Institute
36 Hikayatin Sila na Magtipon


“Hikayatin Sila na Magtipon,” kabanata 36 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 36: “Hikayatin Sila na Magtipon”

Kabanata 36

Jerusalem

Hikayatin Sila na Magtipon

Noong tagsibol ng 1841, tiningnan ni Mary Ann Davis sa huling pagkakataon ang mukha ng kanyang asawa bago isinara ang takip sa kabaong nito at binuhat ng mga kaibigan nito ang kanyang mga labi at dinala ito sa isang tahimik na sulok ng isang sementeryo sa bakuran ng simbahan sa Tirley, England. Si John Davis ay nasa kanyang kalakasan, dalawampu’t limang taong gulang lamang, noong siya ay namatay. Habang pinagmamasdan ni Mary ang mga lalaki na dalhin ang kanyang kabaong, bigla niyang nadama na mag-isa siya, nakatayong suot ang kanyang itim na damit pandalamhati sa isang nayon kung saan siya na lamang ang tanging Banal sa mga Huling Araw.

Namatay si John dahil sa kanyang mga paniniwala. Nagpunta sila ni Mary sa isang pulong ng mga Banal noong nakaraang taon, hindi katagalan matapos binyagan ni Wilford Woodruff ang daan-daang mga United Brethren sa kalapit na Herefordshire. Maging siya o si John ay hindi sumamba kasama ang United Brethren, ngunit mabilis na kumalat sa lugar ang ipinanumbalik na ebanghelyo, inaakit ang pansin ng maraming tao.1

Binuksan nina Mary at John ang kanilang tahanan sa mga misyonero na umaasang makapagtatatag ng isang kongregasyon sa lugar. Lumaki nang lumaki ang British mission, at pagkatapos lamang ng apat na taon, mayroon nang mahigit anim na libong mga Banal sa England at Scotland.2 Maging sa London, kung saan ang mga mangangaral sa kalye mula sa maraming simbahan ay matinding nagpagalingan para sa mga kaluluwa, ang mga misyonero ay itinatag ang branch ng mga apatnapung Banal, na pinamumunuan ng isang batang Amerikanong elder na si Lorenzo Snow.3

Nanatiling malakas pa rin ang oposisyon sa buong bansa. Nagkalat sa mga daan sa karamihan sa mga lunsod ang mga mumurahing polyeto, na nagpapahayag ng lahat ng uri ng mga ideyang panrelihiyon.4 Ang ilan ay ang muling paglilimbag ng mga polyetong mula sa Estados Unidos na laban sa mga Mormon at nagbabala sa mga mambabasa laban sa mga Banal sa mga Huling Araw.5

Umaasa na maitama ang mga maling ulat, nagsimulang magsulat si Parley Pratt ng sarili niyang mga polyeto at naging patnugot ng isang buwanang pahayagan, ang Latter-day Saints’ Millennial Star, na naglimbag ng mga balita mula sa mga Banal sa Nauvoo at sa lahat ng dako ng Britain. Inasikaro rin ni Brigham Young na magkaroon ng isang himnaryo at inilimbag ang Aklat ni Mormon para sa mga Banal na British.6

Sa Tirley, humarap sina Mary at John sa pagkapoot sa oras na nagsimulang mangaral ang mga misyonero sa kanilang tahanan. Madalas na ginugulo at binubuwag ng mga magagaspang na tao ang mga pulong at pinatatakbong palabas ang mga misyonero. Lalo lamang lumala ang mga bagay hanggang sa isang araw, pinatumba si John sa sahig ng mga lalaki at walang awa siyang sinipa. Hindi siya gumaling mula doon. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nakaranas siya ng isang masamang pagkahulog at nagsimulang umubo na may dugo. Sinikap ng mga misyonero na bisitahin ang mag-asawa, ngunit patuloy silang tinataboy ng mga malulupit na kapitbahay. Naratay sa kama, patuloy na nanghina si John hanggang sa mamatay siya.

Matapos ang libing, nagpasiya si Mary na sumama sa pagtitipon sa Nauvoo. Ilang mga apostol, kabilang sina Brigham Young at Heber Kimball, ay nagpahayag kamakailan na sila ay uuwi sa tagsibol na iyon at isasama nila ang isang malaking grupo ng mga Banal na British. Balak ni Mary na umalis agad patungo sa Hilagang Amerika kasama ang isang maliit na pangkat ng mga Banal.

Dahil siya lamang ang miyembro ng simabahan sa kanyang pamilya, dinalaw ni Mary ang kanyang mga magulang at kapatid upang magpaalam. Inaasahan niya ang kanyang ama na tumutol, ngunit tinanong lamang siya nito kung kailan siya aalis at sa kung aling barko ang sasakyan niya.

Noong araw na umalis si Mary patungo sa bayang daungan ng Bristol, may sakit siya ng pagdadalamhati. Dinaanan ang simbahan kung saan sila ikinasal ni John ilang buwan bago niyon, naisip niya ang lahat ng nangyari sa kanya mula noon.

Ngayon ay isang dalawampu’t apat na taong gulang na balo, mag-isa siyang pupunta sa isang bagong lupain, determinadong makiisa sa kapalaran ng mga tao ng Diyos.7


Doon sa Nauvoo, ang patnugot ng pahayagan na si Thomas Sharp ay umupo sa tabi ng Joseph Smith sa isang itinaas na entablado at tinanaw ang isang pulutong ng ilang libong mga Banal. Noon ay Abril 6, 1841, ang ikalabing-isang anibersaryo ng simbahan at unang araw ng pangkalahatang kumperensya. Isang brass band ang tumugtog habang nag-uusap ang kongregasyon. Sa loob ng ilang sandali, ipagdiriwang ng mga Banal ang mahalagang araw sa pamamagitan ng paglalatag ng mga pundasyon ng isang bagong templo.

Hindi nabibilang si Thomas sa kanilang simbahan, ngunit ang punong-bayan ng Nauvoo, si John Bennett, ay inanyayahan siyang magpalipas ng araw kasama ng mga Banal.8 Hindi mahirap isipin kung bakit. Bilang isang patnugot ng pahayagan, maaaring pagandahin o sirain ni Thomas ang reputasyon gamit ang isang dakot ng mga salita, at dinala siya sa Nauvoo bilang isang potensyal na kaalyado.

Tulad ng mga Banal, bago sa rehiyon si Thomas. Wala pang dalawampu’t tatlong taong gulang, nagpunta siya sa kanluran noong nakaraang taon upang maging abogado at naninirahan sa lunsod ng Warsaw, mga isang araw na paglalakbay sa timog ng Nauvoo. Sa loob ng ilang buwan ng kanyang pagdating, siya ay naging patnugot ng tanging pahayagan sa county na hindi Mormon at nagkamit ng reputasyon para sa kanyang mapanghikayat na pagsusulat.9

Wala siyang pakialam sa mga turo ng mga Banal at maliit lamang ang paghanga niya sa kanilang katapatan sa kanilang pananampalataya.10 Subalit hindi niya maikakailang kagila-gilalas ang mga kaganapan noong gabing iyon.

Nagsimula ang araw sa nakabibinging pagpapaputok ng mga kanyon na sinundan ng isang parada ng mga militia ng lunsod, na tinawag na Nauvoo Legion, na binubuo ng mga 650  kalalakihan. Sina Joseph Smith at John Bennett, na nakasuot ng matingkad na asul na kapote at mga ginintuang dekorasyon para sa balikat ng mga opisyal ng militar, ay pinamunuan ang pagmartsa ng Legion sa bayan at paakyat ng burol hanggang sa bagong-hukay na pundasyon ng templo. Bilang paggalang, ipinuwesto ng mga Banal si Thomas malapit sa unahan ng prusisyon, hindi kalayuan kina Joseph at sa kanyang mga katuwang sa militia.11

Sinimulan ni Sidney Rigdon ang seremonya para sa batong panulok sa pamamagitan ng isang oras na nakaaantig na talumpati tungkol sa kailan lamang na paghihirap ng mga Banal at sa pagsisikap nilang magtayo ng mga templo. Pagkatapos ng talumpati, tumayo si Joseph at sinabihan ang mga manggagawa na ibaba ang mga naglalakihang bato sa timog-silangang sulok ng pundasyon.

“Ang pangunahing batong panulok, na kumakatawan sa Unang Panguluhan, ay maayos na nailagay ngayon sa karangalan ng dakilang Diyos,” ipinahayag niya, “nang ang mga Banal ay magkaroon ng isang lugar para sambahin ang Diyos, at magkaroon ang Anak ng Tao ng kahihiligan ng Kaniyang ulo.”12

Matapos ang banal na pagdiriwang, inanyayahan ni Joseph si Thomas at iba pang mga panauhing pandangal sa bahay niya para pagsaluhan ang isang pabo sa hapunan. Nais niya malaman nila na sila ay malugod na tinatanggap sa Nauvoo. Kung hindi sila makikibahagi sa kanyang pananampalataya, umasa siya na tanggapin man lamang nila ang kanyang magiliw na pagtanggap.13


Nasiyahan si Joseph na malaman na naglimbag si Thomas ng isang napakainam na ulat ng seremonya para sa batong panulok sa kanyang pahayagan kinabukasan. Sa unang pagkakataon mula nang itatag ang simbahan, tila ang mga Banal ay nakatatanggap ng simpatiya mula sa kanilang mga kapitbahay, suporta ng gobyerno, at mga kaibigan na nasa mahahalagang puwesto.14

Gayunman, tinatanggap man ni Joseph ang panahon ng kabutihan at kapayapaan sa Nauvoo, alam niyang inaasahan ng Panginoon na susundin niya ang lahat ng Kanyang mga utos, kahit na ang pagsasagawa ng mga ito ay susubok sa pananampalataya ng mga Banal. At walang kautusan ang mas malaking pagsubok kaysa sa maramihang pag-aasawa.15

Naunawaan ni Joseph sa pamamagitan ng paghahayag na ang kasal at pamilya ay sentro sa plano ng Diyos. Ipinadala ng Panginoon ang propetang si Elijah sa Kirtland Temple upang ipanumbalik ang mga susi ng priesthood na nagbubuklod sa mga henerasyon na tulad ng mga kawing sa kadena. Sa ilalim ng patnubay ng Panginoon, si Joseph ay nagsimulang magturo sa iba pang mga Banal na ang mga mag-asawa ay maaaring mabuklod sa panahon at kawalang-hanggan, upang maging tagapagmana sa mga pagpapala ni Abraham at tuparin ang walang hanggang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak.16

Itinuro ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon na walang sinuman ang dapat magkaroon “maliban sa ito ay isang asawa,” maliban kung iba ang ipinag-uutos ng Diyos.17 Tulad ng nakita sa kuwento nina Abraham at Sara, minsan ay inaatasan ng Diyos ang mga matatapat na mga tagasunod na makibahagi sa maramihang pag-aasawa bilang paraan para igawad ang mga pagpapala sa mas maraming tao at magbangon ng mga pinagtipanang tao ang Panginoon. Sa kabila ng mga pagsubok na dinala nito, ang kasal ni Abraham sa kanyang pangmaramihang asawa na si Hagar ay nagbunga ng isang dakilang bansa. Gayundin ay susubukin ng maramihang pag-aasawa ang mga Banal na ipinamumuhay ito, subalit nangako ang Panginoon na dadakilain sila dahil sa kanilang pagsunod at sakripisyo.18

Ang mga taon matapos ang pag-alis ni Joseph mula sa Kirtland ay magulo, at hindi pa niya ipinakikilala noon sa mga Banal ang maramihang pag-aasawa. Ngunit ang sitwasyon ay iba sa Nauvoo, kung saan ang mga Banal ay nakatagpo sa wakas ng antas ng kaligtasan at seguridad.

May kumpiyansa rin si Joseph sa konstitusyon ng Estados Unidos, na nagtatanggol sa kalayaan sa relihiyon. Noong unang bahagi ng taong iyon, pinagtibay ng Konseho ng Lunsod ng Nauvoo ang karapatang ito nang ipinasa nito ang isang ordenansa na nagpapahayag na ang lahat ng relihiyon ay pinapayagan na malayang makasamba sa Nauvoo. Ang batas ay may bisa kapwa sa Kristiyano at di-Kristiyano. Kahit walang sinuman sa Nauvoo ang sumusunod sa Islam, maging ang ordenansa ay partikular na pumoprotekta sa mga Muslim, na minsan ay nagsasabuhay ng poligamya.19 Bagama’t ang mga pulitiko ay binigo siya sa kabisera ng bansa, naniniwala at nagtitiwala si Joseph sa mga saligang alituntunin ng republikang Amerikano upang ipagtanggol ang kanyang karapatan na mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos.20

Gayunpaman, alam niya na ang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa ay makasisindak sa mga tao, at nanatili siyang atubiling ituro ito nang hayagan. Bagama’t madalas na niyayakap ng ibang relihiyon at ng mga komunidad na utopian ang iba’t ibang uri ng kasal, palagiang ipinapangaral ng mga Banal ang monogamya. Karamihan sa mga Banal—tulad ng maraming Amerikano—ay iniuugnay ang poligamya sa mga lipunan na kanilang itinuturing na hindi kasing sibilisado kumpara sa kanila.

Maging si Joseph mismo ay hindi nag-iwan ng tala ng kanyang sariling pananaw sa maramihang pag-aasawa o ang kanyang pagsisikap na sundin ang kautusan. Wala ring ibinunyag si Emma tungkol sa kung gaano kaaga niya nalaman ang tungkol sa paggawa nito o kung ano ang epekto nito sa kanyang kasal. Ang mga isinulat ng iba na malapit sa kanila, gayunman, ay naglilinaw na ito ay pinagmumulan ng matinding paghihirap para sa kanilang dalawa.

Gayunman ay nakaramdam si Joseph ng agarang pangangailangan na ituro ito sa mga Banal, sa kabila ng mga panganib at sariling pag-aalinlangan. Kung ipakikilala niya ang mga alituntunin nang sarilinan sa matatapat na kalalakihan at kababaihan, makakakuha siya ng malakas na suporta para rito bilang paghahanda para sa panahon na ito ay maaaring ituro nang hayagan. Upang tanggapin ang maramihang pag-aasawa, kailangang mapaglabanan ng mga tao ang kanilang maling palagay, pag-isipang muli ang mga nakaugalian sa lipunan, at isabuhay ang malaking pananampalataya upang sundin ang Diyos kapag nag-utos Siya ng isang bagay na lubhang kakaiba sa kanilang mga tradisyon.21

Sa bandang taglagas ng 1840, nagsimulang makipag-usap si Joseph sa dalawampu’t limang taon gulang na si Louisa Beaman tungkol sa paggawa nito. Ang pamilya ni Louisa ay kabilang sa mga unang naniwala sa Aklat ni Mormon at niyakap ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Matapos mamatay ang kanyang mga magulang, tumira siya kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na babae na si Mary at ang kanyang bayaw na si Bates Noble, isang beterano ng Kampo ng Israel.22

Naroroon si Bates habang isinasagawa ni Joseph ang pakikipagtalakayan kay Louisa tungkol sa maramihang pag-aasawa.23 “Sa paghahayag ng mga ito sa iyo ay inilalagay ko ang buhay ko sa iyong mga kamay,” sinabi ni Joseph sa kanya. “Huwag mo akong ipagkanulo sa oras ng kasamaan sa aking mga kaaway.”24

Kalaunan, nag-alok ng kasal si Joseph kay Louisa. Wala siyang iniwang tala kung paano siya tumugon sa alok, o kung kailan o kung bakit niya tinanggap ito. Subalit noong gabi ng Abril 5, 1841, ang araw bago sumapit ang pangkalahatang kumperensya, nakipagkita si Joseph kina Louisa at Bates para sa seremonya. Binigyang-awtorisasyon ni Joseph, binuklod ni Bates ang dalawa, muling inuulit ang mga salita ng ordenansa habang sinasambit ni Joseph ang mga ito sa kanya.25


Noong tag-init na iyon, nagdiwang ang mga Banal nang nahirang si John Bennett sa isang mahalagang posisyon sa korte ng county. Ngunit ang iba sa county ay nagalit, natatakot sa lumalawak na pulitikal na kapangyarihan ng mga Banal. Nakita nila ang paghirang kay John bilang tangka ng mga kalaban sa pulitika na makuha ang boto ng mga Banal.26

Si Thomas Sharp, na noon ay miyembro ng katunggaling partido, ay hayagang pinagdudahan ang mga kwalipikasyon ni John para sa posisyon, ang kanyang reputasyon, at katapatan ng kanyang pagkakabinyag kailan lamang. Sa isang editoryal ng pahayagan, hinikayat niya ang mga mamamayan na tutulan ang pagtatalaga.27

Pinalubha rin ni Thomas ang mga ulat ng pagkayamot sa mga daan-daang Banal na British na nagtitipon sa lugar. “Sinasabi na maraming nagpapasiyang umalis,” iniulat niya, “at may mga liham na ipinadala sa England, bibingyang-babala ang kanilang mga kaibigan, na nagpasyang mandayuhan, tungkol sa malungkot na kalagayan ng mga bagay sa Lunsod ng Simbahan.” Nasa sentro ng kanilang kawalang-kasiyahan, sinabi niya, ang kakulangan ng pananampalataya sa misyon ng propeta.28

Galit na galit matapos basahin ang editoryal, nagdikta si Joseph ng sulat at ipinadala ito kay Thomas, na nagkakansela ng kanyang suskrisyon:

Ginoo—Iyong ititigil ang suskrisyon ko sa pahayagan—ang mga nilalaman nito ay kinakalkula upang dungisan ako at ang pagtangkilik sa madungis na papel—ang tisyung iyan ng kasinungalingan—ang lababong iyan ng kasamaan—ay kahiya-hiya sa sinumang mabuting tao.

Sumasainyo, na may lubusang paghamak,

Joseph Smith

P.S. Nawa’y ilathala ang nasa itaas sa inyong hamak na papel.29

Naiinis sa liham, inilimbag ito ni Thomas sa sumunod na edisyon kasama ang nanunuyang komentaryo tungkol sa paghirang kay Joseph bilang propeta. May mga taong pinaratangan si Thomas ng paggamit ng kanyang pahayagan upang pakapurihan ang mga Banal.30 Ngayon ay nais niyang malaman ng kanyang mga mambabasa na nakita niya ang mga Banal bilang isang lumalaking pulitikal na banta sa mga karapatan ng iba pang mamamayan sa county.

Bilang patunay, muling inilimbag ni Thomas ang pahayag na kailan lamang ay inilimbag ni Joseph na tinatawag ang mga Banal sa lahat ng dako na magtipon at itayo ang Nauvoo. “Kung ang kanyang kalooban ay ang kanilang magiging batas,” babala ni Thomas sa kanyang mga mambabasa, “ano ang maaari—hindi, ano magiging—kahihinatanan ng inyong mga karapatan at mga mahalagang pribilehiyo?”31

Habang nagiging mas kritikal si Thomas, nag-alala si Joseph na makukumbinsi nito ang iba sa county na kalabanin ang mga Banal.32 Ngayong nasa lugar na ang batong panulukan ng templo at ang pagdating ng mga imigranteng British na dumarating mula sa mga barko, napakarami ang nakataya. Hindi maaaring mawala sa mga Banal ang Nauvoo tulad ng pagkawala sa kanila ng Independece at Far West.


Pinalilibutan ng mga sasakyang-dagat na malalaki at maliliit ang buhay na daungan ng Bristol Harbor sa timog-kanluran ng England.33 Pagsakay sa barko na magdadala sa kanya sa Hilagang Amerika, natagpuan ni Mary Ann Davis na malinis ang kanyang kama at walang nakitang mga palatandaan ng garapata. Siya at ang iba pang mga pasahero ay pinayagang magdala ng iisang baul lamang sa tabi ng kanilang kama habang ang natitirang bahagi ng kanilang mga gamit ay nakatabi sa ibang bahagi ng barko.

Nanatili sa Bristol si Mary sa loob ng isang linggo habang inihahanda ang barko. Para sa pribasiya, siya at ang iba pang mga pasahero ay nagsabit ng mga kurtina sa pagitan ng kanilang mga kama, hinahati ang malaking silid sa mga maliit mga kuwarto. Ginalugad din nila ang mga makikitid na kalsada ng Bristol, ninanamnam ang mga tanawin at amoy ng lunsod.

Inaasahan ni Mary na darating ang kanyang mga magulang anumang araw upang ihatid siya paalis. Bakit pa nanaisin ng kanyang ama na malaman ang pangalan ng kanyang barkong sasakyan at lugar ng daungan?

Subalit hindi dumating ang kanyang mga magulang. Sa halip, may mga abogado—na inupahan ng kanyang ama upang pilitin siyang hindi umalis—na nagsimulang bisitahin araw-araw ang barko, nagtatanong tungkol sa isang batang biyuda na may maitim na mga mata at isang itim na bestida. Nalulungkot, ngunit determinadong magtipon sa Sion, itinabi ni Mary ang kanyang damit ng pagdadalamhati at nagsimulang magbihis tulad ng ibang mga dalagang nakasakay.

Hindi nagtagal ay naglayag ang barko patungong Canada. Nang dumaong ito makalipas ang dalawang buwan, naglakbay patimog sina Mary at ang kanyang mga kasama sa pamamagitan ng barko, tren, at bangkang pangkanal hanggang sa makarating sila sa isang daungang malapit sa Kirtland. Sabik na makasama ang mga Banal, nagtungo sa bayan sina Mary at ang kanyang mga kaibigan, kung saan nila natagpuan si William Phelps na pinangangasiwaan ang isang maliit na branch ng simbahan.34

Ang Kirtland ay anino na lamang ng kung ano ito noon. Sa mga araw ng Linggo, nagdaraos si William ng mga pulong sa templo, madalas na mag-isang nakaupo sa mga pulpito. Mula sa kanyang kinalalagyan sa kongregasyon, inakala ni Mary na tila pinabayaan ang templo.

Ilang linggo kalaunan, isa pang grupo ng mga Banal na British ang dumating sa Kirtland. Isang miyembro ng grupo, si Peter Maughan, ay nagbalak pang tumuloy, sasakay ng barko patawid ng Great Lakes sa Chicago at pagkatapos ay maglalakbay sa lupa papunta sa Nauvoo. Sabik na matapos ang kanilang paglalakbay, sumama sa kanya at sa kanyang anim na maliliit na anak sina Mary at ilang pang mga Banal.35

Habang papunta sa Nauvoo, mas lalong nagkakilala sina Mary at Peter. Isang balo si Peter na nakapagtrabaho sa mga minahan ng tingga sa hilagang-kanlurang England. Ang kanyang asawang si Ruth ay namatay sa panganganak bago nagplanong mandayuhan ang pamilya. Pinag-isipan ni Peter na manatili sa England, ngunit kinumbinsi siya ni Brigham Young na pumunta sa Nauvoo.36

Nang dumating si Mary sa Nauvoo, ginalugad niya ang lunsod para makakita ng mga kaibigan mula sa England. Binabagtas ang mga lansangan, nakita niya ang isang lalaki na nangangaral sa tuktok ng isang bariles at huminto para makinig. Ang mangangaral ay isang masayahing tao, at ang kanyang simple at madaling maintindihang pangangaral ay umakit sa maliit na grupo ng mga tao. Paminsan-minsan, humihilig siya nang pasulong at inilalagay ang kanyang mga kamay sa mga balikat ng isang matangkad na lalaki sa kanyang harapan, na tila isinasandal ang mga ito sa mesa.

Alam kaagad ni Mary na ito ay si Joseph Smith. Pagkaraan ng limang buwang paglalakbay, sa wakas ay nakatayo na siya kasama ang mga Banal sa piling ng propeta ng Diyos.37


Samantala, sa kabilang panig ng mundo, si Orson Hyde ay puspos ng damdamin habang nakatitig siya sa Jerusalem sa unang pagkakataon . Ang sinaunang lunsod ay nasa tuktok ng isang burol na napaliligiran ng mga lambak at napalilibutan ng makakapal na pader. Habang papalapit siya sa kanlurang tarangkahan ng lunsod, pagod na mula sa kanyang mga paglalakbay, nasulyapan ni Orson ang mga pader nito at mga tore na nanganganinag sa likod ng mga ito.38

Umaasa si Orson na pumasok sa Jerusalem kasama si John Page, ngunit umuwi si John bago siya umalis ng Estados Unidos. Mag-isang naglalakbay, nilibot ni Orson ang England at kabuuan ng Europa, dinaraanan ang ilan sa mga malalaking lunsod ng kontinente. Pagkatapos ay nagtungo siya sa Constantinople sa timog silangan at sumakay ng barko patungo sa dalampasigang lunsod ng Jaffa, kung saan niya inasikaso ang paglalakbay patungo sa Jerusalem kasama ang mga ginoong Ingles at ang kanilang mga armadong tagapagsilbi.

Sa mga sumunod na araw, binaybay ni Orson ang maalikabok at baku-bakong mga daan ng Jerusalem at nakipagkita sa mga panrelihiyon at pansibikong lider ng lunsod. Humigit-kumulang sampung libong tao, karamihan ay nagsasalita ng Arabic, ang nanirahan sa Jerusalem. Nasa wasak-wasak na kalagayan ang lunsod, ang mga bahagi nito na nauwi sa pagkaguho pagkaraan ng maraming siglo ng kaguluhan at kapabayaan.

Gayunpaman, habang binibisita ni Orson ang mga lugar na nabasa niya sa Biblia, namangha siya sa lunsod at sa sagradong kasaysayan nito. Nang makita niya ang taong gumagawa ng pang-araw-araw na gawain na inilarawan sa talinghaga ng Tagapagligtas, iniisip niya ang kanyang sarili na inihatid pabalik sa panahon ni Jesus. Sa Getsemani, pumutol siya ng isang sanga mula sa isang punong olibo at pinagnilayan ang Pagbabayad-sala.39

Noong Oktubre 24, 1841, bumangon si Orson bago sumapit ang bukang-liwayway at naglakad pababa ng dalisdis malapit kung saan naglakad si Jesus sa gabing bago Siya ipinako sa Krus. Pag-akyat sa Bundok ng mga Olivo, nilingon ni Orson ang buong lambak sa Jerusalem at nakita ang kamangha-manghang Dome of the Rock, na nakatayo malapit kung saan nakatirik ang templo noong panahon ng Tagapagligtas.40

Batid na nangako ang Panginoon na ang ilan sa mga inapo ni Abraham ay titipunin sa Jerusalem bago ang Ikalawang Pagparito, naupo ang apostol at sumulat ng panalangin, humihiling sa Diyos na pamunuan ang mga nakakalat na mga labi sa kanilang lupang pangako.41

“Hikayatin silang magtipon sa lupaing ito ayon sa iyong salita,” panalangin ni Orson. “Hayaan mo silang dumating na parang alapaap at parang mga kalapati sa kanilang mga bintana.”

Nang matapos niya ang kanyang panalangin, nagtayo si Orson ng salansan ng mga bato sa lugar at naglakad pabalik sa kabuuan ng lambak upang magpatong muli ng karagdagang mga bato sa Bundok ng Sion bilang isang simpleng bantayog sa pagtatapos ng kanyang misyon. Pagkatapos ay sinimulan niya ang mahabang paglalakbay pauwi.42