Institute
1 Humiling nang May Pananampalataya


“Humiling nang May Pananampalataya,” kabanata 1 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 1: “Humiling nang May Pananampalataya”

Kabanata 1

Humiling nang May Pananampalataya

Bundok ng Tambora

Noong 1815, ang isla ng Sumbawa sa Indonesia ay sagana at luntian dahil sa mga pag-ulan. Naghahanda noon ang mga pamilya para sa darating na tagtuyot, tulad ng kanilang nakagawian sa bawat henerasyon, nagsasaka sila sa mga palayan sa paanan ng bulkang Tambora.

Noong Abril 5, matapos ang ilang dekadang pagkakahimbing, galit na gumising ang bulkan, bumuga ng abo at apoy. Ilang daang milya mula roon, ang mga saksi ay nakarinig ng tunog na tila putok ng isang kanyon. Nagpatuloy nang ilang araw ang mahihinang pagputok ng bulkan. At sa gabi ng Abril 10, tuluyang sumabog ang bulkan. Tatlong linya ng apoy ang pumailanlang sa kalangitan, nagsanib at sumabog nang napakalakas. Dumaloy ang nagbabagang likido pababa mula sa bulkan, at nilamon ang nayon sa paanan nito. Malalakas na hampas ng hangin ang rumagasa sa buong lugar, binunot ang mga puno at tinangay ang mga kabahayan.1

Patuloy ang kaguluhan buong gabi at umabot hanggang kinabukasan. Natabunan ng abo ang milya-milyang lupain at karagatan na umabot nang hanggang dalawang talampakan sa ilang lugar. Tila naging hatinggabi ang katanghalian. Galit na dumagundong ang dagat sa mga dalampasigan, sinira ang mga pananim at nilunod ang mga kanayunan. Sa loob ng ilang linggo, nagbuga ng mga abo, mga bato, at apoy ang Tambora.2

Sa mga sumunod na buwan, nadama ng buong mundo ang bunga ng pagputok ng bulkan. Ang mga kagila-gilalas na takipsilim ay ikinamangha ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo. Subalit sa likod ng matitingkad na kulay nito ay ang nakamamatay na epekto ng mga abo ng bulkan sa pagkalat nito sa iba’t-ibang panig ng mundo. Sa sumunod na taon, naging pabagu-bago at mapaminsala ang panahon.3

Ang pagputok ng bulkan ay nagdulot ng pagbaba ng temperatura sa bansang India, at ang kolera ay kumitil ng libu-libong tao, at ng mga pamilya. Sa matabang lupa ng mga lambak sa Tsina, ang karaniwang banayad na klima ay napalitan ng mga bagyo sa tag-init at sinira ng mga pagbaha na dulot ng pag-ulan ang mga pananim. Sa Europa, nangaunti ang mga pagkain, na nagdulot ng taggutom at matinding takot.4

Sa lahat ng dako, ang mga tao ay humanap ng mga kasagutan sa mga pagdurusa at kamatayang idinulot ng kakaibang panahon. Ang mga dasal at mga awit ng mga banal na tao ay palaging maririnig sa mga templong Hindu sa India. Ang mga makatang Tsino ay nahirapang humanap ng sagot sa kanilang mga tanong tungkol sa kapighatian at kamatayan. Sa Pransya at Britanya, ang mga mamamayan ay nagsiluhod, natatakot na mangyari sa kanila ang mga mapaminsalang kalamidad na ipinropesiya sa Biblia. Sa Hilagang Amerika, ipinangaral ng mga ministro na pinaparusahan ng Diyos ang mga suwail na Kristiyano, at muli’t-muling nagbabala upang paigtingin ang interes ng tao sa relihiyon.

Sa buong kalupaan, dumagsa ang maraming tao sa mga simbahan at sa mga revival meeting sa hangad na malaman kung paano sila maliligtas mula sa mangyayaring delubyo.5


Ang pagputok ng Tambora ay nakaapekto sa klima sa Hilagang Amerika hanggang sa sumunod na taon. Natapos ang tagsibol at pumalit ang pag-ulan ng niyebe at nakamamatay na lamig, at ang taong 1816 ay maalaala bilang taon na walang tag-araw.6 Sa Vermont, sa hilagang-silangang bahagi ng Estados Unidos, ang mababatong burol ay naging balakid sa isang magsasakang nagngangalang Joseph Smith Sr. sa loob ng ilang taon. Ngunit sa panahong iyon, habang minamasdan niya at ng kanyang asawang si Lucy Mack Smith ang kanilang mga pananim na nabubulok sa patuloy na pag-ulan ng niyebe, batid nilang haharapin nila ang matinding pagkalugi at isang kinabukasang walang katiyakan kung mananatili sila sa lugar na iyon.

Sa edad na apatnapu’t lima, hindi na bata si Joseph, Sr. at ang ideya na muling magsimula sa bagong lugar ay nagdulot ng pangamba. Batid niyang ang kanyang mas matatandang anak, ang labingwalong-taong gulang na si Alvin at ang labing-anim na taong gulang na si Hyrum, ay tutulungan siya sa paghawan ng damo sa bukirin, pagtayo ng bahay, at sa pagtatanim at pag-aani ng pananim. Ang kanyang labingtatlong taong gulang na anak, si Sophronia, ay nasa tamang edad na upang tulungan si Lucy sa kanyang mga gawain sa bahay at sa bukid. Ang kanyang mga mas batang anak, ang walong taong gulang na si Samuel at ang limang taong gulang na si William, ay mas nakakatulong na, at ang kanyang tatlong taong gulang na si Katharine at bagong silang na si Don Carlos ay makakatulong din kapag nasa tamang edad na sila.

Ngunit ang kanyang gitnang anak, ang sampung taong gulang na si Joseph Jr., ay may kakaibang kalagayan. Apat na taon na ang nakalilipas, sumailalim si Joseph Jr. sa isang operasyon upang alisin ang impeksyon sa kanyang binti. Mula noon ay naglakad na ito nang nakasaklay. Bagama’t lumalakas na ang kanyang binti, makirot pa rin ito kaya paika-ika ang lakad ni Joseph Jr., at hindi matiyak ni Joseph Sr. kung lalaki siyang kasing-lakas nina Alvin at Hyrum.7

Lubos ang tiwalang maaasahan nila ang isa’t-isa, nagdesisyon ang mga Smith na lisanin ang kanilang tahanan sa Vermont para sa mas magandang lupain.8 Tulad ng marami sa kanilang lugar, nagpasiya si Joseph Sr. na pumunta sa estado ng New York na kung saan ay umasa siyang makakita ng magandang sakahan na mabibili nila nang hulugan. Pagkatapos ay pasusunurin niya si Lucy at ang mga bata, at muling makapagsisimula ang pamilya.

Sa pag-alis ni Joseph Sr. patungong New York, inihatid siya nina Alvin at Hyrum bago magpaalam. Mahal ni Joseph Sr. ang kanyang asawa at mga anak, ngunit hindi niya nagawang bigyan sila ng katatagan sa buhay. Ang kamalasan at hindi naging matagumpay na pamumuhunan ang naging dahilan kaya nanatiling maralita at walang permanenteng tirahan ang pamilya. Marahil ay iba ang magiging kapalaran nila sa New York.9


Noong sumunod na taglamig, sinuong ni Joseph Jr. ang niyebe kasama ang kanyang ina at mga kapatid. Patungo sila sa isang nayon sa New York na nagngangalang Palmyra, malapit sa lugar kung saan nakakita ng magandang sakahan si Joseph Sr. at naghihintay sa kanyang pamilya.

Dahil hindi makakatulong si Joseph Sr. sa paglilipat, minarapat ni Lucy na upahan ang lalaking nagngangalang Ginoong Howard upang patakbuhin ang kanilang bagon. Habang nasa daan, pabayang ginawa ni Ginoong Howard ang kanyang trabaho at agad isinugal at pinang-inom ang perang ibinayad nila sa kanya. At nang makasama nila ang isa pang pamilyang naglalakbay patungong kanluran, pinaalis ni Ginoong Howard si Joseph Jr. sa bagon upang maisakay niya ang mga anak na babae ng kabilang pamilya.

Batid kung gaano kahirap at kasakit para kay Joseph Jr. ang maglakad, makailang-ulit na sinubukang ipaglaban nina Alvin at Hyrum si Joseph kay Ginoong Howard. Subalit sa bawat pagkakataon ay nagagawa niyang pigilan ang mga ito gamit ang hawakan ng kanyang latigo.10

Kung mas matanda lamang siya, marahil ay si Joseph na mismo ang lalaban kay Ginoong Howard. Balakid man ang kanyang binti upang makapaglaro at makapagtrabaho, ang kanyang matibay na loob ang nagpalakas sa kanyang mahinang katawan. Bago inoperahan ng mga doktor ang kanyang binti at inalis ang naimpeksyong bahagi ng kanyang buto, nais nilang itali siya o painumin siya ng alak upang mapahupa ang sakit. Ngunit si Joseph ay humiling lamang na hawakan siya ng kanyang Ama.

Gising at alerto siya habang inoopera, maputla ang mukha at tagaktak ang pawis. Ang kanyang ina, na karaniwang matibay ang loob, ay muntik nang hinimatay nang narinig ang kanyang pagsigaw. Pagkatapos noon, pakiwari ni Lucy ay kaya na niyang tiisin ang anuman.11

Habang paika-ikang sumasabay sa bagon si Joseph, nakikita niya ang pagtitiis ng kanyang ina sa mga ginagawa ni Ginoong Howard. Dalawandaang milya na ang kanilang nalakbay at napakahaba na ng pagpapasensya ni Lucy sa masamang ugali ng lalaking ito.


Mga isandaang milya mula sa Palmyra, naghahanda si Lucy para sa isa na namang araw ng paglalakbay nang makita niyang patakbong lumalapit sa kanya si Alvin. Itinapon ni Ginoong Howard ang kanilang mga gamit at damit sa daan at balak nang umalis dala ang kanilang mga kabayo at bagon.

Natagpuan ni Lucy ang lalaki sa bar. “At dahil may Diyos sa langit,” wika niya, “ang bagon na iyon at ang mga kabayo at maging ang mga bagay na naroon ay akin.”

Luminga-linga siya sa bar. Puno ito ng mga lalaki at babae, karamihan sa kanila ay mga manlalakbay ring tulad niya. “Ang lalaking ito,” sabi niya, na sinalubong ang kanilang tingin, “ay determinadong kunin mula sa akin ang lahat ng kailangan ko upang maipagpatuloy ang aking paglalakbay, at iiwanan akong may walong bata na naghihikahos.”

Sinabi ni Ginoong Howard na nagastos na niya ang perang ibinayad sa kanya ni Lucy upang patakbuhin ang bagon, at hindi na siya makapagpapatuloy pa.

“Wala kang silbi sa akin,” sabi ni Lucy. “Ako na mismo ang magpapatakbo ng bagon.”

Iniwan niya si Ginoong Howard sa bar at isinumpang makakasamang muli ng kanyang mga anak ang kanilang ama, anuman ang mangyari.12


Ang daan ay maputik at malamig, ngunit ligtas na nadala ni Lucy ang kanyang pamilya patungo sa Palmyra. Habang minamasdan niya ang kanyang mga anak na mahigpit na yumayakap sa kanilang ama at hinahagkan ang mukha nito, pakiramdam niya ay biniyayaan siya para sa lahat ng hirap na kanyang pinagdaanan upang makarating doon.

Agad na umupa ang pamilya ng isang maliit na bahay sa kabayanan at pinag-usapan kung paano sila magkakaroon ng sariling sakahan.13 Ang pinakamainam na paraan, na kanilang napagkasunduan, ay magtrabaho hanggang makaipon sila ng sapat na halaga para sa paunang-bayad sa lupa sa kalapit na kakahuyan. Sina Joseph Sr. at kanyang mga mas nakatatandang anak na lalaki ay naghukay ng balon, nagsibak ng kahoy na gagamitin sa paggawa ng mga bakod, at nag-ani ng mga dayami para kumita ng pera, habang sina Lucy at ang mga anak na babae ay gumawa at nagbenta ng mga empanada, root beer, at mga damit na pinalamutian upang makabili ng pagkain para sa pamilya.14

Habang lumalaki si Joseph Jr., mas lumalakas na ang kanyang binti at madali na siyang nakakapaglakad sa Palmyra. Sa bayan, nakasalamuha niya ang mga tao mula sa buong rehiyon, at marami sa kanila ay bumabaling sa relihiyon upang matugunan ang kanilang espirituwal na pagkauhaw at maipaliwanag ang mga kahirapan sa buhay. Si Joseph at ang kanyang pamilya ay hindi kasapi ng anumang simbahan, ngunit marami sa kanilang kapitbahay ay sumasamba sa isa sa malapit na chapel ng mga Presbyterian, sa meetinghouse ng mga Baptist, sa bulwagan ng Quaker, o sa campground kung saan ang mga naglalakbay na mga mangangaral na Methodist ay paminsan-minsang nagdaraos ng mga revival meeting.15

Noong labindalawang-taong gulang si Joseph, ang mga pagtatalu-talo tungkol sa relihiyon ay laganap na sa Palmyra. Bagama’t hindi siya mahilig magbasa, hilig niyang pag-isipan nang malalim ang tungkol sa mga ideya. Nakinig siya sa mga mangangaral, umaasang may matutuhan pa tungkol sa kanyang imortal na kaluluwa, ngunit ang kanilang mga sermon ay karaniwang nagdudulot sa kanya ng pagkabalisa. Sinabi nila na siya ay makasalanan sa isang makasalanang mundo, at walang magagawa kung wala ang mapagpalang biyaya ni Jesucristo. At bagama’t naniniwala si Joseph sa mensahe at ikinalungkot ang mga nagawa niyang kasalanan, hindi niya alam kung paano hihingi ng kapatawaran.16

Inisip niya na makakatulong sa kanya ang pagsisimba, ngunit hindi siya makapagpasiya kung saan talaga siya sasamba. Ang iba’t-ibang simbahan ay walang-katapusang pinagtatalunan kung paano makaliligtas ang mga tao mula sa kasalanan. Matapos niyang makinig sa mga pagtatalong ito, nabagabag si Joseph na makakita ng mga taong pareho lang ang binabasang Biblia ngunit may kani-kanyang pagkaunawa sa mensahe nito. Naniniwala siyang ang katotohanan ng Diyos ay nariyan lamang, ngunit hindi niya alam kung saan ito hahanapin.17

Maging ang kanyang mga magulang ay nag-aalangan din. Nagmula sa mga pamilyang Kristiyano sina Lucy at Joseph Sr., at naniniwala sila sa Biblia at kay Jesucristo. Dumadalo sa mga pulong ng simbahan si Lucy at kadalasang isinasama niya rito ang kanyang mga anak. Hinahanap niya ang tunay na simbahan ni Jesucristo mula nang namatay ang kanyang kapatid maraming taon na ang nakararaan.

Minsan, matapos magkasakit nang malubha ilang araw bago isilang si Joseph, siya ay natakot na mamamatay siya bago mahanap ang katotohanan. Nakadama siya ng isang madilim at mapanglaw na puwang sa pagitan niya at ng Tagapagligtas, at alam niya na siya ay hindi handa para sa susunod na buhay.

Gising na nakahiga buong gabi, nanalangin siya sa Diyos, nangangako sa Kanya na kung hahayaan Niya siyang mabuhay, hananapin niya ang Simbahan ni Jesucristo. Habang siya ay nagdarasal, ang tinig ng Panginoon ay nagsalita sa kanya, tinitiyak sa kanya na kung siya ay hihingi, masusumpungan niya ito. Binisita niya ang iba pang mga simbahan noon, ngunit hindi pa rin niya natagpuan ang nararapat. Kahit na pakiramdam niya ay wala sa mundo ang simbahan ng Tagapagligtas, patuloy siyang naghanap, naniniwala na ang pagsisimba ay mas nakabubuti kaysa sa hindi magsimba.18

Tulad ng kanyang asawa, naghahangad si Joseph Sr. para sa katotohanan. Subalit para sa kanya, mas mabuti pang huwag magsimba kaysa magsimba sa maling simbahan. Sinusunod ang payo ng kanyang ama, si Joseph Sr. ay naghanap sa mga banal na kasulatan, masigasig na nagdasal, at naniwalang si Jesucristo ay tunay ngang dumating upang iligtas ang mundo.19 Subalit hindi niya mapagtugma ang mga nadama niyang totoo sa kaguluhan at pagtatalo na nakita niya sa mga simbahan na nasa paligid niya. Isang gabi ay napanaginipan niya na ang mga nagtatalong mangangaral ay parang mga baka, umuunga habang hinuhukay ang lupa gamit ang kanilang mga sungay, na nagpalalim ng kanyang alalahanin na kaunti lamang ang kanilang alam tungkol sa kaharian ng Diyos.20

Lalo lamang nalito si Joseph Jr.habang nakikita niyang hindi nasisiyahan sa mga lokal na simbahan ang kanyang mga magulang.21 Ang kapakanan ng kanyang kaluluwa ang siyang nakataya, ngunit walang makapagbigay sa kanya ng kapani-paniwalang sagot.


Matapos mag-impok ng pera nang mahigit isang taon, ang mga Smith ay mayroon nang sapat na halaga upang makapagbigay ng paunang-bayad sa isandaang acre ng kagubatan sa Manchester, sa bandang timog ng Palmyra. Doon, maliban sa pagtatrabaho bilang swelduhang magbubukid, kumukuha sila ng maple syrup mula sa mga puno ng maple, nagtatanim ng mga punong namumunga, at naghahawan ng mga damo sa mga bukirin upang mapagtamnan ito.22

Habang siya ay tumutulong sa bukirin, patuloy na nag-aalala si Joseph tungkol sa kanyang mga kasalanan at kapakanan ng kanyang kaluluwa. Pumayapa na ang religious revival sa Palmyra, subalit patuloy pa rin sa kanilang kumpetisyon ang mga mangangaral para sa mga nagbabalik-loob doon at sa buong rehiyon.23 Araw at gabi, minasdan ni Joseph ang araw, buwan, at mga bituin na nagsisigalaw sa kalangitan ayon sa pagkakaayos at karingalan ng mga ito at hinangaan ang kagandahan ng mundong puno ng sigla at buhay. Minasdan niya rin ang mga tao sa kanyang paligid at namangha sa lakas at katalinuhan nila. Lahat ay tila nagsisilbing saksi na buhay ang Diyos at nilikha ang tao ayon sa Kanyang larawan. Ngunit paano Siya makakausap ni Joseph?24

Sa tag-araw ng 1819, noong labintatlong taong gulang pa lamang si Joseph, nagtipon ang mga mangangaral na Methodist para sa isang kumperensya ilang milya ang layo mula sa sakahan ng mga Smith at nagtungo sa mga bukirin upang hikayatin ang mga pamilya tulad ng pamilya ni Joseph na magbalik-loob. Ang tagumpay ng mga mangangaral na ito ay nagdulot ng pangamba sa ibang mga ministro sa lugar, at hindi naglaon ay tumindi ang kumpitensya sa kung sino ang makapaghihikayat sa mga tao na magbalik-loob.

Dumalo sa mga pulong si Joseph, nakinig sa mga makabagbag-damdaming sermon, at nasaksihan ang mga nagbabalik-loob na sumisigaw sa kaligayahan. Gusto niyang sumigaw kasama nila, ngunit madalas niyang nararamdaman na nasa gitna siya ng digmaan ng mga salita at mga ideya. “Sino sa lahat ng pangkat na ito ang tama; o, lahat ba sila ay pare-parehong mali?” tanong niya sa kanyang sarili. “Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman?” Batid niyang kailangan niya ang biyaya at awa ni Cristo, ngunit sa dami ng tao at mga simbahan na pinagtatalunan ang mga katanungan tungkol sa relihiyon, hindi niya alam kung saan ito matatagpuan.25

Ang pag-asa na matatagpuan niya ang mga kasagutan—at kapayapaan para sa kanyang kaluluwa—ay tila lumalayo sa kanya. Inisip niya kung paano magagawa ninuman na mahanap ang katotohanan sa gitna ng napakaraming ingay.26


Habang nakikinig ng sermon, narinig ni Joseph ang isang ministro na nagbasa mula sa unang kabanata ni Santiago sa Bagong Tipan. “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo,” sabi niya, “ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”27

Umuwi si Joseph at binasa ang talata sa Biblia. “Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito.” naalala niya kalaunan. “Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito, nalalaman na kung may tao mang nangangailangan ng karunungan mula sa Diyos, ako yaon.” Naghanap na siya noon ng sagot sa Biblia na para bang hawak nito ang lahat ng mga kasagutan. Ngunit ngayon ay sinasabi sa kanya ng Biblia na maaari siyang humingi mismo sa Diyos ng mga kasagutan para sa kanyang mga katanungan.

Nagdesisyon si Joseph na magdasal. Hindi pa siya nakakapagdasal nang malakas noon, ngunit nagtiwala siya sa pangako ng Biblia. “Humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan,” ang itinuro nito.28 Maririnig ng Diyos ang kanyang mga tanong—kahit asiwang masasambit ang mga ito.

Mga Tala

  1. Raffles, “Narrative of the Effects of the Eruption,” 4–5, 19, 23–24.

  2. Raffles, “Narrative of the Effects of the Eruption,” 5, 7–8, 11.

  3. Wood, Tambora, 97.

  4. Wood, Tambora, 78–120; Statham, Indian Recollections, 214; Klingaman at Klingaman, Year without Summer, 116–18.

  5. Wood, Tambora, 81–109; Klingaman and Klingaman, Year without Summer, 76–86, 115–20.

  6. Klingaman at Klingaman, Year without Summer, 48–50, 194–203.

  7. Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 131; Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 2, [11]–book 3, [2]. Topic: Joseph Smith’s Leg Surgery

  8. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [3]; Stilwell, Migration from Vermont, 124–50.

  9. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [4]; Bushman, Rough Stone Rolling, 18–19, 25–28. Topic: Joseph Sr. and Lucy Mack Smith Family

  10. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [5]; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 131–32.

  11. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [2]; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 131.

  12. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [5]–[6]; Lucy Mack Smith, History, 1845, 67; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 132. Topic: Lucy Mack Smith

  13. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [6]–[7].

  14. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [7]; Tucker, Origin, Rise, and Progress of Mormonism, 12. Topic: Joseph Sr. and Lucy Mack Smith Family

  15. Cook, Palmyra and Vicinity, 247–61. Topics: Palmyra and Manchester; Christian Churches in Joseph Smith’s Day

  16. Joseph Smith History, circa Summer 1832, 1–2, in JSP, H1:11–12.

  17. Joseph Smith—History 1:5–6; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, [1]–2, in JSP, H1:208–10 (draft 2). Topic: Religious Beliefs in Joseph Smith’s Day

  18. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 2, [1]–[6]; “Records of the Session of the Presbyterian Church in Palmyra,” Mar. 10, 1830.

  19. Asael Smith na “My Dear Selfs,” Abr. 10, 1799, Asael Smith, sulat at Genealogy Record, 1799, circa 1817 – 46, Church History Library.

  20. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, miscellany, [5]; Anderson, Joseph Smith’s New England Heritage, 161–62.

  21. Joseph Smith—History 1:8–10; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 2, in JSP, H1:208–10 (draft 2). Topic: Religious Beliefs in Joseph Smith’s Day

  22. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 3, [8]–[10]; Joseph Smith History, circa Summer 1832, 1, sa JSP, H1:11. Topic: Sacred Grove and Smith Family Farm

  23. Topic: Awakenings and Revivals

  24. Mga Gawa 10:34–35; Joseph Smith History, circa Summer 1832, 2, sa JSP, H1:12.

  25. Neibaur, Journal, May 24, 1844, available at josephsmithpapers.org; Joseph Smith—History 1:10; Joseph Smith, “Church History,” Times and Seasons, Mar. 1, 1842, 3:706, in JSP, H1:494.

  26. Joseph Smith, Journal, Nov. 9–11, 1835, in JSP, J1:87; Joseph Smith—History 1:8–9; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 2, in JSP, H1:210 (draft 2).

  27. “Wm. B. Smith’s Last Statement,” Zion’s Ensign, Jan. 13, 1894, 6; James 1:5.

  28. Joseph Smith—History 1:11–14; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 2–3, in JSP, H1:210–12 (draft 2); James 1:6.