay nagsumikap, natutuhan ang kanilang wika, at nagkaroon ng maraming mga kaibigan. Pagkaraan ng isang taon sa isla, nabinyagan niya ang animnapung tao, kabilang na si Repa, ang panganay na anak na babae ng lokal na hari. Bininyagan din niya ang mag-asawang nagngangalang Nabota at Telii, na nagbahagi sa kanya ng lahat ng mayroon sila at itinuring siya na isang kapamilya. Para kay Addison, isang espirituwal na piging na marinig sina Nabota at Telii na manalangin para sa mga Banal sa Nauvoo at pasalamatan ang Panginoon sa pagpapadala kay Addison sa misyon.15

Bagama’t ang pag-isip kina Louisa at sa kanilang mga anak na babae ay nagpapangulilia kay Addison, binigyan din siya nito ng pagkakataon upang pagnilayan ang dahilan ng kanilang sakripisyo. Nasa Tubuai siya dahil sa kanyang pagmamahal kay Jesucristo at sa kanyang pagnanais para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos. Habang nililibot niya ang isla upang bisitahin ang mga Banal na Tubuaian, madalas makadama si Addison ng init at pagmamahal na nagdulot sa kanya at sa mga nakapaligid sa kanya na mapaiyak.

“May mga kaibigan ako rito na hindi malilikha ng kahit ano pa man maliban sa mga bigkis ng walang hanggang ebanghelyo,” sinabi niya sa kanyang talaarawan.16

Pagkaraan ng tatlong buwan, noong Hulyo 1845, nalaman ni Addison ang tungkol sa pagpanaw nina Joseph at Hyrum sa isang liham mula kay Noah Rogers, ang kanyang kapwa misyonero, na noon ay naglilingkod sa mas malayong lugar ng Tahiti. Habang binabasa ni Addison ang tungkol sa mga pagpaslang, tila nanlamig ang dugo sa kanyang mga ugat.17

Matapos ang isang linggo ay muling lumiham si Noah kay Addison. Ang mga pagsisikap ng mga misyonero sa Tahiti at sa mga karatig na pulo ay hindi naging ganoon katagumpay tulad ng kay Addison sa Tubuai, at nagpaligalig kay Noah ang mga balita mula sa Nauvoo. Mayroon siyang asawa at siyam na anak sa kanilang tahanan at nag-aalala siya para sa kanilang kaligtasan. Nagdusa sila nang husto noong kaguluhan sa Missouri, at ayaw niya silang magtiis pa nang wala siya. Nagbalak siyang sumakay sa susunod na barko pauwi.18

Maraming dahilan si Addison upang sundan si Noah. Ngayong wala na si Joseph, maging siya ay nangangamba para sa kanyang pamilya at sa simbahan. “Anuman ang mga magiging kalalabasan,” isinulat niya sa kanyang talaarawan, “tanging Panginoon lamang ang may alam.”19

Naglayag si Noah makaraan ang ilang araw, ngunit pinili ni Addison na manatili kasama ng mga Banal na Tubuaian. Noong sumunod na Linggo, nangaral siya ng tatlong sermon sa lokal na wika at isa sa wikang Ingles.20


Sa Illinois, binisita ni Louisa Pratt ang mga kaibigan niyang sina Erastus at Ruhamah Derby sa Bear Creek, isang munting pamayanan na nasa timog ng Nauvoo.21 Habang naroon siya, sinunog ng mga mandurumog ang isang kalapit na pamayanan ng mga Banal. Kaagad na umalis si Erastus upang ipagtanggol ang pamayanan, hinahayaan ang dalawang babae na bantayan ang bahay sakali mang sugurin din ng mga mandurumog ang Bear Creek.

Noong gabing iyon, takot na takot si Ruhamah para matulog at iginiit na magbantay habang natutulog si Louisa. Nang gumising siya kinabukasan ng umaga, natagpuan ni Louisa ang kaibigan niyang pagod na pagod ngunit alisto pa rin. Isang mabagting na araw ang lumipas nang walang nangyayari, at nang muling sumapit ang gabi, sinubukan ni Louisa na kumbinsihin si Ruhamah na hayaan siyang magbantay nang gabing iyon. Noong una, tila lubhang takot si Ruhamah na magtiwala sa kanya, subalit sa wakas ay nahimok siya ni Louisa na matulog.

Nang nakabalik si Erastus makalipas ang ilang araw, pagod na pagod na ang dalawang babae pero hindi sila nasaktan. Sinabi sa kanila ni Erastus na ang mga Banal sa kalapit na pamayanan ay nakatira sa mga tolda at bagon, nakalantad sa ulan at hamog.22 Nang umabot ang balita kay Brigham, tinawag niya ang mga Banal na nakatira sa labas ng Nauvoo na magtipon upang pumunta sa ligtas na lugar sa lunsod. Umaasang mapipigilan ang pananalakay ng mga mandurumog at magkakaroon ng mas maraming oras upang maisakatuparan ang utos ng Panginoon na tapusin ang templo, nangako siya kay Gobernador Ford na iiwanan ng mga Banal ang lugar sa tagsibol.23

Nang malaman ito ni Louisa, hindi niya alam ang gagawin. Dahil si Addison ay nasa kabilang panig ng mundo, pakiwari niya ay wala siyang kakayahan o kagamitan na ilipat ang kanyang pamilya nang mag-isa. Habang lalo niyang iniisip na lisanin ang Nauvoo, lalo siyang nababalisa.24


Matapos ang isang linggong pag-ulan, naging maaliwalas ang himpapawid sa itaas ng Nauvoo na tama lamang ang panahon para sa kumperensya ng Oktubre 1845 ng simbahan. Hindi pangkaraniwan ang alinsangan ng araw na iyon habang ang mga Banal mula sa iba’t ibang panig ng lunsod ay umakyat ng burol patungo sa templo at naupo sa bagong tayo nitong bulwagan sa unang palapag. Habang ang natitirang bahagi ng loob nito ay hindi pa natatapos, ang pagtatayo ng mga pader at bubong ay natapos na at ang simboryong kampanaryo ay makintab na nakatindig sa ilalim ng sikat ng araw.25

Habang pinagmamasdan ni Brigham na pumapasok ang mga Banal sa bulwagan, naguluhan siya. Ayaw niyang iwanan ang templo ni ang Nauvoo, ngunit ang mga panibagong pag-atake ng mga mandurumog ay patikim lamang sa kung ano ang mangyayari kung mananatili pa nang mas matagal ang mga Banal sa lunsod.26 Noong tagsibol na iyon, ang mga lalaking inakusahan na pumatay kina Joseph at Hyrum ay pinawalang-sala rin, nagbibigay sa mga Banal ng karagdagang patunay na ang kanilang mga karapatan at kalayaan ay hindi igagalang sa Illinois. 27

Mainam ang mga ulat mula kay Lewis Dana sa ekspedisyon sa mga Indian, at sa nakalipas na ilang linggo, ang mga apostol at ang Konseho ng Limampu ay nagtatalu-talo ukol sa mga posibleng maging bagong lugar na pagtitipunan. Nagkaroon ng interes ang mga lider ng simbahan sa lambak ng Great Salt Lake, sa dulong bahagi ng Rocky Mountains. Ang mga paglalarawan sa Salt Lake Valley ay nakasisigla, at naniwala si Brigham na ang mga Banal ay maaaring manirahan malapit doon, at kalaunan ay kumalat at manirahan sa Baybayin ng Pasipiko.28

Subalit ang lambak ay isang libo at apat na raang milya ang layo sa ibayo ng isang malawak at hindi kilalang kaparangan na may iilang kalsada at halos walang tindahan kung saan sila maaaring bumili ng pagkain at suplay. Alam ng mga Banal na kailangan nilang lisanin ang Nauvoo, ngunit magagawa ba nilang sumailalim sa isang mahaba at posibleng mapanganib na paglalakbay?

Sa tulong ng Panginoon, tiwala si Brigham na kaya nila, at binalak niyang gamitin ang pagpupulong upang palakasin at panatagin ang loob ng mga miyembro ng simbahan. Unang nagsalita si Parley Pratt sa sesyon sa hapon, tinutukoy ang plano ng simbahan na lumipat pakanluran. “Layon ng Panginoon na akayin tayo tungo sa mas malawak na lugar, kung saan may lugar para sa mga Banal na lumago at umunlad,” pahayag niya, “at kung saan matatamasa natin ang mga dalisay na alituntunin ng pantay na karapatan at kalayaan.”

Tumayo si George A. Smith sa pulpito at nagsalita ukol sa mga pag-uusig na dinanas ng mga Banal sa Missouri. Binabantaan ng utos ng pagpuksa, magkasama nilang nilisan ang estado, nakikipagtipan na walang iiwanan. Nais ni George ang mga Banal na gawin ang pareho ngayon, na ibigay ang lahat ng kanilang makakaya para tulungan ang mga hindi makakayanang maglakbay nang mag-isa.

Nang matapos si George, iminungkahi ni Brigham na makipagtipan sila sa isa’t isa at sa Panginoon na walang iiwanan na nais magpunta sa kanluran. Humiling si Heber Kimball para sa boto ng pagsang-ayon, at ang mga Banal ay nagtaas ng kamay bilang tanda ng kahandaan nilang isakatuparan ang kanilang mga pangako.

“Kung kayo ay magiging tapat sa inyong mga tipan,” pangako ni Brigham, “ako ngayon ay magpopropesiya na ang dakilang Diyos ay magbibigay ng anumang kailangan upang maisagawa nang eksakto ang anuman na iatas sa kanila.”29


Sa mga buwang kasunod ng kumperensya, ginamit ng mga Banal ang bawat lagari, martilyo, palihan, at karayom sa pananahi upang bumuo at lagyan ng gamit ang mga bagon para sa paglalakbay pakanluran. Pinag-ibayo rin ng mga manggagawa ang kanilang mga pagsisikap sa templo upang matapos nila ito nang sapat para hayaan ang mga Banal na tanggapin ang mga ordenansa roon bago nila lisanin ang lunsod.30

Habang inihahanda ng mga manggagawa ang kisame ng templo para sa mga pagkakaloob at pagbubuklod, patuloy ang pagbibinyag para sa patay sa silong. Sa ilalim ng patnubay ng Panginoon, iniutos ni Brigham na ang mga lalaki ay hindi na bibinyagan para sa mga babae o ang mga babae para sa mga lalaki.31

“Si Joseph sa kanyang buong buhay ay hindi tinanggap ang lahat ng bagay na nauugnay sa doktrina ng pagtubos,” turo ni Brigham sa mga Banal sa pagsisimula ng taong iyon, “ngunit iniwan niya ang susi sa mga taong nakauunawa kung paano magkaroon at magturo sa maraming tao ng lahat ng kailangan para sa kanilang kaligtasan at kadakilaan sa kahariang selestiyal ng ating Diyos.”

Ipinakita ng pagbabago sa ordenansa kung paano patuloy na ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga tao. “Ginabayan ng Panginoon ang mga tao sa buong panahong ito sa ganitong paraan,” sabi ni Brigham, “sa pagbibigay sa kanila ng kaunti rito at kaunti roon. Sa gayon ay Kanyang dinagdagan ang kanilang karunungan, at siya na tumatanggap nang kaunti at nagpapasalamat para rito ay parami nang parami nang parami ang matatanggap.”32

Noong Disyembre natapos ang kisame ng templo, at inihanda ito ng mga Apostol para sa pagkakaloob o pagbibigay ng endowment. Sa tulong ng iba pang mga Banal, nagsabit sila ng makakapal na kurtina upang hatiin ang malalaking bulwagan sa ilang mga silid na napapalamutian ng mga halaman at mga larawang nakapinta sa mga pader. Sa dulong silangan ng kisame, hinati nila ang isang malaking espasyo para sa silid-selestiyal, ang pinakabanal na lugar sa templo, at pinalamutian ito ng mga salamin, mga larawang may kuwadro, mga mapa at napakagandang marmol na orasan.33

Pagkatapos ay inanyayahan ng mga apostol ang mga Banal na pumasok sa templo upang tumanggap ng kanilang mga pagpapala. Ang mga kalalakihan at kababaihan na nabigyan na ng endowment noon ay halinhinan sa pagsasagawa ng iba’t ibang tungkulin sa seremonya ngayon. Ginagabayan ang mga Banal sa mga silid ng templo, itinuro nila sa kanila ang higit pa tungkol sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak at inilagay sila sa ilalim ng karagdagang mga tipan na ipamuhay ang ebanghelyo at ilaan ang kanilang sarili sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.34

Pinangasiwaan nina Vilate Kimball at Ann Whitney ang ordenansa ng paghuhugas at pagpapahid ng langis para sa mga babae. Pagkatapos ay ginabayan ni Eliza Snow ang kababaihan sa natitirang bahagi ng ordenansa, sa tulong ng iba pang mga babae na tumanggap na ng endowment. Hinirang ni Brigham si Mercy Thompson na tumira sa templo upang tumulong sa mga gawain doon.35

Noong simula ng bagong taon, nagsimula ang mga apostol na magbuklod ng mga mag-asawa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Hindi nagtagal, mahigit isang libong mag-asawa ang tumanggap ng bago at walang hanggang tipan ng kasal. Kabilang sa kanila sina Sally at William Phelps, Lucy at Isaac Morley, Ann at Philo Dibble, Caroline at Jonathan Crosby, Lydia at Newel Knight, Drusilla at James Hendricks, at iba pang kababaihan at kalalakihan na sumunod sa simbahan mula sa bawat lugar, inilalaan ang kanilang buhay sa Sion.

Nabuklod rin ng mga apostol ang mga anak sa mga magulang at ang mga babae sa mga asawa na pumanaw. Si Joseph Knight Sr., na nagalak kasama ni Joseph noong umaga na dinala niya ang mga laminang ginto sa kanilang tahanan, ay ibinuklod para sa kanyang asawang si Polly, ang unang Banal na inilibing sa Jackson County, Missouri. Ang ilang Banal ay nakibahagi rin sa pagbubuklod ng espesyal na pag-ampon na nagbuklod sa kanila sa walang hanggang pamilya ng mga malalapit na kaibigan.36

Sa bawat ordenansa, ang plano ng Panginoon ng pinagkaisang tanikala ng mga Banal at ng kanilang mga pamilya, na nakabuklod sa Kanya at sa isa’t isa sa pamamagitan ng priesthood, ay naging totoo.37


Noong taglamig na iyon, ang mga kaaway ng simbahan ay hindi mapalagay, nag-aalinlangan na ang mga Banal ay tutupad sa kanilang pangako na umalis sa tagsibol. Sina Brigham, at iba pang mga apostol ay pasinungaling na pinaratangan ng mga krimen, kaya napilitan silang manatiling hindi nakikita at kung minsan ay nagtatago sa loob ng templo.38 Kumalat ang mga bulung-bulungan na pinagdudahan ng pamhalaang Estados Unidos ang katapatan ng mga Banal at nais magpadala ng mga kawal upang pigilan silang lisanin ang county at pumanig sa mga dayuhang kapangyarihan na may kontrol sa mga lupain sa kanluran. 39

Nakadarama ng matinding panggigipit na umalis, nagpasiya ang mga apostol na ang mga lider ng simbahan, kanilang mga pamilya, at iba pa na tumanggap ng pag-uusig ay dapat umalis kaagad. Naniniwala sila na maaaring maantala ng pagtawid nila sa Mississippi River patungo sa Iowa ang kanilang mga kaaway ng ilang panahon pa at makapag-iwas sa kanila sa karagdagang karahasan.

Noong unang bahagi ng Enero 1846, tinatapos ng mga apostol ang kanilang mga plano sa paglisan kasama ang Konseho ng Limampu. Bago umalis, nagtalaga sila ng mga kinatawan upang pamahalaan ang ari-arian na kanilang iiwanan at ipagbili ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang mga mahihirap na gawin ang paglalakbay. Nais din nila na ang ilang mga lalaki ay manatili upang tapusin at ilaan ang templo.

Sina Brigham at ang Labindalawa ay desidido na ngayon na tipunin ang mga Banal sa lambak ng Great Salt Lake. Matapos ang pag-aayuno at pagdarasal araw-araw sa loob ng templo, nakita ni Brigham ang isang pangitain kung saan si Joseph ay itinuturo ang ituktok ng bundok na may isang nagwawagayway na bandila sa taas nito bilang isang sagisag. Sinabi sa kanya ni Joseph na magtayo ng isang lunsod sa ilalim ng anino ng bundok na iyon.

Naniwala si Brigham na iilang tao lamang ang nagnanasa sa lambak, na hindi ganoon kayaman kaysa sa kapatagan sa silangan ng kabundukan. Umasa siya na magbibigay rin ng proteksyon sa kanila ang mga bundok mula sa mga kaaway at magbibigay ng katamtamang klima. Kapag nanirahan na sila sa lambak, pag-asam niya, magagawa nilang magtayo ng daungan sa Baybayin ng Pasipiko upang tumanggap ng mga mandarayuhan mula sa England at sa silangang Estados Unidos.40

Muling nagpulong ang konseho makalipas ang dalawang araw, at muling pinagnilayan ni Brigham ang hangarin ni Joseph na tuparin ang propesiya ni Isaias at magtaas ng isang sagisag sa mga bansa. “Ang sinabi ng mga propeta ay hindi mapapatunayan,” sinabi ni Brigham sa kapulungan, “maliban na lamang kung ang bahay ng Panginoon ay itatayo sa mga tuktok ng mga bundok at ang marilag na bandila ng kalayaan ay iwagayway sa itaas ng mga lambak na nasa loob ng kabundukan.”

“Alam ko kung nasaan ang lugar na ito,” pahayag niya, “at alam ko kung paano gawin ang watawat.”41


Noong Pebrero, 2, matapos matanggap ng libu-libong mga Banal ang mga ordenansa sa templo, ibinalita ng mga apostol na kanilang ititigil ang gawain sa templo at sa halip ay maghahanda ng mga bangka na magtatawid ng mga bagon sa nagyeyelong Mississippi River. Nagpadala ng mga sugo si Brigham sa mga kapitan ng mga pangkat ng bagon, na nag-aatas sa kanila na maghandang umalis sa loob ng apat na oras. Pagkatapos ay patuloy siyang nangasiwa ng endowment para sa mga Banal hanggang lumalim ang gabi, pinananatiling naroon ang mga tagarekord sa templo hanggang ang bawat ordernansa ay naitala nang wasto.42

Paggising ni Brigham kinabukasan, sinalubong siya ng isang pulutong ng mga Banal sa labas ng templo, sabik na para sa kanilang endowment. Sinabi sa kanila ni Brigham na hindi mabuting maantala ang kanilang paglisan. Kung mananatili sila upang gumawa pa ng karagdagang endowment, ang kanilang daan palabas ng lunsod ay maaaring mahadlangan o kaya ay maputol. Ipinangako niya na sila ay magtatayo ng mas maraming templo at magkakaroon ng mas maraming pagkakataong tumanggap ng kanilang mga pagpapala sa kanluran.

Pagkatapos ay naglakad si Brigham papalayo, umaasang maghihiwa-hiwalay ang mga Banal, ngunit sa halip ay umakyat sila sa mga hakbang ng templo at pinuno ang mga bulwagan nito. Pumihit sa kanyang kinalalagyan, sinundan sila ni Brigham sa loob. Nakita niya ang kanilang nag-aalalang mukha, at nagbago ang kanyang isip. Alam nila na kailangan nila ang kaloob ng kapangyarihan upang malampasan ang mga darating na paghihirap, mapagtagumpayan ang tibo ng kamatayan, at makabalik sa piling ng Diyos.

Para sa kabuuan ng buong araw na iyon, pinangasiwaan ng mga manggagawa sa templo ang mga ordenansa para sa daan-daang mga Banal.43 Kinabukasan, Pebrero 4, 1846, ang karagdagang limang daang mga Banal ay tumanggap ng kanilang endowment habang ang mga unang bagon ay umalis mula sa Nauvoo.

Sa wakas, noong Pebrero 8, nagpulong sina Brigham at ang mga apostol sa itaas na palapag ng templo. Lumuhod sila sa altar at nagdasal, hinihiling na pagpalain ng Diyos ang mga taong naglalakbay patungong kanluran at ang mga mananatili sa Nauvoo upang tapusin ang templo at ilaan ito sa Kanya.44


Noong mga dumating na araw at linggo, ang mga pulutong ng mga Banal ay isinakay ang kanilang mga bagon at mga baka sa mga gabara at itinawid sila ng ilog, sumasama sa iba pang nakatawid na. Habang umaakyat sila sa isang mataas na dalisdis ilang milya ang layo sa kanluran ng ilog, lumingon ang maraming Banal sa Nauvoo upang magsagawa ng emosyonal na pamamaalam sa templo.45

Araw-araw, pinanood ni Louisa Pratt ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay na nililisan ang lunsod. Takot pa rin siya sa ideya na pumunta sa kanluran nang walang tulong at patnubay ni Addison. Inaasahan ng lahat na ang paglalakbay ay puno ng hindi inaasahang panganib, subalit hanggang ngayon ay walang nagtatanong sa kanya kung siya ay handang gawin ito. At wala ni isa sa mga kalalakihang naghirang kay Addison sa misyon ang tumulong sa kanyang lumipat.

“Sister Pratt,” sabi ng isang kaibigan isang araw matapos niyang sabihin ang kanyang saloobin, “inaasahan nilang sapat ang iyong talino upang makaalis nang mag-isa kahit na walang tulong, at na makatutulong ka pa sa iba.”

Pinag-isipan iyon sandali ni Louisa. “Aba,” sabi niya, “ipapakita ko sa kanila kung ano ang magagawa ko.”46


Dahil sa niyebeng umaalimpuyo sa kanya, nanginig sa ginaw si Emily Partridge nang naupo siya sa natumbang puno sa may kanlurang pampang ng Mississippi River. Ang kanyang ina at kapatid ay tumawid sa ilog anim na araw na ang nakararaan at nagkampo sa di-kalauyan, ngunit hindi alam ni Emily kung saan. Tulad ng maraming Banal na umalis ng Nauvoo, siya ay pagod, gutom at nag-aalala sa paglalakbay nila kalaunan. Ito ay ang pang-apat na pagkakataon na siya ay itinaboy mula sa bahay niya dahil sa kanyang pananampalataya.47

Sa tagal ng kanyang naaalala, palagi siyang isang Banal sa Huling Araw. Bilang isang batang babae, pinanood niya ang kanyang ama at ina na magdusa ng pag-uusig at kahirapan upang maglingkod kay Cristo at itatag ang Sion. Sa edad na labing-anim, noong pinuwersa ng mga mandurumog ang kanyang pamilya na lumayas sa Missouri, ginugol na ni Emily ang halos buong buhay niya sa paghahanap ng isang lugar ng kanlungan at kapayapaan.

Ngayong halos dalawampu’t dalawang taon gulang na, magsisimula siyang muli ng isa pang paglalakbay. Matapos ang pagpanaw ni Joseph, pinakasalan niya si Brigham Young bilang asawa sa maramihang pag-aasawa. Noong nakaraang Oktubre, nagkaroon sila ng anak, si Edward Partridge Young, na ipinangalan sa kanyang ama. Makalipas ang dalawang buwan, pumasok si Emily sa templo at tinanggap ang kanyang endowment.

Kung ang kanyang sanggol ay ligtas na makapaglalakbay, lalaki ito sa mga kabundukan, ligtas mula sa mga mandurumog noong kabataan ng kanyang ina. Subalit hindi niya malalaman, gaya ng pagkakaalam ni Emily, kung paano ang mabuhay sa Jackson County o sa Nauvoo. Hindi niya makikilala si Joseph Smith o mapakikinggan siyang mangaral sa mga Banal sa Linggo ng hapon.

Bago tumawid ng ilog, nagpunta si Emily sa Nauvoo Mansion upang dalawin ang sanggol na anak nina Joseph at Emma, si David Hyrum, na isinilang limang buwan matapos ang pagkamatay ng propeta. Ang hinanakit na minsang umiral sa pagitan nina Emma at Emily ay wala na, at inanyayahan siya ni Emma sa kanyang tahanan at pinakitunguhan siya nito nang maayos.

Sina Emma at ang mga bata ay hindi maglalakbay pakanluran. Ang kanyang paghihirap na tanggapin ang maramihang pag-aasawa, pati na rin ang patuloy na mga alitan sa lupain, ay patuloy na nagpapalubha ng kanyang relasyon sa simbahan at sa Labindalawa. Naniniwala pa rin siya sa Aklat ni Mormon at nagkaroon ng malakas na patotoo tungkol sa kanyang asawa noong tinawag ito bilang propeta. Ngunit sa halip na sumunod sa mga apostol, pinili niyang manatili sa Nauvoo kasama ng iba pang mga miyembro ng pamilya Smith.48

Nakaupo sa may pampang ng Mississippi River, unti-unting gininaw si Emily habang natitipon ang malalaking taliptip ng niyebe sa kanyang damit. Nasa Nauvoo pa si Brigham, pinamamahalaan ang malakihang paglisan, kung kaya’t tumayo siya at dinala ang kanyang sanggol mula sa isang apoy sa kampo patungo sa isa pa, naghahanap ng init at isang pamilyar na mukha. Hindi nagtagal, muli niyang nakasama ang kanyang kapatid na si Eliza at sumama sa kanya sa isang kampo ng mga Banal sa isang lugar na tinatawag na Sugar Creek. Doon ay nakita niya ang mga pamilyang nagsisiksikan sa mga tolda at bagon, magkakasama na nakakapit sa init at kaginhawahan laban sa lamig at hindi tiyak na hinaharap.49

Walang sinuman sa kampo ang nakakaalam sa kung ano ang ihahatid ng umaga. Gayunman, hindi sila sumusuong nang walang alam. Nakipagtipan sila sa Diyos sa templo, pinalalakas ang kanilang pananampalataya sa Kanyang kapangyarihan na gumabay at umalalay sa kanilang paglalakbay. Bawat isa ay nagtiwala na sa isang dako sa kanluran, sa ibayo ng mga tuktok ng Rocky Mountains, makatatagpo sila ng lugar upang magtipon nang sama-sama, bumuo ng isa pang templo, at itatag ang kaharian ng Diyos sa lupa.50