“Subukin ang Panginoon,” kabanata 22 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 22: “Subukin ang Panginoon”
Kabanata 22
Subukin ang Panginoon
Matapos ang paglalaan ng templo, tinamasa ni Joseph ang pag-asa at kabutihang-loob na nanahan sa Kirtland.1 Nasaksihan ng mga Banal ang pagbuhos ng mga espirituwal na kaloob sa buong tagsibol ng 1836. Maraming nakakita ng mga hukbo ng mga anghel, na nadaramitan ng maningnging na kaputian, na nakatayo sa bubungan ng templo, at napaisip ang ilang tao kung nagsimula na ang Milenyo.2
Nakita ni Joseph ang katibayan ng mga pagpapala ng Panginoon sa lahat ng dako. Nang lumipat siya sa Kirtland limang taon na ang nakararaan, ang simbahan ay hindi maayos at magulo. Mula noon, niyakap ng mga Banal ang salita ng Panginoon nang mas lubusan at ginawang isang matibay na stake ng Sion ang isang simpleng bayan. Nakatayo ang templo bilang isang patotoo ng mga maisasagawa nila kapag sila ay sumunod sa Diyos at sama-samang nagtrabaho.
Ngunit kahit na nagalak siya sa tagumpay ng Kirtland, hindi makalimutan ni Joseph ang mga Banal sa Missouri, na nagsisiksikan pa rin sa maliliit na komunidad sa labas ng Jackson County, sa tabi ng kahabaan ng Missouri River. Siya at ang kanyang mga tagapayo ay nagtiwala sa pangako ng Panginoon na tutubusin Niya ang Sion matapos tanggapin ng mga elder ang pagkakaloob ng kapangyarihan. Subalit walang nakakaalam kung paano at kailan Niya tutuparin ang pangako.
Ibinabaling ang kanilang pansin sa Sion, ang mga lider ng simbahan ay nag-ayuno at nanalangin upang malaman ang kalooban ng Panginoon.3 Pagkatapos ay naalala ni Joseph ang paghahayag kung saan hiniling ng Panginoon sa mga Banal na bilhin ang lahat ng mga lupain sa loob at palibot ng Jackson County.4 Ang mga Banal ay nagsimula nang bumili ng ilang lupain sa Clay County, pero tulad ng dati, ang problema ay ang paghahanap ng pera para makabili pa ng iba.
Sa unang bahagi ng Abril, kinausap ni Joseph ang mga miyembro ng palimbagan ng simbahan para talakayin ang pananalapi ng simbahan. Ang mga lalaki ay naniwala na kailangan nilang iambag ang lahat ng mayroon sila para sa ikatutubos ng Sion, at iminungkahi nilang pamunuan nina Joseph at Oliver ang mga pagsisikap na mangalap ng pondo para makabili ng lupa sa Missouri.5
Sa kasamaang palad, libu-libong dolyar na ang utang ng simbahan dahil sa pagtatayo ng templo at sa mga naunang pagbili ng lupain, at kakaunti ang pera sa Kirtland, kahit pa nangongolekta na ng mga donasyon ang mga misyonero. Ang malaking bahagi ng yaman ng mga Banal ay mga lupain, na nangangahulugang iilang tao lamang ang makapagbibigay ng perang donasyon. At kung walang pera, wala gaanong magagawa ang simbahan para makaalis sa pagkakautang o makabili ng mas maraming lupain sa Sion.6
At muli, kailangang humanap ng paraan ni Joseph para tustusan ang gawain ng Panginoon.
Dalawang daang milya sa may hilaga, si Parley Pratt ay nasa labas ng isang bayan na tinatawag na Hamilton, sa timog Canada. Papunta siya sa Toronto, isa sa pinakamalaking lunsod sa lalawigan, para maglingkod sa kanyang unang misyon mula nang matanggap niya ang kaloob na kapangyarihan. Wala siyang salapi, walang kaibigan sa lugar, at walang ideya kung paano isasakatuparan ang ipinapagawa sa kanya ng Panginoon.
Ilang linggo bago nito, nang lilisanin na ng Labindalawa at ng Pitumpu ang Kirtland upang ipangaral ang ebanghelyo, nagplano si Parley na manatili sa bahay kasama ng kanyang pamilya. Tulad ng maraming Banal sa Kirtland, lubog siya sa utang dahil ang ipinambili niya ng lupa sa lugar at ginamit sa pagtatayo ng bahay ay mula sa utang. Nag-alala rin si Parley sa asawa niyang si Thankful, na may sakit at nangangailangan ng kanyang pangangalaga. Bagamat sabik siyang mangaral, tila hindi posible na siya ay magmisyon.7
Ngunit dumating si Heber Kimball sa kanyang bahay at binigyan siya ng basbas bilang kanyang kaibigan at kapwa apostol. “Humayo ka para magministeryo, nang walang pag-aalinlangan,” sinabi si Heber. “Huwag isipin ang iyong mga pagkakautang, ni ang mga pangangailangan sa buhay, sapagkat tutustusan ka ng Panginoon nang sagana sa lahat ng bagay.”
Nagsasalita sa pamamagitan ng inspirasyon, sinabi ni Heber kay Parley na pumunta sa Toronto, nangangako na makikita niya ang mga taong handa na para sa kabuuan ng ebanghelyo. Sinabi niya na maghahanda ng paraan si Parley para maitatag ang isang misyon sa England at makakaahon mula sa kanyang mga pagkakautang. “Mapapasaiyo pa ang mga kayamanan, pilak at ginto,” propesiya ni Heber, “hanggang sa kasusuklaman mo ang pagbibilang nito.”
Nagsalita rin siya tungkol kay Thankful. “Gagaling ang iyong asawa mula sa oras na ito,” ipinangako niya, “at manganganak ng isang anak na lalaki.”8
Ang basbas ay kagila-gilalas, ngunit tila imposible ang mga pangako nito. Naranasan na ni Parley ang maraming tagumpay sa pagmimisyon, subalit ang Toronto ay bago at di-pamilyar sa kanya. Hindi siya kumita ng maraming pera sa buhay niya, at malamang na hindi siya makatatanggap ng sapat na pera para mabayaran ang kanyang mga pagkakautang.
Ang mga pangako ukol kay Thankful ang pinakamalamang na hindi mangyayari sa lahat. Halos apatnapung taong gulang na siya at madalas na may sakit at mahina. Matapos ang sampung taong pagsasama, siya at si Parley hindi pa nagkaroon ng anak.9
Ngunit taglay ang pananampalataya sa mga pangako ng Panginoon, nagtungo si Parley sa hilagang-silangan, sakay ng karwahe sa mapuputik na kalsada. Nang makarating siya sa Niagara Falls at makatawid sa Canada, nagsimula siyang maglakad hanggang sa marating niya ang Hamilton. Ang pag-iisip tungkol sa kanyang tahanan at lawak ng kanyang misyon ay kaagad na bumalot sa kanya, at ninais niyang malaman kung paano siya makapananampalataya sa isang basbas kung ang mga pangako nito ay tila imposibleng matupad.
“Subukin ang Panginoon,” dagliang ibinulong sa kanya ng Espiritu, “at tingnan kung mayroong bagay na napakahirap para sa Kanya.”10
Samantala, sa Missouri, guminhawa ang kalooban ng labindalawang taong gulang na si Emily Partridge nang makitang tagsibol na muli sa Clay County. Habang ang kanyang ama ay nasa Kirtland para sa paglalaan ng templo, siya at ang kanyang pamilya ay sama-sama sa isang bahay na yari sa troso na may iisang kuwarto, kasama ang pamilya nina Margaret at John Corrill na tagapayo ng kanyang ama sa bishopric. Ang bahay ay ginamit bilang isang kuwadra bago lumipat dito ang dalawang pamilya, ngunit nilinis ng kanyang ama at ni Brother Corrill ang mga dumi na namuo sa sahig at ginawa ang lugar na angkop na tirahan. Mayroong malaking tsiminea, at nagsiksikan ang pamilya sa tabi ng init nito sa buong nagyeyelong taglamig.11
Sa tagsibol na iyon, nagbalik ang ama ni Emily sa Missouri upang magpatuloy sa kanyang tungkulin bilang bishop. Siya at ang iba pang mga lider ng simbahan ay tumanggap ng pagkakaloob ng kapangyarihan sa Kirtland, at sila ay tila puno ng pag-asa sa kinabukasan ng Sion.12
Habang patuloy na umiinit ang klima, naghanda si Emily na bumalik sa pag-aaral. Matapos makarating ng mga Banal sa Clay County, nagtayo sila ng isang paaralan sa isang bahay malapit sa isang kakahuyan ng mga punong namumunga. Mahilig makipaglaro si Emily sa kanyang mga kaibigan sa kakahuyan at kumain ng bunga na nahulog mula sa matataas na sanga. Kapag si Emily at ang kanyang mga kaibigan ay hindi nag-aaral, gumagawa sila ng mga bahay na yari sa patpat at ginagawang luksong-lubid ang mga baging.13
Karamihan sa mga kaklase ni Emily ay kasapi ng simbahan, ngunit ang ilan ay mga anak ng mga matagal nang naninirahan sa lugar. Sila ay kadalasang nagsusuot ng mas magagandang damit kaysa kina Emily at sa iba pang mahihirap na bata, at pinagtawanan ng ilan ang mga gula-gulanit na damit ng mga batang Banal. Ngunit kadalasan, lahat ay nagkakasundu-sundo sa kabila ng pagkakaiba nila.
Gayunman, hindi ganito ang nangyayari sa kanilang mga magulang. Nang mas maraming Banal ang lumipat sa Clay County at bumili ng mga malalawak na lupain, mas nabagabag at nainis ang mga matagal nang naninirahan sa lugar. Noong una’y malugod nilang tinanggap ang mga Banal sa kanilang county, nag-aalok ng masisilungan hanggang sa makabalik sila sa kanilang mga tahanan sa kabilang pampang ng ilog. Walang nag-akalang gagawing permanenteng tahanan ng mga miyembro ng simbahan ang Clay County.14
Noong una, ang hindi mabuting samahan sa pagitan ng mga Banal at ng kanilang mga kapitbahay ay walang gaanong epekto sa pagpasok sa eskwela ni Emily.15 Ngunit sa paglipas ng tagsibol at dahil sa mas tumitinding pagmamalupit ng kanilang mga kapitbahay, nagkaroon ng dahilan si Emily at ang kanyang pamilya na matakot na mauulit ang bangungot ng Jackson County, at muli silang mawawalan ng tirahan.
Habang patuloy na naglalakbay si Parley pahilaga, hiniling niya sa Panginoon na tulungan siyang makarating sa kanyang patutunguhan. Hindi nagtagal, nakilala niya ang isang lalaking nagbigay sa kanya ng sampung dolyar at ng isang sulat ng pagpapakilala sa isang taong nasa Toronto na nagngangalang John Taylor. Ginamit ni Parley ang pera para makasakay sa isang bapor patungo sa lunsod at hindi nagtagal ay nakarating siya sa tahanan ng mga Taylor.
Sina John at Leonora Taylor ay mga bata pa na mag-asawa mula sa England. Sa pakikipag-usap ni Parley sa kanila, nalaman niya na sila ay kabilang sa isang grupo ng mga Kristiyano sa lugar na hindi tinanggap ang anumang doktrina na hindi suportado ng Biblia. Nitong huli, nagdarasal at nag-aayuno sila na magpadala sa kanila ang Diyos ng isang sugo mula sa Kanyang tunay na simbahan.
Sinabi sa kanila ni Parley ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, ngunit hindi sila gaanong interesado rito. Kinaumagahan, iniwan niya ang kanyang bag sa bahay ng mga Taylor at nagpakilala sa mga ministro ng lunsod, umaasang hahayaan nila siyang mangaral sa kanilang mga kongregasyon. Pagkatapos ay kinausap ni Parley ang mga opisyal ng lunsod upang malaman kung pahihintulutan nila siyang magdaos ng isang pagpupulong sa hukuman o sa iba pang pampublikong lugar. Ang lahat ng kanyang kahilingan ay tinanggihan.
Pinanghihinaan ng loob, nagpunta si Parley sa isang malapit na kakahuyan at nagdasal. Pagkatapos ay bumalik siya sa bahay ng mga Taylor para kunin ang kanyang bag. Nang paalis na siya, pinigilan siya ni John at ibinahagi ang kanyang pagmamahal sa Biblia.16 “Ginoong Pratt,” ang sabi niya, “kung mayroon kang ipapangaral na anumang alituntunin, hinihiling ko sa iyo, kung magagawa mo, na suportahan ito ng mula sa talang iyon.”
“Sa tingin ko’y magagawa ko ang bagay na iyan,” sabi ng Parley. Tinanong niya si John kung naniniwala siya sa mga apostol at propeta.
“Oo,” sagot ni John, “dahil itinuturo sa akin ng Biblia ang lahat ng bagay na ito.”
“Itinuturo namin ang pagpapabinyag sa pangalan ni Jesucristo para sa kapatawaran ng mga kasalanan,” sabi ng Parley, “at ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo.”
“Ano naman ang tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon, at sa ilan sa inyong mga bagong paghahayag?” Tanong ni John.
Nagpatotoo si Parley na si Joseph Smith ay isang matapat na tao at isang propeta ng Diyos. “Tungkol naman sa Aklat ni Mormon,” sabi niya, “Makapagpapatotoo ako sa aklat na iyon na kasing lakas ng pagpapatotoo mo sa katotohanan ng Biblia.”17
Habang nag-uusap sila, narinig nina Parley at John si Leonora na nakikipag-usap sa isang kapitbahay na si Isabella Walton sa kabilang silid. “May isang ginoo dito na mula sa Estados Unidos na nagsasabing isinugo siya ng Panginoon sa lunsod para ipangaral ang ebanghelyo,” wika ni Leonora kay Isabella. “Ikinalulungkot kong kailangan ko siyang paalisin.”
“Sabihin mo sa dayuhan na maaari siyang manuluyan sa aking tahanan,” sabi ni Isabella. “Mayroon akong isang bakanteng silid at kama, at maraming pagkain.” Mayroon din siyang lugar na kung saan ay maaari mangaral si Parley sa kanyang mga kaibigan at mga kamag-anak sa gabing iyon. “Nadarama ko sa pamamagitan ng Espiritu na siya ay isinugo ng Panginoon na may mensahe na makabubuti sa atin,” sabi niya.18
Matapos sa kanyang pakikipag-usap kay Parley, sinimulan ni John Taylor na basahin ang Aklat ni Mormon at ihambing ang mga turo nito sa Biblia. Napag-aralan na niya ang mga doktrina ng ibang mga simbahan noon, ngunit natagpuan niya ang isang bagay na nakahihikayat sa Aklat ni Mormon at sa mga alituntuning itinuro sa kanya ng Parley. Ang lahat ng bagay ay malinaw at naaayon sa salita ng Diyos.
Kaagad na ipinakilala ni John si Parley sa kanyang mga kaibigan. “Narito ang isang lalaking dumating bilang sagot sa ating mga panalangin,” inihayag niya, “at sinasabi niyang itinatag ng Panginoon ang tunay na simbahan.”
“Ikaw ba ay magiging isang Mormon?” tanong ng isa sa kanya.
“Hindi ko alam,” sabi ni John. “Magsisiyasat ako at mananalangin na tulungan ako ng Panginoon. Kung may katotohanan sa bagay na ito, yayakapin ko ito—at kung may mali, ayaw kong magkaroon ng kinalaman dito.”19
Pagkaraan ng maikling panahon, sila ni Parley ay nagpunta sa isang kalapit na bayan, na ang pangunahing ikinabubuhay ay pagsasaka, kung saan nakatira ang mga kamag-anak ni Isabella Walton. Ang kaibigan ni John na si Joseph Fielding ay nakatira rin doon kasama ng kanyang mga kapatid na sina Mercy at Mary. Sila ay nagmula rin sa England at mayroong mga pananaw sa relihiyon na katulad ng sa mga Taylor.
Nang papalapit na ang sinasakyan nina John at Parley sa tahanan ng mga Fielding, nakita nila sina Mercy at Mary na tumakbo papunta sa bahay ng kapitbahay. Lumabas ang kanilang kapatid na lalaki at malamig na binati ang mga lalaki. Sinabi niyang mas nanaisin niyang hindi sila dumating. Ang kanyang mga kapatid na babae, at marami pang ibang mga tao sa bayan, ay ayaw silang marinig na mangaral.
“Bakit nila tinututulan ang Mormonismo?” tanong ni Parley.
“Hindi ko alam,” sabi ni Joseph. “Ang pangalan ay napakapangit pakinggan.” Sinabi niyang hindi sila naghahanap ng mga bagong paghahayag o anumang doktrina na salungat sa mga turo ng Biblia.
“Ah,” sabi ng Parley, “kung iyan lamang, kailangan nating kaagad na aalisin ang iyong mga maling palagay.” Sinabi niya kay Joseph na pabalikin sa bahay ang kanyang mga kapatid na babae. Alam niyang may isang pulong panrelihiyon sa bayan nang gabing iyon, at gusto niyang mangaral doon.
“Maghahapunan kami kasama ninyo at sama-sama tayong lahat na pupunta sa pulong,” sabi ng Parley. “Kung sumasang-ayon ka at ang inyong mga kapatid dito, pumapayag akong mangaral ng ebanghelyo ng lumang Biblia at huwag isama ang lahat ng mga bagong paghahayag na hindi umaayon dito.”20
Nang gabing iyon, umupo sina Joseph, Mercy, at Mary Fielding sa isang silid na puno ng mga tao at nabighani sa pangangaral ni Parley. Wala siyang sinabing anuman tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo o sa Aklat ni Mormon na sumasalungat sa mga turo ng Biblia.
Pagkatapos na pagkatapos nito, bininyagan ni Parley ang mga Taylor, Fielding, at ibang mga tao sa lugar na may sapat na bilang para mag-organisa ng isang branch. Ang mga pangako ng Panginoon sa basbas ni Heber ay nagsimula nang matupad, at nananabik na si Parley na makabalik kay Thankful. Kailangan na niyang bayaran ang ilan sa kanyang mga pagkakautang, at kinailangan pa niyang kumita ng pera para mabayaran ang mga ito.
Nang papaalis na si Parley patungong Kirtland, nakipagkamayan siya sa kanyang mga bagong kaibigan. Isa-isa silang nagpisil ng pera sa kanyang mga palad, na nagkakahalaga ng ilang daang dolyar. Sapat ito para mabayaran ang kanyang mga pinakakailangang bayarang pagkakautang.21
Nang dumating si Parley sa Kirtland, nakita niya na malusog si Thankful na isa pang katuparan sa mga ipinangako ng Panginoon. Pagkatapos mabayaran ni Parley ang ilang mga pagkakautang, nangalap siya ng mga polyeto at mga kopya ng Aklat ni Mormon at bumalik sa Canada upang magpatuloy sa kanyang misyon na kasama na ang kanyang asawa sa pagkakataong ito.22 Napagod sa paglalakbay si Thankful, at nang makita ng mga Banal sa Canada ang kanyang panghihina, nagduda sila kung sapat ang kanyang lakas para isilang ang anak na lalaking ipinangako sa basbas kay Parley. Gayunman hindi nagtagal pagkatapos niyon, inaabangan na nina Parley at Thankful ang pagsilang ng panganay nilang anak.23
Habang nasa malayo ang mga Pratt, inupahan ng kanilang mga kaibigang sina Caroline at Jonathan Crosby ang kanilang bahay sa Kirtland. Ang mga Crosby ay isang bata pa na mag-asawa na lumipat sa Kirtland ilang buwan bago ang paglalaan ng templo. Madalas silang makipagkita sa kanilang mga kaibigan upang sumamba, kumanta ng mga himno, o magsalu-salo.24
Nang natapos na ang templo, mas maraming Banal ang lumipat sa Kirtland. Maraming lupain sa lugar, ngunit ang karamihan dito ay hindi pa naisasaayos. Nagmadali ang mga Banal sa pagtatayo ng mas maraming bahay, madalas mula sa pangungutang dahil kakaunti ang pera sa komunidad. Ngunit sila ay hindi makagawa nang mabilis para mabigyan ng tirahan ang mga bagong dating, kaya ang mga matatag na pamilya ay madalas na nagbubukas ng kanilang tahanan para sa mga taong ito o pinapaupahan ang mga bakanteng kwarto.
Dahil mas kumakaunti na ang pabahay sa bayan, si John Boynton, isa sa mga apostol, ay lumapit sa mga Crosby para upahan ang bahay ng mga Pratt para sa kanyang pamilya. Nag-alok siya nang mas malaki kaysa sa binayaran nila sa mga Pratt.25
Napakalaki ng alok, at alam ni Caroline na magagamit nila ni Jonathan ang pera para matustusan ang pagtatayo ng kanilang bahay. Subalit nasisiyahan silang magsarili, at nagdadalantao ngayon si Caroline sa kanilang unang anak. Kung aalis sila sa bahay ng mga Pratt, kailangan nilang makisama sa isang matandang kapitbahay na si Sabre Granger na ang masikip na bahay ay may iisang kuwarto lamang.
Hiniling ni Jonathan kay Caroline na gawin ang pagdedesisyon tungkol sa paglipat. Ayaw lisanin ni Caroline ang kaginhawahan at ang luwang ng bahay ng mga Pratt, at nag-aatubili siyang makisama kay Sister Granger. Hindi niya labis na inaalala ang pera, kahit na talagang magagamit nila ito ni Jonathan.
Ngunit ang kabatiran na matutulungan nila ang malaking pamilya ng mga Boynton na magtipon sa Kirtland ay sapat na para sa maliit na sakripisyong kailangang gawin ni Caroline. Makalipas ang ilang araw, sinabi niya kay Jonathan na handa siyang lumipat.26
Sa huling bahagi ng Hunyo, sumulat sa propeta si William Phelps at ang iba pang mga lider ng simbahan sa Clay County para sabihin sa kanya na ipinatawag ng mga lokal na opisyal ang mga lider ng simbahan sa hukuman, kung saan tinalakay nila ang kinabukasan ng mga Banal sa kanilang county. Mahinahon at magalang na nagsalita ang mga opisyal, subalit hindi nag-iwan ng puwang para sa mga kompromiso ang kanilang mga salita.
Dahil ang mga Banal ay hindi na makabalik sa Jackson County, inirekomenda ng mga opisyal na sila ay maghanap ng bagong matitirhan—kung saan ay maaari silang magsarili. Pumayag na umalis ang mga lider ng simbahan sa Clay County sa halip na makipagsapalaran na muling magkaroon ng isa pang marahas na pagpapalayas.27
Ang balita ay dumurog sa pag-asa ni Joseph na makabalik sa Jackson County noong taong iyon, ngunit hindi niya masisisi ang mga Banal sa Missouri sa nangyari. “Mas nalalaman ninyo ang inyong kalagayan kaysa sa amin,” sulat niya, “at tiyak na ginabayan ng karunungan sa inyong desisyon kaugnay ng pag-alis sa bayan.”28
Dahil sa pangangailangan ng mga Banal sa Missouri ng bagong lugar na matitirhan, nadama ni Joseph ang mas matinding pangangailangan na maglikom ng pera para makabili ng mga lupain. Nagpasya siyang magbuksan ng isang tindahan ng simbahan malapit sa Kirtland at nanghiram ng mas maraming pera para makabili ng mga kalakal na ibebenta roon.29 Ang tindahan ay nagkaroon ng ilang tagumpay, ngunit sinamantala ng maraming Banal ang kabaitan at pagtitiwala ni Joseph, batid na hindi siya tatangging magpautang sa tindahan. Iginiit din ng ilan sa kanila na makipagpalitan ng kalakal para sa kung ano ang kailangan nila, kaya naging mahirap kumita ng pera mula sa mga kalakal.30
Sa katapusan ng Hulyo, ni ang tindahan o anumang bagay na sinubukan ng mga lider ng simbahan ay hindi nakabawas sa mga pagkakautang ng simbahan. Desperado, nilisan ni Joseph ang Kirtland kasama sina Sidney, Hyrum, at Oliver patungong Salem, isang lunsod sa Silangan Baybayin, pagkatapos marinig mula sa isang miyembro ng simbahan na alam niya kung saan makakahanap ng nakatagong pera. Wala silang nakuhang salapi mula rito nang makarating sila sa lunsod, at bumaling sa Panginoon si Joseph para humingi ng patnubay.31
“Ako, ang Panginoon ninyong Diyos, ay hindi nagagalit sa inyong paglalakbay na ito, sa kabila ng inyong mga kahangalan,” ang naging tugon. “Huwag balisahin ang inyong sarili tungkol sa inyong mga pagkakautang, sapagkat kayo ay aking bibigyan ng kakayahang mabayaran ang mga ito. Huwag balisahin ang inyong sarili tungkol sa Sion, sapagkat ako ay makikitungo sa kanya nang may awa.”32
Ang mga lalaki ay bumalik sa Kirtland pagkatapos ng humigit-kumulang isang buwan na patuloy na inaalala ang pananalapi ng simbahan. Subalit noong taglagas na iyon, iminungkahi ni Joseph at ng kanyang mga tagapayo ang isang bagong proyekto na maaaring makalikom ng perang kailangan para sa Sion.