Institute
26 Isang Banal at Inilaang Lupain


“Isang Banal at Inilaang Lupain,” kabanata 26 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 26: “Isang Banal at Inilaang Lupain”

Kabanata 26

Isang Banal at Inilaang Lupain

Lambak ng Adan-ondi-Ahman

Mahaba at malamig ang taglamig ng 1838. Habang ang mga pamilya nina Joseph at Sidney ay tumutulak pakanluran, naglalakad si Oliver Cowdery patungo sa hilagang Missouri, pinaglalabanan ang ulan at niyebe upang makahanap ng lugar para sa mga bagong stake ng Sion. Ang lupain ay ilan sa mga pinakapiling nakita niya, at siniyasat niya ang napakaraming lugar kung saan maaaring pumunta ang mga Banal upang itatag ang bayan at mga kiskisan. Subalit halos wala siyang makain sa halos hindi natitirhang ilang, at wala maliban sa pawang basang lupa ang matutulugan sa gabi.

Pagbalik niya sa Far West makalipas ang tatlong linggo, hapung-hapo ang kanyang katawan.1 Habang nanunumbalik ang kanyang kalusugan, nalaman niya na sina Thomas Marsh, David Patten, at ang mataas na kapulungan o high council ay sinisiyasat siya at ang panguluhan ng simbahan sa Missouri—sina David Whitmer, John Whitmer, at William Phelps—para sa mga pagkakamaling nagawa.2

Nakasentro ang mga paratang sa kanilang pamamahala sa mga lupain sa lugar. Kailan lamang, ipinagbili nina John at William ang mga ari-arian ng simbahan sa Far West at itinabi ang kita para sa kanilang sarili, at hindi na ito nalutas. Bukod pa rito, ibinenta nina Oliver, John, at William kamakailan ang ilan sa kanilang mga lupain sa Jackson County. Bagama’t mayroon silang legal na karapatan na ipagbili ang lupain sa Jackson County, na kanilang mga personal na ari-arian, ito ay inilaan sa Panginoon, at isang paghahayag ang nagbabawal sa kanilang ibenta ito. Hindi lamang nilabag ng tatlong lalaki ang isang sagradong tipan, nagpakita rin sila ng kawalan ng pananampalataya sa Sion.

Humarap si Oliver sa high council ng Missouri at iginiit niya na dahil siya at ang iba ay binayaran ang lupain sa Jackson County gamit ang sarili nilang pera, maaari nilang ibenta ito kung nais nila. Sa sarili niya, tinanong din niya ang motibo ng ilan sa council. Pinagdudahan niya ang mga taong tulad ni Thomas Marsh at iba pa na tila pinag-iimbutan ang posisyon at kapangyarihan. Pinaghinalaan ni Oliver na kahit papaano ay hinikayat nila si Joseph na talikuran siya, na lalong nagpalala sa kanyang magulo nang pagkakaibigan sa propeta.3

“Ang aking kaluluwa ay sawa na sa gayong pagkukumahog para sa kapangyarihan,” inamin niya sa kanyang kapatid. “Pumunta ako sa lugar na ito upang makatamasa ng katahimikan. Kung hindi ko ito makakamtan dito, ay pupunta ako kung saan ko ito matatagpuan.”

Dahil nasa Unang Panguluhan si Oliver, nasa labas siya ng hurisdiksyon ng high council at nanatali sa kanyang katungkulan. Gayunman, sina David, John, at William ay inalis sa kanilang puwesto.4

Makaraan ang apat na araw, nakipagkita si Oliver sa tatlong lalaki at iba pa na nais nang humiwalay mula sa Simbahan. Marami sa kanila ang nakikisimpatiya kay Warren Parrish at sa kanyang bagong simbahan sa Kirtland. Tulad ni Warren, determinado silang labanan ang propeta.5

Araw-araw, habang naghihintay ang mga Banal sa pagbabalik ni Joseph sa Far West, tumindi ang pagkasiphayo ni Oliver sa mga lider ng simbahan. Duda siya na kanilang maiintindihan kung bakit siya kumilos na tulad nang ginawa niya. “Sa mga hindi makatwiran at ignorante,” panunuya niya, “hindi tayo umaasa na makilala o mapahintulutan.”6

Nananalig pa rin siya sa Aklat ni Mormon at sa panunumbalik ng ebanghelyo, at hindi niya makalimutan o maikakaila ang mga sagradong karanasan na naranasan niya kasama ng propeta. Sila ay naging magkapatid at matalik na magkaibigan, kapwa tagapaglingkod ni Jesucristo.

Ngunit ngayon, ang mga araw na yaon ay isa nang malayong alaala.7


Matapos bumalik ni Jennetta Richards sa kanyang tahanan sa Walkerfold, England, ang kanyang mga magulang na sina John at Ellin Richards ay natutuwang malaman ang tungkol kay Heber Kimball at sa kanyang binyag. Naglabas ng panulat at papel ang kanyang ama at sumulat ng maikling liham sa misyonero, inaanyayahan siyang mangaral sa kanyang kapilya.

“Inaasahang kong nandito ka sa susunod na Linggo,” isinulat niya. “Bagama’t mga dayuhan tayo sa isa’t-isa, umaasa pa rin ako na tayo ay hindi dayuhan sa ating pinagpalang Manunubos.”

Dumating si Heber noong sumunod na Sabado, at magiliw siyang sinalubong ng pastor. “Nabatid ko na ikaw ay ang ministro mula sa Amerika,” sabi niya. “Pagpalain ka ng Diyos.” Pinapasok niya si Heber sa kanyang tahanan at inalok niya ng makakain.

Nakipag-usap ang pamilya kay Heber hanggang lumalim ang gabi.8 Habang pinagmamasdan ni Jennetta ang kanilang pag-uusap, kitang-kita ang kanilang mga pagkakaiba. Ang kanyang ama ay pitumpu’t-dalawang taong gulang at nangaral mula sa pulpito sa Walkerfold nang mahigit apatnapung taon. Siya ay isang maliit na lalaking nakasuot ng isang kayumangging peluka at nagbabasa ng Griyego at Latin.9 Si Heber naman, sa kabilang banda, ay matangkad at kalbo. Wala pa siyang apatnapung taong gulang at kakaunti lamang ang napag-aralan o kapinuhan sa pakikisalamuha.

Subalit agad silang naging magkaibigan. Kinabukasan ng umaga, magkasamang nagtungo ang dalawang lalaki sa kapilya ng Walkerfold. Batid na isang Amerikanong missionary ang mangangaral, mas maraming tao kaysa karaniwan ang dumating sa pulong, at napuno ang maliit na kapilya hanggang sa mag-umapaw ito. Matapos simulan ng pastor ang pulong sa pag-awit at panalangin, inanyayahan niya si Heber na mangaral.

Tumayo sa tuntungan si Heber at nagsalita sa kongregasyon sa wikang gamit ng mga ordinaryong tao. Tinalakay niya ang tungkol sa kahalagahan ng pananampalataya kay Jesucristo at ng taos-pusong pagsisisi. Sinabi niya na ang isang tao ay kailangang mabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng isang taong may wastong awtoridad mula sa Diyos.

Tulad ng mga tao na sumampalataya sa Canada noong nakaraang taon, ang mga mamamayan sa Walkerfold ay agarang tumugon sa mensahe, na umangkop sa kanilang pagkaunawa ng Biblia. Nang hapong iyon, mas marami pang tao ang nagtungo sa kapilya upang marinig si Heber na mangaral muli. Nang matapos siya, lumuluha ang kongregasyon at inanyayahan siya ng ama ni Jennetta na mangaral kinabukasan.

Kalauanan ay hindi na lamang si Jennetta ang mananampalataya sa Walkerfold. Matapos ang pangangaral ni Heber noong Lunes, pinakiusapan siya ng mga tao sa kongregasyon na mangaral muli sa Miyerkules. Sa pagtatapos ng linggong iyon, bininyagan niya ang anim na miyembro ng kongregasyon—at nais ng mga taga-Walkerfold na marinig pa siyang magturo.10


Noong Marso 14, 1838, dumating sina Joseph, Emma, at ang tatlo nilang anak sa Far West makalipas ang halos dalawang buwang paglalakbay. Sabik na tanggapin ang propeta sa Sion, sinalubong ng mga Banal ang mag-anak sa isang masayang handaan. Ang kanilang magiliw na mga salita at mababait na yakap ay isang masayang pagbabago mula sa pambabatikos at galit na nilisan ni Joseph sa Kirtland. Ang mga Banal na nakapaligid sa kanya ay may diwa ng pagkakaisa, at sagana ang pag-ibig sa kanila.11

Nais ni Joseph na magsimulang-muli sa Missouri. Ang mga Banal sa Kirtland at sa mga branch ng simbahan sa silangang bahagi ng Estados Unidos at Canada ay malapit nang dumating. Upang magkaroon sila ng matutuluyan, kinakailangan ng simbahan na magtatag ng mga stake sa Sion kung saan sila maaaring magtipon nang mapayapa at magkaroon ng pagkakataon na umunlad.

Ginalugad na ni Oliver ang lugar para sa mga bagong lugar na pagtitipunan, at may mababanaag na pag-asa sa kanyang ulat. Ngunit alam ni Joseph na kailangan niyang tugunan ang lumalaking pambabatikos sa Far West bago magtatag ang mga Banal ng anumang bagong pamayanan. Nalumbay siyang makita ang mga kaibigang katulad ni Oliver na lumalayo sa simbahan, ngunit hindi niya maaaring pahintulutan ang anumang pagtatalo na lumaganap sa Missouri tulad noong sa Kirtland.

Pinuri ni Joseph ang pamumuno ni Thomas Marsh at ng high council dahil sa kapayapaan sa Far West. Mula nang inalis sa katungkulan sina William Phelps at John Whitmer, itiniwalag ng high council ang dalawang lalaki, at sinang-ayunan ni Joseph ang kanilang pasiya. Ngayon ay naniniwala siya na panahon na para pag-usapan ang apostasiya ni Oliver.12

Noong Abril, 12, bumuo si Edward Partridge ng bishop’s council upang repasuhin ang katayuan ni Oliver sa simbahan. Kilalang-kilala ang kanyang pagsuway. Tumigil siya sa pagdalo sa mga pagpupulong ng simbahan, binalewala ang payo ng iba pang mga lider ng simbahan, at sumulat ng mga nakakainsultong liham kina Thomas at sa high council. Pinaratangan din siya ng pagbebenta ng kanyang mga lupain sa Jackson County na sumasalungat sa paghahayag, pasinungaling na inakusahan ng pakikiapid si Joseph, at tinalikuran ang layunin ng Diyos.13

Pinili ni Oliver na huwag pumunta sa pagdinig, ngunit nagpadala siya ng liham kay Bishop Partridge para basahin bilang kanyang depensa. Sa liham, hindi ipinagkaila ni Oliver na kanyang ibinenta ang mga lupain niya sa Jackson County o ang pagtuligsa sa mga lider ng simbahan. Sa halip, muli niyang iginiit na mayroon siyang legal na karapatan na ibenta ang mga lupain, anuman ang paghahayag, tipan, o kautusan. Nagbitiw rin siya mula sa pagiging miyembro ng simbahan.14

Sa kabuuan ng araw, nirepaso ng kapulungan ang mga katibayan at dininig ang pagbibigay-saksi ng maraming mga Banal sa mga ikinilos ni Oliver. Tumayo si Joseph, binanggit ang kanyang dating tiwala kay Oliver, at ipinaliwanag ang kaugnayan niya kay Fanny Alger bilang tugon sa mga paratang ni Oliver.15

Matapos marinig ang karagdagang mga pagbibigay-saksi, tinalakay ng kapulungan ang kaso ni Oliver. Katulad niya, kanilang minamahal ang mga alituntunin ng kalayaan sa pagpili at pagkilos. Ngunit sa loob ng halos isang dekada, hinimok din ng Panginoon ang mga Banal na magkaisa, isantabi ang bawat pansariling hangarin upang mailaan nila ang kung anong mayroon sila sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Tinalikuran ni Oliver ang mga alituntuning ito at sa halip ay umasa sa kanyang sariling pagpapasiya, pinakikitunguhan ang simbahan, mga lider nito, at ang mga utos ng Panginoon nang may pang-aalipusta. Matapos repasuhin ang mga paratang nang isa pang beses, ginawa nina Bishop Partdige at ng kanyang kapulungan ang masakit na desisyong itiwalag si Oliver sa simbahan.16


Sa River Ribble Valley ng England, ang panahon ng tagsibol ay nagdulot ng pagtatapos sa matinding lamig ng taglamig.17 Naglalakbay sa luntiang pastulan malapit sa isang bayan na kalapit ng Walkerfold, pumitas si Willard Richards ng isang maliit na puting bulaklak mula sa halamang-bakod na nakahilera sa kalsada.18 Naglalakbay siya para bisitahin ang mga branch ng simbahan sa lugar na iyon at balak pakinggan sina Heber Kimball at Orson Hyde na mangaral sa hapong iyon sa isang pulong na may limang milya ang layo.

Mula nang dumating sa England walong buwan na ang nakararaan, sina Willard at ang kanyang mga kasama ay nagbinyag ng mahigit isang libong tao sa mga bayan at nayon sa lahat ng dako ng lambak. Marami sa mga bagong Banal ay mga bata pa, mga manggagawa na nahikayat sa mensahe ng pag-asa at kapayapaan na matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga simpleng pamamaraan ni Heber ay nagpatatag sa kanila at agad na nakuha ang kanilang tiwala.19

Mas may pinag-aralan kumpara kay Heber at naturuan tungkol sa mga halamang gamot, si Willard ay wala ng pang-masang pang-akit na mayroon ang kanyang kapwa misyonero, na kung minsan ay kinakailangang ipaalala kay Willard na gawing simple ang kanyang mensahe at pagtuunan ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Ngunit nakapagtatag na si Willard ng isang malakas na branch ng simbahan sa timog ng Preston, malapit sa lungsod sa Manchester, sa kabila ng oposisyon. Maraming tao na nabinyagan niya ay nagtatrabaho nang mahahabang oras sa mga pabrika kung saan masama ang hangin at napakaliit ng bayad sa kanila. Nang marinig nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo, nadama nila ang Espiritu at nakatagpo ng kagalakan sa pangako nito na papalapit na ang araw ng pagparito ng Panginoon.20

Pagdating sa bahay ng isang miyembro ng simbahan, pumasok si Willard sa kusina at isinabit ang puting bulaklak bago pumasok ang dalawang dalagita sa silid. Natuklasan niya, na isa sa kanila, ay si Jennetta Richards.

Narinig niya ang tungkol kay Jennetta. Bagama’t magkapareho ang kanilang apelyido, hindi sila magkamag-anak. Nang sumapi siya sa Simbahan, sumulat si Heber kay Willard tungkol sa kanya. “Bininyagan ko ngayon ang iyong asawa,” sinabi niya.

Si Willard ay tatlumpung-tatlong taong gulang, higit na mas matanda kaysa sa mga binata sa simbahan. Hindi niya alam kung ano—kung mayroon man—ang sinabi ni Heber kay Jennetta tungkol sa kanya.

Dahil ang mga dalaga ay papunta sa kaparehang pulong na kanyang pupuntahan, sumabay sa kanilang paglalakad si Willard, na nagbibigay sa kanila ng sapat na panahon upang makapag-usap.

“Mainam na apelyido ang Richards,” sabi ni Willard habang naglalakad sila. “Ayokong baguhin ito.” Pagkatapos ay idinagdag niya nang buong tapang, “Talaga ba, Jennetta?”

“Hindi, ayoko,” sagot niya. “At palagay ko ay hindi na.”21

Mas nakilala pa ni Willard si Jennetta pagkatapos niyon. Kapwa sila nasa Preston pagkaraan ng ilang linggo nang ibinalita nina Heber at Orson na babalik na sila sa Estados Unidos.

Habang naghahanda na silang umalis, nagdaos ang mga apostol ng isang buong araw na pagpupulong sa isang malaking gusali kung saan madalas na nagtitipon ang mga Banal sa Preston.22 Sa pagitan ng pangangaral at pagkanta ng mga himno, kinumpirma ng mga misyonero ang apatnapung tao, binasbasan ang higit sa isang daang mga bata at inordenan ang ilang kalalakihan sa priesthood.

Bago nagpaalam sa mga Banal, itinalaga nina Heber at Orson si Joseph Fielding bilang bagong pangulo ng mission at tinawag si Willard at ang isang batang klerk ng pabrika na nagngangalang William Clayton na maging kanyang mga tagapayo. Pagkatapos ay kinamayan nila ang bagong panguluhan bilang tanda ng pagkakaisa sa pagitan ng mga Banal sa England at Amerika.23


Noong tagsibol na iyon, isang paghahayag ang dumating sa propeta sa Far West. “Bumangon at magliwanag,” sinabi ng Panginoon sa mga Banal, “nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa;” Ipinahayag Niya ang pangalan ng simbahan na maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at pinagtibay na ang Far West ay isang banal at nakalaang lupain.

“Aking kalooban na ang lunsod ng Far West ay kaagad na itayo sa pamamagitan ng pagtitipon ng aking mga banal,” ipinahayag Niya, “at gayon din ang ibang mga lugar ay ilaan para sa mga istaka sa mga pook sa paligid.” Iniutos Niya sa mga Banal na magtayo ng templo sa Far West at itinalaga ang Hulyo 4, 1838 bilang araw kung kailan ilalatag ang pundasyon nito.24

Hindi nagtagal, si Joseph at ang ilang kalalakihan ay nagtungo sa Daviess County, sa bandang hilaga ng Caldwell County, upang bisitahin ang isang pamayanan ng mga miyembro ng simbahan sa isang lugar na tinatawag na Spring Hill. Umasa si Joseph na ang lugar ay magiging isang angkop na lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na patungo sa Missouri.25

Bagama’t nilikha ang Caldwell County lalo na para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang karamihan sa lupain nito ay na-survey na ng pamahalaan, kaya naging napakamahal nito para mabili ng mahihirap na mga Banal. Sa Daviess County, gayunman, ang malalawak na hindi pa natitirhang lupain ang hindi pa na-survey. Ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring manirahan doon nang walang bayad, at kapag nagsagawa na ng survey ang pamahalaan sa lugar, nabungkal na nila ang lupain at mayroon na silang sapat na pera upang bilhin ito.26

Gayunman, mayroong ilang mga panganib sa paglipat ng mga Banal sa kalapit na county. Naniniwala na ang mga Banal ay nangakong maninirahan lamang sa Caldwell County, ilang mga kalalakihan sa Daviess County ang binalaan ang mga Banal sa lugar na lumayo, ngunit dahil walang batas na nagbabawal sa mga Banal na manirahan doon, agad na nagwakas ang protesta.27

Habang naglalakbay siya pa-hilaga, namangha si Joseph sa kagandahan ng probinsya na nakapaligid sa kanya. Mula sa kanyang nakikita, ang Daviess County ay makapagbibigay ng walang hanggang kalayaan at lahat ng bagay na kailangan ng mga Banal upang makapagtatag ng mga bagong pamayanan.

Bagama’t iilan lamang ang puno sa parang, tila marami itong ligaw na hayop. Nakakita si Joseph ng mga ligaw na pabo, inahing manok, usa, at malalaking uri ng usa. Pinanatili ng mga sapa at ilog na sagana at mataba ang lupain. Ang Grand River, ang pinakamalaki sa county, ay malawak at sapat ang lalim upang hayaan ang isang bapor na tumawid rito, na magpapadali sa paglalakbay at komersyo para sa mga nagtitipong Banal.

Nagpapatuloy sakay ng kanilang mga kabayo, sina Joseph at ang kanyang mga kasama ay naglakbay sa pampang ng ilog nang mga sampung milya hanggang makarating sila sa Spring Hill. Ang maliit na pamayanan ay matatagpuan sa paanan ng isang talampas kung saan tanaw ang isang malawak na luntiang lambak. Si Lyman Wight, ang pinuno ng mga guwardya, ay kumikita ng maliit na kabuhayan mula sa pagpapatakbo ng maliit na lantsang tumatawid ng Grand River.28

Inakyat ng kalalakihan ang talampas at nagtayo ng kampo, at pagkatapos ay bumalik sa may lansta. Sinabi ni Joseph na nais niyang angkinin ang lugar para sa mga Banal at magtayo ng isang lunsod na malapit sa ilog. Inihayag ng Panginoon sa kanya na ito ang lambak ng Adan-ondi-Ahman, kung saan si Adan, ang unang tao, ay binasbasan ang kanyang mga anak bago siya pumanaw.29 Sa lambak na ito, ipinaliwanag ni Joseph, si Adan ay darating upang dalawin ang kanyang mga tao kapag bumalik ang Tagapagligtas sa lupa, tulad ng ipinropesiya ng propetang si Daniel.30

Ang lugar ay lahat ng inaasahan ni Joseph. Noong Hunyo 28, 1838, sa isang kakahuyan malapit sa bahay ni Lyman, binuo niya ang isang bagong stake ng Sion sa banal na lugar—at inanyayahan ang mga Banal na magtipon.31