Institute
44 Isang Kordero sa Katayan


“Isang Kordero sa Katayan,” kabanata 44 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 44: “Isang Kordero sa Katayan”

Kabanata 44

Kahoy na Tinilad ng Bala

Isang Kordero sa Katayan

Matapos manawagan ni Thomas Sharp sa mga tao na armasan ang kanilang mga sarili, ang galit laban sa mga Banal sa Nauvoo ay kumalat sa lugar na parang napakalaking apoy. Nagkaisa ang mga mamamayan sa kalapit na Warsaw at Carthage na tutulan ang pagkawasak ng Expositor. Nanawagan ang mga pinuno ng bayan sa mga lalaki sa rehiyon na samahan silang mag-aklas laban sa mga Banal.1 Sa loob ng dalawang araw isang armadong pangkat ng mga mandurumog na may tatlong daang tao ang nabuo sa Carthage na handang humayo sa Nauvoo at lipulin ang mga Banal.2

Isang daang milya sa hilagang silangan ng Nauvoo, sina Peter Maughan at Jacob Peart ay umupo upang kumain sa isang hotel. Sa ilalim ng pamamahala ni Joseph, nagtungo sila sa lugar upang mahanap ang isang minahan ng coal upang bilhin ng simbahan. Naniwala si Joseph na kapaki-pakinabang na minahin ang coal at ipadala ito sa Mississippi gamit ang Maid of Iowa, na siyang bapor ng simbahan.3

Habang hinihintay nila ang kanilang pagkain, binuksan ni Peter ang pahayagan at binasa ang isang ulat na nagsasabing isang napakalaking digmaan ang naganap sa Nauvoo, na pumatay ng ilang libong tao. Nabigla, at natakot para kina Mary at sa kanilang mga anak, ipinakita ni Peter ang ulat kay Jacob.

Sumakay ang dalawang lalaki sa kasunod na bangka pauwi. Nang mga tatlumpung milya na sila mula sa Nauvoo, natuwa silang nalaman na walang labanan na naganap. Ngunit tila panahon na lamang ang hinihintay bago pumutok ang karahasan.4


Sa kabila ng pinag-aralang desisyon ng konseho ng lunsod na sirain ang palimbagan, naging maliit ang pagtantiya nila sa sumunod na malawakang pagtutol. Tumalilis si William Law mula sa lunsod, subalit ang ilan sa kanyang mga taga-suporta ay nagbabanta ngayon na wasakin ang templo, sunugin ang tahanan ni Joseph, at wasakin ang palimbagan ng simbahan.5 Pinaratangan ni Francis Higbee si Joseph at ang iba pang mga miyembro ng konseho ng lunsod ng pag-udyok ng gulo nang winasak ang palimbagan. Sumumpa siya na sa loob ng sampung araw, walang matitira kahit isang Mormon sa Nauvoo.6

Noong Hunyo 12, isang opisyal mula sa Carthage ang dumakip kina Joseph at iba pang mga miyembro ng konseho ng lunsod. Nabatid ng korteng munisipal ng Nauvoo na walang batayan ang mga paratang at pinakawalan ang mga lalaki, na lalong nagpagalit sa mga mambabatikos ni Joseph. Kinabukasan, nalaman ni Joseph na tatlong daang lalaki ang nagtipon sa Carthage na handang magmartsa patungo sa Nauvoo.7

Umaasa na maiwasan ang isa pang matinding digmaan sa kanilang mga kapitbahay, tulad ng kanilang nasaksihan sa Missouri, sumulat sina Joseph at ang iba ng mga madaliang liham kay Gobernador Ford, ipinaliliwanag ang mga aksyon ng konseho ng lunsod at nagsusumamo ng tulong laban sa pagsalakay ng mga mandurumog.8 Nagsalita si Joseph sa mga Banal, hinihikayat ang mga ito na manatiling mahinahon, maghandang ipagtanggol ang lunsod, at huwag gumawa ng kaguluhan. Pagkatapos, tinipon niya ang Nauvoo Legion at isinailalim ang lunsod sa batas militar, sinususpinde ang karaniwang paghahari ng batas at inilalgay ang militar bilang tagapamahala.9

Noong hapon ng Hunyo 18, nagtipon ang Legion sa harap ng Nauvoo Mansion. Bilang kumander ng militia, nakasuot ng buong uniporme ng militar si Joseph at umakyat sa taas ng isang kalapit na entablado, kung saan siya nagsalita sa mga lalaki. “Iniisip ng ilan na ang ating mga kaaway ay masisiyahan sa aking pagkawasak,” sabi niya, “ngunit sinasabi ko sa inyo na kapag sila ay nagpadanak ng aking dugo, sila’y mauuhaw sa dugo ng bawat tao na may mabuting puso kung saan nananahan ang isang kislap ng diwa ng kaganapan ng ebanghelyo.”

Hinugot ang kanyang espada at itinaas sa langit, hinimok ni Joseph ang mga lalaki na ipagtanggol ang kalayaan na ipinagkait sa kanila noon. “Sasamahan ba ninyo akong lumaban hanggang sa kamatayan,” tanong ni Joseph, “at sang-ayunan, na maaaring ikapapahamak ng inyong buhay, ang mga batas ng ating bansa?”

“Oo!” sigaw ng mga tao.

“Buong-puso ko kayong minamahal,” sabi niya. “Karamay ko kayo sa oras ng kagipitan, at handa akong isakripisyo ang aking buhay para sa inyong pangangalaga.”10


Matapos marinig mula kay Joseph ang tungkol sa mga dahilan ng konseho ng lunsod para sa pagwasak sa palimbagan, naunawaan ni Gobernador Thomas Ford na ang mga Banal ay kumilos nang may mabuti at tapat na hangarin. May mga legal na dahilan at mga dating halimbawa para sa pagpapahayag at pagwasak ng mga panganib sa isang komunidad. Ngunit hindi siya sang-ayon sa desisyon ng konseho at hindi naniwala na ang kanilang mga ginawa ay nasa pangangatwiran. Ang legal na pagkawasak ng isang pahayagan, sa kabila ng lahat, ay hindi karaniwan sa panahong iniiwan ng mga komunidad ang paggawa nito sa mga ilegal na mga mandurumog, gaya noong winasak ng mga vigilante ang pahayagan ng mga Banal sa Jackson County mahigit isang dekada na ang nakararaan.11

Binigyan din ng mataas na halaga ng gobernador ang proteksyon ng malayang pamamahayag na nasa saligang-batas ng estado ng Illinois, sa kabila ng anumang ipinahihintulot ng batas. “Ang iyong asal sa pagkawasak ng palimbagan ay isang tunay na kabuuang pang-aalipusta sa mga batas at kalayaan ng mga tao,” isinulat niya sa propeta. “Naging puno man ito ng paninirang-puri, ngunit hindi ito nagbibigay sa inyo ng pahintulot na wasakin ito.”

Idinagdag pa ng gobernador na ang charter ng lunsod ng Nauvoo ay hindi nagkaloob sa mga lokal na korte ng kasingraming kapangyarihan tulad ng tila nasasaisip ng propeta. Pinayuhan niya ito at ang iba pang miyembro ng konseho ng lunsod na pinaratangan ng kaguluhan na isuko ang kanilang mga sarili at pasakop sa mga korte sa labas ng Nauvoo. “Inaalala ko ang pagpapanatili ng kapayapaan,” sabi nito sa kanila. “Ang isang maliit na pagpapabaya ay maaaring magdulot ng digmaan.” Kung isusuko ng mga pinuno ng lunsod ang kanilang sarili at haharap sa paglilitis, nangako siya na protektahan sila.12

Batid na ang Carthage ay puno ng mga taong nasusuklam sa mga Banal, nagduda si Joseph kung matutupad ng gobernador ang kanyang pangako. Subalit ang pananatili sa Nauvoo ay lalong magpapagalit sa mga bumabatikos sa kanya at maghihikayat sa mga mandurumog na pumunta sa lunsod, na maglalagay sa mga Banal sa panganib. Lalong tila ang pinakamahusay na paraan upang protektahan ang mga Banal ay lisanin ang Nauvoo patungo sa kanluran o humingi ng tulong sa Washington, DC.

Sa isang liham sa gobernador, sinabi ni Joseph sa kanya ang kanyang mga plano na lisanin ang lunsod. “Sa lahat ng bagay na sagrado,” isinulat niya, “isinasamo namin sa Iyong Kamahalaan ang kapakanan ng aming kaawa-awang mga babae at bata na maprotektahan mula sa karahasan ng mga mandurumog.” Iginiit niya na kung ang mga Banal ay may ginawang mali, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang itama ito.13

Nang gabing iyon, matapos ang magpaalam sa kanyang pamilya, sumakay ng bangka si Joseph kasama sina Hyrum, Willard Richards, at Porter Rockwell at naglayag patawid ng Mississippi River. May butas ang bangka, kung kaya’t ang magkapatid at si Willard ay tinatapon ang tubig gamit ang kanilang mga bota habang nagsasagwan si Porter. Makalipas ang ilang oras, noong umaga ng Hunyo 23, nakarating sila sa Teritoryo ng Iowa, at inatasan ni Joseph si Porter na bumalik sa Nauvoo at magdala ng mga kabayo para sa kanila.14

Bago umalis si Porter, binigay sa kaniya ni Joseph ang sulat para kay Emma, inaatasan ito na ipagbili ang kanilang ari-arian kung kinakailangan upang suportahan ang sarili nito, ang kanilang mga anak, at ang kanyang ina. “Huwag mawalan ng pag-asa,” sinabi niya rito. “Kung magbubukas ang Diyos ng pintuan para sa akin, magkikita tayong muli.”15

Kalaunan ng umagang iyon, ipinadala ni Emma si Hiram Kimball at ang kanyang pamangkin na si Lorenzo Wasson sa Iowa upang kumbinsihin si Joseph na umuwi at isuko ang kanyang sarili. Sinabi nila kay Joseph na balak ng gobernador na sakupin ang Nauvoo gamit ang mga kawal hanggang sa isuko niya at ng kapatid niyang si Hyrum ang kanilang mga sarili. Bumalik kaagad si Porter kasama si Reynolds Cahoon at may isang liham mula kay Emma, na muling nagmamakaawa sa kanya na bumalik na sa lunsod. Tinawag nina Hiram Kimball, Lorenzo, at Reynolds si Joseph na isang duwag dahil sa paglisan sa Nauvoo at paglalantad sa mga Banal sa panganib.16

“Mamamatay muna ako bago ako tawaging isang duwag,” sabi ni Joseph. “Kung walang halaga ang buhay ko sa aking mga kaibigan, wala rin itong halaga sa akin.” Nalaman na niya ngayon na hindi mapapangalagaan ang mga Banal ng kanyang paglisan sa Nauvoo. Subalit hindi niya alam kung ligtas siyang makapupunta sa Carthage. “Ano ang dapat kong gawin?” tanong niya kay Porter.

“Ikaw ang pinakamatanda at dapat batid kung ano ang pinakamainam,” sabi ni Porter.

“Ikaw ang pinakamatanda,” sabi ni Joseph habang nakatingin sa kanyang kapatid. “Ano ang gagawin natin?”

“Bumalik tayo at isuko ang ating mga sarili, at tingnan natin ang kalalabasan,” sabi ni Hyrum.

“Kung babalik kayo, ako ay sasama sa inyo,” sabi ni Joseph, “ngunit tayo ay makakatay.”

“Kung tayo ay mabubuhay o mamamatay,” wika ni Hyrum, “tatanggapin natin ang ating kapalaran.”

Sandaling pinag-isipan ito ni Joseph, pagkatapos ay hiniling kay Reynolds na kumuha ng isang bangka. Isusuko nila ang kanilang mga sarili.17


Ikinalungkot ni Emma nang umuwi si Joseph nang hapong iyon. Ngayon na nakita na niya itong muli, natakot siyang tinawag niya itong pabalik sa kamatayan nito.18 Nasasabik si Joseph na muling mangaral sa mga Banal, ngunit sa halip ay nanatili siya sa bahay kasama ang kanyang pamilya. Tinipon nila ni Emma ang kanilang mga anak, at binigyan niya ng basbas ang mga ito.

Kinaumagahan, lumabas sina Joseph, Emma, at ang kanilang mga anak mula sa bahay. Hinalikan niya ang bawat isa sa kanila.19

“Babalik ka,” sabi ni Emma habang lumuluha.

Sumakay si Joseph sa kanyang kabayo at humayo kasama ni Hyrum at ng iba pang kalalakihan sa Carthage. “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan,” sinabi niya sa kanila, “subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw. Ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos at sa lahat ng tao.”20

Inakyat ng mga mangangabayo ang burol patungo sa templo habang tumataas ang araw, sinisinagan ng ginintuang liwanag ang hindi pa natatapos na pader ng gusali. Pinatigil ni Joseph ang kanyang kabayo at tiningnan ang kabuuan ng lunsod. “Ito ang pinakamagandang lugar at pinakamabubuting tao sa ilalim ng kalangitan,” wika niya. “Hindi nila alam ang mga pagsubok na naghihintay sa kanila.”21


Hindi nawala nang matagal si Joseph. Tatlong oras matapos lisanin ang Nauvoo, nakasalubong niya at ng kanyang mga kaibigan ang mga kawal na may utos mula sa gobernador na samsamin ang lahat ng mga armas na ibinigay sa Nauvoo Legion. Ipinasiya ni Joseph na bumalik at makitang sinusunod ang kautusan. Kung manlalaban ang mga Banal, batid niya na maaaring magbigay ito ng dahilan sa mga mandurumog na salakayin sila.22

Doon sa Nauvoo, nangabayo si Joseph pauwi upang makita muli sina Emma at ang kanilang mga anak. Muli siyang nagpaalam at tinanong si Emma kung sasama ito sa kanya, ngunit alam ni Emma na kailangan niyang manatili kasama ng mga bata. Tila mataimtim at mapag-isip si Joseph, nanghihilakbot sa kasiguruhan ng kanyang kapalaran.23 Bago siya umalis, humingi sa kanya si Emma ng isang basbas. Walang oras na dapat aksayahin, hiniling ni Joseph rito na isulat ang pagpapalang ninanais at ipinangako niya na lalagdaan ito pagbalik niya.

Sa pagpapalang isinulat niya, humiling si Emma ng karunungan mula sa Ama sa Langit at ng kaloob na pag-unawa. “Nais ko ang Espiritu ng Diyos upang makilala at maunawaan ang aking sarili,” isinulat niya. “Nais kong magkaroon ng kapaki-pakinabang at aktibong kaisipan, upang maunawaan ko ang mga layunin ng Diyos.”

Humiling siya ng karunungan upang mapalaki ang kanyang mga anak, pati na ang sanggol na inaasahan niyang iluluwal sa Nobyembre, at nagpahayag ng pag-asa sa kanyang walang hanggang tipan ng kasal. “Buong puso kong ninanais na igalang at bigyang-pitagan ang aking asawa,” isinulat niya, “na palagiang mabuhay sa kanyang tiwala at sa pagkilos nang may pakikiisa sa kanya ay mapanatili ang lugar na ibinigay sa akin ng Diyos sa kanyang tabi.”

Sa huli, nanalangin si Emma na maging mapagpakumbaba at umasa na magdiwang sa mga pagpapala na inihanda ng Diyos para sa mga masunurin. “Nais ko na anuman ang aking kapalaran sa buhay,” pagsulat niya, “ako ay mabigyan ng kakayahan na kilalanin ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay.”24


Mga alulong at pagmumura ang sumalubong sa magkapatid na Smith nang dumating sila sa Carthage ilang minuto bago maghatinggabi noong Lunes, Hunyo 24. Ang yunit ng militia na nagtipon ng mga armas ng mga Banal sa Nauvoo ang siya ngayong naghatid kina Joseph at Hyrum sa gitna ng kaguluhan sa mga lansangan ng Carthage. Isa pang yunit, na kilala bilang Carthage Greys, ay humimpil sa liwasang bayan malapit sa hotel kung saan binalak ng magkapatid na magpalipas ng gabi.

Nang nilampasan ni Joseph ang Carthage Greys, nagtulakan at nagsikuhan ang mga kawal upang makakita. “Nasaan ang kasumpa-sumpang propeta?” sigaw ng isang lalaki. “Magbigay-daan at hayaan kaming masilayan si Joe Smith!” Sumigaw at pumalakat ang mga sundalo at inihagis ang kanilang mga baril sa ere.25

Kinaumagahan, isinuko nina Joseph at ng kanyang mga kaibigan ang kanilang sarili sa isang constable. Ilang saglit pagkalipas ng alas nuwebe, inanyayahan ni Gobernador Ford sina Joseph at Hyrum na sumama sa kanyang maglakad sa gitna ng mga nagtipong kawal. Ang militia at mga mandurumog na nakakumpol sa paligid nila ay tahimik hanggang sa isang pangkat ng mga Grey ang nagsimulang tuyain silang muli, inihahagis ang kanilang mga sumbrero sa ere at inilalabas ang kanilang mga espada. Tulad ng ginawa nila noong nakaraang gabi, sinigawan at kinutya nila ang magkapatid.26

Nang araw na iyon sa korte, pinakawalan sina Joseph at Hyrum upang hintayin ang paglilitis sa mga kaso ng kaguluhan. Ngunit bago nakaalis ng bayan ang magkapatid, dalawa sa mga kasamahan ni William Law ang naghain ng mga reklamo laban sa kanila sa pagpapatupad ng batas militar sa Nauvoo. Pinaratangan sila ng pagtataksil sa pamahalaan at sa mga mamamayan ng Illinois, isang pangunahing paglabag na hindi nagpapahintulot sa mga lalaki na makapagpiyansa.

Ikinulong sina Joseph at Hyrum sa piitan ng county, magkakasamang nakakulong sa isang selda ng gabing iyon. Marami sa kanilang mga kaibigan ay pinili na manatiling kasama nila, upang maprotektahan at samahan sila. Nang gabing iyon ay sumulat si Joseph kay Emma na may nakakahikayat na balita. “Kasasang-ayon pa lamang ng gobernador na dalhin ang kanyang hukbo sa Nauvoo,” ulat niya, “at kasama niya ako.”27


Kinabukasan, inilipat ang mga bilanggo sa mas komportableng silid sa ikalawang palapag ng bilangguan ng Carthage. Ang silid ay may tatlong malalaking bintana, isang kama at isang pintuang kahoy na may basag na trangka. Noong gabing iyon, malakas na nagbasa si Hyrum mula sa Aklat ni Mormon at nagbigay si Joseph ng makapangyarihang patotoo tungkol sa banal na katotohanan nito sa mga nakahimpil na bantay. Pinatotohanan niya na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik, na naglilingkod pa rin ang mga anghel sa sangkatauhan, at ang kaharian ng Diyos ay nasa lupa nang muli.

Matapos lumubog ang araw, nagpuyat si Willard Richards na nakaupo sa pagsusulat hanggang sa naupos ang kanyang kandila. Nakahiga sina Joseph at Hyrum sa kama, habang ang dalawang bisita, sina Stephen Markham at John Fullmer, ay nakahiga sa kutson sa sahig. Malapit sa kanila, sa matigas na sahig, nakahiga sina John Taylor at Dan Jones, isang Welsh na kapitan ng barko na sumapi sa simbahan mahigit isang taon na ang nakakaraan.28

Minsan bago sumapit ang hatinggabi, nakarinig ang mga lalaki ng isang putok sa labas ng bintana na pinakamalapit sa ulo ni Joseph. Bumangon ang propeta at lumipat sa sahig sa tabi ni Dan. Tahimik siyang tinanong ni Joseph kung takot siyang mamatay.29

“Palagay ba ninyo, oras ko na?” tanong ni Dan sa kanyang malakas na puntong Welsh. “Sa ganitong layunin palagay ko hindi gaanong nakakatakot mamatay.”

“Makikita mo pa ang Wales,” bulong ni Joseph, “at gagampanan mo pa ang misyong ipinagagawa sa iyo bago ka mamatay.”

Bandang hatinggabi, nagising si Dan sa ingay ng mga kawal na dumaan sa bilangguan na nagmamartsa. Tumayo siya at tumanaw sa bintana. Sa ibaba, nakita niya ang isang pulutong ng mga tao sa labas. “Ilan ang papasok?” narinig niyang may nagtanong.

Nagulat, agad na ginising ni Dan ang iba pang mga bihag. Narinig nila ang mga yabag na paakyat ng hagdan at mabilis na ipinuwesto ang kanilang mga sarili sa pinto. May isang dumampot ng upuan para gamitin bilang sandata kung sakaling ang mga lalaki sa labas ng silid ay pumasok. Pinalibutan sila ng nakakabinging katahimikan habang hinihintay nila ang pagsalakay.

“Halika na kayo!” Sa wakas ay isingaw ni Joseph. “Handa na kami para sa inyo!”

Sa may pintuan, naririnig nina Dan at ng iba pang mga bihag ang pagkaladkad ng mga paa, tila hindi mawari ng mga lalaki sa labas kung lulusob o aalis. Nagpatuloy ang kaguluhan hanggang bukang-liwayway, nang marinig sa wakas ng mga bilanggo na umatras pababa ng hagdan ang mga lalaki.30


Kinabukasan, Hunyo 27, 1844, tumanggap si Emma ng liham mula kay Joseph, na nasa sulat-kamay ni Willard Richards. Sina Gobernador Ford at isang pangkat ng mga militia ay patungo na sa Nauvoo. Ngunit sa kabila ng kanyang pangako, hindi isinama ng gobernador si Joseph. Sa halip, binuwag niya ang isang yunit ng militia sa Carthage at pinanatili lamang ang isang maliit na grupo ng Carthage Greys upang bantayan ang piitan, iniiwan ang mga bihag na mas mahina mula sa pagsalakay.31

Gayunpaman, nais ni Joseph na ang mga Banal ay makitungo sa gobernador nang may paggalang at huwag gumawa ng anumang pambubulabog. “Walang panganib ng anumang utos ng pagpuksa,” sinabi nito sa kanya, “subalit ang ibayong pag-iingat ay ang magulang ng kaligtasan.”32

Matapos ang liham, isinulat ni Joseph ang tagihabol gamit ang kanyang sariling sulat-kamay. “Natanggap ko nang lubos ang aking kapalaran, nalalamang ako ay mabibigyang-katwiran, at nagawa ang lahat ng dapat kong gawin,” paghahayag niya. Hiniling niya rito na ipaabot ang kanyang pagmamahal sa mga anak at sa kanyang mga kaibigan. “Ukol naman sa pagtataksil,” dagdag pa niya, “hindi ko ginawa ang kahit ano nito, at hindi nila mapapatunayan ang pagpapakita ng anumang uri nito.” Sinabi niya rito na hindi kailangang mag-alala tungkol sa panganib na nakaambang sa kanya at kay Hyrum. “Pagpalain kayong lahat ng Diyos,” isinulat niya sa pagtatapos.33

Dumating sa Nauvoo noong huling bahagi ng araw na iyon si Gobernador Ford at nagsalita sa mga Banal. Sinisi niya ang mga ito sa krisis at nagbantang papanagutin sila sa mga ibubunga nito. “Isang malaking krimen ang nagawa sa pagsira ng palimbagan ng Expositor at sa paglalagay ng lunsod sa ilalim ng batas militar,” sabi niya. “Isang matinding pagbabayad-sala ang dapat gawin, kung kaya ihanda ang inyong isipan sa oras ng kagipitan,”34

Nagbabala siya sa mga Banal na ang Nauvoo ay maaaring mauwi sa abo at ang mga mamamayan nito ay lipulin kung sila ay naghimagsik. “Asahan ninyo ito,” sabi niya. “Kaunti pang masamang asal mula sa mga mamamayan, at ang sulo na nasindihan na ay gagamitin.”35

Nayamot sa talumpati ang mga Banal, ngunit dahil hiniling sa kanila ni Joseph na panatilihin ang kapayapaan, nangako sila na susundin ang babala ng gobernador at itataguyod ang mga batas ng estado. Nasiyahan, tinapos ng gobernador ang kanyang talumpati at ipinarada ang kanyang mga kawal sa Main Street. Habang nagmamartsa ang mga kawal, hinugot nila ang kanilang mga espada at mapanganib nila itong iwinasiwas.36


Mabagal na lumipas ang oras sa piitan ng Carthage noong hapong iyon. Sa init ng tag-araw, hindi sinuot ng mga lalaki ang kanilang mga kapote at binuksan ang mga bintana upang papasukin ang hangin. Sa labas, walong kalalakihan mula sa Carthage Greys ang nagbabantay sa bilangguan habang ang natitirang bahagi ng militia ay nagkampo sa di-kalayuan. Isa pang bantay ang naupo sa kabilang banda lamang ng pintuan.37

Sina Stephen Markham, Dan Jones, at iba pa ay lumakad para gawin ang mga iniutos ni Joseph. Sa mga lalaking nanatili doon noong nakaraang gabi, tanging sina Willard Richards at John Taylor ang kasama pa rin nina Joseph at Hyrum. Noong unang bahagi ng araw, ipinuslit ng mga bisita ang dalawang baril sa mga bilanggo—isang rebolber na maipuputok nang anim na beses bago magkarga muli ng bala at isang pistola na isang bala lang ang maikakarga—kung sakaling may pagsalakay. Nag-iwan din si Stephen ng isang matibay na tungkod na tinawag niyang “masamang panghampas.”38

Upang maibsan ang kalooban at palipasin ang oras, umawit si John ng himno na British na kamakailan lamang ay naging popular sa mga Banal. Isinalaysay ng mga titik nito ang tungkol sa abang dayuhan na nangangailangan na sa huli ay inihayag ang kanyang sarili bilang ang Tagapagligtas:

Bigla sa aking paningin,

Nagbago ang kanyang anyo;

Sa sugat ng kanyang kamay,

Natanto kong s’ya si Cristo;

Sinabi N’ya—

Dahil ako ay hindi mo kinahiya—

H’wag kang matakot

Ang lahat ay sa akin din ginawa.”

Nang matapos umawit si John, hiniling ni Hyrum na muli niya itong awitin.39

Pagsapit ng ika-aapat ng hapon, nagpalitan ang mga bantay. Nagsimulang makipag-usap si Joseph sa isang bantay sa pintuan habang sina Hyrum at Willard ay tahimik na nag-usap. Pagkaraan ng isang oras, pumasok sa silid ang kanilang bantay at tinanong ang mga bilanggo kung gusto nilang ilipat sa mas ligtas na piitan sakaling magkaroon ng pagsalakay.

“Pagkatapos ng hapunan ay papasok kami,” sabi ni Joseph. Umalis ang bantay at tumingin si Joseph kay Willard. “Kung makukulong kami,” tanong ni Joseph, “sasama ka ba sa amin?”

“Sa tingin mo ba ay ngayon kita tatalikdan?” sagot si Willard. “Kung ikaw ay bibitayin dahil sa pagtataksil, ako ang magpapabitay para sa iyo, at ikaw ay lalaya.”

“Hindi mo dapat gawin iyon,” sabi ni Joseph.

“Gagawin ko,” sabi ng Willard.40


Ilang minuto ang nakalipas, nakarinig ang mga bilanggo ng kaluskos sa pinto at tunog ng tatlo o apat na putok ng baril. Sumulyap si Willard sa bukas na bintana at nakita niya ang isang daang lalaki sa ibaba, pinaitim ng putik at pulbura ang kanilang mga mukha, sinasalakay ang pasukan ng bilangguan. Kinuha ni Joseph ang isa sa mga pistola habang si Hyrum ay kinuha ang isa pa. Dinampot nina John at Willard ang matitigas na baston at hinawakan ang mga ito na parang pambambo. Lahat ng apat na lalaki ang dumikit sa pintuan habang sumusugod ang mga mandurumog paakyat ng hagdan at puwersahang pumapasok.41

Narinig ang pagputok ng baril sa hagdanan habang binabaril ng mga mandurumog ang pintuan. Tumakbo si Joseph, John, at Willard patungo sa gilid ng pintuan habang isang bala ang tumagos sa kahoy. Tinamaan si Hyrum sa mukha at napaikot siya, sumusuray palayo sa pinto. Isa pang bala ang tumama sa kanya sa babang likuran niya. Pumutok ang kanyang pistola at tumumba siya sa sahig.42

“Kapatid na Hyrum!” sigaw ni Joseph. Hinagilap ang kanyang baril na nalalagyan ng anim na bala, binuksan niya ang pintuan at minsang nagpaputok. Mas maraming bala ang lumipad patungo sa silid, at bara-barang nagpaputok si Joseph sa mga mandurumog habang gumamit si John ng baston upang hampasin pababa ang mga ipinasok na mga baril at bayoneta sa pintuan.43

Matapos ang hindi maayos na pagputok ng baril ni Joseph nang dalawa o tatlong beses, tumakbo si John sa bintana at sinubukang akyatin ang malalim na pasimano. Lumipad sa loob ng silid ang isang bala at tinamaan siya sa binti na nag-alis ng kanyang balanse. Namanhid ang kanyang katawan at pabagsak na tumama sa pasimano, na sumira sa kanyang relong pambulsa mga labing-anim na minuto makalipas ang alas-singko.

“Tinamaan ako!” sigaw niya.

Hinila ni John ang kanyang sarili sa sahig at gumulong sa ilalim ng kama habang muling nagpaputok nang paulit-ulit ang mga mandurumog. Isang bala ang tumama sa kanyang balakang, winawasak ang isang tipak ng laman. Dalawa pang mga bala ang tumama sa kanyang pulso at sa buto sa itaas ng kanyang tuhod.44

Sa kabilang panig ng silid, pinilit nina Joseph at Willard na isandal ang lahat ng kanilang bigat sa pintuan habang hinahawan ni Willard ang mga maskit at bayoneta sa harap niya. Bigla na lang, inihagis ni Joseph ang kanyang rebolber sa sahig at tumakbo patungo sa bintana. Habang nakasaklang siya sa pasimano, dalawang bala ang tumama sa kanyang likod. Isa pang bala ang tumama sa bintana at tinamaan siya sa ilalim ng kanyang puso.

“O, Panginoon kong Diyos,” sigaw niya. Sumuray paharap ang kanyang katawan at nalaglag mula sa bintana na una ang kanyang ulo.

Nagmamadaling tinawid ni Willard ang silid at inilabas ang kanyang ulo habang pumito sa tabi niya ang mga tinggang bala. Sa ibaba, nakita niya ang mga mandurumog na nagkukumpulan sa duguang katawan ni Joseph. Nakahandusay ang propeta sa kanyang kaliwang tagiliran sa tabi ng isang batong pader. Nagmasid si Willard, umaasang makakita ng ilang palatandaan na ang kanyang kaibigan ay buhay pa. Lumipas ang ilang segundo, at wala siyang nakitang paggalaw.

Si Joseph Smith, ang propeta at tagakita ng Panginoon, ay pumanaw na.45