Institute
Paalala tungkol sa Sources


“Paalala tungkol sa Sources,” Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

“Paalala tungkol sa Sources,” Mga Banal, Tomo 1

Paalala tungkol sa Sources

Ang tomong ito ay isang likhang pasalaysay na hindi kathang-isip na batay sa mahigit limandaang pinagkukunan (sources) ng kasaysayan. Lubos ang ginawang pag-iingat upang matiyak ang katumpakan nito. Ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw ay sumulat ng maraming liham, talaarawan, mga artikulo sa pahayagan, at talambuhay. Bunga nito, malaking bahagi ng kasaysayan ng Simbahan sa pagitan ng 1815 at 1846 ay kapansin-pansing maayos ang pagkakatala. Gayunpaman, hindi dapat kaagad ipagpalagay ng mga mambabasa na ang salaysay na ipinapakita rito ay ganap o kumpleto. Ang mga talaan ng nakaraan, at ang ating kakayahan na maipaliwanag ang mga ito sa kasalukuyan, ay limitado.

Lahat ng pinagmumulan ng kaalaman sa kasaysayan ay naglalaman ng mga laktaw, kalabuan, at pagkikiling. Karaniwang inilalahad lamang ng mga ito ang pananaw ng kanilang mga manunulat. Dahil dito, ang mga saksi ng mga parehong pangyayari ay dinanas, inalala, at isinulat ang mga ito sa magkakaibang paraan, at ang kanilang magkakaibang pananaw ay nagbigay-daan sa magkakaibang paraan ng pagbibigay-kahulugan sa kasaysayan. Ang hamon ng mga mananalaysay ay tipunin ang mga kilalang pananaw at pagtagpi-tagpiin ang tumpak na pag-unawa sa nakaraan sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri at interpretasyon.

Ang Mga Banal ay isang tunay na kuwento ng kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, batay sa ating nalalaman at nauunawaan sa kasalukuyan mula sa mga nanaig na talaan ng kasaysayan. Hindi ito ang tanging posibleng paglalahad ng banal na kasaysayan ng Simbahan, subalit lubos na kinilala ng mga iskolar na nagsaliksik, sumulat, at namatnugot ng tomong ito ang mga sources ng kasaysayan, mapag-alalang ginamit ang mga ito, at itinala ang mga ito sa mga endnote at listahan ng mga pinagkunan na binanggit. Inaanyayahan ang mga mambabasa na timbangin mismo nila ang mga pinagmumulan, na karamihan ay ginawa nang digital at naka-link sa mga endnote. Maaaring ang pagtuklas ng mga karagdagang mapagkukunan, o bagong babasahin tungkol sa mga umiiral na mga sanggunian, sa pagtagal ay magbibigay ng ibang kahulugan, pakahulugan, at ibang posibleng pananaw.

Ang salaysay sa Mga Banal ay kumukuha sa mga pangunahin at pangalawang pinagkukunan. Ang mga pangunahing mapagkukunan ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga pangyayari mula sa mga mismong taong nakasaksi ng mga ito. Ang ilang mga pangunahing mapagkukunan, tulad ng mga liham at talaarawan, ay isinulat noong panahon ng mga pangyayaring inilalarawan. Mababanaag sa mga kontemporaryong pinagkukunan ang nasasaisip ng mga tao, nadarama, at ginawa sa sandaling iyon, inihahayag kung paano nailarawan ang nakaraan noong kasalukuyan pa ito. Ang iba pang mga pangunahing mapagkukunan, tulad ng talambuhay, ay isinulat matapos ang mga pangyayari. Inilahad ng mga nakapagpapaalaalang babasahing ito kung ano ang kahulugan ng nakaraan sa manunulat sa paglipas ng panahon, madalas na nagiging mas maigi kung ihahambing sa mga kasalukuyang pinagkukunan sa pagkilala sa kahalagahan ng mga nakaraang pangyayari. Dahil umaasa sila sa alaala, gayunman, maaaring kasama sa mga nakapagpapaalaalang mapagkukunan ang mga kamalian at naiimpluwensiyahan ng kalaunang pang-unawa at paniniwala ng may-akda.

Ang mga pangalawang pinagkukunan ng kasaysayan ay naglalaman ng mga impormasyon mula sa mga taong hindi mismo nakasaksi ng mga pangyayaring inilarawan. Kasama kalaunan ng mga ganitong pinagkukunan ang mga kasaysayan ng mga pamilya at pang-akademikong gawain. May pagkakautang ang tomong ito sa maraming ganitong uri ng mga pinagkukunan, na naging kapaki-pakinabang para sa mas malawak na kontekstuwal at nagpapaliwanag na gawaing kanilang ibinigay.

Ang bawat pinagkukunan sa Mga Banal ay sinuri para sa kredibilidad, at ang bawat pangungusap ay paulit-ulit na sinuri para sa masigurong nakaayon sa mga pinagkukunan. Ang mga linya ng mga diyalogo at iba pang mga sipi ay galing mismo sa mga makasaysayang pinagkukunan, salita sa bawat salita. Ang pagbabaybay, pagsulat sa malaking titik, at pagbabantas sa tuwirang sipi ay ginawang moderno upang maging malinaw. Sa mga bihirang pagkakataon, ang mga mas makabuluhang mga pagbabago, tulad ng pag-iiba-iba mula sa pangnagdaang panahunan patungo sa pangkasalukuyan o pagsunod sa pamantayan ng balarila, ay isinagawa sa mga sipi upang mas madaling basahin ang mga ito. Sa ganitong mga sitwasyon, inilalarawan ng mga endnote ang mga pagbabagong ginawa. Ang mga pagpili sa mga pinagkukunan na gagamitin at kung paano gagamitin ang mga ito ay ginawa ng isang pangkat ng mga mananalaysay, manunulat, at patnugot na nagbatay ng mga desisyon kapwa sa katapatan sa kasaysayan at kalidad ng panitikan.

Halimbawa, ang talambuhay ni Lucy Mack Smith, ay isang mahalagang pinagkukunan para sa mga unang kabanata ng tomong ito. Isinulat ito ni Lucy sa pagitan ng 1844 at 1845 sa edad na animnapu’t siyam, sa tulong ni Martha Jane Knowlton Coray at asawa ni Martha na si Howard. Bilang nakapagpapaalalang pinagkukunan, ang kasaysayan ni Lucy ay hindi malaya sa kamalian, subalit natanto na ito ay maaasahan sa pangkalahatan. Ginamit ito sa tomong ito nang may tamang paghatol at karaniwang binanggit sa mga pangyayari na nasaksihan ni Lucy. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kasaysayang ito, tingnan sa “Lucy Mack Smith” sa saints.lds.org.

Ilang kumakalabang pinagkukunan ay ginamit upang isulat ang tomong ito at binanggit sa mga tala. Ang mga pinagkukunang ito ay ginamit sa pangunahing kadahilanan na maipakilala ang naunang oposisyon sa Simbahan. Bagama’t sumasalungat sa malaking antas kina Joseph Smith at sa Simbahan, ang mga dokumentong ito ay naglalaman kung minsan ng mga detalye na hindi naitala kahit saan. Ang ilan sa mga detalyeng ito ay ginamit nang kinumpirma ng iba pang talaan ang kanilang pangkalahatang katumpakan. Ang mga impormasyong mula sa mga sumasalungat na talaang ito ay ginamit nang hindi ginagamit ang kanilang pasalungat na interpretasyon.

Bilang isang pasalaysay na kasaysayan na isinulat para sa pangkalahatang mambabasa, ipinapakita ng tomong ito ang batayang kasaysayan ng Simbahan sa isang maliwanag at madaling maabot na ayos. Bagaman ginagamit ang mga pamamaraan ng popular na pagkukuwento, hindi ito lumalampas sa mga impormasyon na matatagpuan sa mga pangkasaysayang pinagkukunan. Kapag kasama rin sa teksto maging ang maliliit na detalye, tulad ng ekspresyon ng mukha o kondisyon ng panahon, ito ay dahil ang mga detalye ay matatagpuan sa o makatwirang nahinula mula sa tala ng kasaysayan.

Upang mapanatili ang pagiging madaling mabasa ng salaysay, bihirang binabanggit ng tomong ito ang mga hamon sa tala ng kasaysayan sa mismong teksto nito. Sa halip, dinadala nito ang gayong mga talakayang batay sa pinagkukunan sa mga sanaysay tungkol sa mga paksa sa saints.lds.org. Hinihikayat ang mga mambabasa na konsultahin ang mga sanaysay na ito habang kanilang pinag-aaralan ang kasaysayan ng Simbahan.